Jan 30, 2009

Libre Mangarap, Pero Kailangang Tumaya

14 na lasing
Tinawagan ako ng isa kong katrabaho. Kung wala daw akong masyadong ginagawa ay pakiayos naman daw ng kompyuter niya. Irepormat ko na daw dahil masyado ng madaming bayrus ang kumakalat dun. Pumasok ako para gawin ang pinakikiusap niya. Noong nakaraang araw, inayos ko din ang kompyuter ng isa ko pang kasamahan. Ako din ang nag-set-ap ng isa pang kompyuter para sa bagong empleyado ng opisina. At habang nirerepormat ko ang kompyuter ng nakiusap sa akin, naisipan ko munang magpatugtog.

Napansin kong walang naka-instol na Audio Driver sa kompyuter na ginagamit ko. Ako pa rin ang nag-instol dun. Bakit ba lagi na lang ako? Ako! Ako at ako. Eh hindi naman ako si Tolits! Kapag may nasira, ako ang tatawagin. Kapag may problema sa pi-si, ako ang hahanapin. Tsk! Trabaho ko ba ang ayusin ang mga iyon? Ay, isa nga pala akong IT sa pinapasukan ko. Tama pala, trabaho ko nga 'yun. Wala pala akong karapatan magreklamo.

Habang inaayos ko ang pi-si ng kasama ko, nag-isip-isip na lang ako. 'Yun lang naman ang pinakamasarap kong libangan eh. Ang mag-isip. Mahirap mag-isip kung walang pumapasok sa utak mo. Pero mas mahirap mag-isip kung wala ka naman talagang isip. 'Yun ang isipin mo.

Pangarap. Nag-isip na lang ako ng mga pangarap ko. Mga gusto kong mangyari sa buhay ko. Medyo madami. Pero kaya ko pa naman sigurong isa-isahin. Gusto kong magkaroon ng malaking bahay. Para dun ko patitirahin ang pamilya ko. Gusto kong yumaman para hindi na ako mamroblema sa pera at para makabili ng malaking bahay. Gusto kong magkaroon ng sariling negosyo para dun ako yayaman para makabili ng malaking bahay. Gusto kong maka-ipon ng malaki para makapagsimula ng negosyo para dun ako yayaman at para makabili ng malaking bahay. Gusto kong magkaroon ng magandang trabaho na may maayos na kita para maka-ipon ako ng malaki, para makapagsimula ng negosyo, para dun ako yayaman at para makabili ng malaking bahay. Gusto kong tulungan ang mga kapatid ko na maging maayos ang kinabukasan. Gusto kong magkaroon ng magandang edukasyon ang mga pamangkin ko. At makabili ng malaking bahay.

(Biglang tutugtog ang kanta ng Kamikazee. Ambisyoso)

Libre lang mangarap
Walang hanggan na pag-hiling

Libre lang mangarap

Managinip ka habang gising


Madami pa akong gusto. Pero dahil nga sa pangarap lang ito, hindi tayo sigurado kung makukuha natin 'yung mga gusto natin. Ang pangarap ay limampung porsiyento na posibleng matupad, at limampung porsiyento naman ang hindi. Mababalewala lang ang pangarap mo kung hindi mo naman sasamahan ng pagsisikap. Pero kahit na nasa kalahati lamang ang posibilidad na matupad ito, isusugal ko ang kalahating iyon para magbakasakaling matupad. Hindi ako matatakot kung sakaling pumanig sa akin 'yun kalahati na negatibo dahil alam ko namang sinubukan kong abutin ang pangarap na iyon.

(Sa parteng ito naman, biglang tutugtog ang kanta ng Parokya ni Edgar. Ted Hannah)

Para 'kong tanga, di ko man lang naisip
Na ang pangarap ay maninitiling panaginip
Kung wala akong gawin upang makamtan ka
Paano ka tatama kung di ka tataya

Pero sa mga nabanggit kong pangarap, bakit hindi ko nabanggit ang tungkol sa aking leading lady? Wala ba akong pangarap para sa kanya? Wala nga, hindi siya kasama sa pangarap ko. Nabanggit ko kanina. 50% ang positibo at 50% ang negatibo. Huwag ninyong isipin na natatakot akong isugal ang leading lady ko. Dahil kahit isang porsiyento 'yan, isusugal ko pa rin. Pero wala akong dahilan para isama siya sa pangarap ko. Bakit?

Dahil ang leading lady na tinutukoy ko. Ay hindi na isang pangarap. Siya ang pinangarap ko noon, pero sumugal ako para makuha lang siya. Kahit hindi ako sigurado na manalo sa sugal kong iyon, inilaban ko ang lahat ng meron ako. Manalo lamang ako para sa kanya. Ayokong lalo lang siyang mawala na wala naman akong ginagawa. Ang leading lady ko ngayon, siya ang napanalunan ko sa pagsugal ko. Nasa akin na siya, kaya hindi na siya isang pangarap lang.

(Tuluy-tuloy lang ang kanta ng Ted Hannah ng Parokya ni Edgar)

At pa'no kung hindi ako naakit ng tadhana
Eh di sana ay hindi ako ang iyong sinisinta
'di kaya sayang naman kung 'di ko man lang susulitin
Ang alay na babae ng tadhana para sa kin

Hindi siya kasama sa lahat ng pangarap ko. Dahil siya, si Loraine, Aning, Meann (isang babae lang 'yan) at kung anu-ano pang tawag sa kanya, ang magiging kasama ko. Magiging kasama ko para matupad ang lahat ng pangarap ko.

Mahirap pala ang magsulat ng seryoso, pero masarap naman sa pakiramdam kung mailalabas ito. Nagpapasalamat ako dahil sa kanya. Dahil dumating siya sa buhay ko. Ito ang post ko para sa araw na ito. Hindi ko na kailangang hintayin pa ang Araw ng mga Puso para sabihin ito sa kanya.
......

Basahin ang kabuuan nito...

Jan 28, 2009

Bawal Maging Tamad!

13 na lasing
Alas-nuwebe ng umaga. Sa ganitong oras, dapat mahimbing na o nagsisimula na akong matulog. Pagod sa mga kalokohan at walang kwentang gawain. Naisipan ko munang dalawin ang ating si Batanggero. Nasilip ko ang kahuli-hulihang entri na naisulat ko dito. Ika-24 ng Enero. 'Yan ang petsa kung kailan ko isinulat ang huling blagpows ko.


Eh ano ngayon? Ngayon? Ngayon ay ika-28 na ng Enero. Apat na araw na palang nilalangaw ang tagayan-blag na ito. Matapos mag-inuman dito, hindi man lang niligpit ang mga kalat kaya nilangaw ng ganito. At matapos ang inuman na iyon, bagsak na lang sa kama dahil sa kalasingan. Kaya ang resulta. Ganito. Walang maisulat at walang masabi.

Pero bakit nga ba wala akong maisulat nitong mga nagdaang araw? Sa totoo lang, naging abala ako sa mga ilang bagay. Sa totoo lang, kinailangan kong tapusin ang mga dapat kong tapusin. Sa totoo lang, madaming bagay at pagkakataon ang sumubok sa akin. At sa totoo lang, hindi totoo 'yung mga nauna kong sinabi. Dahil ang pinakatotoo, tinamad lang ako.

Pero napag-isip-isip ko. May isip pala ako. Hindi pala ako dapat tamaan ng pagkatamad. Naalala ko na simula ng ginawa ko ang ganitong klase ng libangan, pinilit kong maging masipag. Naging masipag ako sa pagsulat at pag-isip ng mga sari-saring kwento. Ginawa ko 'yon para mahikayat ang mga taong makakabasa ng blag ko, na marunong pala akong sumulat. Marunong akong sumulat gamit ang keyboard.

At dahil nga sa pagiging masipag kong iyon, nagkamit ako ng ilang karangalan. Karangalang hindi matatanggap sa entablado. Karangalang hindi mabibili sa kung saan. Karangalang hindi madaling makuha. At karangalang magpapabago ng buhay. Kung ano ang karangalang iyon, iyon ay galing sa inyo. Kayo ang nagbigay sa akin nun kaya naman kayo din ay nakamit ko. Dahil sa mga naisulat ko, may mga taong naniwala sa kakayahan ko. Nagkaroon ako ng mga kaibigan. May nakapansin dahil madalas akong magpapansin. Nainlab dahil inlab ako, kay Loraine. May natawa dahil pinipilit kong magpatawa. At may pagkakataon na malungkot ang sinusulat ko, pero hindi naman sila nalungkot. Natawa pa rin. Meron ding ilang mga humahanga sa akin. Guni-guni ko lang pala.

Kaya ng maisip ko ang mga bagay na 'yan, alam kong hindi talaga ako dapat maging tamad. Hangga't may naniniwala sa akin, isa lang ang ibig sabihin nun. May naloloko pa ako. Pero kung pipiliin kong maging tamad, isa lang ang niloloko ko. Ang sarili ko. Lolokohin ko lang ang sarili ko kung sa kabila ng pagsusulat ko dito, hindi ko naman magawang alagaan kung ano ang meron ako dito. Kaya kailangan ko ng gumalaw para hindi mawala kung ano ang meron ako ngayon.

At ngayon. Bakit ganito ang sinulat ko? Hindi ito entri para magpasalamat sa lahat. Hindi ito blogpost para magmayabang. Hindi ko ito inilatha para may magawa. At hindi ko ito isinulat para ipakita sa lahat na may bago akong ginawa. (Dami pa sinabi... may mai-post lang...)

Sinulat ko ito, dahil MASIPAG ako. Pansin mo? Gusto ko lang sabihing masipag ako, ang haba pa ng sinulat ko. Ganyan ako kasipag magsulat. Year of the Ox. Ngayon ang taon ko. Bawal maging tamad.
......

Basahin ang kabuuan nito...

Jan 24, 2009

Kawawang Puso

17 na lasing
Habang nakaratay sa kama, dahil sa ipinataw sa aking parusa. Na tinatawag nilang lagnat, wala akong ibang magawa kundi mag-isip. Mag-isip ng kung anu-ano para maglibang. Napatingin ako sa kisame. Sa tagal ng pagkakatingin ko doon, may biglang naglaro sa utak ko. Nagbabasketbol yata. Pero walang kinalaman ang kisame sa iniisip ko. Doon lang ako nakaharap kaya 'yun ang nakikita ko.


Naisip ko na malapit na ang Araw ng mga Puso, gumawa na lang kaya ako ng kwento para sa ganun klaseng tema. Kumuha lang ako ng tauhan. Isang babae at isang lalaki. Isang tipikal na pares na nagmamahalan. Pero may hindi magandang kinahantungan. Basahin ninyo na lang ang nasabing kwento dito.

Matagal ng magkatali ang mga puso ng mag-sweetheart na si Puso at Heart. At dahil sa nalalapit na Araw ng mga Puso, napusuan ni Puso na sorpresahin si Heart. Bumili siya ng tsokolateng korteng puso. Sinamahan na din niya ng lobong hugis heart. Kahit mumurahin ang binili niyang regalong hugis heart, galing naman ito sa kanyang puso. Gusto niya itong iregalo kay Heart ng buong puso.

Nang makita ni Puso si Heart na nakaupo sa upuang bato na hugis puso, dahan-dahan siyang lumapit kay Heart at itinago ang mga regalong hugis puso. Bumibilis ang tibok ng heart ni Puso sa pagkakataong 'yun. Tumayo si Heart upang salubungin ang itinitibok ng kanyang puso na si Puso. Biglang inilabas ni Puso ang mga hugis heart nyang sorpresa para kay Heart. Napatalon ang puso ni Heart sa sobrang tuwa sa ibinigay ni Puso.

Pagkaabot kay Heart ng mga regalong korteng puso, biglang pumutok ang lobong hugis heart. Sa pagkakagulat ni Heart, napasigaw siya ng "AY PUSO!!!" Napahakbang si Heart sa gulat at natapakan ang balat ng saging. Natumba si Heart at tumama ang ulo niya sa upuang hugis puso. Ikinagulat ni Puso ang nangyari. Nalaman niyang hindi na tumitibok ang puso ni Heart. Nanikip ang heart ni Puso. Napapisil siya sa dibdib na nasa tapat ng kanyang puso. Hindi makahinga si Puso. Bigla na lang natumba si Puso. Na-heart attack si Puso. Sa ganung sitwasyon, maraming mga walang puso ang hindi man lang naawa sa nangyari kina Heart.

Ang tanong... Bakit nakasali sa istorya ang balat ng saging?

Dahil saging lang ang may PUSO.
......

Basahin ang kabuuan nito...

Jan 23, 2009

Isang Liham

11 na lasing
Pansamantala, habang wala pa akong naisusulat na bago, isingit ko muna itong nabasa ko sa imeyl. Isang liham. Tama na ang ganitong intro, umpisahan mo na ang magbasa.

Dear Ate Charo,

Thank you for considering this letter of mine. I'm writing about Ben. We're in our twenties and both work in Makati . In fact, we used to be officemates. I've known him for almost two years and all the time, I've been in-love with him, although we are just friends and he has a girlfriend he intends to marry.

Ate Charo, I can't help but fall in love with him. He's perfect! He's responsible, intelligent, resourceful, thoughtful, loving, sweet, caring, upright, kind, family-oriented, and a God-fearing individual. His good looks are just an added bonus. I can't believe such a man still exists today and I will forever be thankful for his friendship.

It is a pain to be so in-love with him because he and his girlfriend are perfect for each other and are so happy being together. I don't know if he's aware of my feelings for him, but winning his heart, I think, is out of the question. His girlfriend is too precious for him. Losing her would truly hurt him, and I don't want to see him in pain. I know, however, that a part of me wishes he would reciprocate my love, but he's just too good for me. He deserves someone better, like the girl he has now.

Knowing he's happy with her is enough consolation for me. I want his happiness even if it would mean my own despair. God knows how much I'm suffering. Writing this letter alone is already a torture. I've been trying very hard to forget him. I've done ways I know to free myself. Pero ang kulit talaga ng puso ko, ayaw sumunod. Ate Charo, I haven't seen or talked with him for a long time and I thought his absence would somehow cool down the feeling, but it hasn't. I don't want to miss him, but I do miss him terribly. How can I forget him?

Whenever I see a place, a thing, or a situation, my mind automatically associates it with him. His memories occupy most of my waking and sleeping hours. His face pops into my mind in the middle of my lunch, when I'm talking with my friends, cleaning my house, or just doing something which has nothing to remind me of him. Odd, but true. I'm not bitter, Ate. I don't blame myself, him, nor God for this situation. As a matter of fact, I'm thankful. Painfully odd as it is, this situation has made me the mature person I am now. But I can't help ask myself why should someone fall for another when they are not meant for each other? Why Ate Charo? Why?
You know Ate, whenever I pray, I always ask God to help me let go of this love. I just want to feel the same way he feels for me... as a friend and nothing more. I know I can get through this because I believe that God wouldn't give me something He knows I couldn't handle. Someday I will be able to smile again without being hurt when I remember him. God has His reason for all of these and until I know the reasons, I want to hear words from you. Attached is my picture to show my sincerity and let you decide if am really not meant for his love.

Please Ate Charo, help me.

Sincerely,
Berta Ang Kasagutan...

Dear Berta,

Punyeta kang bakla ka! Maganda pa sa iyo ang tsonggong puyat. Pinagod mo pa ako sa pagbasa ng letter mo! Ang landi mo!!! Makati ka pa sa gabing Bicol! Tigilan mo na ang ilusyon mo, iha. Hindi mo kayang ibigay kay Ben ang kayang ibigay ng girlfriend niya. Sa susunod na sumulat ka pa sa akin, ipapasagasa kita sa pison!!!


Ate C
......

Basahin ang kabuuan nito...

Jan 18, 2009

Pagsikat ng Araw

14 na lasing
Mahigit ilang buwan na din ang nakakaraan, hindi ko nasisilayan ang kagandahan ng pagsikat ng araw. Dahil sa oras ng trabaho ko, namimiss ko tuloy ang pagbangon ni Haring Pebo mula sa pagkakahiga. Papasok ako na papalubog na ang araw, at uuwi ako na sisikat pa lang siya.

Gusto kong makita ulit kung ano ang hitsura ng araw tuwing sumisikat. Gusto kong maramdaman 'yung sinag ng araw na may kasamang lamig ng bagong umaga. Gusto kong masilayan na unti-unting lumiliwanag ang paligid. Gusto kong kumain. Pero mamaya na lang, pagkatapos nito.

Magigising ako ng alas-dose ng tanghali o mas hapon pa. Papasok ako ng alas-singko ng hapon. Kadalasan, papalubog na ang araw kapag papasok ako. Uuwi naman ako ng alas-tres o alas-kwatro ng umaga. Madilim pa. Hindi pa makikita ang bakas ng liwanag para salubungin ang umaga. Pagkauwi, diretso pahinga na. Halos ganun palagi ang takbo ng araw ko. Kaya gusto ko naman minsang makita ang araw.

Bakit ba gustung-gusto ko makita ang araw? Ano'ng meron sa araw? Walang pakialamanan, tagal ko na ngang hindi nakikita kaya gusto ko. Medyo nakakasawa na din ang puro dilim ang nakikita sa paligid. Gustung-gusto nilang makakita ng buwan, pero nagsasawa na ako doon. Kulang na lang sa'kin ay mahabang pangil, medyo mahaba lang kasi 'yung pangil ko, pwede na akong tawaging bampira. Kung buntot at sungay naman, mas maganda, Devil.

Nitong isang araw lang, sinamahan kong mag-obertaym ang ibang kasamahan ko sa trabaho. Inabot na kami ng umaga. Nasa ikatlong palapag kami ng gusali. Sumilip ako sa bintana at inabangan ko ang pagsikat ng araw. Inabot na kami ng alas-sais ng umaga, hindi ko naaninag ang liwanag mula sa araw. Siguro tinatamad ang araw na bumangon dahil na din sa lamig ng panahon. Hindi ko siya nakita.

Binalak ko na lang umuwi para makapagpahinga. Habang naglalakad, may napansin akong lumiwanag mula sa likuran. Hedlayts pala. Nakauwi ako at nakatulog. Balik sa dating oras. Balik sa takbo ng araw. At dumating ang araw ng kahapon. Pumasok ng gabi na, at binabalak na samahan ang mga mag-oobertaym.

Sa haba ng oras na nailagi namin sa loob ng opisina, dumating ang oras para umuwi. Dire-diretso hanggang makauwi ng bahay. At napansin ko na sumisikat ang liwanag mula sa araw. Napatigil ako sa aking nakita. Napaisip. Hindi ako namangha o natuwa dahil sa nakita kong pagsikat ng araw. Mayroon lang akong naalala at napatawa.

Napagtanto ko na hindi ko nga pala makikita 'yung pagsikat ng araw kahit abangan ko pa siya. Dahil nung mga panahon na inaabangan ko iyon... sa KANLURAN pala ako nakaharap! Dahil sa tagal ko ng hindi namamalayan ang araw na iyon, nakalimutan ko na pala na sa SILANGAN nga pala ito sumisikat.

Ayoko na ulit makita ang pagsikat niya. Dahil sa kanya, nagmukha akong t*nga sa sarili ko.
......

Basahin ang kabuuan nito...

Jan 14, 2009

Pi-Es-Pi Post: Rekwested

16 na lasing
yhen: ano bang nilalaro mo?
yhen: bkit ba nakaka adik ang pi-es-pi? yun nga ang ipost mo sa susunod..
yhen: baka sakaling maintindihan ko kung bakit madming nahuhumaling sa psp
yhen: hehehe
vhonne: ahaha.. ndi naman po ako sa psp naaadik eh... depende sa laro... cge po.. ipost ko dito... sa nxt post...
yhen: hehehe cge aabangan ko yang post mo na yan ha..
yhen: hehehe sana makumbinsi mo ako
yhen: hahahha


'Yan ang mababasa ninyo sa cbox ko. Naipangako ko na tungkol sa pi-es-pi ang gagawin kong tema para sa isusulat ko. Kaya bilang pagtugon sa nabitawang salita, isusulat ko ngayon ang mga bagay-bagay na nalalaman kong deskripsiyon na nababagay para sa bagay na ilalagay ko dito. Sabagay... bagay. Bakit nga ba madaming nahuhumaling sa PSP? Ano bang meron sa gadget na ito? Isa din ako sa nahikayat na bumili ng mumunting teknolohiyang iyan. Bakit nga ba ako naakit ng isang bagay na pinapatakbo ng baterya.

Ang PSP. Nagustuhan ko ito dahil portabol. Siyempre, kaya nga tinawag ng PSP eh. Portable Playstation / Playstation Portable. Madaming pwedeng paggamitan ang bagay na ito. Kapag may kaaway ka, ibato mo sa kanya. Kapag may nakausling pako at wala kang martilyo, pwede mo itong ipampukpok. At kapag may nakasalubong na holdaper, ibigay mo lang 'yun, pwede ka ng umalis. Kapaki-pakinabang di ba? Pero sa mga nabanggit ko, wala pa akong nasusubukan. Nasa sa inyo na lang 'yun kung gusto nio malaman kung epektibo.

Ang PSP, pwede mong dalhin kahit saan. Kasya sa bulsa. Kung hindi kasya sa bulsa mo, ihampas mo muna sa pader, at kapag durug-durog na, magkakasya na siguro 'yun. Pwede mo itong dalhin kapag may pupuntahan ka. Pwede din sa simabahan at sa eskwelahan. Huwag mo lang doon bubuksan. Sa mga lakad ng tropa, bitbitin mo si PSP. Kapag may swimming kayo, dalhin mo si PSP. Magdala ka lang ng mahabang charger para kapag nasa gitna ka ng dagat habang naglalangoy at biglang naglowbat, maicharge mo kaagad. Siyanga pala, hindi pa waterproof 'yung PSP sa ngayon.

Ang mga dahilan kung bakit ako bumili ng PSP. Dahil sa mga kanta at tugtog. Mahilig ako sa musika. Lalo na 'yung mga acapellas na walang liriko at instrumental na walang tugtog. Masarap mag-soundtrip. Mahilig din ako manood ng mga pelikula. Hindi mo na kelangan tumakbo sa sinehan. O kaya bibili ng payreted dibidi at manghiram ng dibidi pleyer. Pwede ka makapanood ng paborito mong pelikula sa PSP. Kahit sampung beses mo ulit-ulitin 'yung pelikula ng sunud-sunod. Kung 'yun ang trip mo eh. Katulad naman ng mga kaibigan ko, halos pare-pareho sila ng mga pinapanood. Porno!

Laro. Sadyang ginawa ang PSP dahil sa mga laro. Madaming magagandang laro ang pwede mong paglibangan sa pi-es-pi. Kung ako ang tatanungin kung anong laro ang nagustuhan ko, irerekomenda ko ang Tekken: Dark Resurrection, lahat ng Need for Speed na laro at ang isa sa kinahumalingan ko dahil sa ganda ng istorya: ang Final Fantasy VII: Crisis Core. Kung wala ka pang mga laro na nakalagay sa memoristik mo, kumuha ka muna ng tali. Itali mo sa pi-es-pi mo at hilahin. Para ka ng may laruang kotse o laruang alagang aso.

Hindi lang 'yun. Maaari ka ding gumamit ng internet kung sakaling may masagap kang waypay/wipi (sabi ng iba) /wi-fi sa inyong area. Pwede kang mag-chat. Mag-Friendster. At magbasa ng blag tungkol sa pi-es-pi. Pwede mo ding ilagay ang mga piktyur na iniingatan/mahalaga sa'yo. Ilagay mo ang larawan ng asawa/boypren/gelpren/anak/barkada/kaaway at kung sinu-sino at kung anu-ano pa. Pwede mo din gamitin bilang kamera ang pi-es-pi mo. Kailangan mo lang bumili ng kamera na ikinakabit sa port ng pi-es-pi mo. Isaksak mo lang ang kamera na 'yun at pwede ka nang magpotosyut kahit saan.

Bakit nauso ito sa mga Pinoy? Dahil nauso din ang ISO. Ano naman ang ISO? Hindi ito organisasyon para sa standard (International Organization for Standardization). Hindi ko din alam ang kahulugan nun, pero ang ISO ay klase ng file na naglalaman ng laro o pelikula. Kapag meron kang ganun, pwede mo itong iseyb sa memoristik at mapagana sa pi-es-pi mo. Depende sa bersyon ng PSP. Kung hindi nauso ang nabanggit kong ISO, pangmayaman na lang ang pi-es-pi. Dahil kelangan mong bumili ng tinatawag na UMD, hindi 'yung dance group na kinabibilangan ni Wowee de Guzman (Universal Motion Dancer), para makapanood ng pelikula at makapaglaro ng iba't ibang klaseng laro.

Sa madaling salita, marami kang magagawa dahil sa maliit na bagay na 'yun. Photos. Musics. Videos. Games. Internert. Pero tulad ng ibang gadget na lumabas, dumarating din ang panahong nalalaos ito. Pagsasawaan mo din ang magkaroon nito.

Ikaw? Gusto mo din bumili? Pag-isipan mo muna. Kung may mga bagay na mas kailangang unahin. Mga bagay na mas mahalaga. 'Yun muna ang pagtuunan mo ng pansin. Tandaan natin na hindi natin kailangan ng PSP. PSP ang may kailangan sa atin. Kaya nating mabuhay ng wala 'yun, pero ang pi-es-pi, hindi mabubuhay ng wala ang tao.
......

Basahin ang kabuuan nito...

Jan 13, 2009

Hayskul Bukol

9 na lasing
Maaga akong umuwi galing sa opisina. Mag-isa akong naglalakad. Habang binabaybay ang daraanan ay nanginginig sa sobrang lamig ng hangin. Nakasuot na ako ng jaket pero sobrang lamig pa rin talaga. Sa 'di kalayuan, may mga kalalakihang nag-aayos ng banderitas, dahil nalalapit na ang piyesta.


Nang makalampas ako sa kanila, wala ka nang makikitang tao sa paligid. Medyo may kadiliman na sinasabayan pa ng malakas na pag-ihip ng hangin. May nakita akong aso na tumakbo. Tumindig ang lahat ng balahibo ko. Hindi dahil sa takot, kundi dahil sa lamig.

Habang naglalakad, may napansin akong tumutugtog. Tumingin ako sa Lipa City Youth and Cultural Center. Wala doon. Tiningnan ko naman 'yung sa may bumbero. Wala namang tao. Malakas ang tugtog. Decode ng Paramore ang kanta. Nung tumalikod ako, napansin ko ang opisina ng BoyScout. Sumilip ako sa salamin na pinto, pero walang tao. At napansin ko ang repleksiyon ko sa salamin na 'yun. May suot pala akong earphone. Sa selepono ko pala 'yung tumutunog.

Dumiretso ako ng lakad pauwi nang mapansin ko ang isang gusali. Isang paaralan. Isang paaralan kung saan kami nagtapos ng hayskul. Napangiti akong tumingin dun. Ang laki na ng ipinagbago. Pinalaki, pinaganda at pinalinis 'yun. Habang nakatingin ako sa eskwelahan na 'yun. Unti-unting nag-flashback ('yung parang sa pelikula na naalala 'yung nakaraan) sa akin ang mga pangyayari nung nag-aaral pa lang kami dun. Doon kami natutong mainlab at mabasted. Doon din kami nagkaroon ng tunay na kaibigan at mortal na kaaway. Doon ako unang pinapasok sa Principal's Office dahil nakipag-away. Doon nabuo ang barkadahan namin. Doon kami natutong uminom ng Ginebra San Miguel (may bayad ang pa-advertise). Doon kami bumuo ng mga pangarap. Doon lang ni Nonoy Zuñiga.

Kung sinasabi ng karamihan na pinakamasaya ang buhay hayskul, para sa akin... tama. Minsan nga nasasabi ko sa mga kasamahan ko, "Parang gusto ko ulit pumasok sa hayskul." Masarap balikan ang mga nakaraan lalo na kung punung-puno ito ng mga magagandang alaala. Pero ako, meron pa akong isang dahilan kung bakit gusto kong balikan ang nagdaang hayskul layp ko. Kung nakikita ninyo ang larawan sa itaas, oo, klaspiktyur namin 'yan. Nung nakita ko ang larawan na iyan, sinubukan kong isa-isahin ang mga taong nandun. Punung-puno nga ako ng magagandang alaala, hindi ko naman maalala ang mga pangalan nila.

Panawagan: Kung isa ka sa nasa larawan, ipagbigay-alam sa akin ang iyong buong pangalan. Ituro mo na din kung sino ka doon, dahil ako, ako 'yung ika-anim na nakatayo sa itaas mula sa kaliwa. Nag-feeling matangkad ako noon kaya doon ako pumuwesto. Wala din akong dalang polong uniporme kaya nanghiram na lang ako sa kabilang seksiyon. Kaya ayun, kung mapapansin ninyo, sobrang laki nung suot ko. Hehehe. Hanggang sa muli.
......

Basahin ang kabuuan nito...

Jan 10, 2009

Bobong Rizal

6 na lasing
Oooppss! Teka lang! Huwag ninyo akong aawayin dahil sa nabasa ninyong titulo ng blag entri kong ito. Hindi ko sinasabihan ng "bobo" ang ating Pambansang Bayani. Ipapaliwanag ko kung bakit 'yan ang pamagat ng isusulat kong ito.


Naglalaro ako ng pi-es-pi kanina. Need for Speed Undercover. Pitong oras kong nilaro ng walang tigil at pahinga. Halos mamaga na ang mga daliri ko sa kapipindot nun. Tapos umuwi na ako dito sa bahay at naisipang gumawa ng entri para sa araw na ito. Anong koneksiyon nang paglalaro ko sa isusulat ko? Wala. Gusto ko lang ikwento. Blag ko ito, isusulat ko ang gusto ko. Hehehe. Peace.

Noong mga nakaraang ilang buwan, dahil sa mga klase ng isinusulat ko dito, may ilang nagsasabi na nakukuha ko daw ang istilo sa pagsusulat ng ating hinahangaang Bob Ong. Siguro naman ay walang Pinoy na hindi nakakakilala sa kanya. Ay? Wala nga pala talagang nakakakilala sa tunay na Bob Ong. Ang ibig kong sabihin, halos lahat ng Pinoy, kilala si Bob Ong bilang isang mahusay na manunulat ng libro. Mga libro na naglalarawan sa buhay ng mga Pilipino, kaya naman marami ang nagkakaroon ng interes basahin ang mga naisulat niya. Dahil nakikita natin ang mga sarili natin sa libro niya.

Kung sinasabi nila na naimpluwensiyahan ako ng mga libro ni Bob Ong kung kaya nagkakatulad ng bahagya ang aming mga sinusulat, pwedeng oo at maaari din namang hindi ang isasagot ko. Oo, posibleng naimpluwensiyahan ako ng libro niya kaya ako nagsusulat ngayon at hindi dahil simula't sapul na nagsusulat ako ng kwento ay ganito na ang istilo ko. Ang mga libro lang niya ang nagtulak sakin upang ilathala ang mga nasa isip ko sa dito sa blag na nababasa ninyo ngayon.

Nitong isang linggo lang, may nagsabi naman na para daw akong si Dr. Jose Rizal. Akala ko, gusto niya akong ipabaril sa Luneta kaya niya nasabi 'yun. Hindi pala. Sa mga ilang naisulat ko dito, may mga pahayag daw akong nakakatulad ng mga pananaw ng ating bayani. Sabagay, isa si Rizal sa iniidolo kong tao sa larangan ng pagsulat. Buti na lang at nai-transleyt ang mga naisulat niya sa Tagalog, dahil kung hindi, wala akong maiintindihan sa mga Espanyol na wika sa mga librong naisulat niya.

Kung 'yun ang naging tingin nila sa naging takbo ng utak ko, salamat at mayroon palang naniniwala sa mga walang kwentang ginagawa ko. At kung sa tingin ninyo naman ay makapal ang mukha ko para sabihing kalebel ko silang dalawa, pwede din. Matagal nang makapal ang mukha ko. Kaya nga pinagsama ko ang pangalan ng dalawang taong 'yun bilang ako... pansamantala. Hehehe.

At ngayong tapos na ang panibagong entri kong ito, itutuloy ko na ang naudlot kong paglalaro. Hindi ako makaalis sa pitumpu't tatlong porsyento ng laro. Salamat sa pagbabasa.

Bobong Rizal
......

Basahin ang kabuuan nito...

Jan 9, 2009

Ted Hannah - Parokya Ni Edgar

10 na lasing

Ted Hannah - Parokya Ni Edgar

para kang kape, di ka nagpapatulog
parang kagabi, gising ako hanggang tanghali
di ko nga man lang alam kung sino ka talaga
kailan kaya kita makikilala

at pano kung nasulat na sa notebook ng tadhana
ang kwento ng pagibig tungkol sa ating dalawa
di kaya sayang naman kung hindi natin susundin
ang nais na mangyari ng tadhana para sa 'tin

para 'kong tanga, di ko man lang naisip
na ang pangarap ay mananatiling panaginip
kung wala akong gawin upang makamtan ka
paano ka tatama kung di ka tataya

at pano kung may contest na sinet-up ang tadhana
at ang unang pa-premyo ay ang makasama ka
di kaya sayang naman kung di ko man lang susubukan
manalo sa pa-raffle ng tadhana tan tan tan tan

hahayaan bang mapunta ka na lamang sa iba
nakwento ko na yata yan sa ibang kanta

at pano kung hindi ako naakit ng tadhana
e di sana ay hindi ako ang iyong sinisinta
di kaya sayang naman kung di ko man lang susulitin
ang alay na babae ng tadhana para sa kin

Inaalay ko para sa Leading Lady ng buhay ko... para sa nag-iisang tadhana ko... para kay Loraine a.k.a Aning... ......

Basahin ang kabuuan nito...

Jan 8, 2009

Nabano ako sa Plurk!

3 na lasing
Plurk. Tagal ko ng naririnig at nakikita yan. Gumawa na din ako ng akawnt d'yan, noong Setyembre pa kung hindi ako nagkakamali. Pero hindi ko man lang siya nagamit mula ng makaregister ako dun. Sa madaling salita, hindi ako naging interesado.


Pero nitong isang araw lang, dinaanan na naman ako ng pagkabato (Napapadalas na yata ah!). Nag-tsek ako ng imeyl ko. Napansin kong may nag-aanyaya sa'kin na sumali sa Plurk na 'yun. Sinubukan kong ilag-in 'yung dati kong ginawa. Pumasok.

Pero sa pagpasok kong iyon, hindi ko naman maintindihan kung paano gamitin 'yun. Humingi ako ng tulong sa mga kakilala na alam kong gumagamit n'un. At sa kabutihang-palad, may tumulong sa'kin. Isang malapit na kaibigan ng leading lady ko, si joyzKelmer. Nagtiyaga siyang makipag-usap sa'kin. Madaling-araw na kasi nun kaya wala na din siguro siyang makausap na iba. Nalibang naman ako sa pagkalikot, pag-iikot, paglalaro sa loob ng Plurk na 'yun. Ayan na nga at inilagay ko pang widget sa saydbar ng blag ko.

Sinubukan kong alamin kung ano ang kahulugan ng nasabing Plurk. Magaling naman at may nahanap akong impormasyon.

Ang Plurk daw ay isang uri ng social networking at munting blag kung saan pwede kang magpadala ng mga kaganapan, pangyayari o kung anu-ano pa sa pamamagitan ng maikling mensahe. 140 characters lang ang kasya sa isang mensahe, maikling mensahe nga lang eh. Meron silang tinatawag na timeline at doon mo pwedeng makita kung ano 'yung sinulat ng sumulat. Kung miyembro ka din nun, pwede kang sumagot sa sinulat niya. Para ka na din lang nagteteks sa inyong selepono. Taong 2008 ng Mayo daw ito ginawa.

Bakit naman Plurk ang naisipang itawag dun?

Ang salitang Plurk daw ay abribiyasyon ng salitang "people" at "lurk", at kung pagsasamahin mo daw ang salitang "play" at "work" mabubuo din ang Plurk.

Ang akronim daw ng Plurk ay Peace, Love, Unity, Respect at Karma.

Ang galing naman ng ideya ng gumawa ng pangalan. Hehehe. Wala lang, ibinahagi ko lang. Natatawa kasi ako nung napasok ako sa lugar na iyon. Nakakaloko. Tapos, sabi nga ni leading lady ko. "Plurk, ang bagong Y!M."

http://www.plurk.com/user/Vhonne
......

Basahin ang kabuuan nito...

Jan 6, 2009

May tiwala ka ba sa mata mo?

8 na lasing
Naniniwala ka ba sa multo? May nagparamdam na ba sa'yo?Mahilig ka ba sa mga kwentong kababalaghan? Gusto mo ba bang makarinig ng ganung klaseng kwento at makakita ng mga hindi maipaliwanag na bagay? Pwes! Kung ganun... pareho lang tayo. Gusto ko din makakita ng multo para paniwalaan ko na may ganung bagay o elemento nga dito sa mundo. Pero hindi iyon ang ikukuwento ko para sa araw na ito.


Ang istorya para sa araw na ito, ay kwento ng dalawang mag-asawa. Kung paano nila nadala ng maayos ang kanilang pagsasama sa kabila ng pagiging baog ng lalaki. Dear Charo,... eeennnggg! Mali na naman. Hindi ito Maalaala Mo Kaya.

Ito na. May mga bagay lang na gumugulo sa isip ko. At isa na dito ang pagiging makitid na utak ng isang tao. Bakit ba kailangang may ipanganak na tao na hindi alam kung paano gamitin ang utak bago gumawa ng isang hakbang? Gumawa ng maling hakbang na nagdudulot sa kanya sa sariling kapahamakan. Mahirap bang unawain muna ang isang bagay bago ito gawan ng aksiyon?

Marami na akong nakasalamuhang ganung klaseng tao. At inaamin ko din na may mga pagkakataon na ganun din ang nagiging takbo ng pag-iisip ko. Minsan, nalilinlang din tayo ng sarili nating mata. Akala natin, dahil sa nakikita ng mga mata natin, totoo na siya. Akala natin, madali mong makukuha ang bagay na nakikita mo dahil abot-tanaw mo lang 'yun. Pero kung iisipin mo, hindi mo naman alam kung gaano kalayo ang bagay na iyon. Maiisip mo na hindi mo pala 'yun maaabot ng ganung kadali.

Sa eskwelahan, tuwing daraan ang mga eksams. Sa kagustuhan mong tumaas ang makukuha mong iskor. Tumatabi ka lang sa kaklase mong matalino, kopyahin mo 'yung mga sagot niya. Sa tingin mo eh mas magiging madali 'yun kesa mag-isip ng kung ano ang isasagot. Tapos, pati mga ereysyurs sa papel niya, nagagaya mo na din. May mga eseys na kailangan ng kanya-kanyang sagot ayon sa sariling idelohiya, kinopya mo na din. At may mga pagkakataon, pati buong pangalan niya, nakopya mo na din. Ang resulta? Lalo mong nilagay ang sarili mo, para bumaba.

Sa trabaho, gusto mong abutin ang mas mataas na posisyon. Halos lahat naman tayo ganun ang gusto. Pero nasa paraan kung paano ka makakarating doon ng maayos. Makakakita ka ng ibang kasamahan na maayos nilang nagagampanan ang trabaho nila. Naririnig mong may posibilidad na mapromowt sila sa trabaho. Dahil sa kagustuhan mo o kaya dahil sa inggit na naramdaman mo, sinubukan mong gayanin o kunin ang mga ginagawa nila para mas mapadali ang pagkilala sa'yo. Nakita mo kung paano ang ginagawa nila sa trabaho. Ganun din ang ginagawa mo sa pag-aakalang magiging madali ang pagtanggap sa'yo. Mapapansin mo na lang, iba pala ang trabaho niya sa trabahong dapat mong gawin. Magkaiba pala kayo ng departamento ng taong nakita mo. Kaya ang nangyari, napabayaan mo 'yung trabahong dapat na ginagawa mo.

Madaming simpleng bagay na sa tingin natin ay sobrang dali. Dahil siyempre nga, gaya ng sabi ko, simple. Pero kahit simple man nating maituturing 'yung mga 'yun, nararapat pa din siguro nating pag-isipan ng mabuti kung paano natin iyon gagawin.

Isang kwento ng unggoy na gustong mahawakan ang buwan. Nakita ng unggoy ang repleksiyon ng buwan sa dagat. Sinubukan niyang hawakan 'yung repleksiyon na 'yun. Nilapitan niya. Gumawa siya ng paraan para mahawakan ang buwan, ang repleksiyon ng buwan sa tubig. Hindi niya tinitigilan hangga't hindi niya nahahawakan. Hindi niya namamalayan, lumulubog na siya sa dagat. Na nauwi sa pagkalunod.
......

Basahin ang kabuuan nito...

Jan 3, 2009

Pares-pares (Part II)

6 na lasing
Dinaanan na naman po ako ng pagkabagot. Hindi ko kasi kausap si Ms El. Kaya heto't nagmukmok na naman at pinaandar ang utak. Mabuti na lang at nakatali, hindi masyadong nakalayo ang utak ko. Pinuna ng manedyer namin 'yung istatus sa way-em ko. Kaya naisipan kong bisitahin 'yung nasulat kong tula dito. Ang Pares-pares. Kung hindi mo pa nababasa klik mo dito.


Habang binabasa ko at pinagninilayan ang mga nakasulat, may iba na namang naglaro sa utak ko. Kaya nabuo ang pangalawang tula ng Pares-pares.

Sa unang kong nabanggit
Sa tulang kong pilipit
Na ang puso at utak
Iisa lang ang tatak

Ngunit ngayon itong dalawa
Parehong silang nakakatawa
Na sinasabi kong magkapares
Hindi magkatugma ang interes

Sa utak na nabanggit
Ang puso ay kakabit
Sa nauna kong tula
Ganito ang nakalatha

Mahirap mag-isip
Kung wala kang puso
At mahirap magmahal
Kung wala kang utak

Hindi ko ngayon sinasabi
Na sa tula ako'y nagkamali
Pero akin namang aaminin
Magulo pa rin para sa akin

Sa nabanggit na doble
Sa katawan na pobre
Ang puso'y di kailangan
Hanapan ng katuwang

Kung kapares ang hahanapin
Madaming pwedeng gamitin
Kung puso ay nag-iisa
Hindi kailangang mangamba

Sa dalawang mata na magkasama
Madali kang nakakakita
Ang puso ay iyong isama
Mas maliliwanagan ka

Butas ng ilong ay dalawa
Pang-amoy at panghinga
Kung puso ay wala ka
Hihinga ka ba kung patay ka?

Para sa dalawang tenga
At sa pusong nag-iisa
Subukan mong ipagsama
Maganda ang magiging resulta

Korteng puso ang tenga
Kung ipagdidikit mo sila
Kung 'di ka marunong makinig
Imposible sa'yo ang umibig
......

Basahin ang kabuuan nito...

Jan 2, 2009

Goodbye at Welcome!

2 na lasing
Paano nga ba magpaalam at mag-welcome? Paano mo iwewelkam ang isa habang umaalis naman ang isa? Mahirap bang patuluyin ang isa habang pinalalabas mo 'yung isa? Isa lang ang masasabi ko. ISA.

Isang tula na naman ang aking inihahandog para sa umalis... at para sa dumating...

Isang pamamaalam
Sa'yo aking kaibigan
Sa labingdalawang buwan
Ikaw ang naging sandigan

Sa bawat araw na binibilang
May kaganapang isinisilang
Sa'king mga pagkukulang
Pinupunan mo ang bawat patlang

Sa bawat ikot ng linggo
Buhay ko'y nababago
Kahit minsan ay magulo
Pero ito'y dahil sa'yo

Lumilipas ang bawat buwan
Unti-unti kang nagpaparamdam
Sa mga dumadaang kasiyahan
Nalalapit ang 'yong paglisan

Sa loob ng labingdalawang buwan
Madami akong natutunan
Kung paano haharapin
Mga bukas na darating

At ngayon ngang dumating na
Ang oras para palitan ka
Kailangan mo ng magpaalam
At tanggapin ang kahihinatnan

Salamat sa isang taon
Salamat sa buong taon
Paalam sa nakaraang taon
Pasok, Bagong Taon ......

Basahin ang kabuuan nito...

 

Copyright 2008 All Rights Reserved Revolution Two Church theme by Brian Gardner Converted into Blogger Template by Bloganol dot com Customized by Vhonne DeVille