Showing posts with label Pick-up Lines. Show all posts
Showing posts with label Pick-up Lines. Show all posts

Aug 10, 2010

PLDT: Pag Lumayo, Dapat Tumino

6 na lasing
Heto na naman ako. Lagi na lang ganito. Sinusubukang bumalik. Pero lagi pa ring umaalis. Iniiwang nakabukas ang bahay at naghihintay ng bisitang tatambay. Walang makain kahit kamyas kaya nagkukusa na lang lumayas. At ano naman ang pwede kong isulat ngayon? Naubusan na nga ba ako ng mga kwento. Wala ng bang maisip ang kakapiranggot na karne sa loob ng bungo kong may lamat?



Ganito na lang. Dahil Agosto na ngayon, pag-usapan na lang natin ang tungkol pagmamahal pero pinaghihiwalay ng distansya. Anong koneksiyon ng Agosto? Kung usapang puso at pag-iibigan, Pebrero. Malayo ang Agosto sa Pebrero kaya malayong pag-iibigan. Oo na. Ang layo. Wala nga maisip di ga?

At dahil nga usapang malayo tayo ngayon, uumpisanan ko na. Bago pa malayo ang usapan at kung saan-saan pa mapunta. Maligaw pa. Heto na.

Ang milya ay hindi sukatan para malaman kung gaano kayo kalayo sa isa't isa. Sukatin ninyo ang pagmamahalan para malaman kung gaano kayo kalapit isa't isa. Pero paano nga ba ito susukatin? Hmm... Ruler? Metro? Medida? Kung hindi mo alam ang gagamitin, sige, huwag mo na lang sukatin. Sisihin mo pa ako kapag nabaliw ka.

Ang tunay na pagmamahal, hindi ibig sabihin na hindi na kayo pwedeng paglayuin. Ang tunay na pagmamahal, ay 'yung magkalayo man kayo, wala pa ring nagbabago sa nararamdaman ninyo. Parang ang bawat araw ay unang araw ng pagkakakilala ninyo. Laging sariwa. Kumbaga sa lumpia, 'yung hindi piniprito. 'Yung lumpiang sariwa. Mas maganda kung laging masaya at sariwa ang nararamdaman kahit malayo. Kaysa magkasama nga kayo, pero laging mainit ang ulo. At dahil nga sa init ng ulo at init ng pagtatalo, ang relasyon ninyo naman ay magiging lumpiang prito. Ang masama pa nito, baka masunog pa. Ang pait n'un!

Sabi nila, nababawasan ang pagmamahalan kung magkalayo na nauuwi sa paghahanap ng isa sa kawalan nung isa. Pero ang totoo, nawawalan lang sila ng tiwala. Kung buo ang tiwala at paniniwala mo sa kapareha, walang magbabago sa nararamdaman ninyo. Mas madadagdagan pa ang pagtingin mo sa kanya sa tuwing maaalala mo siya. Dahil ang pinakamahalaga at pinakamagandang bagay sa mundo ay hindi nakikita o nahahawakan. Ito 'yung sa puso mo'y mararamdaman.

Kaya para sa'yo: "Kahit may bukas na hindi kita kasama, may mga bagay na dapat kang maalala. Mas matapang ka kaysa sa iyong paniniwala, mas matatag ka kaysa sa iyong nakikita, mas matalino ka kaysa sa iyong inaakala. Pero sa lahat ng 'yan, ang pinakamahalaga, na kahit magkalayo pa tayong dalawa, nasaan ka man, lagi pa rin kitang kasama, ang kailangan lang, maniwala ka. Wag kang mag-alala, hindi ito tula, hindi ito katha na sa iyo'y magpapahanga." Mula sa akin.

......

Basahin ang kabuuan nito...

May 30, 2010

Purunggo!

2 na lasing
Purunggo. Isang salitang batanggenyo. Marami ang nag-akalang isa itong uri ng pagkain. Pwede din. Pwede mo itong kainin kung sasali ka sa Pilipinas Got Talent. Ang purunggo ay bubog o basag na salamin o baso at ganung klase. Noong bata pa ako (bata pa rin naman ako ah?), basta may mabasag na babasaging bagay, ingat na ingat ako sa paglakad dahil baka mapurunggo ako. Masakit 'yun. Pero iba na ngayon. Kapag may nabasag, hindi na ako natatakot na mapurunggo. Hindi na kasi ako umaalis sa pwesto ko. Tatawag na lang ako ng ibang magliligpit.


Natutuwa ako sa tuwing makakakita ako ng babasaging salamin. Naalala ko 'yung tumatakbo palabas ng isang kompyutersyap. Masyadong malinaw ang salaming pinto kaya hindi niya inakalang mababangga siya. Akala niya ay tatagos siya. Muntik na itong mabasag sa lakas ng pagkakabangga. Hindi 'yung salamin. 'Yung bungo n'ung nabangga. Naisip ng may-ari na lagyan ng teyp ang salamin na naka-letrang ekis. Agad kong kinontra dahil may nakikita akong masamang mangyayari. Ang ekis ay magmimistulang target. Baka lalong banggain ang sentro nito. Kaya naisipan niyang palitan.

Ginawa na lamang niyang isang pahabang linya sa gitna. Kontrabida talaga ako. Sinabi ko na pwede namang yumuko o tumalon ang makakakita ng linya. Mababangga pa rin. At mas masama kung isang atleta ang dadaan doon. Aakalain nilang isang linya para sa pagtatapos ng lap 'yun kaya pipilitin nilang daanan 'yun. At isa na lang ang naging solusyon ng may-ari. Pinatay ang erkon at binuksan ang pinto. Magrereklamo pa sana ako nang maalala ko, hindi pala nila ako kostomer. Tambay nga lang pala ako doon.

Salamin. Pwede nating ihalintulad ang sarili natin sa isang salamin. Malaki ang epekto ng mga taong nangangalaga sa isang salamin. Kung paano ito linisin at ingatan. Kung paano hawakan at punasan. Kung paano banggain at basagin. Kung paano pulutin at buuin.

Kung isa kang salamin, tumatatak sa'yo ang bawat tatak ng palad at daliri ng mga humahawak sa'yo. Nagbibigay sa'yo ng alaala. Mga masasama at magagandang alaala. Pero may mga tao din ang pilit na binubura ang mga alaalang ito. Pinipilit nilang punasan at alisin ang mga tatak na naiwan sa'yo. Ang resulta, nagkakaroon ng gasgas sa bawat pagpipilit nilang burahin ito. Ang mga gasgas na ito ang nagsisilbi mong problema na gawa ng mga taong gustong alisin ang iyong alaala. Sinasabi nilang tutulungan ka nila pero ang totoo, ikaw ang kinakawawa nila.

Sinasabi nila, lalo kang tumatatag habang pilit ka nilang sinisira. Pero kung madalas ka na nilang banggain, magkakaroon ka na ng lamat. Isang lamat na mahirap nang remedyuhan. At kung hindi na maayos, tatakpan na lang ng kung anu-ano para hindi ito mahalata. Para ipakitang buo ka pa rin.

At kapag dumating ang panahon na mahina ka na, bigla kang dadagsain ng mga taong gusto kang sirain at basagin. Hindi mo na makakayanan at hahayaan mo na lang na bumagsak ka. Basag ka na. Maliliit na piraso ng purunggo. Mahirap nang buuin. Mahirap pagdikitin. At iisipin mong talo ka na. Isa ng basura. Sa ginawa nilang pagbasag sa'yo, akala din nilang wala ka na. Oo nga at hindi ka na buo. Pira-piraso. Pero dahil sa ginawa nilang pagbasag sa'yo, mas lalo ka lang naging delikado. Mapanganib. Maraming pwedeng masugatan kaya kailangang iwasan.

Ngayon, isa ka na bang purunggo?

......

Basahin ang kabuuan nito...

May 26, 2010

Pampatigas ng Ulo

5 na lasing
Helmet. Ano ba ang helmet? Ang helmet ay ang bagay na nakatakip sa ulo na nagsisilbing proteksiyon. Proteksiyon sa pagkabaog, este sa pagkabagok. Kung isa kang lalaki, bata ka pa lang, mayroon ka na nito. Nakahelmet pa ang ulo mo, sa ibaba. Mawawala lang ito kapag tinulian ka na. Pero hindi ito proteksiyon sa iyong pagkabaog. At kapag nasa tamang pag-iisip ka na, nagsusuot ka pa rin ng helmet. 'Yung helmet na nabibili kadalasan sa botika. Para hindi ka makabuntis ng hindi inaasahan. Dahil hindi ka nga baog. At hindi iikot ang kwento natin sa pagiging baog. Dahil helmet ang tema natin ngayon.


Helmet din ang tawag sa pagkaing nabibili sa tabi ng kalye. Ulo ng manok na iniihaw (tama ba?). Masarap daw 'yun pero ang sobrang pagkain nito ay hindi maganda sa katawan. Nakakabaog. Hindi! (Ang kulit mo! Sinabi nang hindi baog ang tema natin!) Hindi ko alam kung anong masamang epekto ang sobrang pagkain ng tinatawag nilang helmet. Basta masama daw. Kung ayaw mong maniwala, sige lang, kain ka pa. At kahit minsan, alam mo na ang magiging epekto, patuloy mo pa ring gagawin ang pinipigilan ng iba na gawin mo. Kasi, nakahelmet ka. Hindi ka pa natatauhan. Kahit iuntog na ang ulo mo, walang magbabago sa takbo ng utak mo.

"Pagsuutin mo ng helmet 'yang kasama mo. Baka matauhan!" 'Yan ang kadalasang binabanggit ng mga tambay dito sa lugar namin basta makitaan ka na may kasamang magandang babae. Minsan na din akong sinabihan ng ganyan noong kasama ko ang dating leading lady ko. Isang biro. Pero mukhang nauwi sa katotohanan. Sana nga pinagsuot ko siya ng helmet. Para hindi siya matauhan at iwan ako (LOL).

Pero mabuti ba talaga ang helmet para sa atin? Minsan, may helmet talaga tayong kailangang hubarin. Dahil habang suot-suot natin ang helmet na ito, mananatili lang tayo sa paggawa ng mga bagay na alam nating masasaktan tayo. Pero dahil nga suot natin ang helmet na ito, nababawasan ang sakit na pwede nating maramdaman. Kaya ang nangyayari, hindi tayo natatauhan sa nagawa nating alam nating hindi na tama. Uulit-ulitin lang natin na gawin 'yun dahil nakakayanan natin ang sakit. At ang helmet na ito, ang ating katangahan. Kamanhidan. At kamartiran.

Nitong mga nakaraang araw. At sa mismong araw na isinulat ko ito, pakiramdam ko, nahubad ko na ang helmet na matagal nang nakapatong sa ulo ko. Sa dami ng helmet na nakasuot sa ulo ko, kahit papaano, may nabawas na. Natauhan ako. May nalaman. At may natutunan. Malakas ang pagkakabunggo ko na ikinawasak ng suot kong helmet. Pero dahil d'un, may nahihirapan na maintindihan kung kailangan ba natin ng helmet o hindi.

Kung ayaw mong magsuot ng helmet, ayos lang. Huwag kang magsuot. Kung gusto mo, sige lang. Magsuot ka. Simpleng problema lang 'yan at 'yan ang simpleng solusyon. Pero maalin sa dalawang 'yan ang gawin mo, ikaw na ang bahalang magdesisyon sa susunod na problemang kakaharapin mo.

Maraming pangyayari o aksidente ang nakakaharap ng bawat tao. Ang isa sa nangungunang aksidente dito ay ang aksidente sa kalye. Sa pagmamaneho ng motorsiklo. Marami ang binabawian ng buhay sa bawat aksidenteng 'yun sa kadahilanang wala silang suot na helmet. Kaya para sa mga ayaw magsuot ng helmet, ito lang ang masasabi ko. Hindi mapoprotektahan ng helmet ang lahat pero kaya naman niyang protektahan ang lahat. Magulo ba? Subukan mong basahin ulit. Hindi mapoprotektahan ng helmet ang lahat pero kaya naman niyang protektahan ang lahat. Magulo pa rin? Ganito na lang ang paliwanag. Maliit lang ang helmet. Hindi nito mapoprotektahan ang lahat ng parte ng katawan mo, pero maiingatan naman nito ang lahat ng alaala at katinuan mo na nakalagay sa kapirasong karne sa ulo mo.

Kung gusto mong manatiling matalino, magsuot ka ng helmet. Kung gusto mo namang maging matalino, hubarin mo ang helmet mo. Isa pang magulong salaysay. Nakakalito. Sa parteng ito, ayoko na ipaliwanag. Pero kung naintindihan mo naman ang mga sinulat ko mula sa itaas, malamang maiintindihan mo kung ano ang ibig sabihin ng magulong pahayag na ito.

Ang isang tanong na hanggang ngayon ay nananatili pa ring tanong. Bakit nagsusuot ng helmet ang mga pilotong kamikaze? Para saan pa? Kung mabibigyan mo ako ng matinong sagot, may kagalingan ka. Ikaw na ang idol ko.

**Note: Nagulat ako sa balita sa TV sa mga oras na ito. "Michelle Yeoh, namahagi ng helmet sa mga bata." Hindi ko pa nakiklik ang "Publish Post", nabasa na agad nila? Hahaha. Sakto lang.

......

Basahin ang kabuuan nito...

May 17, 2010

Katapusan Na! Yehey!

5 na lasing
"Malapit na ang Katapusan! Malapit na ang Katapusan!" 'Yan ang isinisigaw ng mga naniniwala at nag-aabang ng sinasabing pagkagunaw. Ang taong 2012. Hanggang ngayon ay marami pa rin ang nagtataas ng kilay tungkol sa taon na 'yan. At marami din naman ang sinusulit nila ang sa tingin nila ay nalalabi nilang mga araw. Maraming nagagalit sa sigaw na ito kaya sumasagot sila ng "Ulol! Kakatapos lang ng Kinsenas, Katapusan ka agad d'yan!"

Kanina lang, maraming nakapansin sa magandang pagpapakita ng buwan. Sa mga larawan ko lang 'yun nakita dahil tinatamad akong lumabas. Madaming natuwa. Madaming namangha. Madaming natakot at madaming nag-alala. Ikinatuwa ng iba ang nakita dahil mukha daw itong nakangiting cyclops. At mayroon din namang kinilig dahil parang engagement ring lang. May nakapansin din na katulad daw ito ng simbolo ng Islam. Marami naman ang nakipagtalo na hindi bituin 'yung nasa ibabaw ng buwan. Pero siguro kung pinaggigitnaan siya, between nga siya. Venus daw 'yung nasa ibabaw ng buwan. Oo. 'Yung dati naming kapitbahay noong hayskul ako na lagi kong inaabangan at pinagmamasdan. Si Venus. Kapatid ni Michelle na anak ni Aling Zorayda. Venus. Pero mas madami ang natakot dahil inaakala nila na isa itong signus para sa kinatatakutan nilang katapusan DAW ng mundo.


Ikaw? Naniniwala ka ba sa Katapusan? Masaya ang katapusan. Dahil magkakaroon ka na ng pambayad sa mga pinagkakautangan mo. Mabibili mo ang pinag-iipunan mo. May perang pang-deyt sa nililigawan mo. Pero ibang katapusan 'yun. Ang katapusang tinutukoy ko ay 'yung sinasabi nilang pagkawala natin dito sa mundo. Natatakot ka ba? Handa ka na ba?

Lahat ng bagay, may katapusan. Lahat ng simula, may dulo. Bawat simula ng pangungusap, may tuldok. Lahat ng nabuhay, dumadating ang kamatayan. Lahat ng teleserye, may pagtatapos. Kahit OA. Sa bawat hagdan, may dulo. Pero kung mapapansin ninyo, sa bawat pagtatapos, sa bawat paghinto, sa bawat nauubos at sa bawat nawawala, nagkakaroon ng bago, panibago at pagbabago. Ano ang ikinatatakot mo? Maaaring hindi ka na kasama sa mga bago na iyon, pero ang sinasabi nilang katapusan, ay isang simula para sa susunod na kabanata.

Maaring hindi ito katulad ng isang Computer Game na kapag Game Over na ay pwede kang bumalik kung saan ka namatay o sa lugar kung saan ka nagseyb. O kaya ay pwede kang gumawa ng bago para magsimula ulit.

Sa buhay natin, halos araw-araw ay may kinakaharap tayong katapusan o inaakala nating katapusan. Natanggal ka sa trabaho. Akala mo katapusan mo na. Iniwan ka ng pinakamamahal mo. Akala mo katapusan mo na. Nabuntis ka at pinabayaan ka ng ama ng dinadala mo. Akala mo katapusan mo na. Tatlong sabdyeks sa iskul ang naibagsak mo. Akala mo katapusan mo na. Hindi mo napanood ang katapusan ng Habang May Buhay ni Judy Ann. Akala mo katapusan mo na. Pinadalhan ako ng Disconnection Notice para sa internet ko. Wala akong pambayad. Pakiramdam ko, katapusan ko na.

Ang uod, hindi siya natatakot sa katapusan na kakaharapin niya. Dahil sa oras na dumating 'yun, tutubuan na siya ng pakpak at tatawaging paru-paro. Marami sa atin ang mukhang uod. Pero sana, maging katulad din natin sila sa pagharap ng katapusan.

Ngayon? Naniniwala ka ba sa katapusan? Totoong may katapusan pero hindi natin alam kung kailan. Ramdam natin na nag-aabang lang 'yan, pero wala pa ring kasiguraduhan. Bago pa lang pumasok ang taong 2000, madami ng nagsasabi at nagmamarka ng kalendaryo kung kailan ang katapusan. Pero lagi itong napo-postponed. Siguro dahil kulang pa sa badyet. Kaya minsan, nababanggit ko na lang, "Katapusan na ULIT ng mundo."

Bakit naman ito ang naisipan kong isulat? May nakita kasi akong poster ng 2012 kanina. Nanood din ako ng Nostradamus Prediction kaninang tanghali. Naging usapan naman ang magandang buwan kaninang gabi. Napag-usapan din dito na kung may sweldo sa katapusan ang mga tambay. At binigay naman ni Mommy Bojoy na Katapusan ang gawin kong tema ngayon. Ang lahat ng iyan ay hindi nagkataon lang. Pinilit ko lang talaga pagkonektahin. Hahaha.

Isipin mo na lang, araw-araw ay katapusan. Gawin mo sa bawat araw ang pinakamahusay mo. Isipin mong 'yun na ang huling pagkakataon na ipakita ang galing mo. Pinakamaayos na gawa mo. At pinakamahusay na ikaw. At kung dumating ang kinabukasan. Ipagpasalamat mo.

Ganito lang ang pagpipilian mo. Gamitin mo ang panahon mo o ikaw ang gagamitin ng panahon. Ubusin mo ang oras mo o ikaw ang ubusin ng oras.

Carpa Diem!


......

Basahin ang kabuuan nito...

May 12, 2010

Walang Magawa

8 na lasing
Kanina, wala akong magawang matino. Pero madalas talaga akong walang nagagawang matino. Matino ako pero wala akong magawa. Ano'ng magagawa ko? Lalo pa akong magpapakatino? Pero sana, 'yung mga nanalo at mananalo sa naganap na eleksiyon, magtino kayo at gumawa ng tama. Kahit may tama ang nanalo, wala na tayong magagawa. Wala akong pinapatamaan. Wala lang, napasingit lang sila sa usapan. Tama na nga. Balik na tayo sa matinong usapan.

Naisipan ko na lang magbasa ng manga. Oo. Binabasa ang manga. Hindi kinakain at nilalagyan ng alamang. Wala pang bagong Naruto episode sa manga kaya doon muna ako tumambay kina Luffy sa One Piece. Hindi ko pa natatapos, namatay kasi si Ace eh. Sayang. Kung hindi mo maintindihan ang sinasabi ko pero pilit mo pa rin itong binabasa, naiintindihan kita. Wala ka ring magawa.

Sabi naman ni Bob Ong, iba ang walang ginagawa sa gumagawa ng wala. At lalong iba ang walang magawa sa ayaw gumawa. Ako naman, mas gusto ko ang madaming ginagawa. Pero ayoko ng ginagawa ko. Nakakatamad ang gumawa kung hindi mo gusto 'yung ginagawa mo. At madalas namang gustung-gusto mong gawin pero hindi mo magawa. Kasi bawal. Hindi pwede. May kontra. At hindi para sa'yo. Wala tayong magawa.

May gusto kang gawin. May gusto kang sabihin. Para sa isang taong, gusto mong mahalin. Hindi mo magawa. Napapatunganga. Pero hindi mo makakaya, na siya ay mawala. Bakit ganito, ang sinusulat ko. Parang tulang nagkakaroon ng tono. Ang walang magawa, talaga bang ganito? Pagiging makata ang siyang epekto? ISTAP! Baka mapakanta pa ako. Ituloy na ang matinong usapan.

Minsan, may nagugustuhan kang isang tao pero hindi mo malapitan. Hindi mo makausap. Iba ang sinasabi ng utak mo, sa ikinikilos ng katawan mo. Planado sa isip mo 'yung gusto mong gawin. Pero sa oras na nasa harap mo na siya, mismo, wala kang magawa. Torpedo. Walang magawa.

Pero hindi lahat ng walang magawa, nauuwi sa pagkasawi sa pag-ibig. Tulad ng sinabi ng isang babae d'yan. Nasa tabi-tabi lang 'yan. Hindi ko na babanggitin ang pangalan dahil kung kwentong pag-ibig ang usapan, lagi nasasabit ang pangalan niya dito sa blag ko. Oo. Si Ate A!. Nyahaha. Hindi ko kilala kung sino 'yung lalaking sinabihan niya nito. Pero ang masasabi ko lang sa lalaking 'yun. Goodluck! Oo nga! Ito na ang sinabi niya, dami-dami ko pang satsat.

Walang magawa ang puso ko, kaya naman masisisi mo ba ako, kung ikaw ang mahal ko?


At meron ding namang nasa loob na ng isang relasyon pero hindi naman masaya. May nagpupumilit kumawala pero hindi magawa. Walang magawa dahil sa madaming dahilan. Naaawa sa maiiwan. Natatakot na may masaktan. At para sa kabaliktarang sitwasyon, para sa taong naiiwan. Hinahayaang masaktan ang sarili at maiwan. Hindi magawang ipaglaban kung ano ang nararamdaman. Walang magawang paraan kung paano pa ibabangon ang bumagsak na pinagsamahan. Walang magawa.

Inabot na ako ng madaling araw dito pero hindi ko alam kung may nagawa ba akong pwedeng ipagmalaki. Pero hindi ibig sabihin na dahil wala akong ginagawa ay isa na akong tamad na tao. Sa totoo lang... hmm... kasi... err... sige na nga... tamad na ako.

Tanong: Ano ba ang mas nakakainis, mga taong walang ginagawa o 'yung mga taong hindi alam ang gagawin? Mga taong gumagawa ng walang kwenta o 'yung mga taong walang pagpapahalaga sa ginagawa nila? Mga taong gumawa ng gumawa pero walang tumatama o 'yung mga taong ginagawa pa rin ang isang bagay kahit alam nilang mali?

Masasagot mo lang ang lahat ng tanong na iyan.... kung wala kang gagawin.

Sige na. Hanggang dito na lang muna. May gagawin pa ako eh.

......

Basahin ang kabuuan nito...

May 1, 2010

PAGCOR

7 na lasing
Apdeyt? Eh paano ba ako makakaapdeyt kung wala namang aydeyang tumatakbo sa utak ko ngayon? Habang nakatutok kasi ako sa kompyuter na ito, sinasabayan ko ng panonood ng PGT. Patay Gutom Tayo. Ay mali. Pilipinas Got Talent pala. Tapusin ko na lang muna ang panonood para maging maayos ang takbo ng utak ko pagbalik ko sa blag na ito. BRB.



Bak! Ang bilis ko 'no? Gusto ko muna magpasalamat sa kaibigan nating Choknat. Oo. 'Yung nabibili sa suking tindahan. Binigyan niya kasi ako ng choknat, este ng badge. 'Yung nakikita ninyo sa taas na larawan, 'yun 'yun. May malaking istar pa na kasama. Parang logo ng Pilipinas Got Talent, may istar din. Salamat po.

Galing ni Jovit Baldovino. Hindi ko sinasabi ito dahil kababayan ko siya. Magaling lang talaga siya. Hindi lang mga tao ang nagsitayuan n'ung kumanta siya, pati mga balahibo. 'Yung tipong parang nakuryente. Oo. Kuryente.


At dahil sa kuryente, may nagtext. Hindi pala, may nagpribadong mensahe sa pulork. Humingi kasi ako ng topic sa kanya. Kay Ate Arnie. At ito nga, kuryente ang naisipan niyang ibigay. Ganda ng topic. Nakuryente siguro siya kaya ito ang unang pumasok sa pilipit niyang utak.

Medyo wala pang pumapasok sa utak ko tungkol sa kuryente. Iniisip ko lang kung saan nagmula ang kuryente. Naiisip ko din 'yung sinabi dati ng ating Tagapaglikha. "Let there be light." Tapos may mga taong taga-Meralco ang sasagot nang "Maghintay po tayo hanggang bukas. Mayroon po kasi tayong rotating brownout."

Malaki ang naitutulong ng kuryente sa pang-araw-araw nating pamumuhay. Pero kailangan din nating mag-ingat sa paggamit nito. Naalala ko nung nasa elementarya pa lang ako. Mayroon akong iskulmeyt na nagsaksak ng kutsilyo sa isang awtlet sa loob ng silid-aralan. Bakit siya may dalang kutsilyo? Katatapos lang kasi nila magbungkal at magtanim ng mga halaman sa hardin. Buti na lang tumalsik siya at hindi hinigop ng kuryente. Ipinaliwanag ng guro namin na may dalawang epekto o aksiyon ang mangyayari kapag kasalukuyan kang nakukuryente. Ang isa ay nanghahatak at ang isa naman ay nagtataboy. Siguro 'yun ang tinatawag na positibo at negatibong kuryente. Mula noon, tinawag namin siyang Superman. Pero pinagsabihan pa rin siya ng aming guro. Ano'ng nangyari sa kanya? Ayun, grounded muna siya sa bahay.

Kung ang kuryente ay may positibo at negatibo. Ang pag-ibig, mayroon din ba? (Si Ate Arnie ulit ang nagsingit ng usapang love dito ha?) Siguro meron din. May pagmamahal na pinipilit mong makuha at makamit habang meron din namang pagmamahal na kailangan mong iwasan at layuan.

Ang kuryente ay ang organisadong kidlat. Hindi tulad ng kidlat, kalat-kalat. Hiwa-hiwalay. Delikado. Ang kuryente ay may maayos na lalagyan at naipapamahagi ng maayos para sa mga nangangailangan nito. At tulad ng pag-ibig, kailangang maging organisado din tayo. Huwag nating hayaang maging tulad ng isang kidlat ang ating nararamdaman. Na iba't iba ang tinatamaan. Dahil sa bawat natatamaan, sila ang nasasaktan.

Naniniwala tayo sa kuryente pero hindi natin maipaliwanag kung saan ito nanggagaling. Naniniwala tayo dahil patuloy ang pagdating ng bill sa mga bahay natin pero hindi natin alam kung paano ito dumadaloy sa mga wayrs. Tulad din ng pag-ibig, naniniwala tayong mayroon nga nito. Pero kapag tinanong tayo kung bakit natin mahal ang isang tao, wala tayong klarong maisagot. Basta ang alam natin, may nararamdaman tayong pagmamahal.

Hindi natin alam kung saan mismo nanggagaling ang pagmamahal pero alam nating ito ang nagbibigay ng liwanag sa buhay natin tulad ng liwanag na naibibigay ng kuryente.

Salamat sa kuryente, nakapag-apdeyt ako ng blag ko. Salamat din kay Ate Arnie, nakuryente siya. At nabuo ang PAGCOR. PAG-ibig at CORyente. CORny na.

......

Basahin ang kabuuan nito...

Apr 14, 2010

Organ Donor

4 na lasing
Bisikleta. Siguro naman marunong kang magpatakbo niyan. Pagbabalanse sa dalawang gulong at pinapatakbo sa pamamagitan ng pagpedal. Kung hindi ka naman marunong, nakiki-angkas ka na lang. Kung ayaw mo naman maki-angkas, sige, maglakad ka na lang.



Sabi nila, tamad daw maglakad ang nagbibisikleta. Siguro nga. Tamad din kasi ako eh. Gaya ng nag-imbento ng sasakyang ito. Ginawa niya ang bisikleta dahil tinatamad siyang maglakad at magbitbit ng kung anu-anong bagay.

Ang bisikleta daw ay sasakyan ng mga nobelista at manunulat. Nakikigaya lang ako sa kanila. Feelingero. Kunwari na lang na isa din akong manunulat kaya nakikibisikleta din ako. Mas gusto ko din ang bisikleta kaysa motorsiklo. Nakakabilib kasi. Sa bisikleta, ang makina nito ay 'yung mismong pasahero. Mas kilala na din ng tao ang munting sasakyang ito. Maraming naglalabasang iba't ibang klaseng transportasyon na pwedeng gamitin, pero mas nagiging delikado at nakakatakot. Sa araw-araw, mas nagiging halimaw ang mga sasakyang ito. Hindi tulad ng bisikleta, mula noon hanggang ngayon, nanatiling tupa pa rin.

Karamihan sa atin, bata pa lang ay tinuturuan nang magbisikleta. Tinuturuan tayo hindi lang para matutong magpatakbo nito. Tinuturuan tayo magbisikleta para maging handa tayo sa pagharap sa reyalidad ng buhay. Sa unang sakay ng bata sa bisikleta, asahan natin ang pagnginig niya. Pagewang-gewang. Sa ganoong pagkakataon, nangangailangan siya ng suporta at kalayaan. Alalayan at pabayaan. 'Yan ang kailangan ng bata. Nating mga bata. At mga isip-bata.

Sa bisikleta, mapapagod ka. Pagpapawisan. Sa motorsiklo, mabilis, kumportable. Anong mas pipiliin mo? Mapapahanga ka ng motorsiklo dahil sa bilis nito. Sa kabilisang hindi mo na napapansin kung ano ang nasa paligid mo. Hindi mo nae-enjoy ang dinadaanan mo. Sa bisikleta, ibang alaala ang naiipon sa'yo. Maaalala mo kung paano mo tahakin ang mahirap na daan at kung paano mo ito nalampasan.

Ang buhay natin ay para ding pagsakay sa bisikleta. Kung gusto mong manatili sa iyong balanse, kailangan mong ipagpatuloy ang pagpapatakbo nito. Kung babagal-bagal ka naman, mas malaki ang tiyansa mong bumagsak. At kung sobrang bilis naman, maaari ka ding madisgrasya. Kailangan 'yung sakto lang. Ganyan din sa totoong buhay. Sakto lang. Hindi tulad ng coke, sakto daw pero bitin. Hindi din tulad ng isang tindahang malapit dito. Sakto P100 daw, pero may P150 at P250. Dapat 'yung totoong sakto.

Pero sa kabuuan ng mga naisulat ko dito, isa lang ang gusto kong sabihin. Gustong ipagyabang. Oo. May bago akong bisikleta. Kung ano 'yung nasa larawan sa itaas. 'Yun mismo. Hehehe.

Tanong: Ano'ng tawag ninyo sa siklistang hindi nagsusuot ng helmet?
......

Basahin ang kabuuan nito...

Mar 9, 2010

Gupit Gupit

9 na lasing
Tumatakbo siya sa isang madilim at malawak na eskinita. (Malawak na eskinita?) Hinahabol ng isang kalalakihan. (Isa lang talaga?) Pagdating niya sa kanto, hindi niya malaman kung saan siya pwedeng lumiko. Pero mas pinili niyang sa kaliwa na lang lumiko. 'Yun lang kasi ang pagpipilian. (Eh? Kaliwa lang ang pagpipilian?) Patuloy pa rin siyang hinahabol ng kalalakihang ito. At sa hindi inaasahang pagkakaton, tama ang hinala niya. (Tama ang hinala pero hindi inaasahan?) Wala na siyang matatakbuhan. Mas minabuti na lang niyang magtago sa isang sulok ng bilog. (May sulok?) Nakita siyang nakatago ng humahabol sa kanya. Hindi pala siya nakita dahil nakatago nga pala. Kaya sumigaw na lang siya ng pabulong...

"Magsilabas ka na! Napapaligiran na kita!"

Hindi siya natakot pero lumabas pa rin siya at hinarap ang tinatakbuhan. Habang nakatalikod siya. Sinagot niya ang sigaw ng humababol sa kanya. Pero hindi na siya hinahabol dahil hindi na sila tumatakbo. "Hindi ako nasisindak sa'yo!" habang nanginginig ang mga tuhod. Naglabas ng isang armalayt ang kaaway mula sa kanyang bulsa. (Nagkasya?) Pinaputukan siya ng maraming beses. Natumba siya pero hindi siya tinamaan. Natumba siya sa kakailag sa mga bala.

At bago pa siya lapitan ng kaaway niya, bigla na lang may sumigaw. "CCCUUUUTTTTT!!!!!"

Mga artista pala sila at gumagawa ng isang eksena. Isa sa trabaho ko ang ganyan. Artista? Hindi artista pero artist. Direktor? Hindi din pero 'yung sinisigaw ng direktor. Cut? Oo. Isa sa ginagawa ko ang maggupit ng mga istikers. Istikerkat para sa sasakyan, sa salamin, at kung saan-saan pa. Medyo nakakalibang din ang ginagawa ko. Matapos mong magawa mula sa kompyuter ang desayn na gusto mo, idadaan mo naman sa makina para maging istikerkat na siya. Ang gaan na ng mga diskarte ngayon sa tulong ng makina.

Naaalala ko noon, sumusubok na din ako sa pagdesayn mula sa istikers para ikapit sa kung saan-saan gamit ang ordinaryong kater. Mula sa manu-manong drowing hanggang sa manu-manong paghiwa sa istiker, aabutin ng mahabang oras. Pero ngayon, ilang kliks lang sa kompyuter at ilang pindot sa makina, may istikerkat ka na.

At nabanggit ko na din lang ang paggupit. Gusto ko ng magpagupit ng buhok. Hinahabol na daw kasi ako ng gunting. Masyado na daw magulo at mahaba ang buhok ko. Dadalo kasi ako sa isang kasalan. Kasal. Gugupitin nito ang pagiging binata at dalaga pero magbubuklod naman para maging isang pamilya. Kailangan na ding putulin ang lahat ng nakakabit na bisyo at luho para hindi maging problema sa buhay mag-asawa. Para hindi maputol ang pagsasama.

Buti na lang at hindi ako ang ikakasal. Parang hindi pa kasi ako handa sa ganung bagay. Hindi kasi ako mahilig maglaro ng bahay-bahayan noong bata ako kaya hindi ko alam kung paano. Mas pinili ko ang paglalaro ng papel, gunting, bato. Pero alam ko din naman na hindi habambuhay ay kaya ko ang mag-isa.

Dahil ang isang tao, para ding gunting sa ibang aspeto. Tulad ng gunting, hindi ito makakagupit ng ayos kung wala ang kapares.

At sa mga oras na ito, napatitig ako sa pamangkin ko. May hawak na gunting at papel. Gumugupit. Ano sa palagay mo ang nararamdaman ko habang nakatingin sa kanya? Natutuwa? Hindi siguro. Dami niya kalat!
......

Basahin ang kabuuan nito...

Jan 28, 2010

Hamsilog: Hamster sa Bilog

11 na lasing
Hamsilog. Nakakagutom. Gusto ko kumain ng hamsilog. Naaalala ko dati noong nagpunta ako sa isang tapsilugan. Sinupladahan ako ng isang serbidorang babae (babae nga, kaya nga serbidora eh!) doon. Tinanong ko kasi kung hamster 'yung ham ng hamsilog nila. Tinarayan ako. Ham. Hambog. Hehehe.

Nabanggit ko na din lang ang hamster, bumili ang katrabaho ko ng hamster. Balak siguro niyang gumawa ng hamsilog. Err. Hindi pala. Aalagaan pala niya. Kung mag-aalaga tayo ng ganito, siyempre kailangan may kasamang paglilibangan 'yung alaga natin. Kadalasan sa libangan ng mga hamster 'yung pagtakbo sa bilog na bakal. 'Yung parang nakikipagkarera. Matatapos ang araw niya sa paganun-ganun lang. Kinabukasan, uulitin niya ang ganung libangan. Para lang siyang nakikipag-karera sa panahon. Kaya ngayon, ano ang hamsilog? Hamster sa bilog.

Naalala ko tuloy ang sinabi ni Robert Kiyosaki. Huwag daw nating hayaang makulong tayo sa tinatawag niyang rat race. Kadalasan sa atin kapag nagtatrabaho, inaabangan natin ang araw kung kailan tayo susweldo. Magtatrabaho tayo. Magsisikap at magiging masipag tayo sa trabaho. At kinabukasan, ganun ulit ang gagawin natin. Hindi na tayo nalalayo sa mga daga o hamster na paikut-ikot sa pagtakbo sa bilog na bakal. Mapapagod lang tayo, pero kinabukasan, ganun pa rin ang takbo ng utak natin.

Gumagabi na, akoy uuwi na
Tapos na ang saya, balik sa problema
At bukas ng umaga, uulitin ko pa ba
Ang kahibangang ito, sa tingin ko hindi na


Alam ninyo ba ang liriko na 'yan? Galing 'yan sa kantang Esem ng bandang Yano. Kung alam mo, malamang magkasing-edad tayo. Pero kung hindi mo alam, huwag mo na lang ipamukha sa akin na matanda na ako.

Paano nga ba tayo makakawala sa tinatawag na rat race? Maraming nakakaalam kung paano makatakas doon. Marami din naman ang nakakaalam pero ayaw subukan, natatakot. Maraming gustong makaalam kung paano pero hindi alam kung paano sisimulan. At maraming ayaw ng subukan kaya ayaw na ding malaman.

......

Basahin ang kabuuan nito...

Jan 8, 2010

Patintero (Part II)

11 na lasing
Patintero. Alam kong alam ninyo 'yan. At karamihan sa inyo ay nalaro na ito sa kalye. Kung maaalala ninyo, may naisulat na ako sa blag na ito na patungkol din sa patintero. Pero malamang hindi ninyo maalala kung ngayon ninyo lang natagpuan ang blag na ito. May kaibahan ang patinterong ikukwento ko ngayon sa patinterong nabanggit ko na dati. Malaking kaibahan.


Nasa sitwasyon ako ng parang patintero ngayon. Dalawang taong nagpapatintero. Nandito ako sa side ko at nandun naman siya sa side niya. Kung ang parihaba at parisukat ay may apat na sides, ilan naman ang sides ng bilog? Pakisagot na lang sa comment box sa ibaba ang sagot ninyo. Hahaha. Anong kinalaman ng bilog sa patintero? Hindi ko din alam.

Gusto kong lumampas sa guhit na nasa gitna para makapunta sa kabilang gilid. Pero hinaharangan niya ako sa guhit na 'yun. Hinaharanangan niya ako pero hindi niya ako itinataboy. Hindi niya ako hinahayaang makapunta sa lugar niya, pero hindi naman niya ako hinahayaang manatili sa lugar ko. Kapag sinusubukan kong lumampas, tumatapat siya sa daraanan ko. Parang patintero. Kaya ang nangyayari, nandun kami pareho sa gitna. At sa gitnang 'yun, doon namin ginagawa ang gusto naming gawin nang hindi lumalampas sa guhit.

Hindi na muna ako magpupumilit lumampas sa guhit. Dahil habang nandito kami sa guhit na ito, walang nagiging taya. Walang hinahabol at walang humahabol. Walang hinaharangan at walang humaharang. Sa ngayon, mas maganda na muna ang ganito. darating din ang araw na makakapunta ako sa lugar nya at makakapunta siya sa lugar ko ng hindi kami naghaharangan.
......

Basahin ang kabuuan nito...

Dec 12, 2009

Bato o Damo?

6 na lasing
Gusto kong magsulat ngayon. Oo nga, nagsusulat na nga ngayon. Heto na nga oh! Medyo napagod ako sa bago kong trabaho, pero ayos naman dahil nagiging abala at gusto ko naman ang ginagawa ko. Nakakasakit ng ulo dahil kailangan talaga paganahin ang utak. Nakakalaki ng ulo dahil sa mga papuring natatanggap at humahanga. Nakakasira ng ulo dahil sa dami ng mga gagawin. Sa madaling salita, nakakaulo. Pasensya na, hinahangin na naman ang ulo ko. Ulol! (Ako)


Pero pagkatapos ng trabaho, naku na naman. Heto na naman. Kapag walang magawa, nakakabato. Kapag walang ginagawa, binabato. Kapag ayaw ng ginagawa, ang sarap mambato. Kapag ayaw gumawa, mukhang bato! Ano ba 'to? Sana nga naging bato na lang talaga ako. (Patalastas: Nakakarelate ako sa nangyayari sa PBB House. Parang kami lang ng mga kasama ko. Isa-isang nagvovoluntary exit. Nyahaha!) Balik sa usapan. Minsan, hamburger. Este, minsan, gaya ng sinabi ko kanina, gusto kong maging bato na lang muna. Para wala muna akong maramdaman. Walang inaalala. Walang pakialam sa nangyayari. Hindi nasasaktan. Oo! Manhid. (Ako)

Pero 'yung inaakala kong mas makakabuti para sa akin, tama. Pero tama nga. Mas makakabuti para sa akin. Para sa akin lang. Isang paraan ng pagiging makasarili. Sarili ko lang ang inaalala ko. Dahil kahit gaano man ako katigas bilang isang bato, maiisip din natin, 'yung pagiging matigas na bato ang mas nakakasakit sa ibang tao. Subukan mong ibato. Mayroon din namang mga batong nabibili lang sa tabi-tabi. Gustung-gusto ng mga patapon ang buhay pero sa bandang huli, sila din ang sinasaktan ng batong 'yun. Ayoko na ng bato. Batugan! (Ako)

Kaya tama na muna ang usapang-bato. Gamit muna tayo ng alternatibo at mas mura. Ang damo. Kung gumamit kaya ako ng damo? Este kung maging isang damo na lang kaya ako? Sa bawat pag-ihip ng hangin, sumasabay sa paggalaw ang damo. Nakakaya ang anumang problema. Kung matumba man dahil sa lakas na hanging tumama sa kanya, muling tatayo ang damo pagkadaan ng malakas na hangin na iyon. Tinatapak-tapakan lang. Pero paglipas ng ilang araw, muling babangon. Parang walang nangyari. At kung sakaling maputol, muling tutubo ng panibago at mas maganda pa. Pero kung magiging ganitong damo ako, isa akong masamang damo. Hindi mawawala kung hindi bubunutin ang ugat. May mga damo ding nagpapaligaya ng tayo. Matapos ubusin at hithitin ang damong ito, iba't ibang kaligayahan ang nakukuha nila. May tawa pa ng tawa. Pero sa bandang huli din, sila ang kawawa. Damuho! (Ako)

Pero bago kayo mag-isip ng kung anu-ano dahil sa mga nabanggit ko, uunahan ko na kayo. Hindi ako adik. Tulad ng laging sinasabi ni Mommy Bojoy (Instant Mommy ko). Ikaw? Ano'ng mas gusto mo, bato o damo? Pero kahit ano pa yan, isama mo ako. Sesyon tayo.

Salamat at hanggang ngayon, mayroon pa ring mga taong gustung-gusto na magbasa ng blag ko. Pinapalakas ang loob at ineengganyo pa rin nila ako na magsulat. Kahit papaano, tumatatak sa isip nila 'yung mga nilalaman ng bawat entri ko. Hindi ko na talaga kayo papangalanan. Dami nagrereklamo eh (annoyed). Hanggang sa muli. Alak pa!
......

Basahin ang kabuuan nito...

Sep 20, 2009

Ano'ng Oras Na?

9 na lasing
Oras na para bumalik. Gusto ko ulit magsulat. Pero nasasayang ang oras ko sa pag-iisip kung anong isusulat. Madami ding pinagkakaabalahan. Sana magtuluy-tuloy na 'yung isang pinagkakaabalahan ko. Huwag lang masyadong madaliin. Ayos lang na gumugol ng mahabang oras basta alam mo namang may magandang resulta ang mapapala mo. Kaysa nagmamadali ka dahil ayaw mong mag-aksaya ng oras, pero pagdating mo sa dulo, kabiguan ang makukuha mo. Mas nasayang lang ang oras mo.


Kung oras ang pag-uusapan, wala 'yang bayad. At wala ding katumbas na kahit anumang halaga. Hindi mo pag-aari ang oras, pero pwede mo itong gamitin. Hindi mo maiipon ang oras, pero pwede mo naman itong gugulin. Pero sa oras na mawala ito, hindi mo na maibabalik pa. Mas mahalaga ang oras kaysa sa pera o anumang bagay. Dahil kapag nawala 'yung mga bagay na iyon, pwede mo pang makuha, pero ang oras, hindi na. Kaya kailangan nating pahalagahan ang oras. Matuto nating gamitin ito sa tama.

Depende na lang kung mabuti kayong magkaibigan ni Michael J. Fox at pahiramin ka ng kanyang kotse para makabalik sa nakaraan. O kaya kakampi ka sa mga masasamang loob na nakalaban ni Shaider para makapag Time Space Warp... ngayon din! Pero bukod doon, hindi na natin maibabalik ang oras.

Konti lang ang oras na pwedeng gamitin para sa lahat ng bagay o gawain. Pero sapat lang ang oras na 'yun para gawin ang mas mahahalagang bagay o dapat gawin. Kadalasan kasi, hingi tayo ng hingi ng maraming oras. Gusto natin at kinakailangan natin ang marami at mahabang oras. Pero ang ginagawa natin, hindi natin ginagamit nang tama. Kaya mas nasayang lang ang mahabang oras na 'yon. Kapag mayroon na tayong mahaba-habang oras, walang magawa. Nakakatamad. Nag-iisip tayo ng pwedeng gawin para lang patayin ang mahabang oras na 'yon. Pero hindi natin alam, unti-unti din tayong pinapatay ng oras.

Ang buhay natin ay nangangailangan ng matinding pasensya. Lahat ng hindi mo maabot, makukuha mo. Lahat ng pangarap mo, matutupad. Lahat ng wala sa'yo pwedeng mapasaiyo. Ang kailangan lang natin ay pasensya. Huwag tayong mainip. Hindi lahat ng bagay nakukuha sa madalian. Hintayin natin ang tamang oras, gamitin ng tama at nararapat.

Sabi nga ng iba, ang oras ay parang isang dakot ng buhangin. Kapag hinigpitan mo ang pagkakadakot sa mga 'yun, bibilis ang pag-agos ng mga buhangin sa'yong mga daliri at mawawala na sa kamay mo.

Pero isa lang ang tanging dahilan kung bakit mayroon tayong oras. Mayroon tayong oras para hindi mangyari ang lahat ng bagay ng sabay-sabay.

***************************************************

-_- : Bay, bilhin mo na itong relo ko. Bagong-bago.
^_^ : Aanhin ko pa ga ang relo, sa araw pa lang eh alam ko na kung anong oras. Kapag tirik ang araw, alas-dose na 'yun. Kapag pababa pakanluran ang araw, hapon na 'yon.
-_- : Eh pa'no kung umuulan, walang araw nun?
^_^ : Ay sisilong ka! Ika'y mababasa.
-_- : Paano naman kapag gabi?
^_^ : Ay bakit ga magrerelo pa pag gabi na. Ay tutulog na eh.

****************************

-_- : 'Tol, anong oras na ba?
^_^ : Oras na para bumili ka ng sarili mong relo!


......

Basahin ang kabuuan nito...

Jul 4, 2009

Ang Mahiwagang Tuldok

8 na lasing
Heto na naman ako, Sumusubok magsulat ng panibago, Pero paano nga pala ako bumuo ng kwento? Sabi nila, kung ano 'yung nararamdaman mo na hindi mo masabi ng may boses, madali lang ilabas kung idadaan mo sa pagsulat, Sa mga sinusulat ko, maraming tinatamaan, Maraming nakakasabay, Nakakasakay, Nakakaunawa, Pero sa mga taong madalas mong makasama, hindi ko alam ang mararamdaman ko kapag sila mismo ang tinamaan, at parang naramdaman na sila mismo ang tinutukoy, 'Yung kulang na lang ay pangalan para sabihing sila na nga mismo ang tinutukoy ko,


Pero hindi, Lahat ng kwento ko dito, labas ang kasalukuyang nagaganap sa paligid ko, 'Yun ang alam ko, Sumusulat ako kung ano ang laman ng utak ko, Kung anong aydiya ang mabuo sa isip ko, May nagtatanong kung ang mga sinusulat ko ay para talaga sa mismong taong gusto kong patamaan, dahil 'yun ang napapansin nila, Sinasabi ko na lang na kung ganun nga ang nangyayari, para palang isang sitkom ang blag kong ito, Kung tatanungin ako kung may tinutukoy akong tao sa bawat kwento ko, sasagutin ko ng OO, Tinutukoy ko sa mga kwento, ang lahat ng tao, Pinapatamaan ko ang lahat ng pwedeng patamaan, Lahat, Hindi sa iisa o iilang tao lamang, Kung hindi ka matamaan ng mga sinasabi ko, dalawa lang ang ibig sabihin noon, Magaling kang umilag, o bulok akong bumato,

Tama na ang mahabang introduksyon, Simulan na ang kwento, Ewan ko kung kwento nga ang itatawag ko dito ngayon, Tribya? Hindi ko din alam, Pangdagdag-kaalaman na lang siguro, Nakikita mo ba ang larawan sa itaas? Hindi 'yung header ng blag ko, mga lasenggero 'yun, Itong larawan na kasama sa entri na ito, Ano ang nakikita mo sa larawan na 'yun?

Oooppss! Teka! Sumagot ka muna bago mo basahin ang kasunod, Sa larawan na nasa itaas, dalawa ang kadalasang nagiging sagot natin, Ganito:

1, "Wala naman eh! Nasaan ga? Puti lang naman ang nakikita ko eh!"
2, "Tuldok! Isang Tuldok! Period, Dot, Maliit na Bilog, Kulangot?"

Sa dalawang sagot na yan, may dalawang eksplanasyon din ang nabuo, Dalawang eksplanasyon na nagpapakita at nagpapatunay kung paano mag-isip ang tao, Tayo, Sa unang sagot, [1, "Wala naman eh! Nasaan ga? Puti lang naman ang nakikita ko eh!"], Kapag may ginawa tayong maliit na bagay na maganda o positibo, dahil nga sa maliit lang ito, hindi ito madalas mapansin, O kaya ay hindi madaling makita, Kadalasan, nakikita na nga, pero binabalewala, Ikaw ba 'yun? Mas napapansin mo 'yung wala kesa meron, Mas nakikita kang walang ginagawa at hindi nila tinitingnan kung ano 'yung ginagawa mo, Ikaw ba 'yun? Tayo,

Dumako tayo sa pangalawa, [2, "Tuldok! Isang Tuldok! Period, Dot, Maliit na Bilog, Kulangot?"] Kung akala mo na mas tama ka dahil itong pangalawa ang napili mong sagot, mali ka, Ibahin natin ang sitwasyon, Kung ang tuldok lamang ang iyong nakita, hindi mo napapansin ang napakalaki at napakalawak na puting espasyo sa paligid ng tuldok na iyon, Kung ang tuldok na iyon ang nagsisilbing isang bagay na ginawa mo, na negatibo o masama, at 'yung malaking espasyo na 'yun ang ginawa mong mabuti, mababalewala na ang lahat ng nagawa mong maganda dahil lang sa isang napakaliit na pagkakamaling nagawa mo, Ikaw ba 'yun? Tayo,

'Yan ang isang halimbawa na may dalawang magkaibang pananaw, Inilagay natin ang tuldok sa positibo at negatibong sitwasyon, pareho lang na hindi maganda ang resulta, Wala sa tanong ang problema, Maaaring sabihin mo na ginugulo ko lang ang utak ninyo, dahil kahit ano ang piliin mo sa dalawa, may nakahanda na akong sagot para maliin ka, Sa pagsagot mo pa lang, mali ka na talaga, Bakit? Dahil ganun ang tao mag-isip, Ganun ang tao, 'Yun tayo,

Kung sa palagay mo naman ay tama ang sagot mo, Kung napansin mo nga ang isang tuldok na kasama ang malaking espasyong nakapaligid sa kanya, Base sa larawang nakita mo, Ikaw 'yun, Sana kami rin, At sana, hindi lang sa larawan, kahit sa tao, tingnan mo kung ano ang nakikita mo na hindi nakikita ng iba,

*******************************************************

Salamat kay Loraine/Aning, naalala ko 'yung sinulat niya na walang tuldok, Kay Sir Buddy [William Badillo] na propesor ko nung nag-aaral pa lang ako sa kolehiyo dahil sa kanya ko natutunan ang ilan sa nabanggit ko, At kay Kheed na tumulong sa akin para makabuo ng panibagong entri na tulad nito, Kung hindi ko siya nakausap, hindi lalabas 'yung ganung aydiya ko,

*******************************************************

Tingnan mo ang puting espasyo sa paligid ng larawan, Malawak, Pwede ka pumwesto kahit saan doon, Huwag mong isiksik ang sarili mo sa tuldok lang, Sa isang tuldok na iyon, ganito ang kalalabasan mo,

1 [ikaw] sa loob ng isang dot = 1d1ot

Ano'ng nabasa mo sa kinalabasan? 'Yun tayo, Sa ngayon, Pwede pa nating mabago, kung hindi muna natin lalagyan ng tuldok ang lahat, Dahil ang tuldok din, ang nagbibigay-hudyat ng katapusan [tuldok].
......

Basahin ang kabuuan nito...

May 1, 2009

Papel de Liha

12 na lasing
Labor Day. Araw ng mga Manggagawa. Karamihan sa mga manggagawa ngayon ay walang pasok, pero meron pa ring ilan na may pasok. Wala akong pasok ngayon, pero may pasok kami. Magulo? Hehehe. May pasok kami sa opisina ngayon, pero ako, wala akong pasok. Kasi rest day ko. Marami din siguro ang manganganak ngayon.


Manggagawa. Kapag nabanggit ang manggagawa, ang unang pumapasok sa ating isipan ay mga magsasaka at karpintero. Parang sila na yata ang naging aykon ng salitang manggagawa. Pero dumako muna tayo sa karpintero. Ano ba ang mga kagamitan ng tipikal na karpintero? Martilyo, lagare, papel de liha. Papel de Liha!

Ano naman ang mapapala natin sa liha? Ano ang maiisip mo kapag binanggit ko ang liha at mga taong nananakit sa'yo? Kuhanin mo ang liha at ikiskis mo sa kaaway mo hanggang sa maubos ang balat niya. Mali! Hindi ganun. Kung may mga taong nanakit sa'yo, isipin mo lang na para silang mga liha. At ikaw naman ay ang kahoy. Pero huwag masyadong mag-isip ng sobra, huwag managarap na ikaw si Machete.

Ituring mong liha ang mga taong nagbibigay sa'yo ng mga sakit ng ulo at mga problema. Isipin mo na lang kung paano kiskisin ng liha ang kahoy. Masakit di ba? Lalo na kapag simula pa lang. Bibigyan ka nila ng matinding sakit sa bawat pagkiskis nila. Pero habang patuloy sila sa pagkiskis sa'yo, mapapansin mo, mas kikinis ka at kikinang. Kiskisin nila ng kiskisin at kikinis ng kikinis 'yon. Kikinis 'yon. Kiki ni Sion! este kikinis iyon.

Sa bawat problema na dala nila sa buhay mo, mas magiging maganda ang resulta para sa'yo. Basta lagi mo lang labanan ang bawat kirot na dala-dala nila sa'yo. Dahil kung isa kang mahina at marupok na kahoy, sa patuloy na pagkiskis ng liha, ninipis ka at mababali. Kaya dapat talaga, tigasan mo! Tigasan mo pa! Sobrang tigas!

Pero hindi pa doon natatapos ang lahat. Kung isa kang kahoy na kuminis na dahil sa mga ginawa ng lihang 'yon. Balikan mo ang liha at pagmasdan. Tingnan mo kung ano na siya ngayon. Titigan mo ang lihang nagpahirap sa'yo. Matatapos ang papel niya sa buhay mo at isa na siyang walang kwentang papel na handa ng itapon sa basurahan.
......

Basahin ang kabuuan nito...

Apr 27, 2009

Astronomers VS Astronauts

12 na lasing
Napanood ninyo ba ang pelikulang Jurassic Park III? 'Yung may mga daynosors. Oo, 'yun nga. Pero hindi tungkol sa daynosors ang pag-uusapan natin ngayon. Sa mga nakapanood na, naaalala ninyo ba ang isang usapan doon sa pagitan nung doktor at ng isang bata? Napag-usapan nila ang pagkakaiba ng astronomers at astronots (astronauts).


Ganito ang naging usapan nilang dalawa...

Dr.: I have a theory that there are two kinds of boys -- those that want to be astronomers and those that want to be astronauts. The astronomer, the paleontologist, gets to study these amazing things from a place of complete safety.

Boy: But you never get to go into space.

Dr.:
Yes. It's the difference between imagining and seeing.


Dahil sa usapang 'yun, masasabi nating dalawa ang uri/klase ng tao. Pwede kang maging astronomer o kaya ay isang astronot.

Ang mga astronomer ay 'yung mga taong nagiging kuntento kapag nakikita ang bagay na nakakapagbigay-saya sa kanila. Masayang-masaya na silang nasisilip ang mga bituin at iba't ibang klaseng planeta. Habang ang mga astronots naman, mas gusto nilang maramdaman at mismong makasama ang mga bagay na nakakapagpasaya sa kanila. Mas gusto nilang puntahan 'yung bagay/lugar na 'yun kaysa masilayan lang.

Ikaw? Ano ka ba sa dalawang klaseng 'yan? Kuntento ka na ba na hanggang tingin ka na lang sa kanya o sa isang bagay na gusto mo? O mas gusto mong makuha ang bagay na 'yun para mas makumpleto ang kasiyahan mo?

Noon, masasabi kong isa akong astronomer. Pero mas nagustuhan ko ang pagiging astronot. Walang mas sasaya kapag kasama mo ang nagpapasaya sa'yo. Hindi lang 'yung basta mo lang nakikita. Mas maganda ang abot-kamay kaysa abot-tanaw.

Bilang astronot, pinuntahan ko ang isang planeta/bituin na nagbigay sa akin ng sobrang saya. Bilang tao, ang planeta o bituin na 'yun ay 'yung leading lady ko.
......

Basahin ang kabuuan nito...

Apr 23, 2009

Kabayo Ba Kayo?

6 na lasing
Tumataya ka ba sa karera ng kabayo? Nananalo naman ba ang kabayong tinatayaan mo? Ano'ng klaseng kabayo ba ang pinipili mo? Mahilig ka ba sa kabayo? Mahilig ka bang mangabayo, este sumakay sa kabayo? Mukha ka bang kabayo? Eh kilala ninyo ba ang Kabayo Kids?


Sa tingin mo, ano ang dahilan ng kabayo para manalo sa karera? Hindi mo alam? Hindi ko din alam, hindi naman ako kabayo eh. Pero ang alam ko, tumatakbo sila dahil sa hapdi at sakit na nararamdaman nila sa bawat pagpalo at hampas ng hinete o 'yung taong nakasakay sa kabayo.

Gusto ng hinete na manalo sila ng kabayo niya. Sinasaktan niya ito para mas bumilis ang takbo. At dahil nga sa sakit na nararamdaman ng kabayo, mas napapabilis ang pagtakbo niya. Kahit hindi niya alam kung ano'ng mapapala niya kung marating niya ang dulo ng karera. Pero iisa lang ang kanilang layunin. Ng hinete at kabayo. Ang manalo sa karera.


Sa totoong buhay, nakikipagkarera din tayo. Mismo. Ang buhay natin ay isang karera. Tayo ang nagmimistulang kabayo, at ang Diyos ang ating hinete. Sa bawat pinapataw na mabibigat na pagsubok Niya sa atin. Sa bawat hagupit na pinaparamdam Niya sa atin. Isa lang ang gusto at dahilan ng Diyos para sa atin. Gusto Niya tayong manalo sa nilalabanan nating karera.

Kaya kapag naramdaman mo ang mga problema mo, huwag kang manghihina. Huwag kang susuko. Dahil sa oras na makapunta ka sa pinis layn, may makukuha kang gantimpala. Hindi pa natin alam kung anong gantimpala 'yun, pero huwag kayong masosorpresa, kung ang makuha ninyong premyo ay.... DAMO.

Tandaan mo, isa kang KABAYO.
......

Basahin ang kabuuan nito...

Apr 16, 2009

Nakakapasong Apoy

4 na lasing
Nitong mga nagdaang araw, naging abala na naman ako. (Lagi na lang!) At medyo madami pa ang gagawin. Pero kapag natapos na namin ang dapat gawin para sa linggong ito, pwede na siguro ako magliwaliw ulit ng konti. Sa mga araw na abala ako, pelikula ang naging libangan at naging bayad ko sa sarili ko sa bawat pagsisikap na ginagawa ko.


Pirates of the Caribbean: The Curse of the Black Pearl. Pangatlong beses kong pinanood ang pelikulang iyan. At 'yung huling pagkakataon na napanood ko 'yun, saka ko lang pinahalagahan ang isang litanya doon. "You can trust a dishonest man to be dishonest. It's the honest man you should not trust for you'll never know when he would be dishonest." 'Yan ang sinabi ni Captain Jack Sparrow. Pero ang isusulat ko ngayong araw na ito ay HINDI tungkol d'yan. Ang isusulat ko ngayon ay tungkol sa mainit na apoy. Kaya halika na. Magbasa at tayo'y maglaro ng apoy.

Apoy. Nakakapaso. Mainit. Ang apoy, kapaki-pakinabang at nakaka-perhuwisyo. Kailangan natin ng apoy para makapagluto. Ayaw din natin ng apoy dahil delikado. Pero sa buhay natin, mayroon din tayong tinatawag na apoy.

Ang bawat problema at pagsubok na dumarating sa buhay natin, ay parang apoy. Tulad ng apoy, ang pagsubok ay pwedeng sumira sa'yo, at maaari din namang magpatibay sa'yo. Ang magiging resulta lang ay nakasalalay kung ano'ng katauhan mayroon ka. Depende kung paano mo malalampasan ang nakakapasong apoy na 'yun. Madaming paraan para patayin ang apoy. Marami ding sugat o paso ang pwedeng ibigay sa'yo ng apoy.

Pero lagi lang nating tandaan. Ang apoy na tumutunaw sa mantikilya, ay siya ring apoy na nagpapatibay ng bakal. Kung hindi mo alam kung paano labanan ang apoy na 'yun, magiging mantikilya ka matutunaw. Pero kahit ilang paso ang makuha mo sa apoy na 'yun, basta't alam mo na kaya mong lagpasan, darating ang araw, titibay ka na parang isang bakal kahit ilang apoy pa ang dumaan sa buhay mo.

** Labingpito [17] sa naisulat kong salita dito ay "apoy." Hindi pa kasama ang nasa titulo.

......

Basahin ang kabuuan nito...

Apr 9, 2009

Patintero ng Buhay

19 na lasing
Ilang taon ka na ba? Dumaan ka naman siguro sa pagkabata noh? Ano'ng kadalasan ang nilalaro ninyo noong bata pa kayo? Taguan? Habulan? Tumbang-preso o lata? Luksong-tinik o baka? Chinese garter? Bahay-bahayan? Buhay-buhayan? (Meron ba nun?)... Patintero? Patintero.


Patintero. Kadalasang nilalaro sa isang malawak na espasyo. Kadalasan sa kalye. Kadalasan sa basketbol kort. Kadalasang tatlo hanggang limang manlalaro sa kada koponan. Kadalasang dalawa hanggang apat na guhit na parisukat. Kadalasan... kadalasan sa sinasabi ko ngayon, ay kadalasan. Napapadalas na.

Pero alam ninyo ba, na kadalasan..., este ang patintero ay hindi lang basta simpleng laro ng mga bata? Kahit hanggang ngayong matatanda na kayong lahat, bata pa rin ako, naglalaro pa rin tayo ng patintero. Pero hindi na sa kalye. Nilalaro na natin ito sa totoong-buhay. Pero hindi na din ito tulad ng dati, na kapag nataya ka, pwede kang magprotesta na dinaya ka. Pwedeng mag-ulitan. Pwedeng ka ding mandaya. Pwedeng umayaw kapag sawa na. Pwedeng suntukin ang kalaro kapag inaasar kayo na lagi kayong talo. Pwedeng pwede... Pero iba na ngayon.

Sa patinterong nilalaro natin ngayon, walang ulitan. Walang ayawan. Walang sukuan. Kailangan mong lampasan ang bawat nakaharang sa harapan mo. Hindi mo pwedeng titigan na lang ang guhit habang buhay. Kailangan mong pilitin ang lumampas doon, kahit alam mong may kakaharapin kang panganib o paghihirap. Dahil sa oras na malampasan mo ang guhit na may nakaharang, matutunton mo ang dulo. Mapapatalon ka sa tuwa. Dahil nakaya mo. At saka mo sigawan 'yung pilit na humaharang sa'yo. "ASA KA BOY!!!"

May pagbabago man sa patintero noong bata at patintero sa buhay natin ngayon, hindi pa rin nagbabago ang pananaw bilang manlalaro at bilang taong haharap sa totoong hamon ng buhay.

Kaya ngayon... Tatayo ka na lang ba diyan? O aabante ka para lampasan ang guhit? Madapa ka man sa paglusot sa mga harang na iyon, balewala ang sugat kapag nandun ka na sa kabilang dulo.

Off-topic: Salamat nga pala sa kapatid nating si Desza ng Desperadang Prinsesa / Des per Ada ng Prinsesa sa pagbibigay ng tag. 'Yung tungkol sa siyam na katotohanan at isang kasinungalingan sa sarili. Pero parang meron na akong ganun dati, at meron na ding ginawang ganun si Loraine para sa akin. Kaya hindi ko na lang isusulat. Pero salamat pa rin sa kanya.
......

Basahin ang kabuuan nito...

Mar 24, 2009

Naghihintay sa Wala

12 na lasing
Isa ka ba sa naghihintay ng tamang lalaki/babae sa buhay mo? Isa ka ba sa naniniwala na ang taong karapat-dapat sa iyo ay kusang darating at hindi dapat hanapin? Isa ka ba sa nagsasabing hindi mo dapat hintayin ang tinatawag mong soulmate dahil lalapit at lalapit ito sa iyo? Isa ka ba sa binabayaran ng 200 pesos para mag-rally sa EDSA? Pwes! Makibaka! Huwag matakot!


Noon, isa ako sa mga nag-iisip at nakikinig sa mga ganyang sabi-sabi ng iba. Pero hindi kasama 'yung pagrarali kapalit ng pera. Lagi akong sinasabihan ng kaibigan ko na darating at darating din ang tamang babae para sa akin. Huwag lang daw ako mainip. Huwag kong hintayin. At lalong huwag kong hanapin.

Pero kung pareho kayo ng iniisip ng nakatadhanang kapareha mo? Pareho kayong naghihintay sa isa't isa. Pareho kayong naghihintay sa wala. Pareho kayong umaasa na darating sa buhay ninyo ang isa't isa. Pareho kayong tatandang dalaga at binata. Pareho na lang kayong magrali sa EDSA.

Matagal akong naghintay. Matagal akong umasa. Nagbabaka-sakaling may kumatok ng pintuan at pagbukas ko, biglang sasabihing siya ang soulmate ko. Pero hindi ganun ang nangyari. Walang kumatok sa pinto. (Awts! May biglang kumatok sa'kin ngayon dito, hiningian ako ng 500 ng tatay ko. Seryoso! Tsk!) Huwag na kayong maghintay ng kakatok! Hahaha. Balik sa sinasabi ko, dahil sa paghihintay ko sa sinasabi nilang darating sa buhay ko, lalo kong nararamdaman na walang darating.

Hindi mo kailangang maghintay ng tamang tao para sa sarili mo. Bagkus, maging tamang tao ka para dumating sa buhay ng isang tao. Hindi mo na kailangang maghintay, ikaw na mismo ang lumapit. Walang mangyayari kung nakatunganga ka. Mas mabuti na 'yung alam mong kumilos ka kahit hindi ka sigurado, kaysa naghihintay ka nga ng matagal, hindi ka din naman sigurado.

Si leading lady ko ngayon. Kilala ninyo na 'yun. Siguro siya 'yung tamang babae para sa akin, at siguro ako ang hinihintay niya para sa kanya. Buti na lang, pinasok ko ang tahimik niyang mundo. Nakigulo ako at hindi naghintay na siya mismo ang lumapit sa akin. Kung nagkataon, pareho lang kaming maghihintayan... sa wala.

Ayos! Ang ikli ng entri ko. Para lang may maisulat. Hehehe.
......

Basahin ang kabuuan nito...

Mar 3, 2009

Buhay-buhay

8 na lasing
Ilang araw ba akong nawala dito? Huwag ninyo nang bilangin. Sarili ko ang tinatanong ko. Naging abala ko sa aking trabaho. At magiging abala pa sa susunod. Isiningit ko na lang ang pagsusulat ngayon para naman masabing nabubuhay pa ang blag kong ito.


Nabubuhay. Nabanggit ko na din lang ang salitang "buhay," dalawang buhay ng kakilala ko ang nawala. Ang isa, kapatid ng lola ko. Nagkaroon siya ng sakit na diabetes at tinamaan na din ng stroke noon. At nitong isang araw lang, isinugod sa ospital. At doon na din binawian ng buhay.

At ang isa pang buhay na nawala, pinakamamahal na ina ng kabarkada ko. Masakit ang mawalan ng isang ina dahil naranasan ko na iyon. Nawalan na din siya ng ama, matagal na panahon na. Pero mas masakit 'yung pangyayaring sa ibang paraan ang naging dahilan ng pagkamatay ng kanyang ina. Pinatay. Masyadong maselan ang bahagi ng kwentong ito kaya hindi ko na lang idedetalye.

Matagal na kaming hindi nagkakasama-sama ng buong barkada. At dahil nga sa nangyaring 'yun sa buhay ng kanyang ina, hindi pwedeng hindi kami makiramay sa taong naging kaibigan namin sa loob ng mahigit-kumulang walong taon. Si Noriel. Nagkakwentuhan. Kumustahan. Balitaan ng mga nangyari sa buhay namin.

Si Jefoi. Nagkukwento ng kanyang naging karanasan sa isang ahensya ng kung ano. Nakalimutan ko na kung ano 'yun. Basta tinawagan siya ng ahensyang 'yun para kunin ang pera niya. Dali-dali naman siyang nagpunta doon sa opisina ng ahensiyang 'yun. Pag-akyat niya ng 2nd floor, halos mapaiyak siya sa kanyang nakita. Walang tao sa lugar na iyon. Walang mga mesa sa loob. Tanging salamin at mga nagkalat lang na papel ang nandoon. Nanginig ang kalamnan at pinanghinaan ng loob. Bumaba siya upang makalanghap ng sariwang hangin at upang kumalma ang kalooban sa natuklasan. At nang sa palagay niya eh ok na siya, tinawagan niya ang taong nagpapunta sa kanya sa lugar na iyon.

"Anong nangyari? Paano ko makukuha 'yung pera? Wala namang katao-tao dito sa opisina ninyo!"

Bago pa siya tuluyang magalit at makapagmura, mabilis na humingi ng pasensya ang nasa kabilang linya...

"Pasensya na po. Umakyat po kayo ng 3rd floor, naglipat na po kasi kami."

Sa puntong iyon, nakaramdam ng kahihiyan ang kaibigan ko. Hindi lang sa nakausap, kundi maging sa sarili niya mismo.

Madami kaming napag-usapan. Masarap talaga makinig sa mga kwento ng mga taong matagal mo nang hindi nakakausap. Naipon ang mga kwento. Iilan na lang sa aming mga binata at dalaga. Halos lahat ay lumagay na sa tahimik. Ewan ko lang kung tahimik nga talaga ang naging lagay nila. Hehehe. Pero nakatikim din kami ng mga payo mula sa mga nakapag-asawa na.

"Alam ninyo ga na kapag nag-asawa kayo... sa simula lang 'yun mahirap..." Nakikinig kami habang sumasang-ayon ang iba nang dugtungan niya ng... "Pagtagal noon... pahirap ng pahirap!"

Kulang ang ilang oras ng kwentuhan. Pero kailangang tapusin pansamantala dahil may kanya-kanya kaming lakad at dapat gawin. Nagpaalam muna kami kay Noriel. Biglang may sinabi ang kaibigan naming namatayan...

"Minsan na nga lang tayo makumpleto, sa ganitong pagkakataon pa. Dalaw-dalaw lang kayo dito ha?"

Muli... Nakikiramay ako sa mga naiwan ng mga mahal sa buhay. Haaayyy Buhaaaayyy! Ganyan talaga ang buhay.
......

Basahin ang kabuuan nito...

 

Copyright 2008 All Rights Reserved Revolution Two Church theme by Brian Gardner Converted into Blogger Template by Bloganol dot com Customized by Vhonne DeVille