Showing posts with label SideTrip. Show all posts
Showing posts with label SideTrip. Show all posts

Sep 4, 2010

Kapatid na Birtuwal ang Bida

7 na lasing
Hindi ako nandito para magtanggal ng agiw sa blag na ito. Nandito ako para sa isang taong mahalaga sa akin. Nagbitaw ako sa kanya na salita na bubuksan ko ulit ang blag na ito para sa kanya. Pero hindi ko ito gagawin dahil lang sa salitang 'yun, dahil gusto ko din itong gawin para sa kanya. Para sa espesyal na araw na darating sa kanya. Para sa kapatid kong kakaiba. Sa kapatid kong hindi ko kadugo. Pero itinuturing na kapuso at kapamilya. Walang iba kundi siya. Ang magmamana ng blag entri na ito.

Nakilala ko siya noon dahil sa skullcandy. Trip ko 'yun pero hindi niya binigay sa'kin. (Joke lang) Nagsimula kaming mag-usap. Nasasabi ko sa kanya 'yung mga hindi ko masabi sa iba. Sinasabi ko sa kanya kung kailan ako masaya. Sinasabi ko kung kailan ako malungkot. Pero kahit hindi ko sabihin, minsan alam na niya. Nagmana siya kay Madam Auring.

Nakilala niya ako habang isa akong astronot. Nasubaybayan niya ako sa pagiging astronomer. At dahil sa kanya, nakabalik ako sa pagiging astronot. Dahil siya ang nagturo sa akin ng tamang bituin na magpapaningning ng aking naging madilim na pagtingin. Bituin na ngayon ay nasa akin. At dahil makasarili ako, akin lang 'yun. Kahit papaano naman, kahit hindi siya magkwento sa akin, may konting nalalaman din naman ako sa kanya bilang astronot at astronomer. Ang alam ko lang, pareho kaming may bituin. Nagmana kami kay Neil Armstrong.

Ang madalas naming pagkwentuhan ay ang ugali ng mga taong pinanganak sa ilalim ng sodyak na Libra. Marami kaming pinagkakasunduan. Maraming pinagkakaindintihan. Maraming bagay na kami lang ang nagkakaunawaan at sinasang-ayunan. Mga ugaling pagkakapareho kaya taas-noong ipinagmamalaki ang pagiging Libra. Nagmana siya kay Madam Rocha.

Mahilig siya sa potogtrapiya. Siya ang isa sa patunay na wala sa klase ng kamera ang ganda ng kinukuha. Madami siyang sabdyek na mapapahanga ka. Pangpropesyunal na kalidad. Mahilig siyang sumali sa mga paligsahan ng mga kuhang larawan. Pinipilit niya kaming iboto siya. Napipilitan naman kaming bumoto. 'Yun ang akala niya. Tagahanga niya kami kaya tagasuporta na din. Nagmana siya kay Philip Hyde. Hindi niyo 'yun kilala.

Minsan ko na din siyang nakasagupa. Nakipagtalo. Nakipagtalastasan at nakipagbalagtasan. Nakipagdebate sa kung ano at alin. Kahit gustong sang-ayunan ang parehong nalalaman, pilit pa ring lumalaban. At dahil doon, nalaman kong dalubhasa siya sa pagiging makata. Hindi lang halata. Pwedeng panglaban sa Fliptop (di-balahuraan bersyon). Nagmana siya kay... hindi kay Francisco "Balagtas" Baltazar. Kay Loonie at Dello.

Alam kong marami na ang may alam nito pero isama ko na din siyempre. Kung makikita mo o mababasa mga sinasabi nya sa pablik, katulad na lang ng sa plok, magugulantang ka. Maharot. Hindi makakausap ng matino. Magulo ang mundo. Magulo ang utak. Tawa ng tawa. Magaling mambalahura ng kasama. Minsan kahit hindi kilala. Pero subukan mong kausapin ng seryoso. Ng pribado. Tiyak makikinig siya. Magsasalita ng hindi mo inaasahan. Bawat linya ay may nilalaman. May kabuluhan. At may matututunan. Tumatatak sa isipan. Makikilala mo ang pinakaseryosong siya. Ate ko yan. Sarili niya yan. Bihira ang ganyan. Walang pinagmanahan.

Nag-iisa ka. Hindi pwedeng may katulad ka. Maraming pwedeng pirata pero hindi ka makokopya. Kahit bigyan kami ng isangdaang potokapi mo, mas kuntento na kami sa pagiging isa mo.
Hindi ko din kayang isipin kung madami ka talaga. Masakit sa ulo, magugunaw ang mundo.

Marami pa akong gustong sabihin pero hindi na kailangan. Dahil siguradong marami na ang nakakaalam. At kailangang dahan-dahan at marahan sa bawat sabihin dahil alam ko na ang isasagot mo sa'kin. Ang walang kamatayang....

"TSEEEEE!!!! BUSEEEEETTT!!!!"


Maligayang Kaarawan! Ate Arny!
......

Basahin ang kabuuan nito...

May 30, 2010

Purunggo!

2 na lasing
Purunggo. Isang salitang batanggenyo. Marami ang nag-akalang isa itong uri ng pagkain. Pwede din. Pwede mo itong kainin kung sasali ka sa Pilipinas Got Talent. Ang purunggo ay bubog o basag na salamin o baso at ganung klase. Noong bata pa ako (bata pa rin naman ako ah?), basta may mabasag na babasaging bagay, ingat na ingat ako sa paglakad dahil baka mapurunggo ako. Masakit 'yun. Pero iba na ngayon. Kapag may nabasag, hindi na ako natatakot na mapurunggo. Hindi na kasi ako umaalis sa pwesto ko. Tatawag na lang ako ng ibang magliligpit.


Natutuwa ako sa tuwing makakakita ako ng babasaging salamin. Naalala ko 'yung tumatakbo palabas ng isang kompyutersyap. Masyadong malinaw ang salaming pinto kaya hindi niya inakalang mababangga siya. Akala niya ay tatagos siya. Muntik na itong mabasag sa lakas ng pagkakabangga. Hindi 'yung salamin. 'Yung bungo n'ung nabangga. Naisip ng may-ari na lagyan ng teyp ang salamin na naka-letrang ekis. Agad kong kinontra dahil may nakikita akong masamang mangyayari. Ang ekis ay magmimistulang target. Baka lalong banggain ang sentro nito. Kaya naisipan niyang palitan.

Ginawa na lamang niyang isang pahabang linya sa gitna. Kontrabida talaga ako. Sinabi ko na pwede namang yumuko o tumalon ang makakakita ng linya. Mababangga pa rin. At mas masama kung isang atleta ang dadaan doon. Aakalain nilang isang linya para sa pagtatapos ng lap 'yun kaya pipilitin nilang daanan 'yun. At isa na lang ang naging solusyon ng may-ari. Pinatay ang erkon at binuksan ang pinto. Magrereklamo pa sana ako nang maalala ko, hindi pala nila ako kostomer. Tambay nga lang pala ako doon.

Salamin. Pwede nating ihalintulad ang sarili natin sa isang salamin. Malaki ang epekto ng mga taong nangangalaga sa isang salamin. Kung paano ito linisin at ingatan. Kung paano hawakan at punasan. Kung paano banggain at basagin. Kung paano pulutin at buuin.

Kung isa kang salamin, tumatatak sa'yo ang bawat tatak ng palad at daliri ng mga humahawak sa'yo. Nagbibigay sa'yo ng alaala. Mga masasama at magagandang alaala. Pero may mga tao din ang pilit na binubura ang mga alaalang ito. Pinipilit nilang punasan at alisin ang mga tatak na naiwan sa'yo. Ang resulta, nagkakaroon ng gasgas sa bawat pagpipilit nilang burahin ito. Ang mga gasgas na ito ang nagsisilbi mong problema na gawa ng mga taong gustong alisin ang iyong alaala. Sinasabi nilang tutulungan ka nila pero ang totoo, ikaw ang kinakawawa nila.

Sinasabi nila, lalo kang tumatatag habang pilit ka nilang sinisira. Pero kung madalas ka na nilang banggain, magkakaroon ka na ng lamat. Isang lamat na mahirap nang remedyuhan. At kung hindi na maayos, tatakpan na lang ng kung anu-ano para hindi ito mahalata. Para ipakitang buo ka pa rin.

At kapag dumating ang panahon na mahina ka na, bigla kang dadagsain ng mga taong gusto kang sirain at basagin. Hindi mo na makakayanan at hahayaan mo na lang na bumagsak ka. Basag ka na. Maliliit na piraso ng purunggo. Mahirap nang buuin. Mahirap pagdikitin. At iisipin mong talo ka na. Isa ng basura. Sa ginawa nilang pagbasag sa'yo, akala din nilang wala ka na. Oo nga at hindi ka na buo. Pira-piraso. Pero dahil sa ginawa nilang pagbasag sa'yo, mas lalo ka lang naging delikado. Mapanganib. Maraming pwedeng masugatan kaya kailangang iwasan.

Ngayon, isa ka na bang purunggo?

......

Basahin ang kabuuan nito...

May 26, 2010

Pampatigas ng Ulo

5 na lasing
Helmet. Ano ba ang helmet? Ang helmet ay ang bagay na nakatakip sa ulo na nagsisilbing proteksiyon. Proteksiyon sa pagkabaog, este sa pagkabagok. Kung isa kang lalaki, bata ka pa lang, mayroon ka na nito. Nakahelmet pa ang ulo mo, sa ibaba. Mawawala lang ito kapag tinulian ka na. Pero hindi ito proteksiyon sa iyong pagkabaog. At kapag nasa tamang pag-iisip ka na, nagsusuot ka pa rin ng helmet. 'Yung helmet na nabibili kadalasan sa botika. Para hindi ka makabuntis ng hindi inaasahan. Dahil hindi ka nga baog. At hindi iikot ang kwento natin sa pagiging baog. Dahil helmet ang tema natin ngayon.


Helmet din ang tawag sa pagkaing nabibili sa tabi ng kalye. Ulo ng manok na iniihaw (tama ba?). Masarap daw 'yun pero ang sobrang pagkain nito ay hindi maganda sa katawan. Nakakabaog. Hindi! (Ang kulit mo! Sinabi nang hindi baog ang tema natin!) Hindi ko alam kung anong masamang epekto ang sobrang pagkain ng tinatawag nilang helmet. Basta masama daw. Kung ayaw mong maniwala, sige lang, kain ka pa. At kahit minsan, alam mo na ang magiging epekto, patuloy mo pa ring gagawin ang pinipigilan ng iba na gawin mo. Kasi, nakahelmet ka. Hindi ka pa natatauhan. Kahit iuntog na ang ulo mo, walang magbabago sa takbo ng utak mo.

"Pagsuutin mo ng helmet 'yang kasama mo. Baka matauhan!" 'Yan ang kadalasang binabanggit ng mga tambay dito sa lugar namin basta makitaan ka na may kasamang magandang babae. Minsan na din akong sinabihan ng ganyan noong kasama ko ang dating leading lady ko. Isang biro. Pero mukhang nauwi sa katotohanan. Sana nga pinagsuot ko siya ng helmet. Para hindi siya matauhan at iwan ako (LOL).

Pero mabuti ba talaga ang helmet para sa atin? Minsan, may helmet talaga tayong kailangang hubarin. Dahil habang suot-suot natin ang helmet na ito, mananatili lang tayo sa paggawa ng mga bagay na alam nating masasaktan tayo. Pero dahil nga suot natin ang helmet na ito, nababawasan ang sakit na pwede nating maramdaman. Kaya ang nangyayari, hindi tayo natatauhan sa nagawa nating alam nating hindi na tama. Uulit-ulitin lang natin na gawin 'yun dahil nakakayanan natin ang sakit. At ang helmet na ito, ang ating katangahan. Kamanhidan. At kamartiran.

Nitong mga nakaraang araw. At sa mismong araw na isinulat ko ito, pakiramdam ko, nahubad ko na ang helmet na matagal nang nakapatong sa ulo ko. Sa dami ng helmet na nakasuot sa ulo ko, kahit papaano, may nabawas na. Natauhan ako. May nalaman. At may natutunan. Malakas ang pagkakabunggo ko na ikinawasak ng suot kong helmet. Pero dahil d'un, may nahihirapan na maintindihan kung kailangan ba natin ng helmet o hindi.

Kung ayaw mong magsuot ng helmet, ayos lang. Huwag kang magsuot. Kung gusto mo, sige lang. Magsuot ka. Simpleng problema lang 'yan at 'yan ang simpleng solusyon. Pero maalin sa dalawang 'yan ang gawin mo, ikaw na ang bahalang magdesisyon sa susunod na problemang kakaharapin mo.

Maraming pangyayari o aksidente ang nakakaharap ng bawat tao. Ang isa sa nangungunang aksidente dito ay ang aksidente sa kalye. Sa pagmamaneho ng motorsiklo. Marami ang binabawian ng buhay sa bawat aksidenteng 'yun sa kadahilanang wala silang suot na helmet. Kaya para sa mga ayaw magsuot ng helmet, ito lang ang masasabi ko. Hindi mapoprotektahan ng helmet ang lahat pero kaya naman niyang protektahan ang lahat. Magulo ba? Subukan mong basahin ulit. Hindi mapoprotektahan ng helmet ang lahat pero kaya naman niyang protektahan ang lahat. Magulo pa rin? Ganito na lang ang paliwanag. Maliit lang ang helmet. Hindi nito mapoprotektahan ang lahat ng parte ng katawan mo, pero maiingatan naman nito ang lahat ng alaala at katinuan mo na nakalagay sa kapirasong karne sa ulo mo.

Kung gusto mong manatiling matalino, magsuot ka ng helmet. Kung gusto mo namang maging matalino, hubarin mo ang helmet mo. Isa pang magulong salaysay. Nakakalito. Sa parteng ito, ayoko na ipaliwanag. Pero kung naintindihan mo naman ang mga sinulat ko mula sa itaas, malamang maiintindihan mo kung ano ang ibig sabihin ng magulong pahayag na ito.

Ang isang tanong na hanggang ngayon ay nananatili pa ring tanong. Bakit nagsusuot ng helmet ang mga pilotong kamikaze? Para saan pa? Kung mabibigyan mo ako ng matinong sagot, may kagalingan ka. Ikaw na ang idol ko.

**Note: Nagulat ako sa balita sa TV sa mga oras na ito. "Michelle Yeoh, namahagi ng helmet sa mga bata." Hindi ko pa nakiklik ang "Publish Post", nabasa na agad nila? Hahaha. Sakto lang.

......

Basahin ang kabuuan nito...

May 17, 2010

Katapusan Na! Yehey!

5 na lasing
"Malapit na ang Katapusan! Malapit na ang Katapusan!" 'Yan ang isinisigaw ng mga naniniwala at nag-aabang ng sinasabing pagkagunaw. Ang taong 2012. Hanggang ngayon ay marami pa rin ang nagtataas ng kilay tungkol sa taon na 'yan. At marami din naman ang sinusulit nila ang sa tingin nila ay nalalabi nilang mga araw. Maraming nagagalit sa sigaw na ito kaya sumasagot sila ng "Ulol! Kakatapos lang ng Kinsenas, Katapusan ka agad d'yan!"

Kanina lang, maraming nakapansin sa magandang pagpapakita ng buwan. Sa mga larawan ko lang 'yun nakita dahil tinatamad akong lumabas. Madaming natuwa. Madaming namangha. Madaming natakot at madaming nag-alala. Ikinatuwa ng iba ang nakita dahil mukha daw itong nakangiting cyclops. At mayroon din namang kinilig dahil parang engagement ring lang. May nakapansin din na katulad daw ito ng simbolo ng Islam. Marami naman ang nakipagtalo na hindi bituin 'yung nasa ibabaw ng buwan. Pero siguro kung pinaggigitnaan siya, between nga siya. Venus daw 'yung nasa ibabaw ng buwan. Oo. 'Yung dati naming kapitbahay noong hayskul ako na lagi kong inaabangan at pinagmamasdan. Si Venus. Kapatid ni Michelle na anak ni Aling Zorayda. Venus. Pero mas madami ang natakot dahil inaakala nila na isa itong signus para sa kinatatakutan nilang katapusan DAW ng mundo.


Ikaw? Naniniwala ka ba sa Katapusan? Masaya ang katapusan. Dahil magkakaroon ka na ng pambayad sa mga pinagkakautangan mo. Mabibili mo ang pinag-iipunan mo. May perang pang-deyt sa nililigawan mo. Pero ibang katapusan 'yun. Ang katapusang tinutukoy ko ay 'yung sinasabi nilang pagkawala natin dito sa mundo. Natatakot ka ba? Handa ka na ba?

Lahat ng bagay, may katapusan. Lahat ng simula, may dulo. Bawat simula ng pangungusap, may tuldok. Lahat ng nabuhay, dumadating ang kamatayan. Lahat ng teleserye, may pagtatapos. Kahit OA. Sa bawat hagdan, may dulo. Pero kung mapapansin ninyo, sa bawat pagtatapos, sa bawat paghinto, sa bawat nauubos at sa bawat nawawala, nagkakaroon ng bago, panibago at pagbabago. Ano ang ikinatatakot mo? Maaaring hindi ka na kasama sa mga bago na iyon, pero ang sinasabi nilang katapusan, ay isang simula para sa susunod na kabanata.

Maaring hindi ito katulad ng isang Computer Game na kapag Game Over na ay pwede kang bumalik kung saan ka namatay o sa lugar kung saan ka nagseyb. O kaya ay pwede kang gumawa ng bago para magsimula ulit.

Sa buhay natin, halos araw-araw ay may kinakaharap tayong katapusan o inaakala nating katapusan. Natanggal ka sa trabaho. Akala mo katapusan mo na. Iniwan ka ng pinakamamahal mo. Akala mo katapusan mo na. Nabuntis ka at pinabayaan ka ng ama ng dinadala mo. Akala mo katapusan mo na. Tatlong sabdyeks sa iskul ang naibagsak mo. Akala mo katapusan mo na. Hindi mo napanood ang katapusan ng Habang May Buhay ni Judy Ann. Akala mo katapusan mo na. Pinadalhan ako ng Disconnection Notice para sa internet ko. Wala akong pambayad. Pakiramdam ko, katapusan ko na.

Ang uod, hindi siya natatakot sa katapusan na kakaharapin niya. Dahil sa oras na dumating 'yun, tutubuan na siya ng pakpak at tatawaging paru-paro. Marami sa atin ang mukhang uod. Pero sana, maging katulad din natin sila sa pagharap ng katapusan.

Ngayon? Naniniwala ka ba sa katapusan? Totoong may katapusan pero hindi natin alam kung kailan. Ramdam natin na nag-aabang lang 'yan, pero wala pa ring kasiguraduhan. Bago pa lang pumasok ang taong 2000, madami ng nagsasabi at nagmamarka ng kalendaryo kung kailan ang katapusan. Pero lagi itong napo-postponed. Siguro dahil kulang pa sa badyet. Kaya minsan, nababanggit ko na lang, "Katapusan na ULIT ng mundo."

Bakit naman ito ang naisipan kong isulat? May nakita kasi akong poster ng 2012 kanina. Nanood din ako ng Nostradamus Prediction kaninang tanghali. Naging usapan naman ang magandang buwan kaninang gabi. Napag-usapan din dito na kung may sweldo sa katapusan ang mga tambay. At binigay naman ni Mommy Bojoy na Katapusan ang gawin kong tema ngayon. Ang lahat ng iyan ay hindi nagkataon lang. Pinilit ko lang talaga pagkonektahin. Hahaha.

Isipin mo na lang, araw-araw ay katapusan. Gawin mo sa bawat araw ang pinakamahusay mo. Isipin mong 'yun na ang huling pagkakataon na ipakita ang galing mo. Pinakamaayos na gawa mo. At pinakamahusay na ikaw. At kung dumating ang kinabukasan. Ipagpasalamat mo.

Ganito lang ang pagpipilian mo. Gamitin mo ang panahon mo o ikaw ang gagamitin ng panahon. Ubusin mo ang oras mo o ikaw ang ubusin ng oras.

Carpa Diem!


......

Basahin ang kabuuan nito...

May 12, 2010

Walang Magawa

8 na lasing
Kanina, wala akong magawang matino. Pero madalas talaga akong walang nagagawang matino. Matino ako pero wala akong magawa. Ano'ng magagawa ko? Lalo pa akong magpapakatino? Pero sana, 'yung mga nanalo at mananalo sa naganap na eleksiyon, magtino kayo at gumawa ng tama. Kahit may tama ang nanalo, wala na tayong magagawa. Wala akong pinapatamaan. Wala lang, napasingit lang sila sa usapan. Tama na nga. Balik na tayo sa matinong usapan.

Naisipan ko na lang magbasa ng manga. Oo. Binabasa ang manga. Hindi kinakain at nilalagyan ng alamang. Wala pang bagong Naruto episode sa manga kaya doon muna ako tumambay kina Luffy sa One Piece. Hindi ko pa natatapos, namatay kasi si Ace eh. Sayang. Kung hindi mo maintindihan ang sinasabi ko pero pilit mo pa rin itong binabasa, naiintindihan kita. Wala ka ring magawa.

Sabi naman ni Bob Ong, iba ang walang ginagawa sa gumagawa ng wala. At lalong iba ang walang magawa sa ayaw gumawa. Ako naman, mas gusto ko ang madaming ginagawa. Pero ayoko ng ginagawa ko. Nakakatamad ang gumawa kung hindi mo gusto 'yung ginagawa mo. At madalas namang gustung-gusto mong gawin pero hindi mo magawa. Kasi bawal. Hindi pwede. May kontra. At hindi para sa'yo. Wala tayong magawa.

May gusto kang gawin. May gusto kang sabihin. Para sa isang taong, gusto mong mahalin. Hindi mo magawa. Napapatunganga. Pero hindi mo makakaya, na siya ay mawala. Bakit ganito, ang sinusulat ko. Parang tulang nagkakaroon ng tono. Ang walang magawa, talaga bang ganito? Pagiging makata ang siyang epekto? ISTAP! Baka mapakanta pa ako. Ituloy na ang matinong usapan.

Minsan, may nagugustuhan kang isang tao pero hindi mo malapitan. Hindi mo makausap. Iba ang sinasabi ng utak mo, sa ikinikilos ng katawan mo. Planado sa isip mo 'yung gusto mong gawin. Pero sa oras na nasa harap mo na siya, mismo, wala kang magawa. Torpedo. Walang magawa.

Pero hindi lahat ng walang magawa, nauuwi sa pagkasawi sa pag-ibig. Tulad ng sinabi ng isang babae d'yan. Nasa tabi-tabi lang 'yan. Hindi ko na babanggitin ang pangalan dahil kung kwentong pag-ibig ang usapan, lagi nasasabit ang pangalan niya dito sa blag ko. Oo. Si Ate A!. Nyahaha. Hindi ko kilala kung sino 'yung lalaking sinabihan niya nito. Pero ang masasabi ko lang sa lalaking 'yun. Goodluck! Oo nga! Ito na ang sinabi niya, dami-dami ko pang satsat.

Walang magawa ang puso ko, kaya naman masisisi mo ba ako, kung ikaw ang mahal ko?


At meron ding namang nasa loob na ng isang relasyon pero hindi naman masaya. May nagpupumilit kumawala pero hindi magawa. Walang magawa dahil sa madaming dahilan. Naaawa sa maiiwan. Natatakot na may masaktan. At para sa kabaliktarang sitwasyon, para sa taong naiiwan. Hinahayaang masaktan ang sarili at maiwan. Hindi magawang ipaglaban kung ano ang nararamdaman. Walang magawang paraan kung paano pa ibabangon ang bumagsak na pinagsamahan. Walang magawa.

Inabot na ako ng madaling araw dito pero hindi ko alam kung may nagawa ba akong pwedeng ipagmalaki. Pero hindi ibig sabihin na dahil wala akong ginagawa ay isa na akong tamad na tao. Sa totoo lang... hmm... kasi... err... sige na nga... tamad na ako.

Tanong: Ano ba ang mas nakakainis, mga taong walang ginagawa o 'yung mga taong hindi alam ang gagawin? Mga taong gumagawa ng walang kwenta o 'yung mga taong walang pagpapahalaga sa ginagawa nila? Mga taong gumawa ng gumawa pero walang tumatama o 'yung mga taong ginagawa pa rin ang isang bagay kahit alam nilang mali?

Masasagot mo lang ang lahat ng tanong na iyan.... kung wala kang gagawin.

Sige na. Hanggang dito na lang muna. May gagawin pa ako eh.

......

Basahin ang kabuuan nito...

May 1, 2010

PAGCOR

7 na lasing
Apdeyt? Eh paano ba ako makakaapdeyt kung wala namang aydeyang tumatakbo sa utak ko ngayon? Habang nakatutok kasi ako sa kompyuter na ito, sinasabayan ko ng panonood ng PGT. Patay Gutom Tayo. Ay mali. Pilipinas Got Talent pala. Tapusin ko na lang muna ang panonood para maging maayos ang takbo ng utak ko pagbalik ko sa blag na ito. BRB.



Bak! Ang bilis ko 'no? Gusto ko muna magpasalamat sa kaibigan nating Choknat. Oo. 'Yung nabibili sa suking tindahan. Binigyan niya kasi ako ng choknat, este ng badge. 'Yung nakikita ninyo sa taas na larawan, 'yun 'yun. May malaking istar pa na kasama. Parang logo ng Pilipinas Got Talent, may istar din. Salamat po.

Galing ni Jovit Baldovino. Hindi ko sinasabi ito dahil kababayan ko siya. Magaling lang talaga siya. Hindi lang mga tao ang nagsitayuan n'ung kumanta siya, pati mga balahibo. 'Yung tipong parang nakuryente. Oo. Kuryente.


At dahil sa kuryente, may nagtext. Hindi pala, may nagpribadong mensahe sa pulork. Humingi kasi ako ng topic sa kanya. Kay Ate Arnie. At ito nga, kuryente ang naisipan niyang ibigay. Ganda ng topic. Nakuryente siguro siya kaya ito ang unang pumasok sa pilipit niyang utak.

Medyo wala pang pumapasok sa utak ko tungkol sa kuryente. Iniisip ko lang kung saan nagmula ang kuryente. Naiisip ko din 'yung sinabi dati ng ating Tagapaglikha. "Let there be light." Tapos may mga taong taga-Meralco ang sasagot nang "Maghintay po tayo hanggang bukas. Mayroon po kasi tayong rotating brownout."

Malaki ang naitutulong ng kuryente sa pang-araw-araw nating pamumuhay. Pero kailangan din nating mag-ingat sa paggamit nito. Naalala ko nung nasa elementarya pa lang ako. Mayroon akong iskulmeyt na nagsaksak ng kutsilyo sa isang awtlet sa loob ng silid-aralan. Bakit siya may dalang kutsilyo? Katatapos lang kasi nila magbungkal at magtanim ng mga halaman sa hardin. Buti na lang tumalsik siya at hindi hinigop ng kuryente. Ipinaliwanag ng guro namin na may dalawang epekto o aksiyon ang mangyayari kapag kasalukuyan kang nakukuryente. Ang isa ay nanghahatak at ang isa naman ay nagtataboy. Siguro 'yun ang tinatawag na positibo at negatibong kuryente. Mula noon, tinawag namin siyang Superman. Pero pinagsabihan pa rin siya ng aming guro. Ano'ng nangyari sa kanya? Ayun, grounded muna siya sa bahay.

Kung ang kuryente ay may positibo at negatibo. Ang pag-ibig, mayroon din ba? (Si Ate Arnie ulit ang nagsingit ng usapang love dito ha?) Siguro meron din. May pagmamahal na pinipilit mong makuha at makamit habang meron din namang pagmamahal na kailangan mong iwasan at layuan.

Ang kuryente ay ang organisadong kidlat. Hindi tulad ng kidlat, kalat-kalat. Hiwa-hiwalay. Delikado. Ang kuryente ay may maayos na lalagyan at naipapamahagi ng maayos para sa mga nangangailangan nito. At tulad ng pag-ibig, kailangang maging organisado din tayo. Huwag nating hayaang maging tulad ng isang kidlat ang ating nararamdaman. Na iba't iba ang tinatamaan. Dahil sa bawat natatamaan, sila ang nasasaktan.

Naniniwala tayo sa kuryente pero hindi natin maipaliwanag kung saan ito nanggagaling. Naniniwala tayo dahil patuloy ang pagdating ng bill sa mga bahay natin pero hindi natin alam kung paano ito dumadaloy sa mga wayrs. Tulad din ng pag-ibig, naniniwala tayong mayroon nga nito. Pero kapag tinanong tayo kung bakit natin mahal ang isang tao, wala tayong klarong maisagot. Basta ang alam natin, may nararamdaman tayong pagmamahal.

Hindi natin alam kung saan mismo nanggagaling ang pagmamahal pero alam nating ito ang nagbibigay ng liwanag sa buhay natin tulad ng liwanag na naibibigay ng kuryente.

Salamat sa kuryente, nakapag-apdeyt ako ng blag ko. Salamat din kay Ate Arnie, nakuryente siya. At nabuo ang PAGCOR. PAG-ibig at CORyente. CORny na.

......

Basahin ang kabuuan nito...

Apr 14, 2010

Organ Donor

4 na lasing
Bisikleta. Siguro naman marunong kang magpatakbo niyan. Pagbabalanse sa dalawang gulong at pinapatakbo sa pamamagitan ng pagpedal. Kung hindi ka naman marunong, nakiki-angkas ka na lang. Kung ayaw mo naman maki-angkas, sige, maglakad ka na lang.



Sabi nila, tamad daw maglakad ang nagbibisikleta. Siguro nga. Tamad din kasi ako eh. Gaya ng nag-imbento ng sasakyang ito. Ginawa niya ang bisikleta dahil tinatamad siyang maglakad at magbitbit ng kung anu-anong bagay.

Ang bisikleta daw ay sasakyan ng mga nobelista at manunulat. Nakikigaya lang ako sa kanila. Feelingero. Kunwari na lang na isa din akong manunulat kaya nakikibisikleta din ako. Mas gusto ko din ang bisikleta kaysa motorsiklo. Nakakabilib kasi. Sa bisikleta, ang makina nito ay 'yung mismong pasahero. Mas kilala na din ng tao ang munting sasakyang ito. Maraming naglalabasang iba't ibang klaseng transportasyon na pwedeng gamitin, pero mas nagiging delikado at nakakatakot. Sa araw-araw, mas nagiging halimaw ang mga sasakyang ito. Hindi tulad ng bisikleta, mula noon hanggang ngayon, nanatiling tupa pa rin.

Karamihan sa atin, bata pa lang ay tinuturuan nang magbisikleta. Tinuturuan tayo hindi lang para matutong magpatakbo nito. Tinuturuan tayo magbisikleta para maging handa tayo sa pagharap sa reyalidad ng buhay. Sa unang sakay ng bata sa bisikleta, asahan natin ang pagnginig niya. Pagewang-gewang. Sa ganoong pagkakataon, nangangailangan siya ng suporta at kalayaan. Alalayan at pabayaan. 'Yan ang kailangan ng bata. Nating mga bata. At mga isip-bata.

Sa bisikleta, mapapagod ka. Pagpapawisan. Sa motorsiklo, mabilis, kumportable. Anong mas pipiliin mo? Mapapahanga ka ng motorsiklo dahil sa bilis nito. Sa kabilisang hindi mo na napapansin kung ano ang nasa paligid mo. Hindi mo nae-enjoy ang dinadaanan mo. Sa bisikleta, ibang alaala ang naiipon sa'yo. Maaalala mo kung paano mo tahakin ang mahirap na daan at kung paano mo ito nalampasan.

Ang buhay natin ay para ding pagsakay sa bisikleta. Kung gusto mong manatili sa iyong balanse, kailangan mong ipagpatuloy ang pagpapatakbo nito. Kung babagal-bagal ka naman, mas malaki ang tiyansa mong bumagsak. At kung sobrang bilis naman, maaari ka ding madisgrasya. Kailangan 'yung sakto lang. Ganyan din sa totoong buhay. Sakto lang. Hindi tulad ng coke, sakto daw pero bitin. Hindi din tulad ng isang tindahang malapit dito. Sakto P100 daw, pero may P150 at P250. Dapat 'yung totoong sakto.

Pero sa kabuuan ng mga naisulat ko dito, isa lang ang gusto kong sabihin. Gustong ipagyabang. Oo. May bago akong bisikleta. Kung ano 'yung nasa larawan sa itaas. 'Yun mismo. Hehehe.

Tanong: Ano'ng tawag ninyo sa siklistang hindi nagsusuot ng helmet?
......

Basahin ang kabuuan nito...

Mar 29, 2010

Pusong Gutom

10 na lasing
Nakakagutom. Ang sarap kumain. Pero nakakatamad bumili ng makakain sa labas. Lalo na kung walang makasama. Hindi tulad dati, hahagilap lang ng makakasama sa paglabas. Hirap ding ibalik ang nakasanayan na kapag alam mong wala na. Pilit mong ginagawa pero hindi ka kuntento dahil hindi iyon ang eksakto. At dahil sa sinasabi kong ito, lalo ka na naman naguguluhan. Dahil hindi mo alam kung konektado pa. At siyempre, nakakagutom ang mag-isip kung hindi mo maintindihan ang binabasa mo. Kaya samahan mo na lang ako. Kakain tayo. Pero hindi ka naman makakasama kasi hindi ka pwede. Ako na lang mag-isa, para konting gastos lang.



Ikaw? Kapag nagugutom ka, kumakain ka ba agad o lalo kang nagpapagutom pa? Madalas ka bang malipasan ng gutom o talagang pinapalipas mo lang ang pagkain dahil sa nagtitipid ka? Minsan, sa pagiging abala natin, nakakalimutan nating kumain sa tamang oras. At kapag dumating na ang oras para kumain ka, saka naman mawawalan ka na ng gana. Kahit gaano kasarap 'yung inihahain sa'yo, hindi mo na magawang isubo. Pakiramdam mo busog ka na kahit wala pang laman ang tiyan mo.

Marami din namang iba diyan, talagang pinipili ang malipasan ng gutom para makatipid. At mas marami naman ang ayaw talaga kumain para magpapayat. Kahit takam na takam na sa pagkain, hinding-hindi mo siya mapapakain. At kung mapakain mo naman siya ng konti, gusto pa sundutin ang lalamunan ng daliri para mailuwa ang kakapiranggot na kinain.

Ang resulta? Masakit sa sikmura. Ulser.

Nung isang gabi, nagkakwentuhan kami ng ate kong may pilipit na utak. Oo. Si Ate Arnie. Nabanggit niya na minsan daw, parang nalilipasan din ng gutom ang love. Minsan, nawawalan na ng gana. Napapabayaan. Nanghihina. Nawawala.

Pero kapag nakasanayan na ang ganung sitwasyon, akala mo minsan ayos lang. Sanay ka na eh. Tapos bigla kang tatraydurin nu'ng tinatawag na ulser. Bigla ka na lang masasaktan. Kahit wala ka namang ginagawa. At kapag naramdaman mo na ulit ang uhaw at gutom, susubukan mong lapatan ulit ng laman ang nagugutom mong sikmura. Parang sa pag-ibig (may ganun?) o 'yung tinatawag na love ni Ate Arnie, susubukan mong ibalik 'yung nararamdaman sa puso mo. 'Yung pakiramdam na napabayaan mo kaya ka nasasaktan. Kaya ka nagka-ulser.

Pero kadalasan, kapag ganun ang ginagawa mo, mararamdaman mo pa rin ang sakit. 'Yung isinusubo mo para mapawi ang sakit ng tiyan mo, sakit pa rin ang nararamdaman sa paglapat nito sa sikmura mo. Dahil may lamat o sugat na naiwan doon. At minsan, gusto mo na kainin ang lahat para lang mawala ang sakit. Kahit ramdam mo din na wala ka naman talagang gana.

Gusto mong maghanap ng ibang makakain. 'Yung kakaiba. 'Yung gaganahan ka. Pero ganun pa rin. Masakit pa rin sa sikmura. Malala na. Mas mabuti pa kung gamutin mo muna ang sugat na naiwan. At kapag magaling na, pwede mo ng kainin ang gusto mo na hindi ka masasaktan.

Pagkain at sikmura lang talaga ang gusto ko ikwento. Si Ate Arnie lang ang nagpasok ng love dito. Hahaha.

Sabi din nila, nakaka-ulser talaga ang love. Lalo na kapag may deyt kayo. At pinaghihintay ka niya ng matagal. Hindi ka makakain agad habang wala pa siya.

Tara na. Itadakemasu!
......

Basahin ang kabuuan nito...

Mar 9, 2010

Gupit Gupit

9 na lasing
Tumatakbo siya sa isang madilim at malawak na eskinita. (Malawak na eskinita?) Hinahabol ng isang kalalakihan. (Isa lang talaga?) Pagdating niya sa kanto, hindi niya malaman kung saan siya pwedeng lumiko. Pero mas pinili niyang sa kaliwa na lang lumiko. 'Yun lang kasi ang pagpipilian. (Eh? Kaliwa lang ang pagpipilian?) Patuloy pa rin siyang hinahabol ng kalalakihang ito. At sa hindi inaasahang pagkakaton, tama ang hinala niya. (Tama ang hinala pero hindi inaasahan?) Wala na siyang matatakbuhan. Mas minabuti na lang niyang magtago sa isang sulok ng bilog. (May sulok?) Nakita siyang nakatago ng humahabol sa kanya. Hindi pala siya nakita dahil nakatago nga pala. Kaya sumigaw na lang siya ng pabulong...

"Magsilabas ka na! Napapaligiran na kita!"

Hindi siya natakot pero lumabas pa rin siya at hinarap ang tinatakbuhan. Habang nakatalikod siya. Sinagot niya ang sigaw ng humababol sa kanya. Pero hindi na siya hinahabol dahil hindi na sila tumatakbo. "Hindi ako nasisindak sa'yo!" habang nanginginig ang mga tuhod. Naglabas ng isang armalayt ang kaaway mula sa kanyang bulsa. (Nagkasya?) Pinaputukan siya ng maraming beses. Natumba siya pero hindi siya tinamaan. Natumba siya sa kakailag sa mga bala.

At bago pa siya lapitan ng kaaway niya, bigla na lang may sumigaw. "CCCUUUUTTTTT!!!!!"

Mga artista pala sila at gumagawa ng isang eksena. Isa sa trabaho ko ang ganyan. Artista? Hindi artista pero artist. Direktor? Hindi din pero 'yung sinisigaw ng direktor. Cut? Oo. Isa sa ginagawa ko ang maggupit ng mga istikers. Istikerkat para sa sasakyan, sa salamin, at kung saan-saan pa. Medyo nakakalibang din ang ginagawa ko. Matapos mong magawa mula sa kompyuter ang desayn na gusto mo, idadaan mo naman sa makina para maging istikerkat na siya. Ang gaan na ng mga diskarte ngayon sa tulong ng makina.

Naaalala ko noon, sumusubok na din ako sa pagdesayn mula sa istikers para ikapit sa kung saan-saan gamit ang ordinaryong kater. Mula sa manu-manong drowing hanggang sa manu-manong paghiwa sa istiker, aabutin ng mahabang oras. Pero ngayon, ilang kliks lang sa kompyuter at ilang pindot sa makina, may istikerkat ka na.

At nabanggit ko na din lang ang paggupit. Gusto ko ng magpagupit ng buhok. Hinahabol na daw kasi ako ng gunting. Masyado na daw magulo at mahaba ang buhok ko. Dadalo kasi ako sa isang kasalan. Kasal. Gugupitin nito ang pagiging binata at dalaga pero magbubuklod naman para maging isang pamilya. Kailangan na ding putulin ang lahat ng nakakabit na bisyo at luho para hindi maging problema sa buhay mag-asawa. Para hindi maputol ang pagsasama.

Buti na lang at hindi ako ang ikakasal. Parang hindi pa kasi ako handa sa ganung bagay. Hindi kasi ako mahilig maglaro ng bahay-bahayan noong bata ako kaya hindi ko alam kung paano. Mas pinili ko ang paglalaro ng papel, gunting, bato. Pero alam ko din naman na hindi habambuhay ay kaya ko ang mag-isa.

Dahil ang isang tao, para ding gunting sa ibang aspeto. Tulad ng gunting, hindi ito makakagupit ng ayos kung wala ang kapares.

At sa mga oras na ito, napatitig ako sa pamangkin ko. May hawak na gunting at papel. Gumugupit. Ano sa palagay mo ang nararamdaman ko habang nakatingin sa kanya? Natutuwa? Hindi siguro. Dami niya kalat!
......

Basahin ang kabuuan nito...

Jan 28, 2010

Hamsilog: Hamster sa Bilog

11 na lasing
Hamsilog. Nakakagutom. Gusto ko kumain ng hamsilog. Naaalala ko dati noong nagpunta ako sa isang tapsilugan. Sinupladahan ako ng isang serbidorang babae (babae nga, kaya nga serbidora eh!) doon. Tinanong ko kasi kung hamster 'yung ham ng hamsilog nila. Tinarayan ako. Ham. Hambog. Hehehe.

Nabanggit ko na din lang ang hamster, bumili ang katrabaho ko ng hamster. Balak siguro niyang gumawa ng hamsilog. Err. Hindi pala. Aalagaan pala niya. Kung mag-aalaga tayo ng ganito, siyempre kailangan may kasamang paglilibangan 'yung alaga natin. Kadalasan sa libangan ng mga hamster 'yung pagtakbo sa bilog na bakal. 'Yung parang nakikipagkarera. Matatapos ang araw niya sa paganun-ganun lang. Kinabukasan, uulitin niya ang ganung libangan. Para lang siyang nakikipag-karera sa panahon. Kaya ngayon, ano ang hamsilog? Hamster sa bilog.

Naalala ko tuloy ang sinabi ni Robert Kiyosaki. Huwag daw nating hayaang makulong tayo sa tinatawag niyang rat race. Kadalasan sa atin kapag nagtatrabaho, inaabangan natin ang araw kung kailan tayo susweldo. Magtatrabaho tayo. Magsisikap at magiging masipag tayo sa trabaho. At kinabukasan, ganun ulit ang gagawin natin. Hindi na tayo nalalayo sa mga daga o hamster na paikut-ikot sa pagtakbo sa bilog na bakal. Mapapagod lang tayo, pero kinabukasan, ganun pa rin ang takbo ng utak natin.

Gumagabi na, akoy uuwi na
Tapos na ang saya, balik sa problema
At bukas ng umaga, uulitin ko pa ba
Ang kahibangang ito, sa tingin ko hindi na


Alam ninyo ba ang liriko na 'yan? Galing 'yan sa kantang Esem ng bandang Yano. Kung alam mo, malamang magkasing-edad tayo. Pero kung hindi mo alam, huwag mo na lang ipamukha sa akin na matanda na ako.

Paano nga ba tayo makakawala sa tinatawag na rat race? Maraming nakakaalam kung paano makatakas doon. Marami din naman ang nakakaalam pero ayaw subukan, natatakot. Maraming gustong makaalam kung paano pero hindi alam kung paano sisimulan. At maraming ayaw ng subukan kaya ayaw na ding malaman.

......

Basahin ang kabuuan nito...

Jan 8, 2010

Patintero (Part II)

11 na lasing
Patintero. Alam kong alam ninyo 'yan. At karamihan sa inyo ay nalaro na ito sa kalye. Kung maaalala ninyo, may naisulat na ako sa blag na ito na patungkol din sa patintero. Pero malamang hindi ninyo maalala kung ngayon ninyo lang natagpuan ang blag na ito. May kaibahan ang patinterong ikukwento ko ngayon sa patinterong nabanggit ko na dati. Malaking kaibahan.


Nasa sitwasyon ako ng parang patintero ngayon. Dalawang taong nagpapatintero. Nandito ako sa side ko at nandun naman siya sa side niya. Kung ang parihaba at parisukat ay may apat na sides, ilan naman ang sides ng bilog? Pakisagot na lang sa comment box sa ibaba ang sagot ninyo. Hahaha. Anong kinalaman ng bilog sa patintero? Hindi ko din alam.

Gusto kong lumampas sa guhit na nasa gitna para makapunta sa kabilang gilid. Pero hinaharangan niya ako sa guhit na 'yun. Hinaharanangan niya ako pero hindi niya ako itinataboy. Hindi niya ako hinahayaang makapunta sa lugar niya, pero hindi naman niya ako hinahayaang manatili sa lugar ko. Kapag sinusubukan kong lumampas, tumatapat siya sa daraanan ko. Parang patintero. Kaya ang nangyayari, nandun kami pareho sa gitna. At sa gitnang 'yun, doon namin ginagawa ang gusto naming gawin nang hindi lumalampas sa guhit.

Hindi na muna ako magpupumilit lumampas sa guhit. Dahil habang nandito kami sa guhit na ito, walang nagiging taya. Walang hinahabol at walang humahabol. Walang hinaharangan at walang humaharang. Sa ngayon, mas maganda na muna ang ganito. darating din ang araw na makakapunta ako sa lugar nya at makakapunta siya sa lugar ko ng hindi kami naghaharangan.
......

Basahin ang kabuuan nito...

Jan 3, 2010

Mali-quote

3 na lasing
Bago ang lahat, gusto ko munang bumati ng Bagong Taon. Bagong buhay. Bagong pag-asa. Lumang kwento pero bagong estado. Dating bida sa kwento na ngayon ay panggulo sa bagong istorya. Kaya bago mapuno ng puro bago ang introng ito, gusto ko ding sabihin sa inyo, nagbago na ako. Maraming nagbago. At maraming pagbabagong mangyayari pa para sa bagong taon na ito.


Ang masasamang alaala, iwan sa nakaraan. At ang masasayang alaala, dalhin sa kinabukasan. Katulad ng pagpapaalam sa natapos na taon, kailangan din nating tanggapin na may mawawala sa atin. Pero kung paano natin sinalubong ang bagong taon, alam din nating may darating sa buhay natin, kapalit nung nawala. Malay natin, mas swerte.

Ang masasabi ko lang sa nangyari sa akin, nawalan ako ngayon ng utak, pero dumating pa rin ang pampaswerte ko. Paano? Sikreto. Naguguluhan ka? Mabuti naman. Kung gusto mong maintindihan, subukan mong inglesin ang sinabi ko. Kung alam mo naman, manahimik ka na lang.

Minsan, kailangan nating pumili. Minsan, kailangan natin ng tama. Para kahit minsan, sumaya tayo. Pero minsan ko lang gamitin ang salitang minsan. Oo, minsan lang. Tama na piliin natin ang bagay kung saan tayo masaya at sasaya. Pero hindi lahat ng bagay na nagpapasaya sa atin ay tama. Pwede din nating itama ang nagawang mali para sumaya. Pero hindi natin magagawang sumaya kung inaakala nating tama ang ginawa nating pagkakamali. Kahit ngayon, pwedeng tama ang sinasabi ko. At pwede din namang mali.

Totoong sa bawat pagkakamali na nagagawa natin, mayroon tayong natututunan. Mga hindi nating matututunan kung hindi tayo magkakamali. Mas mabuti na ang magkamali kaysa walang matutunan. Minsan, matututo nga tayo sa bawat kamaliang nagawa natin, pero hindi na natin maibabalik ang mga nawala, naiwan at nasira dahil sa pagkakamaling 'yun. Hindi natin kailangang matuto kung sa simula pa lang ay alam na nating mali ang kahihinatnan. Okey lang ang magkamali, pero hindi okey ang pumili ng mali. Malaking pagkakaiba 'yun. Iba ang nakagawa ng mali sa pumili ng mali. Iba din ang nagawa sa ginawa. At lalong iba ang gumawa ng tama sa ginagawang tama ang mali.

Hindi ko alam kung mali ang mga sinasabi ko, pero hindi ko ito pinili. Kaya tama! Oo, tama. Tama na ang entri na ito.

......

Basahin ang kabuuan nito...

Dec 27, 2009

Chicharon

8 na lasing
Chicharon. Anong naiisip mo kapag naririnig mo ang pagkain na 'yan? Kung anuman 'yon, walang koneksyon 'yan sa ikukwento ko ngayon. Bakit ko nabanggit? Wala lang, gusto ko eh. Ako may-ari nito eh, kaya gagawin ko ang gusto ko. Hehehe. Pero sige na nga, 'yan na lang ang gawan natin ng kwento. Pero sa totoo lang, wala akong ideya kung ano ang isusulat ko ngayon. At dahil chicharon ang una kong naisip at naisulat dito, doon ko na lang paiikutin ang kwento. Sana may maisip ako.


Chicharon. Bakit nga ba 'yan ang ang naisip ko bigla? Sa mga kaibigan ko sa mundo ng plurk, 'yun ang gamit kong nikneym doon. May eksplanasyon 'yun, pero dalawang tao lng ang nakakaalam nun. Ako at siya. Kaya hindi ko na lang ikukwento. Ibang chicharon na lang muna ang tatalakayin natin dito.

Kumakain ka ba ng chicharon? Masarap di ba? At maraming klaseng chicharon. Pero ang isa sa pinakagusto ko ay ang chicharong baboy. Kahit masakit na ang ngala-ngala ko sa pagkain nun, hindi ko pa ring tinitigilan hangga't meron pa. Masarap 'yun lalo na kung malutong. Na sa bawat pagkagat mo, nakakagawa ng ingay dahil sa kalutungan nito. Natatakam ka na ba? Ako din eh. Pero matatakam ka pa rin ba kung makunat na ang chicharong hawak mo?

Pero bakit nga ba kumukunat ang chicharon? Kapag minsang nag-iinuman kami ng mga kaibigan ko, laging may panghihinayang kapag 'yung sinusubo mo ay makunat na. Sabi nila dahil sa hangin. Kumukunat daw ito dahil sa hangin. Kapag napabayaan mong nakabukas lang ang pinaglalagyan nito, madaling maapektuhan ang kalutungan nito. Kaya 'yung iba, kakabukas pa lang, kakainin na kaagad. Baka daw kumunat pa. Pero sa totoo lang, matakaw lang talaga sila mamulutan.

Paano naman natin ito ihahalintulad sa isang sitwasyon, sa buhay, sa relasyon? Sa buhay natin, mayroon tayong kanya-kanyang chicharong hawak. Sa simula, nakakatakam at sobrang lutong. Pero kung papabayaan mo lang, masasayang lang. Minsan akala mo naiingatan mo ng tama, pero mapapansin mo sa huli, nagkamali ka pala ng pinaglagyan. Dapat kinain mo na lang.

Kung chicharon ang isang oportunidad na dumating sa buhay mo pero hindi mo agad tinanggap, asahan mo ang panghihinayang na mararamdaman mo sa huli. Maiisip mo na sana pala, kinuha mo na. Akala mo kasi na ikaw ang hahabulin nung oportunidad na 'yun, nagpataas ka pa ng presyo. Sa pagkakataong 'yun, hindi chicharon ang nahanginan. Ulo mo. Nagkahangin ka sa ulo.

Kung chicharon ang pakikipagrelasyon, gawan mo ng paraan para manatili ang kalutungan nito. Dahil kapag dumating ang pagkakunat ng samahan ninyo, iba na ang pakiramdam. Malaking kabawasan. Para ka na ding kumakain ng makunat na chicharon, na nagmimistulang babolgam habang nginunguya mo.

Kung chicharon ang buhay ng isang tao, bigyan mo ng importansya. Ito ang pinakapagsisisihan mo sa huli kapag binalewala mo at hindi pinagpahalagahan. Dahil kapag ito ang pinabayaan mo, hindi lang pagkakunat ang mangyayari sa buhay ng taong 'yun. Magiging matigas pa ang katawan niya. Hindi na chicharon ang kakainin mo, kape at biskwit na.

Pero masama din ang sobrang kain ng chicharong baboy. Nakakahayblad!

Bago matapos ang entri na ito, gusto kong mag-HB sa inyo. Habol-Bati. Kahit nagdaan na ang araw na ito, gusto ko pa ring batiin ng Maligayang Kaarawan ang istar ng Pasko. Si Bro. Ang nagsindi nitong ilaw, walang iba kundi Siya. Maligayang Pasko sa ating lahat. At sa darating na Bagong Taon, may panibagong kakaharapin. May mahirap at madali, masaya at malungkot. Pero kung magiging malapit ka kay Bro, lahat ng problemang kakaharapin mo, magiging chicharon lang para sa'yo. Kakainin mo lang ang lahat ng ito.
......

Basahin ang kabuuan nito...

Dec 12, 2009

Bato o Damo?

6 na lasing
Gusto kong magsulat ngayon. Oo nga, nagsusulat na nga ngayon. Heto na nga oh! Medyo napagod ako sa bago kong trabaho, pero ayos naman dahil nagiging abala at gusto ko naman ang ginagawa ko. Nakakasakit ng ulo dahil kailangan talaga paganahin ang utak. Nakakalaki ng ulo dahil sa mga papuring natatanggap at humahanga. Nakakasira ng ulo dahil sa dami ng mga gagawin. Sa madaling salita, nakakaulo. Pasensya na, hinahangin na naman ang ulo ko. Ulol! (Ako)


Pero pagkatapos ng trabaho, naku na naman. Heto na naman. Kapag walang magawa, nakakabato. Kapag walang ginagawa, binabato. Kapag ayaw ng ginagawa, ang sarap mambato. Kapag ayaw gumawa, mukhang bato! Ano ba 'to? Sana nga naging bato na lang talaga ako. (Patalastas: Nakakarelate ako sa nangyayari sa PBB House. Parang kami lang ng mga kasama ko. Isa-isang nagvovoluntary exit. Nyahaha!) Balik sa usapan. Minsan, hamburger. Este, minsan, gaya ng sinabi ko kanina, gusto kong maging bato na lang muna. Para wala muna akong maramdaman. Walang inaalala. Walang pakialam sa nangyayari. Hindi nasasaktan. Oo! Manhid. (Ako)

Pero 'yung inaakala kong mas makakabuti para sa akin, tama. Pero tama nga. Mas makakabuti para sa akin. Para sa akin lang. Isang paraan ng pagiging makasarili. Sarili ko lang ang inaalala ko. Dahil kahit gaano man ako katigas bilang isang bato, maiisip din natin, 'yung pagiging matigas na bato ang mas nakakasakit sa ibang tao. Subukan mong ibato. Mayroon din namang mga batong nabibili lang sa tabi-tabi. Gustung-gusto ng mga patapon ang buhay pero sa bandang huli, sila din ang sinasaktan ng batong 'yun. Ayoko na ng bato. Batugan! (Ako)

Kaya tama na muna ang usapang-bato. Gamit muna tayo ng alternatibo at mas mura. Ang damo. Kung gumamit kaya ako ng damo? Este kung maging isang damo na lang kaya ako? Sa bawat pag-ihip ng hangin, sumasabay sa paggalaw ang damo. Nakakaya ang anumang problema. Kung matumba man dahil sa lakas na hanging tumama sa kanya, muling tatayo ang damo pagkadaan ng malakas na hangin na iyon. Tinatapak-tapakan lang. Pero paglipas ng ilang araw, muling babangon. Parang walang nangyari. At kung sakaling maputol, muling tutubo ng panibago at mas maganda pa. Pero kung magiging ganitong damo ako, isa akong masamang damo. Hindi mawawala kung hindi bubunutin ang ugat. May mga damo ding nagpapaligaya ng tayo. Matapos ubusin at hithitin ang damong ito, iba't ibang kaligayahan ang nakukuha nila. May tawa pa ng tawa. Pero sa bandang huli din, sila ang kawawa. Damuho! (Ako)

Pero bago kayo mag-isip ng kung anu-ano dahil sa mga nabanggit ko, uunahan ko na kayo. Hindi ako adik. Tulad ng laging sinasabi ni Mommy Bojoy (Instant Mommy ko). Ikaw? Ano'ng mas gusto mo, bato o damo? Pero kahit ano pa yan, isama mo ako. Sesyon tayo.

Salamat at hanggang ngayon, mayroon pa ring mga taong gustung-gusto na magbasa ng blag ko. Pinapalakas ang loob at ineengganyo pa rin nila ako na magsulat. Kahit papaano, tumatatak sa isip nila 'yung mga nilalaman ng bawat entri ko. Hindi ko na talaga kayo papangalanan. Dami nagrereklamo eh (annoyed). Hanggang sa muli. Alak pa!
......

Basahin ang kabuuan nito...

Dec 5, 2009

I Love Ann? Ay Laban!

8 na lasing
Gusto ko muna magpasalamat kay charlly. Dami niyang sinabing maganda tungkol sa blag na ito. At dahil diyan, may nagteks, este ginanahan ulit akong magblag. Kaya heto, tumitipa na naman ng kibord at itutuloy ang laban. Laban!


Pakikipaglaban. Lahat ng tao dito sa mundo ay may kanya-kanyang labang kinakaharap. May madali at mahirap. Depende sa kakayahan at kagalingan. Pero dahil nga isa itong laban, naririyan ang pagkapanalo at pagkabigo. May nagpapatuloy at may sumusuko. Parang dito lang sa Showtime, habang pinapanood ko ngayon, ang daming magagaling na lumalaban.

At ikaw. Sigurado akong may laban ka ding pinagdadaanan ngayon. Tulad mo, tulad niya, tulad nila at tulad ko. At naiiyak na ako ngayon dahil sa Showtime na ito. (Tapusin ko muna bago ko ituloy ang pagsusulat, weekly finals eh. Hahaha) Geym na ulit. Usapang laban. Lahat tayo ay binigyan ng sariling laban. Ang tanong na lang doon, kaya ba natin ang laban na ibinigay sa atin?

Paano mo ipaglalaban ang isang bagay o tao kung iba naman ang ipinaglalaban niya? Ibang laban ang kinakaharap niya. Paano ka hahabol kung hindi naman siya humihinto? Patuloy pa rin sa paglayo. Paano mo siya susundan kung ibang daan naman ang tinatahak? Nakakaligaw. Paano mo siya hahawakan ng mabuti at mahigpit kung siya na mismo ang bumibitaw? Ayaw kumapit. At paano ka maghihintay kung hindi mo naman alam kung babalik siya? Walang kasiguraduhan. Paano ka lalaban?

Minsan na bang dumating sa buhay mo na naramdaman mo na ang pagsuko? Gusto mo ng tumigil. Gustong bitawan at iwanan ang lahat ng pinanghahawakan. Gustong ilagan ang mga isinasampal na katotohanan. Gustong magising sa bangungot. Minsan iniisip mong para lang kompyuter sistem ang lahat. Dadaan sa BSOD ang sistem mo. Subukan mong patayin ito pero sa muling pagbuhay nito ay babalik at babalik pa rin ang eror. (Sabi ni Itlog) Hindi mo magawang irepormat dahil madaming mahahalagang nakaseyb sa hardrayb mo.

Pero bawat laban at hamon ng buhay, kailangan mo talagang magpatuloy at lumaban. Kung maaga kang susuko, malinaw at maliwanag ang iyong pagkatalo, na pwedeng mauwi sa pagsisisi. Kung itutuloy mo ang nasimulang laban, matalo ka man sa huli, alam mo sa sarili mong ipinaglaban mo. Walang dapat pagsisihan. Sa ngayon, gusto kong lumaban. Pero sa ibang pamamaraan.

Anong gagawin ko ngayon? I Love Ann? Oh? Ay Laban!!!
......

Basahin ang kabuuan nito...

Nov 27, 2009

Kasinungalingan o Katotohanan?

2 na lasing
Matapat. Sa mundong ito, mayroon ba talagang taong masasabi mong matapat? Mahirap paniwalaan. Mahirap paniwalaang may isang taong nagsasabi ng tapat kung alam mo sa sarili mo na magsisinungaling ka kung ikaw ang nasa kalagayan niya. At kung magsasabi ka rin lang naman ng totoo, hindi mo na kailangang tandaan o isipin pa ang mga nangyari at nagawa na.


Kung sinasabi mong nagsasabi ka ng totoo, isa na agad 'yun na kasinungalingan. At sa bawat kalahating totoo ng sinasabi mo, isang buong kasinungalingan na ang katumbas nun. Pero bakit nga ba nating nagagawang magsinungaling? Sa tingin ninyo ba, may magandang naidudulot ang hindi pagsasabi ng totoo?

Minsan, nagsasabi tayo ng kasinungalingan para makaakyat tayo. Para makatuntong tayo sa taas at may marating. Pero kapag nandun ka na sa tuktok, mahihirapan ka ng makababa at bumalik. At kung susubukan mo talagang bumaba, kailangan mong talikuran kung ano ang nakamit mo sa taas at kailangan mong bumalik sa simula. Maaring masayang ang oras mo. Maaari kang mapagod. Pero may naitama ka kahit papaano. At nagpakatotoo.

Pero hindi din lahat ng pagsasabi ng totoo at tapat, may magandang resulta. Sa pagiging totoo mo, may maaapektuhan. May mababago. Makakasama. Kaya siguro may tinatawag na white lies. Mas pinipili mong magsinungaling na lang, kaysa gumulo ang mga pangyayari. Pero hindi habambuhay ay panghahawakan mo at iingatan ang white lies na 'yun. Darating pa rin ang araw, lalabas ang totoo.

Mayroon din namang mas pinipili ang magsinungaling para lang maligtas ang sarili sa alanganin. Playing safe kumbaga. Ipipilit nilang totoo ang sinasabi nila, pero sa paraan ng pagsasabi nila, malalaman mo pa rin kung mali ang sinasabi nila. Sa simpleng salita, malalaman mo kung nagsasabi siya ng totoo.

Sa ngayon, gusto kong magsabi ng totoo. At gusto ko din magsinungaling. Hindi ko alam kung ano ang tama kaya mas pipiliin ko na lang manahimik. Hindi ako sasagot sa isang tanong kung sa dalawang pagpipilian ko, parehong may maaapektuhan. Playing safe din? Oo. Parang ganun na nga. Pero hindi sarili ko ang iniligtas ko dito. SILA. Sila nga.

Kaya kong magsinungaling. Kaya ko ding magsabi ng totoo. Pero ayoko. Dahil hindi ko na din alam kung ano ang totoo at hindi.

At ngayon. Kung hindi ako magsasabi ng totoo. Kung hindi ako magsasabi ng kasinungalingan. Ano ang iisipin mo sa isinulat kong ito? Isang kasinungalingan o isang katotohanan? Maniniwala ka ba o hindi? O mananatili na ding tahimik na tulad ko?

Tahimik ba ako kung madami akong sinasabi sa'yo ngayon? Isa na namang kasinungalingan ang nagawa ko. Pero isa ding katotohanan dahil hindi naman talaga ako nagsasalita ngayon. Kung naguguluhan ka na, pareho lang tayo. At malamang, mas magulo ang utak ko kaysa sa'yo.
......

Basahin ang kabuuan nito...

Nov 2, 2009

Reposts... Balik-Tanaw!

0 na lasing
Gusto ko lang sariwain ang nakalipas. Naaalala ko, isang taon ang nakalipas, ganitong araw din ako nagsulat ng about sa Halloween: Tips or Tricks. Nagbigay ako ng ilang mga TIPS para makaiwas sa TRIPS ng mga nasa paligid natin. Medyo huli na pero pwede pang ihabol.

Mababasa ninyo dito ang tinutukoy ko.

HALLOWEEN: TIPS OR TRIPS

But wait! There's more. Meron pang isang repost ang isasama ko dito. Naisulat din ito makalipas ng isang taon. Sa blag entri na ito, masasabing nabubuo na ang kung anuman ang nasa akin ngayon. Pero hindi sa blag ko nanggaling ang irerepost ko ngayon. Mula sa leading lady ko.

IMPACHO... WAITED.

Bigla ko kasing naalala kung ano ang mga nangyayari nung panahong 'yun. Masarap balikan. Hindi kayang ikwento ng madalian. Kaya balikan na lang.

. ......

Basahin ang kabuuan nito...

Oct 4, 2009

Tuloy Ang Laban ng Buhay!

2 na lasing
Heto na naman. Nagugutom ako. Kinuha ko ang walet ko kahit walang lamang pera. Pero may ey-ti-em kard. Palabas pa lang ako ng bahay, iniisip ko na kung ano ang bibilhin kong makakain. Napadaan ako sa Burger Machine. Bukas pa. May tao. Pero tulog. Dumiretso muna ako sa ATM machine para kumuha ng pambili. Unang destinasyong bangko. Hindi ako nakakuha ng pera. Pangalawang bangko. Hindi pa rin ako pinalad. Pang-apat. Hindi na ako umabot ng pang-apat. Dahil sa pangatlong bangko, hindi pa rin ako nakapagwidro. Kahit pagtsek ng balanse, hindi ako pinayagan ng Ey-Ti-Em na 'yan. Uuwi na lang ako.


Habang naglalakad pauwi, wala ang mga maliliit na tindahang laging nandoon. Hindi na laging nandoon kasi nga wala ngayon. Hindi sila nagtinda ngayon at nung mga nakaraang araw dahil na din sa bagyo. Hindi na malakas ang ulan dito sa lugar namin. Pero basang-basa pa rin ang mga kalsada. Maswerte pa rin kami dahil nasa mataas na lugar kami. Hindi kami masyadong apektado ng mga baha.

Bigla kong naalala ang mga nakita at napanood ko. Baha. 'Yung mga lugar na tinamaan ng malaking pinsala dahil sa baha. Dahil ang pangyayaring 'yun ang dahilan kung bakit nawalang ng ari-arian, kabuhayan, edukasyon, pagkain, tirahan, kagamitan at higit sa lahat, maraming buhay. At kasalukuyang bumuhos na naman ang ulan, habang sinusulat ko ito.

Lahat ng magagandang nakikita ng mata mo, biglang mawawala ng ganung kadali lang ng dahil sa matinding baha. Lahat ng magagandang 'yun, mapapalitan ng putik. Parang sinasabi ng baha sa lahat, "Papatayin ko ang lahat na hindi marunong maglangoy. Uubusin ko ang lahat ng mahihina. Kawawa ang walang magagawa." Pero kahit ganoon, hindi tayo basta-basta sumusuko. Sinasagip ang hindi marunong maglangoy. Tinululungan ang mga mahihina. Pinoprotektahan ang walang nagagawa. At sinusuportahan ang malapit ng sumuko.

Maaaring makuha ng bagyo at baha ang lahat ng ating mga pinakaiingatan. Maging ang buhay ng ilan sa atin. Pero kailanman ay hindi makukuha ng unos na 'yun ang lahat ng magagandang alaala natin. Habang patuloy nating pinagsisikapang bumangon mula sa pagkalunod, mananatili ang ating alaala sa lahat ng nawala.

Huwag din nating isisi sa Diyos ang kasalanan sa tuwing may ganitong pagkakataon. At sa maraming tao din, huwag din isumbat na kasalanan ng tao ang mga nangyayari kaya pinaparusahan ng ganito. Patuloy tayong pinapadalhan ng baha ng ating Lumikha, dahil alam niyang malalampasan natin ito. Kapag wala na Siyang binitawang bagyo para sa atin, ibig sabihin lang noon na walang kwenta ang una niyang ginawang bagyo.

Matatapos ang mundo natin kung gugustuhin Niya. Siya ang magdedesisyon kung tatapusin na niya ang mundo. Hindi tayo ang sisira sa mundo. At lalong hindi masisira ang mundo, nang dahil lang sa baha at bagyo. Tuloy lang ang buhay.

Ramdam Niya tayo. Hindi Niya tayo pababayaan. Lalaban tayo! (Hindi si Sen. Mar Roxas ang tinutukoy ko.... hehehe...)

================================================

Off-topic:

Boboto ako! Hindi pa para sa pagpa-presidente ng bansa. Boboto ako para sa 2009 Bloggers' Choice Award (National)

I vote for taympers
Bloggers' Choice Award
2009 Philippine Blog Awards

......

Basahin ang kabuuan nito...

Sep 28, 2009

Mas Malakas pa sa Bagyong Ondoy

3 na lasing
Bagyo. Bagyong Ondoy. Nakaalis na ba itong bagyong ito? Laking perhuwisyo ang ginawa at iniwan niya sa bansa natin. Daming kababayang nagdurusa hanggang ngayon. Hindi ako makapanood ng telebisyon o makapagbasa ng mga balita tungkol sa mga nasalanta ng bagyong ito. Hindi ko kasi makayanang tingnan kung ano ang nangyayari at nangyari na.


Minsan, gusto nating makatulong sa kanila. Pero kahit gusto natin, minsan din, hindi natin magawa. Wala tayong magawa. Hindi din natin alam kung papaano. Maliban na lang sa pagdadasal natin para sa kanila. Pero hindi lahat sa atin, ganun ang ginagawa. Hindi ko maintindihan kung bakit may mga taong may utak na kasing liit ng utak ng lamok. (Pasintabi sa mga lamok, baka kahit sila hindi papayag na ikumpara sa mga taong tinutukoy ko.)

Sa pagbuhos ng malakas na ulan dala ng bagyong Ondoy, umulan din ng mga taong hindi na nga nakakatulong, magsasalita pa para lalong ilubog ang mga taong nalunod. Habang lumulubog sa baha ang mga bahay, kagamitan at maging ang mga kapwa nating Pinoy, mas nakakalunod ang paglalapastangan ng mga taong (tao nga ba talaga sila?) ito hindi lang sa mga nasalanta. Kundi pati na din sa lahat ng mga Pilipino. Kung 'yung ibang tao nga diyan na wala namang dugong Pinoy, gumagawa ng paraan para makatulong. Tapos may mga ganitong taong hindi na nga nakakatulong, nakakaperhuwisyo pa. Ang masama, kapwa Pilipino pa.

Kahit naman siguro hindi ko na banggitin kung sinu-sino ang mga taong ito, malamang kilala ninyo na. Nakarating na sa inyo ang ganitong balita. Kung sinasabi nilang makasalanan tayo kaya nararapat sa atin ang makaranas ng ganito, ngayon, sila ang binabagyo ng batikos dahil sa kakitidan ng utak nila.

Kung 'yung mga masasamang balitang lumabas sa telebisyon at naririnig sa radyo. Kung kasama sa masamang balitang 'yun ang pamilya nila (huwag naman sana...), magagawa pa kaya nilang magsalita tulad ng nabanggit na nila? Maraming ganitong klaseng tao. Marami na tayong naririnig, napapanood at nakakasalamuha. At ngayon lang ako magsusulat ng ganito para lang sa kanila. Sikat na sila eh.

Kung ang layunin talaga nila kaya sila nakakapagsalita ng ganoon laban sa ating kapwa nila Pilipino, ay para sumikat, nababagay lang silang batiin ng malutong na "CONGRATULATIONS! Palakpakan!" Nagawa ninyong sumikat sa maikling panahon lang. Pero sa pagsikat ng inyong mga pangalan, kasabay noon ang paglubog ng inyong katauhan. Isama na ang kaluluwa.

Maaaring nakakahabag ang mga pagkalunod sa baha ng ilan sa ating kababayan na nauuwi pa sa pagkawala ng buhay. Pero ang mas higit na nakakaawa ang mga taong may makitid na utak tulad nila. Mas malalim pa ang kalulubugan nila kaysa sa bahang sinasabi nilang nararapat sa atin. Dahil 'yun naman ang nararapat sa kanila.
......

Basahin ang kabuuan nito...

Sep 20, 2009

Ano'ng Oras Na?

9 na lasing
Oras na para bumalik. Gusto ko ulit magsulat. Pero nasasayang ang oras ko sa pag-iisip kung anong isusulat. Madami ding pinagkakaabalahan. Sana magtuluy-tuloy na 'yung isang pinagkakaabalahan ko. Huwag lang masyadong madaliin. Ayos lang na gumugol ng mahabang oras basta alam mo namang may magandang resulta ang mapapala mo. Kaysa nagmamadali ka dahil ayaw mong mag-aksaya ng oras, pero pagdating mo sa dulo, kabiguan ang makukuha mo. Mas nasayang lang ang oras mo.


Kung oras ang pag-uusapan, wala 'yang bayad. At wala ding katumbas na kahit anumang halaga. Hindi mo pag-aari ang oras, pero pwede mo itong gamitin. Hindi mo maiipon ang oras, pero pwede mo naman itong gugulin. Pero sa oras na mawala ito, hindi mo na maibabalik pa. Mas mahalaga ang oras kaysa sa pera o anumang bagay. Dahil kapag nawala 'yung mga bagay na iyon, pwede mo pang makuha, pero ang oras, hindi na. Kaya kailangan nating pahalagahan ang oras. Matuto nating gamitin ito sa tama.

Depende na lang kung mabuti kayong magkaibigan ni Michael J. Fox at pahiramin ka ng kanyang kotse para makabalik sa nakaraan. O kaya kakampi ka sa mga masasamang loob na nakalaban ni Shaider para makapag Time Space Warp... ngayon din! Pero bukod doon, hindi na natin maibabalik ang oras.

Konti lang ang oras na pwedeng gamitin para sa lahat ng bagay o gawain. Pero sapat lang ang oras na 'yun para gawin ang mas mahahalagang bagay o dapat gawin. Kadalasan kasi, hingi tayo ng hingi ng maraming oras. Gusto natin at kinakailangan natin ang marami at mahabang oras. Pero ang ginagawa natin, hindi natin ginagamit nang tama. Kaya mas nasayang lang ang mahabang oras na 'yon. Kapag mayroon na tayong mahaba-habang oras, walang magawa. Nakakatamad. Nag-iisip tayo ng pwedeng gawin para lang patayin ang mahabang oras na 'yon. Pero hindi natin alam, unti-unti din tayong pinapatay ng oras.

Ang buhay natin ay nangangailangan ng matinding pasensya. Lahat ng hindi mo maabot, makukuha mo. Lahat ng pangarap mo, matutupad. Lahat ng wala sa'yo pwedeng mapasaiyo. Ang kailangan lang natin ay pasensya. Huwag tayong mainip. Hindi lahat ng bagay nakukuha sa madalian. Hintayin natin ang tamang oras, gamitin ng tama at nararapat.

Sabi nga ng iba, ang oras ay parang isang dakot ng buhangin. Kapag hinigpitan mo ang pagkakadakot sa mga 'yun, bibilis ang pag-agos ng mga buhangin sa'yong mga daliri at mawawala na sa kamay mo.

Pero isa lang ang tanging dahilan kung bakit mayroon tayong oras. Mayroon tayong oras para hindi mangyari ang lahat ng bagay ng sabay-sabay.

***************************************************

-_- : Bay, bilhin mo na itong relo ko. Bagong-bago.
^_^ : Aanhin ko pa ga ang relo, sa araw pa lang eh alam ko na kung anong oras. Kapag tirik ang araw, alas-dose na 'yun. Kapag pababa pakanluran ang araw, hapon na 'yon.
-_- : Eh pa'no kung umuulan, walang araw nun?
^_^ : Ay sisilong ka! Ika'y mababasa.
-_- : Paano naman kapag gabi?
^_^ : Ay bakit ga magrerelo pa pag gabi na. Ay tutulog na eh.

****************************

-_- : 'Tol, anong oras na ba?
^_^ : Oras na para bumili ka ng sarili mong relo!


......

Basahin ang kabuuan nito...

 

Copyright 2008 All Rights Reserved Revolution Two Church theme by Brian Gardner Converted into Blogger Template by Bloganol dot com Customized by Vhonne DeVille