Nov 29, 2008

Patikim sa "Ang Alamat sa Kweba"

11 na lasing
Hindi ko alam kung paano uumpisahan ang kwentong ito, kaya ito na mismo ang simula. Gusto ko lang ibahagi ang kwento ng dalawang kaibigan na problemado sa kanilang nararamdaman. Parehong hindi alam kung paano sosolusyunan ang dinadala nilang problema para sa isa't isa.

Bago natin simulan ang totoong kwento, ipakilala muna natin ang magiging tauhan ng nasabing istorya. Unahin ko na muna ang mga palatandaan para maaga ninyo silang makilala. Maiba naman, kadalasan kasi sa mga ganitong kwento, hinuhuli ang palatandaan.

Naruto


Lumalabas sa animey, kaibigan ni Sasuke at ni Sakura. Nakatira sa Konoha at magiging ika-anim na Hokage. Estudyante ni Jiraiya at ginagabayan ni Kakashi. Kung iyan ang iniisip mo, nagkakamali kayo. Hindi siya ang tinutukoy ko. Ginamit ko lang ang pangalang Naruto, dahil kayo pa rin ang lulutas kung sino talaga siya. Basta ang Naruto na tinutukoy ko sa kwentong ito, may dilaw ding buhok.

Flashlight


Bakit flashlight? Malalaman ninyo din kung bakit 'yung ang gagamitin nating pangalan sa kanya kapag nabasa ninyo na ang kabuuan ng kwento. Malaki ang papel niya sa buhay ni Naruto, kahit alam naman natin na hindi naman papel ang flashlight.

Para madali ninyong makilala kung sino talaga siya, siya ang sumulat ng kwento ng dalawang baliw na nagkagustuhan na ngayon ay nagmamahalan. Kung hindi ninyo naman nasubaybayan ang kwentong ginawa niya, gawing batayan at basehan ang magiging komento sa blag na ito. Hahaha.

Sila na lang muna ang ipakilala natin, hindi naman masyadong mahalaga ang katungkulan ko sa magiging kwentong ito. Isa lang akong tagapagsalaysay. 'Yung iba naman, unti-unting lalabas sa kwento. Papasok pala.

Patikim pa lang 'yan. Iniisip kasi nung dalawa na hindi ko magagawa itong kwentong ito. Nananawagan ako sa mga nakakakilala sa kanila, tulungan ninyo akong buuin ang kwento "Sa Loob ng Kweba."

Abangan... ......

Basahin ang kabuuan nito...

Nov 28, 2008

PA : Pahabol Award

3 na lasing
Ihabol ko lang ang isa pang award. Mula pa rin sa nag-iisang prinsesang palaka. Sa kanya mismo nagmula ang award na ito kaya hindi basta-basta pwedeng ipasa sa kung sinu-sino. Kaya masuwerte ako at nabiyayaan niya ko ng ganitong klaseng award.


Salamat Aian, Prinsesang Palaka, sa award na ito. Sana ay matagpuan mo na ang prinsepeng hahalik sa'yo para maging ganap ka ng prinsesa. LOL. ......

Basahin ang kabuuan nito...

Nov 26, 2008

Hakotakot Awards!

2 na lasing
Masyadong naging abala ang inyong lingkod na wala namang inililingkod sa inyo. Nagkapatong-patong ang mga gawain ko, tulad ng pagchachat, pagpipiespi, pagteteks at pagmamasterb... pagmamasteral degree. Hindi ko na namalayan na wala pala akong malay. Halos bungi-bungi ang pagsusulat ko ng mga blag entri ko sa blag na ito. Pero sa kabila ng kakulangan ng oras para magsulat, nagpapasalamat naman ako sa mga award na natatanggap ko sa ating mga mababait binayaran ko na kaibigan. Sa dami ng awards at tagged na nakuha ko, hindi ko na mabilang sa daliri. Wala pang sampu! Isang kamay lang ang gamit ko sa pagbibilang.

Isa-isahin ko nang hahakutin ang mga awards at tagged na binabanggit ko...

Unang-una, mula sa Greatwall namin ni Paranoia, si Yummy, binigyan niya ako ng sakit sa ulong tag. Hahaha. Buti na lang at nakagawa na ako ng ganun dati. Hindi na ako gagawa nun ngayon, pero basahin ninyo na lang 'yung sinulat ni Loraine. Ganung tag din pero ako ang ibinida niya. Whew!

Mula naman sa palakang prinsesa ng blogosperyo, si Aian, isa ako sa biniyayaan niya ng ganitong award:


Maraming salamat at nagustuhan mo ang blag ko para papurihan ng ganyang klaseng award. Hindi lang pala si Aian ang nagbigay sakin ng ganitong klase ng award, pati pala si Ate Maya ko.

May isang award din akong natanggap na hindi ko alam kung ano talaga ang tinutukoy. Kung 'yung blag ba o 'yung awtor ng blag. Hmm... Sana pareho, kyut naman ang lasing di ba? At ito na nga ang award na 'yun:


Ang award para sa kyut, pwedeng blag ko at pwedeng ako? Mula 'yan sa aking ate sa blogosperyo, si Ate Maya na ubod ng bait. Oo, mabait siya. Mabait talaga siya. Hmm... Sige na nga, kyut din siya. Salamat din sa pagtanggap kay Loraine bilang hipag mo. Hehehe.

Muli, salamat sa mga sumusunod para sa mga tags at awards:

Yummy
Aian
Ate Maya


Huwag ninyo na hanapin ang mga pangalan ninyo na papasahan ko ng mga tags at awards. Madamot ako ngayon. Sabi nga nila, wala ng libre sa panahon ngayon, bayaran ninyo kung ano'ng gusto ninyo d'yan. Kailangan ko ng pera, malapit na ang pasko!
......

Basahin ang kabuuan nito...

Nov 24, 2008

Rebelasyon : 100th Post

13 na lasing
Itong ilalathala ko ngayon ang ika-isandaang (100th) entri sa blag kong ito. Hmm... Ano naman ang isusulat ko sa pagkakataon ito? Naaalala ko dati, sinabi ko na ayaw kong magsulat ng labistori dito sa blag kong ito. Pero dumating ang pagkakataon, halos puro tungkol sa sarili kong istorya ng pag-ibig ang naisulat ko.

'Di Lang Nila Alam
Iginuhit at Isinalaysay ni Yummy

Katatapos lang ng ika-apat na kabanata ng istoryang sinulat ng kaibigan nating si Yummy. Oo, ika-apat na kabanata, na nangangahulugan na 'yun na ang huling kabanata. Huling kabanata ng istorya ng dalawang tao, ooppss! hindi lang pala dalawang tao, apat na sila. Maaaring huling kabanata ng istorya para dun sa blag niya, pero isang panibagong simula para sa dalawang pares ng nasabing kwento.

Kung napapansin ninyo ang titulo ng entri kong ito, "Rebelasyon." Ilalantad ko na ang mga tauhan sa nasabing kwento. Maaaring alam na ng karamihan kung sinu-sino ang mga taong 'yun, pero para makasigurado sila, heto na...

Drunk Writer = ???

Mamaya na muna siya, unahin muna natin 'yung isang pares.


Greatwall at Naruto :: Yummy at Ian
Iginihut ni Ian, Kinulayan ni Yummy

Greatwall = Walang iba kundi ang manunulat at tagapaglathala ng kwentong "'Di Lang Nila Alam." Si Yummy. Kung hindi mo siya kilala, bisitahin mo ang link na ito.

Naruto = Ian. IaaaaaNinja. Ang lalaking may dilaw na buhok. Ang lalaking hindi makalabas sa madilim kweba. Pero sa ngayon, mukhang malapit nang makalabas, dahil natagpuan na niya ang babaeng nagbigay-liwanag sa kanyang daraanan. Ang flashlight.

Sino ang flashlight? Tanong ninyo kay Greatwall. O kaya gawan ko din ng kwento dito, para makaganti naman kami. LOL.


Paranoia :: Loraine
Iginuhit ni Yummy

Paranoia = Ang dahilan kung bakit ganito ang mga naisusulat ko sa blag na ito. Hahaha. Isang Aning na nagpabaliw kay Drunk Writer ng todo. Hindi nga nalasing sa alak itong si Drunk Writer, pero nalasing sa sobrang pagmamahal na ibinigay ni Paranoia. Siya si Loraine. Kung hindi mo kilala, bisitahin ang link na ito.

Drunk Writer :: Batanggero
Iginuhit ni Yummy

Drunk Writer = Oo na! Ako na! Ako yan!

Ito ang rebelasyon ko para sa ika-isandaang entri ko. At abangan ang "Ang Alamat sa Kuweba."

Maligayang ika-isandaang (100th) blogpost sa blog ko!

... ......

Basahin ang kabuuan nito...

Nov 20, 2008

PanSayn

22 na lasing
Isa na namang patalastas. Ibabahagi ko lang ang fansign na ginawa ng aking... hmm... Para sa akin nga ba ito? Ako lang naman siguro ang Batanggero dito sa malawak na mundo ng sayber, pero bakit may Paranoia at Drunk Writer na nakasulat sa ginawa niyang pansayn?


Sino ba ang dalawang iyon? Ayaw pa kasi magpakilala eh. ......

Basahin ang kabuuan nito...

Nov 19, 2008

Lemonadang Chaser

4 na lasing
Bago ang lahat. Bago ang damit, bago ang gamit at bago ang pagmumukha. Hindi 'yung ang ibig kong sabihin. Bago ang lahat, gusto ko ulit magpasalamat sa pagta-Tag sa akin. Tags, awards, kadena at kung anu-anong tawag pa na pinagpapasa-pasahan sa blogosperyo. Tama. Nakatanggap na naman ako ng ganun, isang award pero dalawa ang nagbigay. Mula sa seksing mama ng lahat, na si Mama Maru at kay Angel na walang pakpak.


Akala ko nung una, isang pangkabuhayan siyowkeys ang aking nakuha. Isang larawan lang pala. Pero nagpapasalamat ako sa kanila kahit na mas gusto ko na pera na lang ang ibigay sa akin.

Maitanong ko lang, tulad ba ito nung mga chain-letters na kapag hindi mo naipasa sa iba, eh may mangyayaring hindi maganda sa'yo? Sana naman wala, dahil nagtitipid ako ngayon, hindi ko muna ipapamahagi ang award na ito sa iba. Bayaran ninyo kung gusto ninyo. Hahaha. ......

Basahin ang kabuuan nito...

Nov 18, 2008

Drunk Writer at Paranoia

25 na lasing
Kilala ninyo na ba kung sino si Drunk Writer at Paranoia? Sa malawak na mundo ng sayber, nagawa nilang paliitin ito para sa isa't isa upang magkatagpo. Nagkatagpo upang harapin kung ano ang ibinigay ng tadhana sa kanila. Tadhana? Naniniwala ba kayo dun? Kung hindi, pakinggan ninyo na lang ang kanta ng Parokya ni Edgar na Ted Hannah. Hindi mababago ang paniniwala ninyo kung pakikinggan ninyo, ibinahagi ko lang, ganda kasi eh.

Para kang kape, di ka nagpapatulog
Parang kagabi, gising ako hanggang tanghali


Balik sa usapan, tungkol kina Drunk Writer at Paranoia. Mula sa blag ng kaibigan nating si Yummy, kinuwento niya kung paano tumakbo ang mabilis na oras para sa dalawang bida sa kwento. Kwento na pinamagatan niyang "Di Lang Nila Alam." Irebyu na lang natin ang bawat bahagi ng sinulat niyang kwento.

Unang Bahagi:

Sumabog ang unang bahagi ng istorya nang hindi na makayanan ni Yummy na itago ang kanyang mga nalalaman. Siya ang nagsilbing piping saksi para sa dalawang 'yun. Sa kanya ibinubuhos lahat ng nararamdaman nung dalawa. Pero dahil sa nag-uumapaw na ang lahat ng nalalaman niya, kahit nakiusap 'yung dalawa na sana ay hindi makarating sa isa at ganun din naman dun sa isa, hindi na niya nakayanan kaya isinulat niya ang kwento ng dalawa.


Pangalawang Bahagi:

Naging matagumpay naman ang paglalahad niya ng kwento sa naunang bahagi. Pero madami ang nabitin sa istorya kaya madami din ang humiling na isulat ang ikalawang bahagi. At sa ikalawang ito, natuklasan na ng dalawang baliw na gusto na nila ang isa't isa. Ang istorya sa bahaging ito ay tungkol sa pag-aaminan. Pero hindi lang 'yun, may lumabas ding namumuong kwento sa pagitan ng May Akda at sa isang taong tawagin na lang nating Naruto.


Ikatlong Bahagi:

Dumami na ang tagasubaybay ng nasabing istorya. Marami ang nabitin sa naunang dalawang bahagi. Marami din ang kinilig. Pero laging may naiiwang katanungan para sa kanila. "Sino si Drunk Writer at sino naman si Paranoia?" Sa ikatlong bahaging ito, lumiliit na ang maskarang nagtatakip sa mukha ng dalawang ito. Unti-unti nang nasisilayan ang tunay na katauhan sa likod ng pangalang Drunk Writer at Paranoia. Kasabay ng nalalapit na paglalantad ng kanilang mukha ay tuluyan namang lumantad ang tunay nilang nararamdaman para sa isa't isa. Pero sa bahaging ito, hindi lang 'yung May Akda ang sangkot/tumulong sa dalawa, kundi pati na din ang nabanggit kanina na si Naruto.


Kung hindi mo pa rin makilala kung sino nga ang tinutukoy sa kwento, abangan mo na lang ang nalalapit na pagtatapos ng kwento. Ayon sa May Akda, hanggang ikaapat lang ang magiging bahagi ng kwento sa blag niya. Pero hindi lang apat para sa dalawang taong bida sa istorya.

Abangan ang susunod na kabanata.

... ......

Basahin ang kabuuan nito...

Nov 16, 2008

Si Cactus at si Sky Diver

17 na lasing
Maaaring ang isusulat ko ngayon dito ay nabasa ninyo na sa isa pa "naming" blag. Oo. Kung nabasa nio na 'yung blag na 'yun, eh kami nga ang gumawa nun. Pero para sa mga hindi pa nakakabasa, isusulat ko na din dito.


At heto na ang ang usapan ng dalawang baliw...

Lalaki:Kung mahuhulog ako, at ang pagbabagsakan ko ay may kasamang tinik, iindahin ko ang sakit na tutusok sa’kin basta handa lang niya akong sambutin.

Babae:Kung masasaktan ka lang sa pagbagsak mo dun sa may tinik na ‘yun, bakit hindi ka na lang humanap ng ibang pagbabagsakan na walang tinik?

Lalaki:Kung ikaw ba? Saan mo mas gugustuhing bumagsak? Sa alam mo ngang may tinik at masasaktan ka pero doon ka naman masaya? O doon sa may mababango at magagandang bulaklak, na hindi ka nga masasaktan sa pagbasak, pero may allergy ka pala sa amoy ng mga ‘yun?

Babae: Eh paano naman nasangkot ang bulaklak dito?

Lalaki: Cactus kasi ‘yung may tinik eh, hehehe.

Babae:Hanggang kailan mo kayang humawak? Hanggang kailan mo kayang bumitin? Kailan ka babagsak?

Lalaki:Kahit isang daliri ko na lang ang nakahawak, hindi pa rin ako bibitaw, hangga’t hindi pa handa ang babagsakan ko, para sambutin ako.

Babae: Paano kung mangawit ka?

Lalaki:Kung mangangawit ako, at hindi pa siya handa para sumambot, ibabalik ko ang apat kong daliri para kumapit ng mahigpit, at kung hindi pa rin kakayanin, may isa pa akong kamay. Kakapit at maghihintay.

Sandaling naputol ang usapan… at hindi yata nakayanan nung lalaki ‘yung damdamin niya. Hahaha. Hindi siya nakatiis at sinabing…

Lalaki: “Ikaw ang CACTUS ko!!!”

Sumagot naman itong si babae ng…

Babae:SKY DIVER!

Ganyan din ba kayo kabaliw? Unliquote ng utak ng dalawang ‘yun ah, kung anu-ano ang pinagsasasabi. Hindi ba pwedeng mag-usap ng diretso? At kelangan pa bang daanin sa ganung usapan para lang masabi kung ano ‘yung nararamdaman? Ewan ko, hindi ko din alam. Kung ganyan ka din, pareho ang mga wavelength ng utak ninyo! Hahaha.

... ......

Basahin ang kabuuan nito...

Nov 15, 2008

Pagpapasalamat

21 na lasing
Muli po, isang patalastas ang ating ilalabas. Hindi na pwedeng ipagpabukas, ang regalong aking natuklas. Pero bago ang lahat, wala po tayo sa entablado ng balagtasan, kaya huwag ninyong basahin ang nauna kong sinabi na may puntong makata. Ganyan lang talaga ako magsalita, may rhyme.


Nakatanggap po tayo ng isang regalo mula sa hindi malaman kung tao, hayop, bagay, engkanto, delubyo, lamang-lupa, lamang-tao o maaaring naghahanap ng lamang-tiyan, na isang guhit gamit lamang ang MS Paint. Magaling, magaling, magaling. Ang tiyaga naman niyang gumawa sa MS Paint, kaya ating pasalamatan ng buong puso at kaluluwa ang kanyang katangi-tanging kakayahan.

Kung sino ka man. Magpakita ka. Magpakilala ka. Muli po, Maraming SALAMAT po!. ......

Basahin ang kabuuan nito...

Nov 13, 2008

Paano Magsulat ang Nakainom ng Alak?

24 na lasing
Paano nga ba magsulat ang isang taong nakainom? Wala pa yata akong nababasang ganyang tanong. Bakit ko naman naisip yan? Wala lang, walang maisulat. Bakit naman wala akong maisulat? Dahil ako'y nakainom. Bakit naman ako nakainom? Kaarawan ng kasamahan namin sa trabaho. Sino naman ang kasamahan mong iyon? Isang lalaking kalbo. Bakit naman siya kalbo? WALANG BUHOK!


Ang taong nakainom, nagiging makulit, mahilig magtanong kahit na walang kwenta. Hindi titigil hanggat hindi nakukuntento. Walang pakialam sa iba basta masabi lang kung ano ang gusto. Pero hindi ako sigurado kung ganyan din ang taong nakainom kung nagsusulat siya. Hindi ko alam kung makulit nga ba sa pagsusulat ang taong nakainom. Hindi ko alam kung makulit nga ba sa pagsusulat ang taong nakainom. Hindi ko alam kung makulit nga ba sa pagsusulat ang taong nakainom. Sa tingin mo? Makulit nga ba sa pagsusulat ang taong nakainom? Hindi ko din masabi.

Mapapansin mo siguro sa mga sinusulat niya kung nakainom siya kapag tagalog ang sinusulat niya, tapos bigla niyang sisingitan ng english. Except me. Napapansin ko lang 'yun, pero para sa akin, hindi ako ganun. No way! Minsan naman, dumadami ang typographical error sa kanyang mga sinusulat, nagkabakalidtag ang ltera ng knayang mga snusiulat. Bhira lng ako magkmali sa mga letra ng bwat slitng gnanmit ko sa bwat pgsulsulat ko dito. Ilang beses ko kcng bbnbasa para hanpin kung may maling spilleng o may nwawalng letra.

Pero kung nakainom ka na, siguro hindi mo na magawang basahin ng ilang beses 'yung sinulat mo. Dahil kung gagawin mo 'yun, mas lalo ka lang mahihilo. Madadagdagan ang sakit ng ulo mo na dala ng epekto ng alak. Kaya kapag nahihilo ka na dahil sa ilang beses mong pagbasa ng sinulat mo, hindi mo mapapansin na maisusulat mo uli 'yung kanina mo pang nabanggit. Kaya dapat talaga, huwag mo na basahin ng paulit-ulit ang sinulat mo para lang hanapin ang mali, dahil kung gagawin mo'yun, mas lalo ka lang mahihilo. Madadagdagan ang sakit ng ulo mo na dala ng epekto ng alak.

Pero para sa mga mambabasa, mapapansin din nila kung nakainom ang nagsulat ng binabasa nila. Mapapansin nila na parang niloloko lang sila ng sumulat ng binabasa nila. Wala kasing kasaysayan ang mga pinagsusulat niya. Mahahalata nilang niloloko lang sila ng sumulat. Tulad ng ginagawa mo ngayon. Nahalata mo ba?

Kung nahalata mo na parang ganun nga ang klase ng sinulat ng binabasa mo, aakalain mong talagang niloloko ka ng may-akda. Pero kung babasahin mo ng ilang ulit, at pipiliting hanapin ang nakatagong mensahe sa likod ng mapagbirong sinulat, hindi lang ang sumulat ang nanloloko sa'yo kundi pati sarili mo, niloloko mo, malalaman mo na may ibig iparating ang taong sumulat ng ganun.

Ayaw lang ipahalata ng sumulat kung ano ang gusto niyang sabihin. Kung nakainom ka, lumalakas ang loob mong sabihin sa kaharap mo ang hindi mo masabi ng walang kasamang alak, pero iba sa pagsusulat (ayon sa aking eksperiyensiya), kabaligtaran. Magkukwento ka ng parang walang laman, parang pinagtitripan lang ang magbabasa, pero halos isinisigaw na niya kung ano 'yung kanina pang gustong sabihin. Hindi mo lang pansin.

At ako. Oo. Inaamin ko. Nakainom ako habang nagsusulat. Kaya ako, sa kasalukuyang panahong ito, ay isang Drunk Writer. Abangan ninyo na lang, kung kailan ako tatalon mula sa isang eroplano/helikapter upang lumipad, para matawag na Sky Diver. Kung naguguluhan ka sa mga sinasabi ko, isa lang ang ibig sabihin noon. Naa-ANING ka na! Praning!

... ......

Basahin ang kabuuan nito...

Nov 10, 2008

Paano Gumawa ng Magandang Kwento?

28 na lasing
Sabi nila, ang mga manunulat ay may kanya-kanyang ritwal bago magsulat. Ang isang blagger ay isa din manunulat. Kaya inisip ko, ano nga ba ang ginagawa ko bago magsulat? 'Yung iba kasi, ayon sa nabasa kong libro, nakikipag-usap muna sa isda sa akwaryum. 'Yung iba naman, nagkukulong sa kwarto para walang makaistorbo. Meron din namang nagpupush-ups ng isangdaang beses bago magsulat. Hindi ka naniniwala? Ako din, inimbento ko lang kasi 'yan.


Ako, bago ako magsulat, lumalabas ako ng bahay. Naglalakad-lakad. Nag-iisip. Kusang gumagalaw ang paa patungo sa kung saan. Hindi makontrol ng utak ko ang patuloy na paglakad ng paa ko dahil abala ito sa pag-iisip ng ilang bagay. Sa paglalakad kong 'yun, dun ako nakakabuo ng istorya. Magagandang istorya na matatagpuan sa kalye, sa mga taong makikita mo at sa mga pangyayaring nasasaksihan mo.

Lahat 'yun ginagawan ko ng istorya sa utak ko. Buti na lang nag-upgrade na ako ng memory card para sa utak ko. Kung dati eh 256mb lang ang kapasidad ng memorya ko, ngayon, 1gig na! Kasyang-kasya ang mga istorya. Hindi lang basta istorya. Nandiyan ang mga problema ng lipunan na makikita mo, at nakakagawa ka din ng solusyon para sa mga problemang 'yun.

Habang naglalakad-lakad kasabay ng pag-iisip, hindi ko maiiwasan ang magutom. Tumitigil ako sa mga kainan na pwedeng makapagtawid ng gutom. Pero habang kumakain, patuloy pa rin sa pagtakbo ang isip ko. Parang may Notepad sa utak ko na sinusulat ang mga magagandang posibleng istorya at siyempre kailangang i-save 'yung mga nakasulat sa memorya ng utak.

Kapag nakabuo na ako ng isang istoryang napili ko, balik na ako sa bahay. Haharap sa kompyuter. Bubuksan ang MS Word o Notepad, o kaya diretso na sa blag. Ayos! Sisimulan ko ng tipahin ang aking kibord. Kukuhanin ang mga saved files sa memory ng utak.

Biglang may isang eror. Lagot. Hindi ko mabuksan ang kwentong nakalap ko sa memorya ko. At ang eror na lumabas...

"FILE CORRUPTED!"

Kaya wala akong magandang istorya. Ayoko nang gawin ang ganung nakasanayan ko. Nasasayang lang ang oras ko. Katulad mo, nasayang ang oras mo sa pagbabasa ng walang kwentang kwento kong ito.

... ......

Basahin ang kabuuan nito...

Nov 9, 2008

Biniktima Ako, Ngayon Kayo Naman

10 na lasing

Mula kay Sweetlady, binigyan na naman niya ako ng isang gawain. Ganito ang nagpapasakit sa ulo ko. Ayoko mag-isip eh (wala kasi akong isip), pero masubukan nga. Baka sakaling kaya ng kapiranggot kong utak. Awts! May dapat palang sunding rules, isa-isahin nga natin.

Una. Kailangan daw i-sulat ng blager rules na ito gaya ng ginagawa ko ngayon. Pangalawa. Kailangan simulan ng kada blager sa pagsusulat ng sampung katotohanan/fact sa kanilang sarili. Pangatlo. Kapag nakatanggap ka nito mula sa blager na meron nito, kailangan mo din magsulat ng sampung katotohanan sa sarili mo. Pang-apat. Kailangan mong pumili ng anim na tao, ilista ang pangalan. At Panglima. Huwag kalimutang mag-iwan ng komento sa ginawang post.

10 Facts:

1. Hindi ako umiinom ng kape, pero kape ang tawag ko sa "KANYA"

2. Labing-limang oras akong gumamit ng kompyuter

3. Dalawang oras sa pagbabasa ng libro at isang oras sa paglalaro ng PSP
(Ang natitirang oras, para sa pagtulog at sa ibang gawain)

4. Isa kada buwan lang ako magload ng selepono ko, 30 pesos lang
(Pero balak ko ng baguhin yan)

5. Mahilig ako sa seafoods, huwag lang isda

6. Pink ang kulay ng magiging yuniporm ko! Hindi pa ako nakakapagsuot ng kulay fenk

7. Mas gusto ko pang kainin ang isda, kaysa magsuot ng uniporme, na kulay fenk

8. Mahilig akong magdrowing pero mahina ako sa kumbinasyon ng kulay

9. Relihiyoso ako, pero hindi ako pumapasok ng simbahan
(Napapaso ako)

10. Pinagsasabay ko ang pakikinig ng kanta habang nagbabasa ng libro
(Kaya wala akong maintindihan sa binabasa ko)

Ngayon naman. Pagkakataon ko nang pahirapan ang ilan sa kainuman ko dito. Humanda na kayo Ronturon, Buraot, Kosa, Mai, Ate Maya at kay Jaja. Pasensyahan na lang, pinasakit nito ang ulo ko eh, dapat kayo din.
... ......

Basahin ang kabuuan nito...

Nov 8, 2008

Dear Diary

18 na lasing
Kagabi. Hmm... hindi pala. Kaninang madaling araw. May nakausap akong isang babae. Isang babae na ispesyal. Oo! Ispesyal siya. Isang special child. Pero kahit ganun siya, ganun na talaga siya, kaya huwag na nating baguhin. Basta nakilala ko siyang ganun siya, kaya masaya ako na ganun pa rin siya. Ganun kami nagkakilala pero kahit na gusto ko na humigit pa sa ganun, mas ok pa naman kami sa ganun. Sa ganito. Ganun! Ganun na nga. Word for the day.


'Yun na nga. Nung nag-usap kami, may naalala akong isang kwento. Isang kwento ng dalawang tao. Dalawang tao na iisa ang nararamdaman. Iisa ang nararamdaman pero parehong mali ang iniisip. Mali ang iniisip kaya nauuwi sa wala para sa kanilang dalawa. Nauuwi sa wala para sa kanilang dalawa, pero... napupulutan ng aral ng ibang taong makakabasa nito. Kung interesado ka, basahin mo ang kwento at kung hindi ka interesado... Hmm... basahin mo pa rin, pilitin mong magkaroon ng interes.

Girl's Diary:
Nakasalubong ko sa hallway ang hinahangaan kong lalaki. Nabangga niya ang siko ko. Tiningnan ko siya, pero hindi siya tumingin sa akin. Nangangarap lang ako at umaasa na titingnan din niya ako. Pero bakit at paano nga ba naman magugustuhan ng isang magaling na basketball player ng campus ang isang babaeng tinatawag nilang nerd.

Boy's Diary:
Nakasalubong ko ang nag-iisang babaeng gusto ko sa hallway. Aksidenteng nagkabanggaan ang mga siko namin. Hindi ako tumingin sa likod dahil alam kong hindi din naman siya lilingon. Paano nga naman magagawang magustuhan o masulyapan man lang ng isang sikat na babae dahil sa katalinuhan sa buong campus ang isang manlalaro ng basketbol na ang hawak lang ay bola.

Dahil lang sa pag-iisip nila na baka hindi sila magustuhan o baka maging masama lang ang kalalabasan sa hakbang na gagawin nila, kaya hindi nila masabi o maipakita man lang ang nararamdaman nila. Natatakot silang masaktan sa maaaring isagot ng isang tao, pero mas masakit siguro kung malalaman mong nagkamali ka ng iniisip. Mas masakit dahil hindi mo sinubukan man lang na ipaalam sa kanya.

Kaya ano pang hinihintay mo? Puntahan mo na siya at kausapin mo. Kung iniisip mo na walang siyang pera, mali ang iniisip mo. Mauutangan mo siya, subukan mo lang kausapin. Hindi lang ang nararamdaman niya ang itinatago niya, pati pera. Kaya gudlak sa'yo!

... ......

Basahin ang kabuuan nito...

Nov 6, 2008

Mentos: The Freshmaker

19 na lasing
Minsan, may mga pagkakataon tayong hindi inaasahang mangyari. Biglaan. Kadalasan hindi ka handa. Pero minsan, may mga pangyayaring na hindi nga natin inaasahan, pero sa maikling oras ng pag-iisip, Presto! may naisip kang solusyon.


Nangyari na rin sa'kin 'yung ganun. Akala mo, katapusan mo na. Katapusan na ng mundo. Mapapahiya ka na. Buti na lang, ginawa tayo ng nasa Itaas na may kasamang kapirasong karne sa ulo. 'Yung tinatawag nilang utak. Makakagawa tayo ng solusyon sa konting pag-iisip na sasamahan mo ng konting diskarte at sobrang kapal ng mukha.

Tambay ako noon sa isang ChatRoom. Batangas ChatRoom kung hindi ako nagkakamali. Madami akong nakilala at naging kaibigan dun. Pero hindi ko ugali ang dumalo sa tuwing may idadaos silang pagkikita-pagpapakilala na tinatawag na EB. Hindi Eat Bulaga kundi EyeBall.

May nakilala akong isang babae sa chat. Naikuwento niya na meron daw silang kompyutersyap dito sa Lipa. Nung malaman ko kung saan 'yung tinutukoy niya, Abah! malapit lang pala sa'min. Nilalakad ko lang 'yun. Kahit na ang totoo, kahit malayo ang isang lugar, talagang nilalakad ko din lang.

Hindi ko binabalak na makipagkita o makipagkilala ng personal sa kanya. Pero nung minsang mapadaan ako sa kanto malapit sa sinasabi niyang shop, sinubukan ko na ding dumaan. Pumasok ako. Umupo at nag-renta ng isang kompyuter. Doon ko na din ginawa 'yung ilang proyekto na dapat kong gawin. Nang matapos ko 'yung ginagawa ko, nagbukas lang ako ng imeyl ko kung may mga bagong mensahe. Ayos ang dami. Ang daming ispam. Kung ispam na de-lata 'yung mga 'yun pwede ko na ibenta saka pang-ulam. Matapos burahin ang mga basurang mensaheng 'yun, tumayo na ako para umuwi.

Tiningnan ko muna 'yung orasan para malaman ko kung nakailang oras ba ako at kung magkano ang dapat kong bayaran. Dalawang oras. Tuwenti pesos para sa isang oras. Kinapa ko ang bulsa ko. Anakngpitumputpitonglasing! Wala pala akong bulsa. At wala akong dalang walet. Hahaha. Ayos. Paano ang gagawin ko? Nakita ko, may kausap 'yung nagbabantay. Kung umeskapo na lang ako? Kaso baka mahalata. Mas lalong nakakahiya.

Wala na akong magagawa. Nilapitan ko 'yung nagbabantay na babae. "Excuse me. Ikaw ba si Che?" Sumagot naman siya. At tinanong kung sino nga ako. "Ako si vhonne. 'Yung kausap mo nung isang araw sa way-em?" Natuwa naman siya at kinausap niya ako. Kaya naisip ko, ito na ang pagkakataon ko.

"Magkano nga pala ang babayadan ko sa pagrenta ng kompyuter?" Agad kong naitanong sa kanya. Pagkasabi ng presyo, nagsabi na lang ako ng... "Utang muna ha?" Hindi ko alam ang magiging reaksiyon niya nung sabihin ko 'yun kaya nagulat ako nung sabihin niyang okey lang. Nakahinga ako ng maluwag.

Kaya nung kinabukasan, binayadan ko 'yung utang ko. Nagrenta ulit at pagkatapos, utang na naman. Hahaha. Abuso? Nahalata niya siguro 'yung araw-araw na ganung gawain ko. Kaya hindi na lang niya ako siningil. Libre na ang paggamit ko ng kompyuter at hindi lang 'yun, pakain pa ako. Ganun kakapal ang mukha ko dati.

Pero ngayon, hmm... Basta, iba na ako ngayon.

... ......

Basahin ang kabuuan nito...

Nov 3, 2008

Ang Ibon at Ang Puno

19 na lasing
Hmm... Dahil medyo maganda ang naging pagtanggap ninyo sa madramang tula na ginawa ko, (maganda nga ba ang naging pagtanggap?) ilathala ko na din dito ang isa pa sa mga tulang nagawa ko (kapal at lakas lang ng loob 'yan). Isa sa mga natagpuan ko nung minsang naghalungkat ako ng baul ko. Huwag kayong mag-alala, hindi ito kasing-haba at kasing-drama nung nauna ninyong nabasa.


Basahin ninyo na lang ang munting gawa ko na pinamagatang... wala din titulo 'yan eh. Pero pansamantala, Ang Ibon at Ang Puno na lang muna.

Isang maliit na ibon na mataas ang lipad
Isang ibong dumapo sa punong malapad
Isang ibong nagpasalamat sa sangang inilahad
Isang ibong umaawit, tuwang walang katulad

Isang magandang puno na sa ibo'y lumingap
Isang punong di namalayan ang isang ibong nangangarap
Isang punong nagising sa kantang hinahanap
Isang punong nagalak at ang ibo'y tinanggap

Ngunit itong puno'y hindi maunawaan
Ng ibong nag-akalang hindi siya kailangan
Ngunit itong ibo'y hindi nag-alinlangan
Na puno'y tulungan at hindi iiwanan

Ngunit itong puno'y nananatiling nakatindig
Sa lupa'y nakatayo at hindi humihilig
Ngunit itong ibo'y puno ng ligalig
Sa kanyang mga awit at puso'y pumipintig

Sa awit ng ibon na puno ng hapis
Puno'y nakinig at puso'y naghinagpis
At nagsabi sa ibon na huwag nang umalis
Kaya't itong ibo'y ngumiting kay tamis

Iyan ang kwento ng ibong nangarap
Sa puso ng puno na kanyang hinahanap
Ngayon itong ibo'y tuwa'y naging ganap
At ang nadarama'y walang kasing-sarap

Hindi ko na ipapaliwanag ang mga nakasulat sa itaas. Kayo na ang bahalang magbigay ng kahulugan kung naintindihan ninyo. Isa yan sa labistori ko. Kung hindi ninyo naman masyado naintindihan, ayos lang, 'wag ninyo lang isiping kung ano 'yun
g ibong tinutukoy ko. Hulsam po tayo, bawal bastos.


**Optapik: Pasalamatan ko lang ang ating kainumang si SweetLady sa pagbigay sa akin ng panibagong award. Isa na namang kadenang award kung saan pinagdudugtung-dugtong ang mga blagers sa mundo ng sayber.

May ruls pa ang nasabing award na ito. Idikit ang pangalan ng taong nagMAHAL sa'yo ('yung nagbigay ng award sa'yo). Ilathala sa blag mo. Igawad ang nasabing award sa pitong taong MAHAL mo. At ipaalam sa
kinauukulan mga taong ginawadan ng award na sila ay nakatanggap nito.

Kaya ginagawadan ko ng award sina: Loraine, Lorraine, Yummy, Jojitah, Mai, Joshmarie at si Jaja. Puro babae ang pinili ko, usapang MAHAL yata yan.

... ......

Basahin ang kabuuan nito...

Nov 2, 2008

Maikling Kwento, Pero Mahaba

27 na lasing
Ituloy na natin ang Halloween Special. Nakapulot ako ng isang kwento sa internet. Isang kwentong kababalaghan. Mahilig ako magbasa ng ganito pero ito ang isa sa nagpataas ng balahibo ko. Pati 'yung balahibo ko sa baba, tumaas. Balahibo sa baba, balbas ba tawag dun? Basahin ninyo na lang ang kwento, medyo mahaba kaya pagtiyagaan ninyo na lang.


This is the story of my twin classmates in Cavite State University. They are Martha and Maria. Martha gave me the permission and opportunity to put their story into texts. This story was made in honor my late classmate, Maria. What you are about to read was told in Martha’s point of view.

“Ano ka ba, pag ang letter “V” ay nasa pagitan ng mga consonant ito ay binabasang letter “U” at pag ito naman ay nasa pagitang ng ng mga vowels o kaya naman ay sinusundan ng mga vowels, ito binabasang letter “V” - Maria


MORITVM TE SALVTAMVS
EST DEXTRVMI CVRITE
AVE VERSVS CRISTVS
VERVM DE TREVI

VERMI EST REFLEXVM
ARVM DRI TRIPVM
DEXTRVMI LENTENVM
AVE SATANI

Eto lamang ang huling ala-ala ng kakambal kong si Maria bago siya namatay…

September 12, 2002…
Tandang-tanda ko ang araw na ito. Ito ang sumunod na araw matapos bombahin ng mga terorista ang twin tower sa US. Ito rin ang araw kung saan ko huling nakasama pauwi ng bahay ang kakambal kong si Maria.

Mga bandang alas-kwatro y medja na ng hapon. Nakasakay kami ng kambal kong si Maria ng bus pauwing Cavite City ng may nakita siyang isang lumang wallet ng lalaki sa lapag ng inuupuan naming bus. Medyo luma na ang wallet na ito; kulay itim at medyo laspag na. May isang litrato sa loob. Tama kami ng hinala, lalake nga ang may may-ari ng wallet. Medyo may kalumaan na ang litrato. Malutong na ang papel at black and white or should I say brown and white pa ang kulay ng litrato. Bukod sa litrato ay mayroon ding mga nakaipit na tarheta (calling card) , papel na may sulat, reseta ng doktor, mga tickets sa bus at P78.

Wala naman talaga akong habol sa wallet maliban sa P78. Gusto ko sana ay paghatian naming magkapatid yung pera, pambili kahit man lamang ng burger. Ngunit iba si Maria. Sa aming magkapatid masasabi ko talagang mabait siya ng higit kaysa sa akin. Gusto niyang isauli namin ang wallet sa mayari dahil baka mahalaga raw ito sa kanya dahil nga may resetang nakaipit sa loob. Noong mga oras na iyon gusto niyang ibigay na lamang sa driver ng bus ang wallet. Kaya naman agad-agad akong nag-isip ng paraan upang huwag na niyang magawa ang binabalak niyang pagsaoli ng wallet sa driver.

“Para!”

Kahit mga dalawang kanto pa ang layo ng bababaan namin ni Maria ay pinahinto ko na ang bus. Dahil sa hindi pa handa sa pagbaba ay nataranta si Maria dali-daling inayos ang mga bitbit niyang gamit at bumunot ng pamasahe namin sabay bayad sa driver.

“Eto pong bayad, dalawa galing Tanza.”

Matapos magbayad at masuklian ay bumaba na rin siya.

“Ano ka ba Martha, dalawang kanto pa ang layo ng bahay natin dito sa pinagparahan mo”

Biglang bumalik sa akin ang sisi. Medyo may kalayuan nga talaga ang pinagparahan ko ng bus. Medyo naiinis na natatawa sa akin si Maria, galing kasi kami sa dorm noon at marami kaming dalang maruruming damit kaya naman may kahirapan nga talaga ang maglakad ng malayo.

“Tricycle!”

Lumapit ang tricycle. Una akong sumakay at sumunod naman si Maria.

“Sa Novero po”

“Ano ka ba Martha, kulang na ang pera natin pangtricycle”

“Diba may napulot kang wallet?, Ehdi yung pera muna dun ang gamitin nating pambayad sa tricycle. Palitan nalang natin paghumingi tayo ng pera kina mama.”

. . . . . . . .

“Dyan lang po sa may gate na blue.”

Binayaran rin ni Maria ang driver ng tricycle gamit ang pera mula sa napulot niyang wallet.

“Ma…, Pa…, nandito na po kami!”

Walang sumasagot. Walang tao sa bahay. Dumeretso ako sa kusina. Si Maria naman ay dumeretso sa kwarto namin.

May sulat na iniwan si mama sa mesa sa kusina. Wala pala sina mama at papa, nagpunta sa Laguna para asikasuhin ang titulo ng lupa namin doon. Medyo nagkakagulo na rin kasi ang mga pamilya ni mama doon sa Laguna tungkol sa lupa namin nuong mga panahong iyon.

Pumasok ako sa kwarto namin ni Maria. Nakita ko siyang nakadapa sa kama niya at tinitingnan kung ano ang mga laman ng wallet na napulot niya kanina.

“Maria nasa Laguna raw sina mama at papa para ayusin ang titulo ng lupa natin doon”

“Martha, halika rito, tingnan mo itong sulat na nakaipit sa wallet.”
“Ano yan?”

“Ewan ko, baka anting-anting”

“Latin yata yan eh.”

“Ewan”

Sinubukan kong basahin ang sulat ngunit talagang mahirap bigkasin. Biglang inagaw sa akin ni Maria ang sulat.

“Ano ka ba, pag ang letter “V” ay nasa pagitan ng mga consonant ito ay binabasang letter “U” at pag ito naman ay nasa pagitang ng ng mga vowels o kaya naman ay sinusundan ng mga vowels, ito binabasang letter “V”

“Asus! At saan mo naman natutunang magbasa ng Latin?”

“Basta alam ko yan”

“Sige nga.”

“MORITUM TE SALUTAMUS, EST DEXTRUMI CURITE, AVE VERSUS CRISTUS, VERUM DE TREVI, VERMI EST REFLEXUM, ARUM DRI TRIPUM, DEXTRUMI LENTENUM, AVE SATANI”

“Ang galing ah parang totoo, bahala ka nga sa buhay mo, kakain na ako”

“Martha anong miryenda?”

“Miryendahin mo’ng mukha mo!”

Pumunta ako ng kusina, binuksan ang refrigerator at naghanap ng maaaring kainin. Samantalang, si Maria naman ay hindi na lumabas ng kwarto namin. Mga bandang ala-sais kwarenta y sinco na nang bumalik ako sa kwarto namin.

“O, akala ko ba magmimiryenda ka?”

“Ayoko na. Bigla kasi akong nahilo pagtayo ko kanina kaya hindi nalang ako lumabas.”

“Nagugutom ka ba?”

“Hindi na, nalipasan na yata ako ng gutom”

Pagkasabing-pagkasabi ni Maria noon ay bigla siyang napaduwal. Kaya dali-dali siyang nagtungo sa banyo namin sa kwarto at sumuka sa lababo.

Makalipas ang ilang minuto…

“Mmm...arthaaa! Mmm…arthaaa!”

Nanginginig na sigaw ni Maria. Parang may halong takot ang pagkakasigaw niya noon sa pangalan ko. Nataranta ako sa ginawang pagsigaw ni Maria. Napabalikwas ako sa pagkakaupo at napatakbo papuntang banyo.

Nakita ko siyang nakatungkod ang isang kamay sa lababo at ang isa ay hawak-hawak ang kanyang dibdib habang patuloy na nakatingin at umiiyak sa harap ng salamin.

“Baket?”
“Anong nangyari?”
“Maria napa-ano ka?”

Sunud-sunod kong tanong kay Maria.

Hindi ko alam ang nangyari kay Maria sa loob ng banyo hanggang sa bigla na lamang akong natakot at kinabahan sa sumunod na nangyari…

Unti-unting napaluhod at umiyak si Maria. Patuloy ang kanyang panginginig. Mula sa paimpit na iyak ay unti-unti itong nagkatinig. Tinig ng hagulgol. Nakakaawa. Nakakakaba. Nakakatakot.

Matibay si Maria. Matapang. Ngunit bumilis ang kaba ng dibdib ko ng makita ko ang nangyari sa kanya sa loob ng banyo. Alam kong may masamang nangyari sa kanya. Hindi basta-basta magkakaganito si Maria ng walang mabigat na dahilan.

Kinabukasan…

“Kring…kring!”

Nag-ring ang telepono. Si mama, medyo matatagalan daw sila bago makauwi ng bahay dahil may aberya pa rin daw sa lupa. Kailangan daw maayos iyon bago umuwi sina lola (ang nanay ni mama) na nasa US sa 24 (ibig niyang sabihin, September 24, 2002).

Ok na si Maria. Parang walang masamang nangyari kahapon. Mga ilang ulit ko na ring pinagtangkaang tanungin siya tungkol sa kung ano ba talaga ang nangyari sa kanya sa banyo, ngunit palagi niya itong iniiwasan. Minsan pa nga, palihis ang mga pagsagot niya sa aking mga tanong upang maiba ang usapan.

Dumaan ang Sabado, Linggo at sa wakas Lunes na naman. Pasukan na naman. Biglang nilagnat si Maria. Medyo nahihilo raw siya. Ako na lamang daw ang pumasok at ipagpaalam ko raw siya sa aming mga instructors.

“Sabihin mo sa kanila baka bukas nalang ako pumasok, masama pa kasi ang pakiramdam ko.”

Martes, September 17, 2002, 7:12 ng umaga.

“Too-toot, too-toot!”

One message received. Si Maria.

“Nwa2la ung ID me. Ndi u b ndla?”

“Nope. Ala skin ung ID u. Bka nsa bag ng mrumi mong dmit. Ppsok n b u?”

Walang na akong narecived na text mula kay Maria nung araw na yun. Hanggang mga bandang alas sais ng gabi, ako na ang nagtext kay Maria.

“Oi, wat hapend 2 u? Msma p b pkiramdam u? Kla me ppsok n u knina?

Wala pa ring reply.

Siguro wala nang load si Maria.

Dumaan ang Miyerkules at Huwebes. Uwian na naman. Apat na araw lang ang pasok namin nuon. Inimpake ko na ang mga marurumi kong damit at umuwi na sa Cavite City.

Pagdating ko sa bahay…

“Maria!”

“Maria!”

Walang sumasagot. Binukasan ko ang pinto. Ang baho ng bahay. Amoy bulok na laman.
“Ang baho!”

“Maria……….Maria!”

Lumabas si Maria ng banyo. Katatapos lang magsipilyo ng ngipin.

“Maria ano yung mabaho. Amoy patay na daga.”

“Dyan yun sa kapitbahay. Namatay kasi yung aso nila. Nasagasaan. At matapos masagasaan ay nagawa pang makabalik ng kulungan at duon na namatay.”

“Eh bakit hindi inilibing?”

“Wala ang may ari. Hindi pa umuuwi ilang araw na. Hindi rin naman mailibing ng ibang kapit-bahay dahil naka-lock ang gate.

“O, naka-lock pala ang gate, bakit nakalabas pa rin yung aso?”

“Malay ko.”

“Naku isara mo nga yang bintana para hindi pumasok dito ang amoy. Nakakasuka.”

Isinara nga ni Maria ang bintana. Maya-maya pa ay naghapunan na ako. Ayaw sumabay ni Maria sa akin dahil nawalan daw siya ng gana. Isa pa nagsipilyo na raw siya ng ngipin. Kaya mag-isa nalang akong kumain.

Nang matutulog na ako ay tumabi nalang ako kay Maria. Double-deck kasi ang kama namin. Ako sa itaas at si Maria ang sa ibaba. Ayoko sa itaas. Tapat na tapat sa bintana ang mukha ko. Tiyak na langhap na langhap ko ang amoy ng namatay na aso sa kabila.

Nang nahiga ako, amoy parin ang baho ng patay na aso. Dumikit na yata sa kama namin ang amoy kaya nag spray ako ng air freshener.

“Bat hindi ko naisip yan?”

“Oo nga, ilang araw ka nang nagtitiis ng amoy dito, hindi mo man lamang naisipang mag-spray ng air freshener.”

Kinabukasan…

Unang nagising sa akin si Maria. Paglabas ko ng bahay nakita ko siyang nanunuod ng T.V. Alas diyes na pala.

“Martha kumain ka na. Nandyan yung tinapay sa mesa. Yung palaman natatakpan ng plato.”

Normal ang araw na iyon at ang mga sumunod na araw.

Linggo ng hapon, inaayos ko na ang mga damit ko na dadalhin ko papuntang dorm. Balak kong umuwi na sa dorm at duon na lamang matulog kahit ala-una pa ng Lunes ang pasok namin ni Maria.

‘Ikaw hindi ka ba sasama?”

“Hindi na. Hindi pa ako naglalaba ng mga gamit ko nuong nakaraan. Marurumi pa ang uniform ko. Mamaya pa ako maglalaba.”

“O sya paano? Uwi na ako sa dorm?”

“Sige.”

Lunes, magtatanghali na. Hindi pa rin bumabalik ng dorm si Maria. Sinubukan ko mag missed call.

“Sorry, your balance is not enough to make this call. Please reload your phone immediately.”

Wala na akong load pang missed call. Kaya itinext ko nalamang si Maria.

“Oi, nsan n u?”

“Nsa bhay p me. Hndi me nkapaglaba ng dmit khapon dhil ala ng tubig. Ngaun plang me ngla2ba.”

Natapos ang araw. Medyo nakakapagod. Ang lalayo kasi ng mga building namin. Pagdating sa dorm,nagpahing na ako. Mahaba ang tulog ko noong araw na iyon. Marahi nga ay dahil sa pagod.

Miyerkoles, September 25, 2002, 9: 23 A.M.

Ngayon ang araw ng paguwi nila lola mula sa U.S. siguradong may pasalubong kaming stateside. Eto rin ang araw na nagpagimbal sa akin.

Alas nueve beintetres ng umaga. Nagising ako sa isang text. Isang number ang nagregister sa cellphone ko nang binuksan ko, si Mama pala.

“ANG KPATID M PTAY N. UMUWI K AGAD. – MAMA”

Parang nawala ako sa sarili ko. Kumikilos ako ngunit hindi nararamdaman ng katawan ko. Hindi ako umiiyak ngunit nakatulala. Naligo ako. Nagayos ng sarili. Nagayos ng gamit at umuwi na. Hindi man lamang sumagi sa isip ko kung nanloloko ba ang taong iyon, o si kung mama ba talaga iyon. Ni hindi ko rin man lamang naisip na magreply sa number na iyon. Basta ang alam ko lang kailangan kong umuwi.

Habang papalapit na ang sinasakyan kong tricycle sa bahay, napansin kong nakalabas ang ilan sa mga gamit namin sa bahay. Bukas ang gate at maraming tao. Hinanap ko agad si mama. Nakita ko siyang umiiyak at may binabasang papel. Nang tiningnan ko, isa pala itong autopsy result. Pina-autopsy nila ang bangkay ni Maria.

“ Ma…anong nangyari?”

“Nasaan ka ba? Hindi ka ba umuwi sa bahay?”

“Umuwi po. Bakit ano po ba ang nangyari kay Maria?

Inabot sa akin ni mama ang autopsy result. Nagulat ako at nanlamig. Ayon sa result labing tatlong-araw nang patay si Maria. Natagpuan siyang patay sa ilalim ng kama. Naaagnas na.

Nanginig ako. Nanlamig. Sino ang nakasama ko sa bahay nuong umuwi ako noong Huwebes? Sino ang nakatabi ko sa pagtulog? Sino ang nagrereply sa mga texts ko kay Maria? Natatakot ako, kinakabahan. Lalo pa ng makita ko ang kapitbahay namin.

“Psst…Tagpi! Labas dito!”

Si Tagpi. Ang asong sinabi ni Mariang nasagasaan at namatay sa kulungan.



Hanggang ngayon ay malaking palaisipan parin sa akin ang nangyari kay Maria. Malaki ba ang kahulugan ng sulat na napulot namin sa bus? Sinubukan kong hanapin ang kahulugan ng salitang Lating iyon at ayon sa napag-alaman ko, ganito ang kahulugan noon:

Ang salitang MORITVM (moritum) ay nangangahulugan ng kamatayan, ang SALVTMVS (salutamus) ang nangangahulugang to salute or to give honor, TREVI means life, ang AVE VERSVS CRISTVS (ave versus cristus) means hail the anti-christ, ang REFLEXVM (reflexum) ay nangangahulugang reflection, ang DEXTRVMI LENTENVM (dextrumi lentenum) means there will be a wake (lamay) after thirteen days at ang AVE SATANI (ave satani) ay nangangahulugang hail Satan.

Sa madaling salita, ito ay spell. Ayon sa aking nabasa, ito ay ginagamit ng mga tao upang magpakamatay. Ginagamit rin nila ang spell na ito upang ihain o ihandog ang sarili nila sa demonyo upang magkaroon ng masaganang ani ang kanilang maiiwang pamilya. Sa loob ng labing tatlong araw ay makikita mo ang taong nagbasa nito ngunit ang totoo pala ay ito ay isang repleksyon lamang niya. Matatagpuan nalamang ang katawan niya thirteen days after reading the spell.

Ngunit isa sa ipinagtataka ko ay bakit hindi naman nangyari sa akin iyong nangyari sa kapatid ko? Nasagot rin ang tanong kong iyan. Ayon sa librong “The Latin Mystery” ni Johannes Burnt, mahalaga raw ang paraan ng pagbabasa. Marahil isa sa nagligtas sa akin ay ang kamangmangan ko sa pagbabasa ng wikang Latin.


Ikaw ba? Paano mo binasa 'yung Latin? Hmm... ganito na lang, kung sakaling hindi na kayo makabasa ng mga posts ko dito sa blog ko makalipas ng labing-tatlong araw, alam ninyo na ang ibig-sabihin nun. Wala akong internet.
... ......

Basahin ang kabuuan nito...

 

Copyright 2008 All Rights Reserved Revolution Two Church theme by Brian Gardner Converted into Blogger Template by Bloganol dot com Customized by Vhonne DeVille