Feb 26, 2009

Ang Kutsara

6 na lasing
Mag-post lang ako ng isang ingles na entri ngayon. Pagbigyan ninyo ulit ako dahil nagustuhan ko ang kwentong ito. Mula ito kay Sir Rod na ipinasa niya sa imeyl namin.


Basahin ninyo na. Sana magustuhan ninyo din.

The spoon: A lesson on how consultants can make a difference in an organization.

Last week, we took some friends to a new restaurant, 'Steve's Place,' and noticed that the waiter who took our order carried a spoon in his shirt pocket.

It seemed a little strange. When the busboy brought our water and utensils, I observed that he also had a spoon in his shirt pocket.

Then I looked around and saw that all the staff had spoons in their pockets. When the waiter came back to serve our soup I inquired, 'Why the spoon?'

'Well, 'he explained, 'the restaurant's owner hired Andersen Consulting to revamp all of our processes. After several months of analysis, they concluded that the spoon was the most frequently dropped utensil. It represents a drop frequency of approximately 3 spoons per table per hour.

If our personnel are better prepared, we can reduce the number of trips back to the kitchen and save 15 man-hours per shift.'

As luck would have it, I dropped my spoon and he replaced it with his spare. 'I'll get another spoon next time I go to the kitchen instead of making an extra trip to get it right now.' I was impressed.

I also noticed that there was a string hanging out of the waiter's fly.

Looking around, I saw that all of the waiters had the same string hanging from their flies. So, before he walked off, I asked the waiter, 'Excuse me, but can you tell me why you have that string right there?'

'Oh, certainly!' Then he lowered his voice. 'Not everyone is so observant. That consulting firm I mentioned also learned that we can save time in the restroom.
By tying this string to the tip of our you-know-what, we can pull it out without touching it and eliminate the need to wash our hands, shortening the time spent in the restroom by 76.39%.

I asked quietly, 'After you get it out, how do you put it back?'

'Well,' he whispered, 'I don't know about the others, but I use the spoon.'

......

Basahin ang kabuuan nito...

Feb 24, 2009

Wow Mali!

8 na lasing
Pabago-bago ng oras ng pasok. Kung anu-anong iskedyul ang ibinibigay. At kung alin-alin ang pinapagawa. Hindi tulad ng dati, ginagawa ko lang tambayan ang opisina. Papasok kung kailan ko gusto at uuwi kung kailan ko din magustuhan. Nitong nakaraang araw, binigyan ako ng isang matinding responsibilidad. Ako ang mangangalaga sa mga bagong pasok na empleyado. Hindi na ako makakatulog ng maayos sa opisina. (Baka mabasa ng amo ko ito, nagbibiro lang ako.)


Pero pansamantala lang naman 'yun, dahil ayoko talagang tanggapin. Kapag nakahanap na sila ng karapat-dapat na maging superbaysor, pwede na akong bumalik sa dating takbo ng buhay ko. Ayoko magkaroon ng gawaing pwedeng magpagulo sa isip ko. Ayokong magkamali na kapag inayos mo ay isa din palang kamalian.

Pero kagabi lang. Hindi pala. Kaninang madaling-araw. Nalaman kong maraming simpleng pagkakamali ang itinama ng isa pang pagkakamali. Mahigit ilang buwan na akong hindi nakakakain sa isang kilalang tapsilugan dito sa lugar namin. Nung maaalala ko, may kinunan akong larawan sa kainang iyon. Simpleng pagkakamali sa ispeling. Nakatuwaan ko lang kunan ng larawan at ipakita sa mga kasama ko. At ito ang larawang iyon.

Before

Kaninang madaling-araw nga. Doon ulit kami kumain makalipas ang ilang buwan. Napansin ko na pinalitan na nila ang ispeling ng bagay na iyon. Pero hindi pa rin siya nakawala sa mapanghusgang mata ng mga taong tulad ko. Kinunan ko na naman ng larawan. At heto na nga kung ano 'yun.

After

Kahit simpleng bagay, alam nating hindi maiiwasan ang pagkakamali. Pero mas maganda sana kung sa pagkakamaling 'yun, maitama natin ng maayos. Ang isang mali ay hindi pwedeng itama ng isa pang mali dahil mas lalong magiging malala ang resulta. Sa kahit anong desisyon natin, kailangan nating pag-isipan ng mabuti kahit maging simple man ito o kumplikado. At dahil nga sa ayokong magkaroon ng madaming mali na makikita ng madaming mata, napagdesisyunan kong huwag humawak ng mabigat na responsibilidad.

Sa totoo lang, pinaganda ko lang ang gusto kong sabihin dito. Gumagawa lang ako ng ibang dahilan. Dahil ang totoong dahilan, tinatamad lang ako. Hehehe.

Kung mabasa man ito ng may kinauukulan, nais kong ibigay ang tamang ispeling. "HOT SOWS"
......

Basahin ang kabuuan nito...

Feb 22, 2009

Teks Dyowks!

14 na lasing
May nagpadala sa akin ng mga teks sa selepono ko. Mga kaibigan at katrabaho. Teks Dyowks. Natawa ako sa mga pinadala nila, kaya ibahagi ko na din sa inyo. Sana matawa kayo. Kapag daw hindi natawa sa mababasa ninyo, hindi ka na daw makakatawa habang buhay. Bwahahaha.


Mga simpleng hirit lang pero nakakatawa. Hehehe. Konti lang ito kaya basahin nio na.

LALAKE: Miss, pwede makipagkilala??? Anong pangalan mo??
BABAE: CarMen… Kc mahilig ako sa CAR at sa MEN… eh ikaw?? Anong pangalan mo???
LALAKE: PePe…

Patient: Doc may problema ako… tuwing alas otso ng umaga.. tumatae ako…
Doctor: so anong problema doon???
Patient: Alas nuwebe ako gumising eh…

Doctor: Lola, kailan ho ba kayong last nakipagtalik?
Lola: Mga 1955
Doctor: Matagal na ho pala ano?
Lola: Di naman! (sabay tingin sa relo). 20:55 pa lang naman ah!

Girl: Tikman mo tong cake, masarap! gawa na nanay ko.
Boy: Ikaw na lang kaya tikman ko, gawa ka rin naman ng nanay mo!

Pedro: Alam mo, Rosa.
Rosa: Ano yun?
Pedro: Your eyes are really attractive
Rosa: Talaga?
Pedro: Oo, they attract each other!
......

Basahin ang kabuuan nito...

Feb 17, 2009

KAMI naman ang BIDA

18 na lasing
Una sa lahat, first. Mapapansin ninyo na parang nawawalan ng ganang magsulat ang otor ng blag na ito. Nagkakamali po kayo. Madami akong gustong ikwento, pero sa kadahilanang naging abala nitong mga nagdaan mga araw, hindi ko magawang makapagsulat. Abala sa trabaho, abala sa ibang gawain at abala sa isang babae.


Lumipas ang mga araw. Dumaan ang Araw ng mga Puso. Hindi ko makwento ang mga nangyayari sa akin. Hindi kasi ako madalas magkwento tungkol sa sarili ko. Mas magaling kasi akong magkwento ng ibang mga bagay at ibang mga tao. Isa lang ang ibig sabihin noon. (Tsismoso ako, pakialamero) Pero gusto kong ako naman ang bida ngayon. Hindi lang pala ako, kasama ang leading lady ko. Umpisahan ko sa kung saan kami nagkakilala.

Muli akong nagsulat. Unti-unti kong binabangon ang blag na ito mula sa matinding pagkalugmok sa putikan. Nilangaw. Gumawa ako ng mga kwento mula sa mga nasasaksihan ko sa araw-araw. Dahil doon, may mga natuwa at tumambay na paisa-isang tao dito. Mas mahilig ako magbasa ng iba't ibang entri sa iba't ibang blag. Iba't ibang kwento ng iba't ibang tao. Iba't ibang pananaw ng iba't ibang utak. At iba't ibang kakaibang kwentong naiiba sa iba. Iba't iba.

Dito sa blag na ito ko unang nakilala ang aking leading lady. Hmm... pero sa totoo lang, hindi talaga dito nagsimula. Mula sa blag ng kaibigan nating si Yummy. May isang entri siya na nagbigay sa akin ng interes para mag-iwan ng bakas kumento. At dahil sa kumento kong iyon, nabasa iyon ni leading lady at parang hinila siya papunta sa blag ko. Meron pa akong Yahoo! Pingbox nung mga panahong iyon. Nagmensahe siya sa akin at nagkaroon ng pagkakataon para magkakilala. Nakwento ko na iyon dito. [Buksan mo ito para mabasa mo.]

Pinagtiyagaan niyang basahin ang mga sinulat ko. Naging interesado siya sa mga kwento ko at pati na din sa buhay ko. May pagkakataon din na nayabangan siya sa ilan sa mga nasulat ko. Magaling naman. Epektibo ang kwento ko. Hehehe. Araw-araw kaming nag-uusap. Hindi lang pala araw-araw, kundi oras-oras. Kung nagkataon lang siguro na hindi siya pumapasok sa paaralan at kung hindi siya natutulog, 24/7 kami kung mag-usap. At dahil doon, mas napabilis ang aming pagkakakilala. Para akong nakikipag-usap sa sarili ko nung mga panahong 'yun dahil halos nagkakapareho at nagkakasundo kami sa lahat. Isang linggo ang katumbas ng isang araw na pag-uusap namin. Dahil sa bilis ng pagkakakilala namin, bumilis din ang tibok ng puso ko sa kanya. (Hahaha... walang pakialamanan. Ganyan ako sumegwey ng usapan kapag inlab.) Hindi ko inamin sa kanya ng diretso kung ano 'yung nararamdaman ko dahil may tinik pa sa pagitan naming dalawa.

Hindi ko masabi sa kanya kaya kay Yummy ko na lamang sinabi ang sikreto na hawak ko. Habang tumatagal, nahalata ko na din si leading lady na parang may kakaiba na din siyang nararamdaman sa akin. (Malakas talaga ang pakiramdam ko. May lahing aso?) Gusto ko siyang paaminin kung anuman 'yung nararamdaman niya kaya naisipan kong gumawa ng kwento na pwede siya makareleyt. [Mababasa mo dito ang kwentong iyon.] Nagkaroon na din kami ng pagkakataong makapag-usap tungkol sa ganung bagay pero sa ibang paraan ng pag-uusap. [At mababasa mo dito ang konbersasyon naming dalawa.]

Nalaman ko na si Yummy din pala ang pinagsasabihan niya ng sikreto. Kaya naisipan nitong si Yummy na gumawa ng kwento tungkol sa aming dalawa. Pero dahil sa bilis ng pangyayari, 'yung isusulat niya para sa kasalukuyan, biglang naiiwanan ng nangyayari para sa hinaharap. Gagawin pa lang niya ang unang kabanata, tumatalon na kami sa pangalawa. At dumating din ang oras na nagkaaminan na kami. Naging maayos din ang kinalabasan. Madami ang tumulong at nagbigay ng payo. Nagkaroon na din ako ng pagkakataon na makausap ang ilan sa tauhan ng pamilya nila. At nagkaroon kami ng kakaibang relasyon. Relasyon na hindi pa nagkikita ng personal. Naging mahirap para sa amin ang ganung sitwasyon pero kinaya pa rin namin.

Madaming magagandang nangyayari sa amin pareho kahit na malayo kami sa isa't isa. Dumating ang isang araw na may gaganapin silang programa. Nagbiro ako na pupunta ako. Isang biro na sineryoso naming dalawa at nabuo ang plano para magkita na kami ng mata sa mata. Madami ang gustong sumama. Madami ang gustong makibalita. Nagkaroon pa ng isang problema na inakala naming hindi matutuloy ang pinagplanuhan. Buti na lang at tumakbo ng maayos ang utak ko para magawan ng paraan ang maliit na problemang iyon. Naganap ang paghaharap.

Lumapit ako sa kanya. Walang sali-salita. Nung lumakad na kami para maghanap ng makakainan, nagulat ako sa kanya dahil may lahing ahas pala ang babaeng pinangarap ko. Hindi na ako nakapalag, nilingkis niya agad ang braso ko. Na ikinatuwa ko naman. Habang tumatagal ang oras na magkasama kami, naging kumportable kami sa isa't isa. At unti-unti kong natutuklasan, hindi lang pala siya ang may lahing ahas. Ako rin pala. Hindi ko na namamalayan, kung saan-saan na pala gumagapang ang mga kamay ko. Sa kamay, bewang, balikat, braso at pati sa kanyang... kanyang... kanyang... sa kanyang ulo.

Sa madaling salita, naging maganda ang kinalabasan. At ngayon, masasabi na namin na hindi na kathang-isip ang nangyayari sa amin. Hindi na kami naiinlab sa kanya-kanyang monitor. Napatunayan na naming pareho kaming tao. At ito ang samari ng aming kwento. Hindi pa dito nagtatapos dahil marami pa ang mangyayari.

Mahirap pala magkwento ng ako ang bida. Hindi ko makwento ng detalyado. At kung susubukan kong ganun, aabutin ng isang araw para basahin ang isang entri na ito. Kaya pagpasensyahan nio na muna kung ganito ang kinalabasan ng kwento. Hahaha. Kung gusto ninyo namang malaman ang detalye nung nagkita kami ni leading lady, bisitahin ninyo ang blag niya.
Dito oh --->>> Loraine
......

Basahin ang kabuuan nito...

Feb 14, 2009

Pares-pares (Part III)

11 na lasing
Kailangan ko pa ba ikwento ang naganap na deyt sa pagitan namin ni leading lady? Pwes! Hayaan ko na lang na siya ang magkwento. Hahaha. Pasalamatan ko lang ang mga taong tumulong at mga nakibalita kung anuman ang naganap. At dahil sa magandang kinalabasan, isang tula na naman ang aking nabuo. Malayo ang tulang ito sa istorya namin ng leading lady ko sa naganap na pagtatagpo na aming puso.



Pero ang tulang ito ay pagtatagpo ng bawat parte ng katawan na pandagdag na naman sa ating kaalaman. Kung hindi ninyo maintindihan, pasensyahan na lang. Ganun talaga ako magsulat, mahirap intindihin. Hehehe. Ang tulang ito ay pangatlong bersyon pero hindi naman rebisyon ng nauna kong dalawang tula. Kung interesado kayong basahin, basahin ninyo na. Kung hindi naman, basahin ninyo na lang muna 'yung naunang dalawang tula na may ganito ding pamagat.

Sa dalawang mata
Hanapan ng kasama
Dilang nag-iisa
Magandang kapareha

Dalawang beses tingnan
Ang bagay na nariyan
At saka mo sabihin
Ng isang beses lang

Sa ating dalawang tenga
Alin ang bagay sa kanya?
Isang bibig na ngumanganga
Sa kanya'y isasama

Para mas maganda
Pakinggan mo ng sobra
At kapag narinig na
Magsalita ng sapat na

Kung kamay na dalawa
Ang hahanapan ng kapareha
Mas magandang itugma
Ang nag-iisang sikmura

Kailangan mong gawin
Ng dobleng gawain
Upang malagyan natin
Ang tiyan ng pagkain

Dalawang parte sa utak
Kaliwa't kanan ang nakatatak
Isang pusong busilak
Ang ating itutulak

Dalawang beses pag-isipan
Ang nararamdaman
Pero isang tao lang
Ang dapat mahalin ng lubusan

Nakatutuwang isipin
Mga parte ng katawan natin
Dalawa ngang maituturing
May isa pa ring hahanapin

Isang patunay lang
Na katawan nati'y hindi kulang
Basta't alam mo lang
Kung paano ito malilinang

Ngayong alam mo na
Bawat parte ay mahalaga
Hanapan mo ng kapareha
Mas maganda ang resulta
......

Basahin ang kabuuan nito...

Feb 11, 2009

BADTRIP

21 na lasing
Kapag BADTRIP kayo, ano ang nagagawa ninyo? Ano ang naiisip ninyo? Ako? Wala. Sa sobrang BADTRIP, ayoko gumawa ng kahit ano. Ayoko mag-isip ng kahit ano. Kaya pasensya na kung ganito ang sinusulat ko. BADTRIP ako. 'Yun lang.



Pwede mag-kumento sa post na ito. Hindi kayo ang dahilan kung bakit ako nagkakaganito. Pero wala muna sanang magtatanong kung bakit ako ganito ngayon. Ngayon lang, pagbigyan ninyo ako. Hindi muna ako magkukwento. Hindi muna ako mangungulit. Ipinaalam ko lang kung ano ang nararamdaman ko. Inuulit ko, BADTRIP ako! ......

Basahin ang kabuuan nito...

Feb 10, 2009

Pangarap ng Kapwa Blagero

15 na lasing
Isang blogero ang nangarap na sana ay magkaroon ng pagkakataong magkasama-sama ang mga umiikot sa mundo ng blogosperyo. Inaakala niyang malabo itong mangyari kaya sa papel na lang niya tutuparin ang pangarap na iyon.


Iginuhit ni Pajay


Iginuhit niya ang mga ilan sa mga taong nagpapatuloy para maging lalong magulo at masaya ang mundong kinagagalawan natin. Pero ang inaakala niyang malabong mangyari, gustong patunayan ng iba na posibleng magkatotoo.

Abangan na lang natin. ......

Basahin ang kabuuan nito...

Feb 8, 2009

FerPect!

11 na lasing
Whew. Dahil sa kayabangan ko, ito ang napala ko. Iniisip ko na balewala sa akin ang konting ambon na tatama sa katawan ko. Parang naglalakad sa buwan kahit may pumapatak na tubig mula sa langit. Dahil sa ginawa kong iyon, binigyan ako ng parusa. Hindi lang isa, kundi dalawa. Nagkaroon ako ng sipon na masarap na sana dahil may konting alat, kaso, hirap namang huminga. At ngayon naman, may kasama pang ubo. Tapos na ang bagong taon pero may naiwan pang paputok sa lalamunan ko.

Nahihirapan akong mag-isip ngayon. (May isip ba ako?) Wala akong maisulat na maganda. (Kailan ba ako nakapagsulat ng maganda?) Kaya ang isusulat ko na lang muna ngayon ay mga usapang narinig ko na nagbigaw ng kiliti sa aking kilikili. Medyo natawa ako dahil sa kanilang katang. Oo. Crab, katang. Katang*han. Hehehe. Peace. Katang sa mga pagbanggit ng tamang letra.

Unang eksena: Isang pag-uusap sa pagitan ng isang call center agent at isang kliyente.

Agent: Sir, kunin ko po buong pangalan ninyo.
Client: Rey Quizon.
Agent: Pwede ninyo po bang i-spell gamit ang ponetiks?
Client: R for Roger, E for Elephant, Y for Yellow. Q as in... Hmm... Aha! Q as in cucumber,...
Agent: Q? Q-cumber? =))

Pangalawang eksena: Sa computer shop ng kaibigan ko. Isang babaeng nagpapagawa ng resumey sa kaibigan ko. Tinatanong ng kaibigan ko ang bawat isusulat sa resumey na ipinapagawa sa kanya.

Kaibigan ko: Father's name po?
Customer: Felippe *****
(Letrang "P" ang naisulat ng kaibigan ko. Kinorek nung babae.)
Customer: "F" po 'yun. "F" as in victory.
Kaibigan ko: (Napatulala)
Ako: (Napasubsob sa mesa habang pinipigil ang tawa.)

Pangatlong eksena: Kasama sa eksena doon sa pangalawang eksena. Parehong tauhan, parehong sitwasyon at parehong araw.

(Nagkamali sa spelling 'yung kaibigan ko, Felipe ang naisulat sa pangalang Felippe, kaya kinokorek nung babae.)
Customer: Dobol "u" po 'yun. Dobol "u" po.
Kaibigan ko: Ha?
Customer: Dobol "u" po.
Kaibgan ko: (Nag-iisip at naghahanap ng double u o w) Ano?
Customer: Ay! Dopol "p" po pala.
Ako: (Tawa ng tawa sa sulok.)

Pang-apat na eksena: Dalawang babaeng nagkukwentuhan. Tungkol sa mga naging boypren nung isa.

Babae 1: Lahat pala ng naging eks ko, nagsisimula sa "R" ang pangalan.
Babae 2: Talaga? Sinu-sino?
Babae 1: Si Richard, Robert, Reylan at Arnel.
Babae 2: Ar.. Ar... R-nel?

Panglimang eksena: Napanood ko sa Wowowee. Habang tinatanong ni Willie kung anong letra ang gustong piliin nung kontestant.

Willie: Pumili ka na ng letra.
Contestant: "G" po.
Willie: "G"?
Contestant: Opo, "G." "G" as in Jar.
Willie: "G" as in Jar? Hahaha. Ah! "J."

Ikaw ba? May pagkakataon ka ba na nalito sa bawat letra? Nagkamali ka na ba sa pagbigkas ng mga salita? Ako? Siguro, may pagkakataon na. Hindi naman kasi ako Ferpect.

Edited:

Pahabol na eksena. Isang taong nagyayabang. Nagyayabang siya sa kausap niya.

Mayabang: Alam mo ba na sa dictionary, iisa lamang ang salitang nagsisimula sa "SU" pero binibigkas ng "SHU"?
Marunong: Talaga? Ano naman 'yun?
Mayabang: SUgar lang ang salitang 'yun. Kahit tingnan mo pa sa dictionary.
Marunong: SUre ka ba dun?
......

Basahin ang kabuuan nito...

Feb 5, 2009

Plastik o Goma? Saan ka?

19 na lasing
Kilala mo ba talaga kung sino ang kaibigan mo? At kung sino naman ang kaaway? Sa mga napapansin ko ngayon, mahihirapan tayong kilalanin kung sino talaga ang kalaban at kakampi. Bakit ko nasabi? Hindi ko sinasabi, sinusulat ko. Madalas ko lang itong mapansin, kaya pansinin ninyo na din. Nagpapansin lang ako kaya sana mapansin ninyo.

Madami akong nakikitang mga grupo. Mga grupo na laging magkakasama. Sila-sila ang laging magkakasama. Laging nagkukwentuhan. Asaran. Kulitan. Tapos, maya-maya, magsisigawan na. Mayroon pang iba, nagmumura na. 'Yung iba, halos mamatay na sa pagsigaw. Pagkatapos naman noon, mag-uusap-usap na naman. Balik sa normal. Magkukwentuhan na naman. Hayz... Hindi mo alam kung sinu-sino ang magkakakampi at magkakalaban. Kaya ayoko mag-DOTA eh. Magyayaya maglaro, pero habang naglalaro na, aawayin ka na, mumurahin at sisigawan ka pa. PERS BLAD!

Pero seryoso, (Sino? Ako? Seryoso?) Kilala mo ba talaga ang kaibigan mo? Totoo ba sila para sa'yo? Tayong mga Pilipino ay likas na palakaibigan. Ang problema lang, hindi natin alam kung sino ba talaga ang tunay na kaibigan. Mayroon d'yang mga tao na nakakasira ng ozone layer. 'Yun ang tinatawag na plastik. At meron din namang mga taong pinaglihi kay Lastikman at Rubberman. Ano ang pagkakaiba ng Plastik sa Goma?

Ang plastik na tao, 'yun ang mga taong kung ano ang nakikita mo sa kanya, iba naman sa katotohanan. Sa madaling salita, peke. Mapaglinlang. Madami na tayong nakakasalamuhang ganitong klaseng tao. At aminin natin, may pagkakataon din na tayo mismo, nagiging plastik. Kahit gaano pa kalaki o kaliit ang sitwasyon o kung paano 'yung ginawa nating kaplastikan, plastik pa rin 'yun. Hindi lang 'yung sa ibang tao ang tinutukoy natin, may pagkakataon din na tayo mismo, sa sarili natin, nagiging plastik tayo. Pero kaya naman nating iwasan 'yung ganung ugali, 'yun eh kung gugustuhin natin. At kung mahal mo ang ating mundo, magbawas tayo ng plastik para hindi makasira sa kalikasan at kalusugan. Tulad ng totoong plastik na bagay, iwasan nating sunugin, i-resaykel natin. Ganun din sa tao, wag nating sunugin (mas delikado kung tao ang susunugin, mas mabaho), baguhin natin at gawing mas kapaki-pakinabang.

Ano naman ang taong goma? Lastikman tulad nina Von Serna, Vic Sotto, Vhong Navarro at Mark Bautista. Avah! Karamihan ay letrang "V"? Isama ko na din ako dun, tutal katunog naman. Vhonne DeVille. Rubberman tulad ni Michael V. ("V" na naman?). At si Monkey D. Luffy (Gomu Gomu no Pistol!). Sila ang mga taong goma na kilala natin. Mga napapanood sa telebisyon at pelikula. At nababasa sa komiks at manga. Pero hindi ganyang klaseng taong goma ang tinutukoy natin. Sino? 'Yun ang mga kaibigan nating lumilipat sa ibang kaibigan. Iiwan ka. Akala mo, wala na, iniwanan ka na ng tuluyan. Pero dahil nga sa pagiging goma nila, huwag mo lang silang bitawan, kahit gaano kalayo ang puntahan nila, babalik at babalik sila sa'yo. Huwag mo lang hilahin ng sobra. Baka maputol.

Madami pang klase ng kaibigan ang hindi natin binanggit. Pero sa dalawang tinukoy ko, maaaring isa d'yan ay katugma sa ugali mo. Pero ako. Kung ako ang tatanungin kung anong klaseng kaibigan ako, ito lang ang masasabi ko... Isa akong leather. Genuine. Ikaw na bahala magpaliwanag kung bakit.

Kaibigan ba kita? Pautang naman. Wala na kasing laman 'yung leather wallet ko. "'Yung Seiko, seiko wallet, ang wallet na maswerte. Balat nito ay genuine. International pa ang mga designs. Ang wallet na maswerte. Seiko, seiko wallet. Seiko, seiko wallet!"

Seiko Wallet, Ang Wallet na Maswerte!

Oo! Alam ko ang kantang 'yan. Sa mga hindi nakakaalam, mga bata pa siguro kayo. Sa mga napakanta habang binabasa ito, hindi tayo nagkakalayo ng edad. Malamang mas matanda pa kayo sa akin. Bwahahaha!
......

Basahin ang kabuuan nito...

Feb 3, 2009

Unliquotes: Unang Kumpol

28 na lasing
Kakauwi lang ng bahay. Medyo inaantok pero kelangan ko pa magbilang ng konti pang oras. May kailangan pa kasi akong kausapin mamaya. Kung matutulog ako ngayon, maaaring mapahimbing at magising na ako kinahapunan. At kung magpapagising naman ako, mababadtrip lang ako dahil mabibitin sa pagtulog. Kaya ang ginawa ko na lang, binasa ko ulit ang mga lumang blag entris ko dito sa blag ko.

Natawa ako sa mga natuklasan ko. Hindi ko lubos-maisip na ganun pala talaga ako magsulat. Nakakatuwa. (Pinupuri ko masyado ang sarili ko. Ganito pala magbuhat ng sariling bangko. Hehehe) At habang binabasa ko ulit ang mga naisulat ko na, may napansin ako na may pagkakataon palang nakakabuo ako ng mga magagandang quotes. Ewan ko kung nagustuhan o magugustuhan ng iba, pero para sa akin, natuwa ako sa mga quotes na iyon. (Sabi na sa inyo eh, pinupuri ko ang sarili ko.)

Kaya naisipan ko na lang pagsama-samahin ang ilan sa mga quotes na nabasa ko dito.

**Kung mahuhulog ako, at ang pagbabagsakan ko ay may kasamang tinik, iindahin ko ang sakit na tutusok sa’kin basta handa lang niya akong sambutin.

**Kung masasaktan ka lang sa pagbagsak mo dun sa may tinik na ‘yun, bakit hindi ka na lang humanap ng ibang pagbabagsakan na walang tinik?

**Kung ikaw ba? Saan mo mas gugustuhing bumagsak? Sa alam mo ngang may tinik at masasaktan ka pero doon ka naman masaya? O doon sa may mababango at magagandang bulaklak, na hindi ka nga masasaktan sa pagbasak, pero may allergy ka pala sa amoy ng mga ‘yun?

**Mahirap mag-isip, kung wala kang puso, at mahirap magmahal, kung wala kang utak

**Korteng puso ang tenga kung ipagdidikit mo sila, kung 'di ka marunong makinig imposible sa'yo ang umibig

**Nakita ng unggoy ang repleksiyon ng buwan sa dagat. Sinubukan niyang hawakan 'yung repleksiyon na 'yun. Nilapitan niya. Gumawa siya ng paraan para mahawakan ang buwan, ang repleksiyon ng buwan sa tubig. Hindi niya tinitigilan hangga't hindi niya nahahawakan. Hindi niya namamalayan, lumulubog na siya sa dagat. Na nauwi sa pagkalunod.

**Hindi "SIYA" kasama sa lahat ng pangarap ko. Dahil siya ang magiging kasama ko para matupad ang lahat ng pangarap ko.

**Kapag may ginawa ang isang lalaki at nasaktan ka, maaaring kasalanan ng lalaki. Pero kapag masasaktan ka na naman sa ikalawang pagkakataon, sa iisang lalaki, isa lang ang ibig sabihin noon. Tanga ka. At kung nagawa ng lalaki na lokohin ang iba para sa'yo, hindi malayong mangyari na gawin din niya ito sa'yo.

Ilan lang ang mga ito sa natagpuan ko. Masyado palang mahahaba ang ilan sa mga nasulat ko. Pero sana naman, para sa mga nakakabasa ng mga naisusulat ko, sana hindi sila napapagod sa kababasa.
......

Basahin ang kabuuan nito...

Feb 1, 2009

Sakit sa Puso o Sakit sa Puson?

25 na lasing
Isang kahilingan ang hiningi sa akin ng isang malapit na kamag-anak. Malapit na kamag-anak pero malayo dito. Tita ko na nasa ibang panig ng mundo. Wala akong kamalay-malay na isa din pala siya sa tagasubaybay nitong blag kong ito. Medyo nahiya tuloy ako, dahil sa mga pinagsususulat ko dito.

Nakiusap siya sa akin na igawa ko daw ng isang kwento ang mga buhay at pangyayaring nasaksihan niya sa kung saang lugar siya naroroon. Ipinaliwanag niya sa akin ang sitwasyon ng kaibigan niya. Sitwasyon na medyo magulo at kumplikado. Mahina pa naman akong magsalaysay kung mga bagay na seryoso ang pag-uusapan. Hindi ko alam kung paano uumpisahan ang kwentong ito kaya tinanong ko kung para saan at para kanino ang gagawing istorya. Pero bago ko sagutin kung para kanino nga ang kwentong ito, umpisahan na lang natin.

Ito ay kwento na may kinalaman sa puso. Tama. Puso na naman. Kung mapapansin ninyo, puro tungkol sa kapusuan ang mga naisusulat ko nitong nakaraang mga araw. Marahil ay dala na din ng nalalapit na Araw ng mga Puso. Pero hindi lahat ng labistori para sa ganitong araw ay masaya. May mga kumplikado. Delikado. Eksaherado. Eksklusibong Eksplosibong Eksposey. Pero tulad na din sa pagkakaintindi ko, kung magmamahal ka, dapat nakahanda ka ding masaktan.

Isang lalaki, na may responsibilidad sa isang babae, ang nagtungo sa ibang lugar para magtrabaho. Hindi ko na lang babanggitin kung saang ibang lugar iyon. Dahil hindi ko din alam. Naiwan ang babae. Masasabing merong namamagitan sa kanilang dalawa pero hindi naman sila legal na mag-asawa. Hindi sila kasal. Pero hindi d'yan tatakbo ang ating kwento. Magsisimula ang tunay na kwento nang nasa ibang lugar na ang lalaki.

Nang malayo na sila sa isa't isa, dumating ang mga pagkakataon na naghahanap ang lalaki. Naghahanap ng taong pwede niyang pagbuhusan ng kanyang pagmamahal. Hindi ko sinasabing normal para sa isang tao ang maghanap ng ibang pwedeng pagtuunan ng pansin para lamang mabawasan ang kanyang pangungulila. Pero may pagkakataon din na hindi ito maiiwasan. Maraming ganyang klaseng lalaki pero hindi naman lahat. Kasama ako sa hindi ganun. Pinapaliwanag ko lang.

Habang sa ganung sitwasyon niya, isang babae ang kanyang nakilala. Isang babae na pumupuno na mga hinahanap niyang kulang sa kanya. At hindi nagtagal, parehong nahulog ang kanilang mga underwear puso. Pinana sila ni kupido. Napagpasyahan nilang bumuo ng pangarap. Pangarap ng dalawang nagmamahalan. Sa madaling salita, nagkaroon sila ng relasyon. Maraming sumubok sa relasyon na iyon. Maraming pumigil. Pero dahil sa tibay ng kanilang nararamdaman para sa isa't isa, nagawa nilang lampasan lahat ng pagsubok na iyon. Naging masaya ang kanilang pagsasama.

Tumagal din ang kanilang pagsasama. Pero kasabay ng mga araw na dumadaan, naging abala sila sa kanilang mga kanya-kanyang gawain. Trabaho. At sariling mga aktibidad. Nababawasan ang oras ng kanilang pagsasama. Pagkikita at pag-uusap. Dahil sa nangyari, naramdaman na naman ni lalaki ang una niyang naramdaman bago niya nakilala si babae. Ang paghahanap. Naghahanap na naman siya dahil pakiramdam na naman niya ay may nawawala.

Pumunta siya sa lost and found at may nakita siyang babae. Ibang babae ito at hindi 'yung nabanggit ko na. Katulad ng naunang nangyari, nahulog na naman ang loob nitong lalaking ito para doon sa bagong babae. Chickboy? Dahil sa hakbang na ginawa nya, nagkaroon ng lamat ang relasyon nila nung kasalukuyan niya. Nalaman ng babae ang pinaggagagawa ng lalaki kaya nagpasya itong makipaghiwalay na lang.

Napag-isip-isip nitong lalaki na hindi niya mawala ang babaeng iyon para sa kanya. Natakot siya. Kaya gumawa siya ng paraan para makipag-ayos at makipagbalikan. At hindi naman nagtagal, nagkaayos naman silang dalawa at bumalik sa normal na pagsasama.

Hindi ako makapagbigay ng tamang komento para sa istoryang ito dahil hindi ko naman sila kilala talaga. At hindi ko alam ang pinaka-eksaktong pangyayari. Pero bigyan ninyo ako ng karapatan na magsalita para dito. Dahil ako ang nagsulat nito. Hehehe.

Para sa lalaki. Ang babae ay hindi isang bagay na tulad ng mga normal na gamit. Na kapag dumating ang oras na maging luma na ito, gusto mong humanap ng bago para mapalitan ito. Huwag mong isipin na nagkukulang ang kapareha mo dahil ang nagkukulang ay ikaw mismo. Nagkukulang ka sa tamang pag-iisip. At nagkukulang ka ng tiwala sa kanya. Kung meron ka lang sapat na tiwala, hindi mo mararamdaman ang mga pagkukulang niya, na nasa isip mo lang pala. At dahil sa takaw mo sa babae, darating ang araw, ikaw din ang mawawalan. Hanap ka ng hanap, wala namang nawawala. Hanapin mo muna 'yung sarili mo bago ka maghanap ng ibang babae.

At sa iyo babae. Simple lang ang sasabihin ko. Kapag may ginawa ang isang lalaki at nasaktan ka, maaaring kasalanan ng lalaki. Pero kapag masasaktan ka na naman sa ikalawang pagkakataon, sa iisang lalaki, isa lang ang ibig sabihin noon. Tanga ka. At kung nagawa ng lalaki na lokohin ang iba para sa'yo, hindi malayong mangyari na gawin din niya ito sa'yo.

Ito na nga ang sinasabi ko eh. Nahihirapan akong magsulat ng seryoso. At hindi ako magaling sa ganitong klase ng kwento. Pero tulungan na din natin 'yung tauhan sa kwento sa pamamagitan ng magiging komento ninyo. Ito po ay totoong pangyayari.... daw.

Hindi po ako si Ate Charo. Hindi ako magaling magpayo sa mga ganitong bagay. Pero kung gusto ninyo ilagay ang kwento ninyo dito, babalakin kong maglagay ng porsyon kung saan pwede kayong magpadala ng inyong tunay na istorya. Hahaha.
......

Basahin ang kabuuan nito...

 

Copyright 2008 All Rights Reserved Revolution Two Church theme by Brian Gardner Converted into Blogger Template by Bloganol dot com Customized by Vhonne DeVille