Aug 17, 2009

Kagebunshin no Jutsu?

5 na lasing
Maraming nagkalat na mga mukhang aswang at maligno sa panahong ito. Pero sa panahong ito ba, may naniniwala pa sa mga multo, aswang, maligno, engkanto at mga taong naeengkanto? Nakaranas ka na ba ng mga hindi makakalimutang pangyayari na may kinalaman sa mga nabanggit ko? O baka naman isa ka sa mga nabanggit ko?



Ika-16 ng Agosto. Ang araw kung kailan nawala ang aming ina. Ika-16 ng Agosto. Ika-apat na taon upang gunitain ang araw na 'yon. Pumunta kami sa lugar kung saan siya ipinanganak. Matagal na panahon na din ang nakalipas nang huli akong nakapunta sa lugar na 'yon. Tapos, may kakaiba pa akong masasaksihan. Pero walang kuneksyon 'yun sa ikukwento ko ngayon.

Mag-isa akong pumunta sa lugar na iyon dahil nauna na ang buong pamilya ko. Tanghali na kasi masyado ako kung magising. At alam naman nila 'yun. May konting salu-salo lang ang ginanap at nagsiuwian na din naman kinahapunan. Magkakasama ulit ang buong pamilya ko papauwi, pero mas pinili ko na naman ang mag-isa. At sa kadahilanan na din na hindi naman kami magkakasya sa sasakyan. Naghintay lang ako ng labinlimang minuto pagkaalis nila at ako naman ay nag-abang na ng pwede kong masakyan.

Wala pang limang minuto nang makarating ako sa tabi ng kalye upang maghintay ng daraang dyip. Wala pang limang minuto nang may dumaang isang lalaki, nasa edad 20-25 ang edad ayon sa tantiya ko. Naka-motorsiklo. Tumingin sa akin habang nagmamaneho. Tinitigan ko din. May peklat o balat sa mukha. Hindi ako sigurado. Lumampas siya sa kinatatayuan ko. Parang walang nangyari.

Wala pang limang minuto, wala pang ibang dumaraang sasakyan. Wala pang limang minuto, dumaan na naman ang naka-motorsiklong lalaki. Sa pangalawang pagkakataon na iyon, muli siyang tumitig sa akin. Pero titig na may halong pagkagulat/pagkamangha/pagtataka. Ganun din ang naramdaman ko. Dahil ang ikalawang pangyayari na iyon, ay katulad lang ng naunang pangyayari. Nanggaling siya sa iisang direksiyon. Papunta sa iisang direksiyon.

Kahit hindi ako madalas sa lugar na iyon, alam ko naman na imposibleng makabalik siya sa pinanggalingan niya kung hindi siya babalik sa mismong dinaanan niya. At kung meron man, imposibleng makabalik siya sa ganoong kabilis na oras kahit pa sabihing nakamotor siya.

May halong pagkagulat pa rin ang lalaking nakamotor kahit nalampasan na niya ako. Nililingon pa rin niya ako at ako naman ay nakatingin din sa kanya. Inakala kong hihinto siya para kausapin ako. Gusto ko din naman siyang kausapin at tanungin kung naliligaw ba siya o napapaglaruan ng kung ano. Una kong naisip 'yung laging sinasabi ng matatanda, na kapag naligaw ka daw ng ganun, 'yung parang hindi ka makaalis sa iisang lugar, baligtarin lang daw ang damit. Pero hindi ko nasabi 'yun sa kanya, dahil siguro, dala ng takot sa nasaksihan, mas lalo niyang binilisan ang pagpapatakbo ng kanyang minamaneho.

Wala pang isang oras ang biyahe mula doon papunta sa uuwian ko. Habang nasa biyahe, hindi pa rin mawala sa isip ko kung ano 'yung nakita kong iyon. Naisip ko 'yung tinatawag na "doppelganger." Ang pagkakaalam ko sa "doppelganger" ay makikita mo ang isang tao sa magkahiwalay na sitwasyon pero sa parehong oras at araw.

Pagkauwing pagkauwi ko, naghanap ako sa internet kung ano nga ba ang "doppel" na iyon. Sa mga nabasa ko, parang hindi naman ganun 'yung nasaksihan ko. Ang "doppelganger" daw ay "evil twin." Pero kung matatandaan ko ang reaksiyon nung lalaki, gulat na gulat talaga siya dahil pakiramdam niya, kakadaan lang niya sa lugar na iyon. At siguro, medyo nadagdagan pa ang takot niya, kasi iba 'yung tingin ko. Medyo "evil". Nyahahaha. At naka purong itim ang suot ko noon.

Naisip ko na lang, na posibleng pinaglaruan siya ng mga engkanto o maligno. 'Yun ay kung meron pang mga ganung klaseng nilalang at gawain ngayon sa mga panahong ito. At kahit sa mga nakalipas na panahon. Marami pa rin ang hindi kumbinsido kung meron ngang ganoon.

Kung iisipin kong maligno o engkanto ang may gawa noon, mas gugustuhin ko pang isiping isa siyang "NINJA." Gumamit lang siguro siya ng "Kagebunshin no jutsu."
......

Basahin ang kabuuan nito...

Jul 4, 2009

Ang Mahiwagang Tuldok

8 na lasing
Heto na naman ako, Sumusubok magsulat ng panibago, Pero paano nga pala ako bumuo ng kwento? Sabi nila, kung ano 'yung nararamdaman mo na hindi mo masabi ng may boses, madali lang ilabas kung idadaan mo sa pagsulat, Sa mga sinusulat ko, maraming tinatamaan, Maraming nakakasabay, Nakakasakay, Nakakaunawa, Pero sa mga taong madalas mong makasama, hindi ko alam ang mararamdaman ko kapag sila mismo ang tinamaan, at parang naramdaman na sila mismo ang tinutukoy, 'Yung kulang na lang ay pangalan para sabihing sila na nga mismo ang tinutukoy ko,


Pero hindi, Lahat ng kwento ko dito, labas ang kasalukuyang nagaganap sa paligid ko, 'Yun ang alam ko, Sumusulat ako kung ano ang laman ng utak ko, Kung anong aydiya ang mabuo sa isip ko, May nagtatanong kung ang mga sinusulat ko ay para talaga sa mismong taong gusto kong patamaan, dahil 'yun ang napapansin nila, Sinasabi ko na lang na kung ganun nga ang nangyayari, para palang isang sitkom ang blag kong ito, Kung tatanungin ako kung may tinutukoy akong tao sa bawat kwento ko, sasagutin ko ng OO, Tinutukoy ko sa mga kwento, ang lahat ng tao, Pinapatamaan ko ang lahat ng pwedeng patamaan, Lahat, Hindi sa iisa o iilang tao lamang, Kung hindi ka matamaan ng mga sinasabi ko, dalawa lang ang ibig sabihin noon, Magaling kang umilag, o bulok akong bumato,

Tama na ang mahabang introduksyon, Simulan na ang kwento, Ewan ko kung kwento nga ang itatawag ko dito ngayon, Tribya? Hindi ko din alam, Pangdagdag-kaalaman na lang siguro, Nakikita mo ba ang larawan sa itaas? Hindi 'yung header ng blag ko, mga lasenggero 'yun, Itong larawan na kasama sa entri na ito, Ano ang nakikita mo sa larawan na 'yun?

Oooppss! Teka! Sumagot ka muna bago mo basahin ang kasunod, Sa larawan na nasa itaas, dalawa ang kadalasang nagiging sagot natin, Ganito:

1, "Wala naman eh! Nasaan ga? Puti lang naman ang nakikita ko eh!"
2, "Tuldok! Isang Tuldok! Period, Dot, Maliit na Bilog, Kulangot?"

Sa dalawang sagot na yan, may dalawang eksplanasyon din ang nabuo, Dalawang eksplanasyon na nagpapakita at nagpapatunay kung paano mag-isip ang tao, Tayo, Sa unang sagot, [1, "Wala naman eh! Nasaan ga? Puti lang naman ang nakikita ko eh!"], Kapag may ginawa tayong maliit na bagay na maganda o positibo, dahil nga sa maliit lang ito, hindi ito madalas mapansin, O kaya ay hindi madaling makita, Kadalasan, nakikita na nga, pero binabalewala, Ikaw ba 'yun? Mas napapansin mo 'yung wala kesa meron, Mas nakikita kang walang ginagawa at hindi nila tinitingnan kung ano 'yung ginagawa mo, Ikaw ba 'yun? Tayo,

Dumako tayo sa pangalawa, [2, "Tuldok! Isang Tuldok! Period, Dot, Maliit na Bilog, Kulangot?"] Kung akala mo na mas tama ka dahil itong pangalawa ang napili mong sagot, mali ka, Ibahin natin ang sitwasyon, Kung ang tuldok lamang ang iyong nakita, hindi mo napapansin ang napakalaki at napakalawak na puting espasyo sa paligid ng tuldok na iyon, Kung ang tuldok na iyon ang nagsisilbing isang bagay na ginawa mo, na negatibo o masama, at 'yung malaking espasyo na 'yun ang ginawa mong mabuti, mababalewala na ang lahat ng nagawa mong maganda dahil lang sa isang napakaliit na pagkakamaling nagawa mo, Ikaw ba 'yun? Tayo,

'Yan ang isang halimbawa na may dalawang magkaibang pananaw, Inilagay natin ang tuldok sa positibo at negatibong sitwasyon, pareho lang na hindi maganda ang resulta, Wala sa tanong ang problema, Maaaring sabihin mo na ginugulo ko lang ang utak ninyo, dahil kahit ano ang piliin mo sa dalawa, may nakahanda na akong sagot para maliin ka, Sa pagsagot mo pa lang, mali ka na talaga, Bakit? Dahil ganun ang tao mag-isip, Ganun ang tao, 'Yun tayo,

Kung sa palagay mo naman ay tama ang sagot mo, Kung napansin mo nga ang isang tuldok na kasama ang malaking espasyong nakapaligid sa kanya, Base sa larawang nakita mo, Ikaw 'yun, Sana kami rin, At sana, hindi lang sa larawan, kahit sa tao, tingnan mo kung ano ang nakikita mo na hindi nakikita ng iba,

*******************************************************

Salamat kay Loraine/Aning, naalala ko 'yung sinulat niya na walang tuldok, Kay Sir Buddy [William Badillo] na propesor ko nung nag-aaral pa lang ako sa kolehiyo dahil sa kanya ko natutunan ang ilan sa nabanggit ko, At kay Kheed na tumulong sa akin para makabuo ng panibagong entri na tulad nito, Kung hindi ko siya nakausap, hindi lalabas 'yung ganung aydiya ko,

*******************************************************

Tingnan mo ang puting espasyo sa paligid ng larawan, Malawak, Pwede ka pumwesto kahit saan doon, Huwag mong isiksik ang sarili mo sa tuldok lang, Sa isang tuldok na iyon, ganito ang kalalabasan mo,

1 [ikaw] sa loob ng isang dot = 1d1ot

Ano'ng nabasa mo sa kinalabasan? 'Yun tayo, Sa ngayon, Pwede pa nating mabago, kung hindi muna natin lalagyan ng tuldok ang lahat, Dahil ang tuldok din, ang nagbibigay-hudyat ng katapusan [tuldok].
......

Basahin ang kabuuan nito...

Jun 28, 2009

Ang Kutsilyo

6 na lasing
Nasira na naman ang sinabi ko. Sabi ko, magiging masipag na ako sa pagsusulat dito sa blag na ito. Pero ano'ng nangyayari? Halos matabunan na ng abo mula sa sunog na iniwan ng huling naisulat ko tungkol sa palito ng posporo. At kung babalikan ang ilan sa mga naisulat ko dito, tungkol sa trahedya. Sana, sa isusulat ko ngayon, hindi na.


Ang ikukwento ko ngayon ay tungkol sa kutsilyo. Malayo ito sa trahedya. Maniwala ka. Kung itatanong mo kung bakit kutsilyo ang napili ko at hindi balisong, dahil isa akong BatangueƱo, huwag ka na lang umangal. Kung ayaw mong magkaroon ka ng gripo sa tagiliran mo. Gamit ang balisong na hanap mo. Pero biro lang 'yun. Ayoko ng dugo. Masama ang lasa.

Kutsilyo. Karaniwang gamit na makikita sa kusina. Isa sa mahalagang bagay na maraming pinaggagamitan. Kapakipakinabang. Pero minsan ay ito rin ang kumukuha ng ilang buhay ng tao. Pero ang kutsilyong sinasabi ko ngayon ay idadaan natin sa ibang usapan. Kutsilyong nasa ating katauhan, kaugalian. Kung hindi mo gusto ang mga sinasabi ko, nasa sa'yo ang kutsilyong tinutukoy ko.

May mga taong kasing-talas ng kutsilyo ang dila. Nakakasakit ang bawat sinasabi. Bawat salita ay nakakahiwa. Minsan, kahit hindi sinasadya ng taong may matalas na dila, may nasasabi siyang nakakasugat sa pinagsabihan. At ang sugat na ito ay mas matagal pang maghilom, kaysa sugat na gawa ng totoong kutsilyo. Parang kutsilyong nakatarak sa dibdib mo. Panghabambuhay. Minsan, mas ok pa 'yung totoong kutsilyo ang isasaksak sa'yo. Kung mabuhay ka, pwede pa gumaling ang sugat na 'yon. Kung mamatay ka, pwede na din. Wala ng paghihirap. Pero ang kutsilyong gawa ng matalas na dila, unti-unti kang papatayin. Dahan-dahan. Bawat sakit ay hindi mo makakalimutan.

Ngayong alam mo na ito, ano ba ang pwede at magandang gawin kapag may kakilala tayong may mala-kutsilyong dila? Iwasan? Pangilagan? O magbitbit ng sangkalan, bilang pangharang? Hindi ko ikinukwento sa inyo ito para matakot sa mga taong tulad nila. Ikaw mismo ang tutulong sa kanila.

Kahit gaano katalas ang dila niya na sapat na para makasakit ng ibang tao, huwag din nating alisin sa isipan natin, na ang kutsilyong nasa bibig niya ay siya ding kutsilyong makakahiwa sa sariling labi niya.

****************************************************
Take 1:

-_- : Heto ng kutsilyo mo... Napakapurol!
^_^ : Matalas 'yan nung pinahiram ko ah?
-_- : Pinagbibintangan mo ba ako? Para sabihin ko sa'yo, unang-una, hindi ako nanghihiram ng kutsilyo sa'yo. Pangalawa, hindi ko ginagamit ang mga gamit mo. At pangatlo, mapurol na talaga 'yan ng isoli ko!
^_^ : !@#$%^&*

Take 2:

-_- : Heto ng kutsilyo mo... Napakapurol!
^_^ : Mapurol ba? Teka nga, testingin natin.
*saksak sa tagiliran*
-_- : Ay.. matalas pala...
*bagsak... duguan*
......

Basahin ang kabuuan nito...

Jun 16, 2009

Ang Palito ng Posporo

7 na lasing
Madalas ba kayong maka-engkwentro ng mga taong ipinanganak na may kasamang aircon sa katawan? 'Yung mga taong kapag nagkwento na eh pakiramdam mo may bagyong paparating dahil sa lakas ng hangin? Mga taong akala nila kaya nilang gawin ang lahat at siya ang pinakamagaling. Natutuwa ba kayong kasama ang ganitong klaseng tao o kinaiinisan ninyo?


Gusto ko munang ibahagi sa inyo ang isang kwento. Isang kwento tungkol sa palito o mga palito ng posporo. Sa bahay, iba't ibang kagamitan ang makikita mo. Gamit sa kusina. Sa salas. Sa kwarto. sa banyo. At marami pang iba. Sa bahay ding ito, matatagpuan ang posporo. Kahit saang sulok mapunta, hindi mapigilan ng palito ang magyabang kung ano ang mga kaya niyang gawin.

Madalas niyang sabihin na siya ang nagbibigay-liwanag sa buong kabahayan. Siya ang nagsisindi at nagbibigay ng apoy para makapagluto. Minsan daw ginagamit din siya bilang tutpik at panglinis ng tenga. Kapag may narinig siyang nagkukwentuhang ibang kagamitan sa bahay, palagi siyang sumisingit sa usapan at inilalagay ang sarili niya bilang pinakamagaling at maraming nagagawa.

Isang araw, gaya ng lagi niyang ginagawa, nagpakitang-gilas siya sa mga kasamahan niya. Nagpasindi siya ng apoy. Nahulog ang umaapoy na palito ng posporo. Nasunog ang karpet at kurtina na natamaan nito. Lumaki ang apoy na nauwi sa pagkasunog ng buong bahay. Dahil sa kayabangan niya, tama nga, siya ang nagbigay ng liwanag. Lumiwanag ang buong paligid dahil sa sunog na ginawa niya. Lahat apektado.

Kung ihahalintulad sa tao, maraming mga beses at pagkakataon ang ganun ang nangyayari. Dahil sa may gustong patunayan o ipagyabang sa iba, nauuwi lang sa trahedya. Siguro nga malaki ang pakinabang nila o marami silang kakayahang nagagawa, pero hindi na nila ito dapat ipagyabang pa kung kani-kanino. Kahit gaano ka kagaling, kung hindi mo naman kayang pigilan ang sarili mo para hangaan ka ng iba, lalo ka lang nilang kaiinisan kesa sa paghangang gusto mong makuha mula sa kanila.

At tandaan din natin palagi, na sa bawat pagkiskis ng ulo ng palito ng posporo para makagawa ng apoy, iisa lang ang kinahihinatnan niya. Ang maging ABO.

****************************************************
^_^ : Tol, may lighter ka ba? Pasindi nga.
-_- : Wala eh, heto posporo.
^_^ : Ano'ng laman niyan? Gagamba?
-_- : Hindi! Kisses!
......

Basahin ang kabuuan nito...

Jun 10, 2009

Kwentong Dyip

5 na lasing
Sa bawat sinasakyan nating dyip tuwing biyahe, may kanya-kanya at iba't ibang kwento ang makikita at masasaksihan mo sa loob ng sasakyang 'yun. Pero bago natin lakbayin ang ikukwento ko, may gusto lang akong aminin sa lahat. Tuwing sumasakay ako ng dyip papunta sa dapat kong puntahan, dalawang pwesto lang ang gusto kong upuan. Sa tabi ng drayber o kaya sa puwesto sa likod niya. Mas madali kasi ang pumara. Hindi ko na kailangan pang sumigaw lalo na kung bingi ang drayber. Ayoko din kumatok sa bubungan ng sasakyan dahil hindi naman 'yun pinto. Ayoko namang sitsitan ang drayber o sipulan dahil hindi naman siya aso. Pero karamihan ay mukhang aso. At ayoko ngang sumigaw baka pagalitan pa ako at sabihing hindi siya bingi.

Ngayon, magbiyahe na tayo. Mayroon akong dalawang kwentong dyip na nasaksihan ko lang kahapon at noong isang araw. Dalawang kwento sa magkahiwalay na pagkakataon sa magkaibang araw. Pero iisa ang ruta. Ang unang eksena. Galing ako sa isang inuman kasama ang ilang katrabaho. Pagsakay ko, pumuwesto ako sa paborito kong pwesto. Sa likod ng drayber. Pinipilit kong huwag akong mapansin ng mga kapwa pasahero na nakainom ako at amoy-alak.

Mabuti na lang at hindi nila napapansin 'yon, dahil sa isang lasing. Lasing talaga. Napansin kong walang katapat na pasahero ang lasing na 'yun. At malaki ang pagitang espasyo sa katabi ng lasing na 'yun. Umuulan na nga sa labas ng sasakyan, nagpapaulan naman 'yung lasing sa loob. Laway! Parang may kaaway na salita ng salita. Noong pinipilit kong intindihin ang sinasabi, abah! inglisispiking. Mahirap talaga intindihin ang sinasabi nya ng buo dahil lasing kung magsalita, parang medyo nagiging islang. Pagalit pa. Pero may ilang salita akong naunawaan at parang alam ko kung ano ang ibig niyang sabihin doon. May madalas siyang mabanggit na "government, economics" at parang galit na galit siya na nakikipagdebate. Galit siya sa nangyayari sa ating bansa at sa gobyerno.

Ilang sandali pa, tinawag niya ang drayber. "Hanggang Caltex lang ako ha?" Wala pang sampung [10] segundo, nagsalita na naman ang lalaking lasing. "Caltex lang! Ayan, lumampas na! Para! Ay naku!" Inihinto naman ng drayber ang sasakyan para makababa ang lasing. Noong pagkababang-pagkababa niya, nagkatinginan kami ng kapwa pasahero. Pakiramdaman. Nang biglang magsalita ang drayber. "Caltex-caltex, eh sa kabila pa ang Caltex eh. Dadaanan pa lang." Napansin ko 'yung ilang pasahero na pilit tinatago ang pagtawa. Napapangiti. Napapailing. Ako naman, pinipigil ang tawa at sinabi ko sa drayber, "Lampas na daw po eh?"

Kahapon, galing ako sa parehong lugar. Pero hindi na ako nakainom. Sumakay ako ng dyip. Ilang minuto lang, may pumarang lalaki. Sa kilos niya, lingon ng lingon sa bawat dinadaanan, mapapansin mong hindi taga-rito sa lugar namin. Tinanong niya ang drayber. "Dadaan po ba ito ng Guadalupe? 'Yung may PCSO?" Sampung [10] segundo bago sumagot ang drayber. Akala ko isnabero lang talaga, pero sinagot niya. Sinagot niya ng pagsenyas ng ulo ng oo. Tumango lang siya. Nagtanong ulit ang lalaki. "Malayo po ba 'yun?" at sinagot ng drayber ng patanong din matapos ang ilang segundo, "Saan ga 'yun?"

Hindi talaga taga-rito ang lalaking 'yun. Nagsabi siya ng, "Guadalupe po, dito daw 'yun sa Lipa." Parang alam na ng drayber ang tinutukoy ng lalaki, kaya ng malapit na kami sa Barangay Guadalupe, sinabi niya sa lalaki. Sa may kanto, pwede siya maglakad o magtraysikel para makapunta doon. At ibinaba na ang lalaki sa may kantong iyon sabay-abot sa kanya ng bayad.

Wala pang limang minuto, 'yung isang lalaking nasa unahan, napangiti at napatingin sa labas. Tumingin din sa drayber at pumara. Tiningnan ko din ang labas at parang alam ko na kung bakit napangiti ang lalaking 'yun. Nakita ko ang opisina ng PCSO, sa isang commercial building. Sa Guadalupe Plaza. Napangiti na din ako at napailing. Gusto ko sanang sabihin sa drayber na parang mali ang pinagbabaan nung isang lalaking nagtatanong. Pero hindi ko nasabi dahil napansin kong napatingin din doon 'yung drayber. Ayos. Iniisip ko kung saan na papunta 'yung bumaba sa Brgy. Guadalupe.

Wala akong masyadong karanasan sa loob ng dyip dahil bihira lang naman ako magbiyahe. Kung sasakay man ako, malapit lang ang destinasyon. Marami pang kwentong dyip ang hindi ko nasasaksihan. At gusto ko maranasan. Naisip ko na lang, may pagkakataon ding maswerte talaga ang drayber ng pampasaherong dyip. Madami siyang maiipong kwento sa loob ng kanyang sasakyan.

(^_^): Para!
Driver: Ano?
(^_^): Kako, ang sarap ng canton toppings mo. Ay bingi.
Driver: Ano'ng sinasabi mo d'yan?
(^_^): Sabi ko, PT!
Driver: Ano'ng PT?
(^_^): Para! Tanga!
......

Basahin ang kabuuan nito...

 

Copyright 2008 All Rights Reserved Revolution Two Church theme by Brian Gardner Converted into Blogger Template by Bloganol dot com Customized by Vhonne DeVille