Sa bawat sinasakyan nating dyip tuwing biyahe, may kanya-kanya at iba't ibang kwento ang makikita at masasaksihan mo sa loob ng sasakyang 'yun. Pero bago natin lakbayin ang ikukwento ko, may gusto lang akong aminin sa lahat. Tuwing sumasakay ako ng dyip papunta sa dapat kong puntahan, dalawang pwesto lang ang gusto kong upuan. Sa tabi ng drayber o kaya sa puwesto sa likod niya. Mas madali kasi ang pumara. Hindi ko na kailangan pang sumigaw lalo na kung bingi ang drayber. Ayoko din kumatok sa bubungan ng sasakyan dahil hindi naman 'yun pinto. Ayoko namang sitsitan ang drayber o sipulan dahil hindi naman siya aso. Pero karamihan ay mukhang aso. At ayoko ngang sumigaw baka pagalitan pa ako at sabihing hindi siya bingi.
Ngayon, magbiyahe na tayo. Mayroon akong dalawang kwentong dyip na nasaksihan ko lang kahapon at noong isang araw. Dalawang kwento sa magkahiwalay na pagkakataon sa magkaibang araw. Pero iisa ang ruta. Ang unang eksena. Galing ako sa isang inuman kasama ang ilang katrabaho. Pagsakay ko, pumuwesto ako sa paborito kong pwesto. Sa likod ng drayber. Pinipilit kong huwag akong mapansin ng mga kapwa pasahero na nakainom ako at amoy-alak.
Mabuti na lang at hindi nila napapansin 'yon, dahil sa isang lasing. Lasing talaga. Napansin kong walang katapat na pasahero ang lasing na 'yun. At malaki ang pagitang espasyo sa katabi ng lasing na 'yun. Umuulan na nga sa labas ng sasakyan, nagpapaulan naman 'yung lasing sa loob. Laway! Parang may kaaway na salita ng salita. Noong pinipilit kong intindihin ang sinasabi, abah! inglisispiking. Mahirap talaga intindihin ang sinasabi nya ng buo dahil lasing kung magsalita, parang medyo nagiging islang. Pagalit pa. Pero may ilang salita akong naunawaan at parang alam ko kung ano ang ibig niyang sabihin doon. May madalas siyang mabanggit na "government, economics" at parang galit na galit siya na nakikipagdebate. Galit siya sa nangyayari sa ating bansa at sa gobyerno.
Ilang sandali pa, tinawag niya ang drayber. "Hanggang Caltex lang ako ha?" Wala pang sampung [10] segundo, nagsalita na naman ang lalaking lasing. "Caltex lang! Ayan, lumampas na! Para! Ay naku!" Inihinto naman ng drayber ang sasakyan para makababa ang lasing. Noong pagkababang-pagkababa niya, nagkatinginan kami ng kapwa pasahero. Pakiramdaman. Nang biglang magsalita ang drayber. "Caltex-caltex, eh sa kabila pa ang Caltex eh. Dadaanan pa lang." Napansin ko 'yung ilang pasahero na pilit tinatago ang pagtawa. Napapangiti. Napapailing. Ako naman, pinipigil ang tawa at sinabi ko sa drayber, "Lampas na daw po eh?"
Kahapon, galing ako sa parehong lugar. Pero hindi na ako nakainom. Sumakay ako ng dyip. Ilang minuto lang, may pumarang lalaki. Sa kilos niya, lingon ng lingon sa bawat dinadaanan, mapapansin mong hindi taga-rito sa lugar namin. Tinanong niya ang drayber. "Dadaan po ba ito ng Guadalupe? 'Yung may PCSO?" Sampung [10] segundo bago sumagot ang drayber. Akala ko isnabero lang talaga, pero sinagot niya. Sinagot niya ng pagsenyas ng ulo ng oo. Tumango lang siya. Nagtanong ulit ang lalaki. "Malayo po ba 'yun?" at sinagot ng drayber ng patanong din matapos ang ilang segundo, "Saan ga 'yun?"
Hindi talaga taga-rito ang lalaking 'yun. Nagsabi siya ng, "Guadalupe po, dito daw 'yun sa Lipa." Parang alam na ng drayber ang tinutukoy ng lalaki, kaya ng malapit na kami sa Barangay Guadalupe, sinabi niya sa lalaki. Sa may kanto, pwede siya maglakad o magtraysikel para makapunta doon. At ibinaba na ang lalaki sa may kantong iyon sabay-abot sa kanya ng bayad.
Wala pang limang minuto, 'yung isang lalaking nasa unahan, napangiti at napatingin sa labas. Tumingin din sa drayber at pumara. Tiningnan ko din ang labas at parang alam ko na kung bakit napangiti ang lalaking 'yun. Nakita ko ang opisina ng PCSO, sa isang commercial building. Sa Guadalupe Plaza. Napangiti na din ako at napailing. Gusto ko sanang sabihin sa drayber na parang mali ang pinagbabaan nung isang lalaking nagtatanong. Pero hindi ko nasabi dahil napansin kong napatingin din doon 'yung drayber. Ayos. Iniisip ko kung saan na papunta 'yung bumaba sa Brgy. Guadalupe.
Wala akong masyadong karanasan sa loob ng dyip dahil bihira lang naman ako magbiyahe. Kung sasakay man ako, malapit lang ang destinasyon. Marami pang kwentong dyip ang hindi ko nasasaksihan. At gusto ko maranasan. Naisip ko na lang, may pagkakataon ding maswerte talaga ang drayber ng pampasaherong dyip. Madami siyang maiipong kwento sa loob ng kanyang sasakyan.
(^_^): Para!
Driver: Ano?
(^_^): Kako, ang sarap ng canton toppings mo. Ay bingi.
Driver: Ano'ng sinasabi mo d'yan?
(^_^): Sabi ko, PT!
Driver: Ano'ng PT?
(^_^): Para! Tanga!
The Seven Star Hotels of the World
4 years ago
Comments
5 comments to "Kwentong Dyip"
June 10, 2009 at 5:03 PM
ayos ang kwento ah, mdalas din pag nagsasalita ang driver nkikinig lahat ang pasahero,hehe
June 11, 2009 at 2:00 PM
ahehhe... natuwa akoh sa umpisa at huling part nang entry... PT! ahehe... may bago akong natutunan... ahehe... ayos.. don palah ang fave puwestuhan moh sa jeep... okz nga 'un at least no efffort na sa pagsigaw nagn para... gusto koh ren noon ang puwestong 'un.. why... kapag wala akong pamasahe... makikiabot akoh nang bayad.. then say bayad po... nde lang akoh once nagbabayad... many times pah... ahehe... kakaasar lang minsan kwentong jeep... may bumaba nah at pumara.. after 2 seconds... may pumara uletz.. takte... ba't nde ka na lang bumaba don at naglakad nagn 2 seconds... tsk! lolz.. ingatz Ino-Kun! ingatz kayo ni Shino-Chan! Godbless! -di
June 11, 2009 at 2:04 PM
@hari ng sablay:
ung kabarkada ko naman.. madalas makipag kwentuhan sa driver.. sila lng nagkakaintindihan.... ahaha...
@-dhi:
baligtad! dapat shino-kun... xa ang ino-chan.. nyahahaha...
honga... may ganun nga... pag may bumaba/sumakay na isa... ung nasa loob ng jeep.. ilang hakbang n lng ang lalakarin.. ndi pa bumaba... ahaha... tinatamad...
June 12, 2009 at 9:04 AM
aheheh... oo nga noh nabaliktad koh... adik na atah akoh nung nagkokoment dyan... lolz...yeah... mga tao minsan mga tamad! parang akoh lang minsan... ahehe... ingatz. Godbless! -di
June 13, 2009 at 5:29 PM
ako din trip ko umupo sa tabi ng drayber. pwera na lang kapag me putok. heheheh.
Post a Comment
Bago malasheng ng tuluyan... mag-iwan muna ng kumento...