Nasira na naman ang sinabi ko. Sabi ko, magiging masipag na ako sa pagsusulat dito sa blag na ito. Pero ano'ng nangyayari? Halos matabunan na ng abo mula sa sunog na iniwan ng huling naisulat ko tungkol sa palito ng posporo. At kung babalikan ang ilan sa mga naisulat ko dito, tungkol sa trahedya. Sana, sa isusulat ko ngayon, hindi na.
Ang ikukwento ko ngayon ay tungkol sa kutsilyo. Malayo ito sa trahedya. Maniwala ka. Kung itatanong mo kung bakit kutsilyo ang napili ko at hindi balisong, dahil isa akong BatangueƱo, huwag ka na lang umangal. Kung ayaw mong magkaroon ka ng gripo sa tagiliran mo. Gamit ang balisong na hanap mo. Pero biro lang 'yun. Ayoko ng dugo. Masama ang lasa.
Kutsilyo. Karaniwang gamit na makikita sa kusina. Isa sa mahalagang bagay na maraming pinaggagamitan. Kapakipakinabang. Pero minsan ay ito rin ang kumukuha ng ilang buhay ng tao. Pero ang kutsilyong sinasabi ko ngayon ay idadaan natin sa ibang usapan. Kutsilyong nasa ating katauhan, kaugalian. Kung hindi mo gusto ang mga sinasabi ko, nasa sa'yo ang kutsilyong tinutukoy ko.
May mga taong kasing-talas ng kutsilyo ang dila. Nakakasakit ang bawat sinasabi. Bawat salita ay nakakahiwa. Minsan, kahit hindi sinasadya ng taong may matalas na dila, may nasasabi siyang nakakasugat sa pinagsabihan. At ang sugat na ito ay mas matagal pang maghilom, kaysa sugat na gawa ng totoong kutsilyo. Parang kutsilyong nakatarak sa dibdib mo. Panghabambuhay. Minsan, mas ok pa 'yung totoong kutsilyo ang isasaksak sa'yo. Kung mabuhay ka, pwede pa gumaling ang sugat na 'yon. Kung mamatay ka, pwede na din. Wala ng paghihirap. Pero ang kutsilyong gawa ng matalas na dila, unti-unti kang papatayin. Dahan-dahan. Bawat sakit ay hindi mo makakalimutan.
Ngayong alam mo na ito, ano ba ang pwede at magandang gawin kapag may kakilala tayong may mala-kutsilyong dila? Iwasan? Pangilagan? O magbitbit ng sangkalan, bilang pangharang? Hindi ko ikinukwento sa inyo ito para matakot sa mga taong tulad nila. Ikaw mismo ang tutulong sa kanila.
Kahit gaano katalas ang dila niya na sapat na para makasakit ng ibang tao, huwag din nating alisin sa isipan natin, na ang kutsilyong nasa bibig niya ay siya ding kutsilyong makakahiwa sa sariling labi niya.
****************************************************
Take 1:
-_- : Heto ng kutsilyo mo... Napakapurol!
^_^ : Matalas 'yan nung pinahiram ko ah?
-_- : Pinagbibintangan mo ba ako? Para sabihin ko sa'yo, unang-una, hindi ako nanghihiram ng kutsilyo sa'yo. Pangalawa, hindi ko ginagamit ang mga gamit mo. At pangatlo, mapurol na talaga 'yan ng isoli ko!
^_^ : !@#$%^&*
Take 2:
-_- : Heto ng kutsilyo mo... Napakapurol!
^_^ : Mapurol ba? Teka nga, testingin natin.
*saksak sa tagiliran*
-_- : Ay.. matalas pala...
*bagsak... duguan*
......
Basahin ang kabuuan nito...
The Seven Star Hotels of the World
3 years ago