Mar 24, 2009

Naghihintay sa Wala

12 na lasing
Isa ka ba sa naghihintay ng tamang lalaki/babae sa buhay mo? Isa ka ba sa naniniwala na ang taong karapat-dapat sa iyo ay kusang darating at hindi dapat hanapin? Isa ka ba sa nagsasabing hindi mo dapat hintayin ang tinatawag mong soulmate dahil lalapit at lalapit ito sa iyo? Isa ka ba sa binabayaran ng 200 pesos para mag-rally sa EDSA? Pwes! Makibaka! Huwag matakot!


Noon, isa ako sa mga nag-iisip at nakikinig sa mga ganyang sabi-sabi ng iba. Pero hindi kasama 'yung pagrarali kapalit ng pera. Lagi akong sinasabihan ng kaibigan ko na darating at darating din ang tamang babae para sa akin. Huwag lang daw ako mainip. Huwag kong hintayin. At lalong huwag kong hanapin.

Pero kung pareho kayo ng iniisip ng nakatadhanang kapareha mo? Pareho kayong naghihintay sa isa't isa. Pareho kayong naghihintay sa wala. Pareho kayong umaasa na darating sa buhay ninyo ang isa't isa. Pareho kayong tatandang dalaga at binata. Pareho na lang kayong magrali sa EDSA.

Matagal akong naghintay. Matagal akong umasa. Nagbabaka-sakaling may kumatok ng pintuan at pagbukas ko, biglang sasabihing siya ang soulmate ko. Pero hindi ganun ang nangyari. Walang kumatok sa pinto. (Awts! May biglang kumatok sa'kin ngayon dito, hiningian ako ng 500 ng tatay ko. Seryoso! Tsk!) Huwag na kayong maghintay ng kakatok! Hahaha. Balik sa sinasabi ko, dahil sa paghihintay ko sa sinasabi nilang darating sa buhay ko, lalo kong nararamdaman na walang darating.

Hindi mo kailangang maghintay ng tamang tao para sa sarili mo. Bagkus, maging tamang tao ka para dumating sa buhay ng isang tao. Hindi mo na kailangang maghintay, ikaw na mismo ang lumapit. Walang mangyayari kung nakatunganga ka. Mas mabuti na 'yung alam mong kumilos ka kahit hindi ka sigurado, kaysa naghihintay ka nga ng matagal, hindi ka din naman sigurado.

Si leading lady ko ngayon. Kilala ninyo na 'yun. Siguro siya 'yung tamang babae para sa akin, at siguro ako ang hinihintay niya para sa kanya. Buti na lang, pinasok ko ang tahimik niyang mundo. Nakigulo ako at hindi naghintay na siya mismo ang lumapit sa akin. Kung nagkataon, pareho lang kaming maghihintayan... sa wala.

Ayos! Ang ikli ng entri ko. Para lang may maisulat. Hehehe.
......

Basahin ang kabuuan nito...

Mar 18, 2009

Kanya-kanyang Diskarte

6 na lasing
Aga ko nagising. Alas-sais y medya ng gabi ako nagising. Maaga na 'yun sa pangkaraniwang gising ko. Maaga ding pinauwi galing sa iskul si Loraine. Nakapag-usap kami ng matagal-tagal sa chat kahit alas-diyes ang curfew niya. Alas-diyes ang curfew pero alas-onse kami natatapos. Ahaha. Kaya kami napapagalitan ng kanyang mahal na ina.


At nang matapos kaming mag-usap, nanood muna ako ng ilang bidyos tulad ng episodes ng South Park. Nakaramdam na naman ako ng gutom. Tao lang ako, nakakaramdam din ng ganun. Dumiretso ako sa burger stand. BigMak. Maalin lang naman sa 7-11 o BigMak ang pinupuntahan ko kapag dis-oras na ng gabi eh. Habang pumipili ako ng bibilhin ko, napansin ko ang isang lalaki at isang babae na nag-aabang kung ano ang pipiliin ko. 'Yung isang babae, siya pala ang tindera, kaya inaabangan kung anong bibilhin ko.

Isang superlong! Wala daw silang tinapay para doon. Sa sampung beses kong sinubukang bumili ng superlong sandwich doon, kahit isang beses, hindi ako nakatiyempo. Lagi na lang may hindi available. Sige, footlong na lang. Sa pagsabi ko noon, napansin ko na parang may umilaw sa ulo ng isang lalaking nakaabang. Parang nakakita ng kakampi.

"Tol, magkano ang footlong? Tertipayb [35], kapag bay wan teyk wan, siksti [60] pesos, maghati na lang kaya tayo sa bay wan teyk wan, para tig-terti [30] lang tayo?"


Sumang-ayon na din ako, dahil mas tipid nga sa limang piso kung ganun ang gagawin namin. Akala ko pa naman eh kung ano ang binabalak nung lalaking 'yun, nag-aabang lang pala ng makakahati. At pumuwesto na nga siya dun sa harapan ng tindahan. At nagulat sa sunud-sunod ko pang order. Isang pizza square, padagdag ng chilli con carne sa footlong, isang chuckie, saka isang C2 na red. Gusto ko pa sana dagdagan ng siopao, kaso nakatingin na sa akin 'yung lalaki, kaya hindi na lang dinagdagan.

Nagtataka siguro kung paano ko mauubos 'yun eh kapayat ko naman. Sabi nung tindera sa lalaki, "Dagdagan mo din order mo, para hindi ka mainggit." Hindi pa daw siya syur kung mauubos niya ang footlong. Hindi naman ako matakaw di ga? Normal lang naman sa atin ang kumain ng ganun di ga?

Habang naglalakad ako sa kalye, may naispatan akong dalawang lalaking naglalakad din. Isa lang pala ang lalaki. 'Yung isa ay katawang lalaki na ayaw magpakalalaki pero mahilig sa kapwa lalaki. Wala akong pakialam nung una, diretso lang ako. Akala ko ay magkaibigan lang. Biglang kumapit sa bisig ng lalaki ang kunyaring babae. Naglalambing. Bumulong ang lalaki. Hindi ko naman narinig dahil hindi ako tsismoso. Pero halatang tsismoso ako. Pagkatapos bumulong ni lalaki, biglang dumukot ng wallet itong si kunyaring babae. Binuksan at kumuha ng pera, sabay-abot kay lalaki. Kayo na lang ang mag-isip kung bakit, hindi ko alam ang dahilan dahil hindi ko alam kung ano ang ibinulong.

Sa may kanto, limang lalaki ang nakasalubong ko. Lahat lasing. Halos sumasayaw na sa paglalakad 'yung dalawa sa kanila. At lahat, nakangiti. Hinawakan ako sa braso nung isa. "Von! Ano 'yang binili mo? Mag-iinom kang mag-isa?" Sinabi ko na lang na pagkain 'yung dala ko. Pero 'yung isa naman ang humarang sa akin. "Von, may footlong gang maikli?" Pag-iisipin pa ako. Sabi ko na lang na meron siguro. Kapag umihi siya, baka mapansin niyang baka maikli 'yung footlong niya, kasi mahaba 'yung footlong ko.

Sa kabilang kanto, isang bakla at apat na lalaki. Nagkukwentuhan. Naglalambing ang bakla. Nagbabakasakaling mapapayag niya ang alin sa apat na lalaki na may gawing makapagpapaligaya sa kanya. Bakit ko alam? Dalawa sa apat na lalaki ay pinsan ko. Tinago ko na lang ang bitbit ko, delikado, baka kulangin pa ang kakainin ko.

Nakarating ako ng bahay. Buhay pa. Buti naman. Pero 'yung niloload kong bidyo, namatay. Nag-close ang Mozilla Firefox. Kaya ito ang ginawa ko ngayon. Nagsulat na lang sa blag. Hahaha. Instant artikel. Akala ninyo lang na non-sense ang sinulat ko. Pero subukan ninyong ulitin basahin. Malalaman ninyo, tama ang una ninyong inakala. Non-sense nga.

Pero ang kwento kong ito, ay tungkol sa iba't ibang klase na tao na nakakasalamuha natin sa araw-araw. Kahit gabi-gabi. Halos lahat ay may kanya-kanyang diskarte. Pwedeng diskarteng pabor sa kanila at sa kapwa, at meron namang pabor lang para sa sarili nila at abuso para sa iba.

At isa lang ang natutunan ko. Hindi ko pala kayang ubusin ang binili ko ng biglaan. Tatlong slices pa ng pizza ang kakainin ko. Hindi na ako makahinga. Gusto mo?
......

Basahin ang kabuuan nito...

Mar 15, 2009

Sense of Humor

9 na lasing
Palabiro. Isa ka din bang taong palabiro? Isa ka ba sa mga nabiyayaan ng sense of humor, o isa ka sa pilit na nagpapatawa kahit wala namang natutuwa? Madami akong kaibigan na nagsasabing isa ako sa mga taong mayroong sense of humor. Pero hindi pa ako sigurado doon. Kaibigan ko kasi sila kaya nila nasasabi 'yun.


Mahilig akong magkwento. At sa bawat kwento ko, hindi ko maiiwasan ang lagyan o haluan ng konting kwela. Nagsawa na kasi ako sa mga maseryosong usapan. Masarap ang tumawa. 'Yung tama lang, iba na kapag napasobra. Hindi lang masaya ang tumawa, mas masaya kapag alam mong napapatawa mo 'yung ibang tao. Pero ang pinakamasaya, kapag natutuwa sila sa paraan ng pagpapatawa mo. Iba ang nakakatawa sa nakakatuwa. Pwede kang matawa kahit hindi ka natutuwa sa ginagawa ng iba pero kapag natuwa ka sa kanya, mas natural ang pagtawa mo.

Maraming biro ang hindi nakakatuwa at nakakatawa. Merong korni, papansin, at kadalasan below-the-belt na. Ang pagpapatawa ay hindi lang basta pagbibitaw ng punch line nang hindi pinag-iisipan. At hindi lahat ng pagpapatawa, walang pinanggagalingan o pinaghuhugutan ng isang seryosong bagay.

Ang komedya ay hango sa totoong buhay o pangyayari. Isang totoo at seryosong pangyayari na nilalagyan mo lang ng kiliti sa dulo. Tulad ko, makatotohanan ang mga kinukwento ko pero kadalasan, hindi na mukhang totoo dahil sa paraan ng pagkakakwento. Nilalagyan ko ng nakakatawang pangungusap pero sa huli, nararamdaman pa rin nila ang pagkaseryoso ko.

Ang common sense at ang sense of humor ay pareho lamang. Pero magkaiba ng bilis bago maunawaan o maintindihan. Ang sense of humor ay mismong common sense, common sense na nilagyan ng malikot na pamamaraan. Pero ang common sense, mas madali mong maunawaan, iyon ay kung may common sense ka talaga. Samantalang pagdating sa pagpapatawa, kinakailangan mo pa minsan ang mag-isip ng ilang segundo para maunawaan mo ng husto kung ano ang ibig iparating nun.

Walang ibang dahilan ang pagpapatawa. Dahil ito mismo, ay ang katotohanan. Isang birong katotohanan. Magulo pero 'yun ang totoo. Hindi ka makakapag-isip ng isang biro kung hindi ito nanggaling sa isang totoong pangyayari o kaganapan.

Ano ang pinakamababang uri ng humor? Katalinuhan. Walang tao ang may sense of humor, pero ang sense of humor, merong tao. Kung hindi mo maintidihan ang sinasabi ko, tumawa ka na lang. Paano ba tumawa ang taong nakikitawa lang sa isang biro na hindi niya naintindihan? Kapag tumatawa ng nakataas ang eyeballs o kaya nakatigil lang sa isang dako ang mata na halatang may iniisip at medyo mabagal ang pagkakabigkas niya ng "Ha...Ha...Ha...Ha..."

Pero sa lahat ng sinabi ko sa itaas, ito ang pinakatotoo. Ang biro ay napakaseryosong bagay pero ang pagtawa ang pinakamatinding depensa mula sa pinakamaliit na problema.
......

Basahin ang kabuuan nito...

Mar 9, 2009

Nabuhay - Namatay

13 na lasing
Nandito na naman ako. Sa dalawang naisulat ko dito ngayong buwan ng Marso, parehong tungkol sa kamatayan. Hindi ako pumasok ngayon. May sakit ako at akala ko, ako na ang susunod sa mga nakwento ko. Akala ko kanina, tinatawag na ako ni Kamatayan. May naririnig kasi akong ingay sa paligid ko. Pero tulugan na ang mga tao sa buong bahay kaya hindi ko alam kung saan at sino ang naririnig ko.


Hininaan ko ang ispiker ng aking kompyuter. Masyado kasing malakas ang tunog noon habang nanonood ako ng mga episowds ng South Park. (Lagi na lang pinapatay si Kenny McCormick) Wala nang ingay mula sa aking ispiker, pero naririnig ko pa rin ang ingay. Hininto ko ng ilang segundo ang paghinga para malaya kong marinig ang ingay. Nagulat na lang ako, dahil ang ingay na naririnig ko pala ay mula sa aking tiyan. Gutom na ako.

Matagal na panahon na din ang nakalipas ng lumabas ako ng bahay ng alangang oras. Iba na kasi ang iskedyul ng pagpasok ko sa trabaho. Ngayon na lang ako ulit nakatambay sa bahay ng madaling-araw. Naalala ko na lagi akong nagpupunta sa siete-onse (7-11) o kaya ay sa burger stand. Sa BigMak. Kanina, mas pinili ko na lang na sa BigMak bumili ng makakain dahil medyo malayo ang 7-11. Baka kapusin ako ng lakas sa paglalakad dahil medyo nanghihina pa ako. Isang footlong hotdog, siopao, C2 lemon at isang chuckie chocolate drink ang binili ko. Nung tinanong ko kung magkano ang pinamili ko, sinagot niya na 100 pesos. Pinaulit ko 'yung sinabi niya, dahil nagulat ako. Ang galing ko talaga sa Math, sakto isandaang piso ang pinamili ko. Anong koneksyon? Gutom ako.

Nakauwi na ako sa dito sa bahay at dito ko kinain ang pinamili ko. At gaya ng nakagawian ko dati, pagkatapos kong kumain ay nagkakaroon ako ng aydiya para makapagsulat. Ano nga ba ang aydiya na naisip ko ngayon? Simple lang, nabanggit ko na sa dalawang naisulat ko dito sa buwan ng Marso, parehong tungkol sa kamatayan. Kaya hindi nalalayo tungkol doon ang isinusulat ko.

Kapag tayo ay namatay, ano ba ang isinusulat sa ating lapida? Pangalan. Siyempre para makilala ng tao kung kanino 'yung katawang ibinaon sa lupa. Araw ng kapanganakan at araw ng kamatayan. Ano ba ang halimbawa ng petsa ang isinusulat sa lapida? Ganito...

October 12, 1985 - October 12, 2059

Tunay kong kaarawan ang nakasulat pero 'yung araw ng kamatayan, hindi totoo 'yun. Sa nakasulat na halimbawa sa taas, ano ang pipiliin mo? Araw ng kapanganakan, dahil sa araw na ito, nasilayan mo ang makulay na mundo? O ang araw ng kamatayan, dahil sa araw na ito, mawawala na ang mga paghihirap at problema mo at makikita mo na ang tahanan ng ating Tagapaglikha? Ako? Anong pipiliin ko? 'Yung pinakasimpleng nakasulat.

Dash ( - ) o 'yung patlang sa pagitan ng araw ng kapanganakan at araw ng kamatayan. Dahil sa pagitan ng dalawang petsa, doon mo malalaman kung ano ang mga nagawa mo. Doon mo nakilala ang mga taong iniingatan mo. Doon mo nagawa ang lahat ng pwede mong ipagmalaki. Doon mo masasabi na nabuhay ka sa mundo. At doon, "doon" ang word of the day ko.

Kaya habang nabubuhay pa tayo, at wala pang tiyak na petsang isusulat sa katapat na petsa ng kaarawan, gawin natin ang lahat ng bagay na masasabi nating kukumpleto sa atin. At dahil sa naisulat kong ito, nalaman ko kung gaano kahalaga ang dash ( - ) sa buhay natin.

(Note: Ang dash ay hindi hypen.)
......

Basahin ang kabuuan nito...

Mar 7, 2009

FrancisM: FreeMan

9 na lasing
Katatapos lang ng post ko dito tungkol sa buhay na nawala. Akala ko, isang magandang kwento naman ang susunod doon. Pero ano ito? Pagkagising ko kahapon ng gabi, nalaman kong "wala" na ang Master Rapper na si Francis Magalona. Dalawang tao ang hinahangaan kong Pinoy pagdating sa pagrarap. Si Gloc9 at si Kiko.

At dahil sa isa akong numero unong tagahanga ng Parokya ni Edgar, mas lalo kong ikinatuwa ang ginawa nilang kantang "Bagsakan" kung saan silang tatlo ang kumanta. Si Francis M. Maraming sikat na banda at singer ang gusto siyang makasama. Nabanggit ko na ang Parokya ni Edgar at si Gloc9, ilan sa kanila ang Eraserheads, si Mike Hanopol, Joey Ayala, Ryan Cayabyab, Michael V., maging si Andrew E. Idagdag na din natin si Ramon Bautista sa komersyal nilang Nescafe. (Instant coffee... instant advertisement!). At marami pang iba.

Si FrancisM. Hindi lang basta isang rapper/singer kundi isang respetadong tao. Karamihan din sa mga sinusulat at kinakanta niya ay may magandang mensahe para sa mga tao. Ilan sa mga hindi makakalimutang kanta niya ay ang "Mga Kababayan," "Meron Akong Ano!?," "3 Stars and A Sun" at ang "Kaleidoscope World." Isa na siyang alamat sa mundo ng industriya noong nabubuhay pa, at mananatiling alamat pa rin ngayong wala na siya.

Pero hindi kami close... Hehehe... Nakikiramay ako sa lahat... lalong lalo na sa pamilya ni Francis Magalona. Marami ang nagluluksa dahil sa nangyari.

......

Basahin ang kabuuan nito...

Mar 3, 2009

Buhay-buhay

8 na lasing
Ilang araw ba akong nawala dito? Huwag ninyo nang bilangin. Sarili ko ang tinatanong ko. Naging abala ko sa aking trabaho. At magiging abala pa sa susunod. Isiningit ko na lang ang pagsusulat ngayon para naman masabing nabubuhay pa ang blag kong ito.


Nabubuhay. Nabanggit ko na din lang ang salitang "buhay," dalawang buhay ng kakilala ko ang nawala. Ang isa, kapatid ng lola ko. Nagkaroon siya ng sakit na diabetes at tinamaan na din ng stroke noon. At nitong isang araw lang, isinugod sa ospital. At doon na din binawian ng buhay.

At ang isa pang buhay na nawala, pinakamamahal na ina ng kabarkada ko. Masakit ang mawalan ng isang ina dahil naranasan ko na iyon. Nawalan na din siya ng ama, matagal na panahon na. Pero mas masakit 'yung pangyayaring sa ibang paraan ang naging dahilan ng pagkamatay ng kanyang ina. Pinatay. Masyadong maselan ang bahagi ng kwentong ito kaya hindi ko na lang idedetalye.

Matagal na kaming hindi nagkakasama-sama ng buong barkada. At dahil nga sa nangyaring 'yun sa buhay ng kanyang ina, hindi pwedeng hindi kami makiramay sa taong naging kaibigan namin sa loob ng mahigit-kumulang walong taon. Si Noriel. Nagkakwentuhan. Kumustahan. Balitaan ng mga nangyari sa buhay namin.

Si Jefoi. Nagkukwento ng kanyang naging karanasan sa isang ahensya ng kung ano. Nakalimutan ko na kung ano 'yun. Basta tinawagan siya ng ahensyang 'yun para kunin ang pera niya. Dali-dali naman siyang nagpunta doon sa opisina ng ahensiyang 'yun. Pag-akyat niya ng 2nd floor, halos mapaiyak siya sa kanyang nakita. Walang tao sa lugar na iyon. Walang mga mesa sa loob. Tanging salamin at mga nagkalat lang na papel ang nandoon. Nanginig ang kalamnan at pinanghinaan ng loob. Bumaba siya upang makalanghap ng sariwang hangin at upang kumalma ang kalooban sa natuklasan. At nang sa palagay niya eh ok na siya, tinawagan niya ang taong nagpapunta sa kanya sa lugar na iyon.

"Anong nangyari? Paano ko makukuha 'yung pera? Wala namang katao-tao dito sa opisina ninyo!"

Bago pa siya tuluyang magalit at makapagmura, mabilis na humingi ng pasensya ang nasa kabilang linya...

"Pasensya na po. Umakyat po kayo ng 3rd floor, naglipat na po kasi kami."

Sa puntong iyon, nakaramdam ng kahihiyan ang kaibigan ko. Hindi lang sa nakausap, kundi maging sa sarili niya mismo.

Madami kaming napag-usapan. Masarap talaga makinig sa mga kwento ng mga taong matagal mo nang hindi nakakausap. Naipon ang mga kwento. Iilan na lang sa aming mga binata at dalaga. Halos lahat ay lumagay na sa tahimik. Ewan ko lang kung tahimik nga talaga ang naging lagay nila. Hehehe. Pero nakatikim din kami ng mga payo mula sa mga nakapag-asawa na.

"Alam ninyo ga na kapag nag-asawa kayo... sa simula lang 'yun mahirap..." Nakikinig kami habang sumasang-ayon ang iba nang dugtungan niya ng... "Pagtagal noon... pahirap ng pahirap!"

Kulang ang ilang oras ng kwentuhan. Pero kailangang tapusin pansamantala dahil may kanya-kanya kaming lakad at dapat gawin. Nagpaalam muna kami kay Noriel. Biglang may sinabi ang kaibigan naming namatayan...

"Minsan na nga lang tayo makumpleto, sa ganitong pagkakataon pa. Dalaw-dalaw lang kayo dito ha?"

Muli... Nakikiramay ako sa mga naiwan ng mga mahal sa buhay. Haaayyy Buhaaaayyy! Ganyan talaga ang buhay.
......

Basahin ang kabuuan nito...

 

Copyright 2008 All Rights Reserved Revolution Two Church theme by Brian Gardner Converted into Blogger Template by Bloganol dot com Customized by Vhonne DeVille