May 27, 2009

Iskandalong Uso

9 na lasing
Bigla na naman akong nawala dito sa blag. Paano namang hindi, kahit saan ako magpunta, kahit saan ako tumingin, iisa ang pinag-uusapan at pinagkakaabalahan. Tama! 'Yung iskandal ng isang doktor na iniidolo ngayon ng maraming kalalakihan. Dahil sa tinik sa babae. Madami namang babaeng nagalit sa kanya dahil daw sa kababuyang ginawa niya. Marami din namang mga lalaki ang nagalit sa doktor na 'yun. Dahil daw, hindi man lang inaayos ang kamera bago gawin ang gan'ung bidyo. Kung hindi daw kasi madilim, eh sala ang pokus. Masyado mataas kaya hindi na sila kita kapag nakahiga na.


Ano'ng kinalaman noon kung bakit ako hindi makapagsulat? Ginigisa ako ng mga tao sa paligid para maghanap ng bidyo iskandal na 'yun. At nang madawnlowd na, kung sinu-sino ang humahagilap sa akin para kumopya. Whew! Mapasa-baranggay man o dito sa opisina. Nagiging kumplikado tuloy ang ibang mga gawain at talagang dapat gawin dahil sa mga ganun. At nabanggit ko ang kumplikado, may isang brainteaser ang pinasasagutan ng kasama ko.

1 = 5, 2 = 25, 3 = 125, 4 = 625 then 5 = ?

Mali daw ang una kong sagot. Pero ilang segundo, naisip kong mali nga ako. N'ung sinabi ko 'yung pangalawang sagot ko, tinanong niya kung anong aral ang nalaman ko. Sinabi niya na huwag gawing kumplikado ang mga bagay-bagay. Tama nga naman. Ang simple ng sagot, pinahirapan ko lang ang sarili ko. Hehehe. At ano ang koneksyon nito sa kwento ko ngayon? Ito kasi ang tinatawag nilang patalastas. Balik sa programa!

Tungkol pa rin ba sa iskandalo ang kwento ko ngayon? Hindi ba nakakasawa na? Hmm... Iniisip ninyo na naman na walang kinalaman ang pasakalye ko sa totoong kwento. Parang ganun na nga. Pero hindi ganun. Medyo tungkol pa rin doon, hindi lang halata.

Pero kahit hindi halata, darating pa rin ang pagkakataon na malalaman ito ng lahat. Na kahit paano mo ito itago, lalabas pa rin ito. Gaya nga ng sinasabi ng matatanda, [kung isa ka sa nagsasabi ng ganito, siguro matanda ka na din...] na tatlong [3] bagay lang daw ang hindi pwedeng itago ng matagal. Ang araw, ang buwan at ang katotohanan.

Tulad ng araw at buwan, maaaring nagtatago sila kaya hindi natin sila nakikita. Pero pansamantala lang 'yun. Sa gabi, nagtatago ang araw pero pagdating ng umaga, makikita at makikita pa rin natin 'yun. At sa umaga naman, doon nagtatago ang buwan na lalabas naman pagdating ng kinagabihan. Ganun din ang katotohanan. Maaari mo siyang maitago pero hindi pwedeng hindi siya malalaman ng lahat pagdating ng panahon.

Hanggang dito na lang muna. Medyo maikli ang entri ko para sa araw na ito. Kung hindi ninyo nahanap ang bidyo nila este ang koneksyon ng post ko sa iskandalong sikat na sikat ngayon, huwag mag-alala. Siguro sa pagsikat muli ng araw o sa paglabas ng maliwanag na buwan, malalaman mo na ito. Hindi lang pala 'yun. Pati 'yung sagot sa mga numero sa itaas. Hehehe.
......

Basahin ang kabuuan nito...

May 22, 2009

Ang Kambal Namin

6 na lasing
Umuwi na ako. Galing trabaho. Malapit pa lang ako sa pintuan ng aming bahay, may narinig akong nagtatalo. Ang kambal namin ni Leading Lady ko. Ganito ang naabutan kong pag-uusap ng dalawa.

Heart: 'Nay oh! Si Vhraine, nangingialam na naman!

Vhraine: Eh ikaw kasi eh! Mali-mali naman ang ginagawa mo. Ayaw mong mag-iisip!

Heart: Pakialam mo ba? Hindi na naman kailangang pag-isipan 'yung ginagawa ko ah! Doon ako masaya eh!

Vhraine: Mali ka! Lahat ng bagay dapat pinag-iisipan!

Heart: Ikaw ang mali! Aanhin mo ang pag-iisip mo kung nakakasakit ka naman!


Pumasok na ako ng bahay, sabay-awat naman ni Leading Lady sa kambal. "Oh siya, tama na yan. Nandiyan na ang tatay ninyo." Nag-unahang tumakbo ang kambal para salubungin ako.

Heart: 'Tay. Si Vhraine oh, inaaway na naman ako.

Vhraine: Sumbungera ka tlaga! Eh mali ka naman talaga eh. Ayaw mo muna mag-isip. Hay naku!

Ako: Ano na namn ba ang pinagtatalunan ninyo?

Pinakinggan ko ang pareho nilang kwento kung bakit sila nag-aaway. At pagkatapos noon, pinaupo ko sila pareho at kinausap. Kinausap ko sila sa paraang alam ko. Kahit hindi ako sigurado na maiintindihan ang sinasabi ko dahil sa kanilang kamusmusan.

Ako: Vhraine. Ano sa tingin mo ang kahulugan ng pangalan mo?

Vhraine: Nag-iisip po! Dahil brain. Utak.

Ako: Ok . At ikaw naman Heart?

Heart: Nagmamahal? Opo! 'Yun nga, nagmamahal dahil puso.

Ako: Alam ninyo ba na ang puso at utak ang nagtutulungan sa isa't isa?

Vhraine/Heart: Pa'no pong nangyari 'yun?

Ako: Bago ko ipaliwanag sa inyong dalawa, ikwento ko lang 'yung sinulat ko dati bago kami naging mag-asawa ng maganda ninyong ina.

Vhraine: Ano po 'yung sinulat ninyo noon?

Ako: Sinabi ko dati na "Mahirap magmahal kung wala kang utak, at mahirap mag-isip kung wala kang puso."

Heart: Hindi po ba baliktad, 'Tay?

Lumapit na din si Leading Lady ko na kanina pang nakikinig sa usapan namin. Tinulungan niya ako na ipaliwanag ang sinasabi ko.

Leading Lady: Ganun talaga 'yun. Hindi 'yun baliktad. Kung mag-iisip tayo, dapat samahan natin ng puso. Para maramdaman natin kung tama ba o mali 'yung iniisip natin.

Ako: At kung magmamahal naman tayo, samahan naman natin ng utak para alam natin kung tama ba 'yung nararamdaman natin.

Kaming dalawa: Hindi lang puso ang dapat gamitin kapag nagmamahal at lalong hindi lang dapat utak ang gamitin kapag mag-iisip.

Biglang tumayo ang kambal at binalikan 'yung kanilang ginagawa n'ung naabutan ko sila at narinig ko ang kanilang pag-uusap.

Heart: Vhraine. Tulungan mo naman ako dito. Ikaw ang mag-isip para mapaganda ito.

Vhraine: Sige, basta sabihin mo lang kapag hindi mo gusto 'yung naisip ko, para pwede pa nating baguhin.

Tumayo na din kaming mag-asawa. Inakbayan ko siya at nakangiti naming pinagmamasdan ang kambal. Nasabi ko na lang, "Buti naman at madali nilang naintindihan." Sumagot naman si Leading Lady ng "Oo nga, manang-mana sa'yo ang mga anak natin." Nang biglang may narinig pa kaming dalawa sa pinag-uusapan ng kambal.

Vhraine: Hayaan natin 'yung dalawa d'un. Kung anu-ano ang pinagsasasabi.

Heart: Oo nga. Hindi ko naman naiintindihan.

Vhraine: Doon tayo sa kwarto, baka mahawa tayo sa dalawa. Mga adik!

T.A.P.O.S.

---------------------------------------
Epekto ng brownout. Walang magawa. Lowbat ang PSP. Lowbat ang CP. Hindi makapag-PC dahil nga walang kuryente. Nangarap na lang ng gising. Hehehe.
......

Basahin ang kabuuan nito...

May 20, 2009

Ang Pagbabalik ng Batanggero

11 na lasing
Blag pa ba ito? Aktib pa ba ito? Bakit walang bagong nakasulat? Kanino ba ang blag na ito? Akin yata... kaya pala walang bagong nakasulat. Ano kaya ang magandang maisulat ngayong araw na ito? Hmm... dahil katatapos lang ng Araw ng mga Ina (matagal na palang tapos), tungkol ulit sa mga babae ang ikukwento ko. May ilan sa kanila ang ina na, pero ibang tema naman ngayon.

[Pansamantalang inihihinto ang pagsusulat... nagugutom ako...]

Wala akong maisulat na matino. Hindi ko alam kung anong naging problema. Bigla na lang akong naubusan ng pwedeng ilaman dito. Bisi ba ako? Oo. Saan? Sa trabaho? Bisi ako habang nasa trabaho, pero hindi ako bisi dahil sa trabaho ko. Sa madaling salita, iba ang pinagkakaabalahan ko kahit pa nasabing nasa oras ako ng trabaho. Naisipan ko na lang gawin ang mga dati kong ginagawa bago ako magsulat. Baka sakaling bumalik ang pakiramdam ng tulad dati. Nagpunta ULIT ako ng BigMac. Madalas akong bumili ng makakain doon bago magsulat ng tuluyan dito. Hindi ko alam kung anong meron doon at ginaganahan ako. Bumili ako ng hotdog sandwich, cheeseburger at isang C2. Pwede na 'yun. At dapat talaga pwede na 'yun dahil wantwenti [120] pesos lang ang dala kong pera. Kinain ko habang naglalakad 'yung pinamili ko. At pagdating ko sa bahay, tama nga ako. Bumalik 'yung pakiramdam!

May naramdaman ako. Katulad ng madalas kong maramdaman. Alam ninyo 'yung pakiramdam na parang naeeksayt ka? 'Yung may gusto kang palabasin. Pero minsan, pinipigilan natin. Pinipilit muna nating huwag ilabas, habang may tao pa sa banyo. Tama! Natatae ako.

[Hindi ko na idedetalye ang ginawa ko sa banyo... proceed to next kwento...]

Dahil nga doon, parang nagkaroon na naman ako ng ganang magsulat. Hinanap ko lang siguro 'yung nakasanayan kong gawin bago ako magsulat. At heto na nga at nagsusulat na. At nabanggit ko nga kanina, tungkol sa mga babae ang ikukwento ko. Mga babaeng mas matanda sa akin. May sobrang tanda sa akin at mayroon din namang ilang buwan lang. Sa mga taong nakakakilala sa akin, mapapansin nilang mas malapit ako sa mga babaeng mas may edad. Mas madali ko silang nakakapalagayang-loob. Malapit talaga ako sa mga tao, kahit kanino. Pero mas iba ang pakiramdam ko sa mga babaeng mas matanda sa akin. Siguro dahil mas eksperiyensado na sila..... sa buhay, hindi sa eksperiyensang iniisip mo.

Lahat ng babaeng malalapit sa akin ['yung matatanda kesa sa akin], tinatawag kong ate. Siguro dahil 'yun ang hinahanap ko. Gusto ko ng ATE. Iba kasi kapag may ate ka na pwede mong kausapin kapag may problema. Sabihan ng masayang nangyari sa buhay mo. May kukulitin. Iba kasi kapag sa mas nakakatandang kapatid na lalaki kesa sa babae. May pwede kang sabihin sa lalaki na hindi pwedeng sabihin sa babae at ganun din naman sa isa.

Si Ma'am Yeng. Hindi ko siya tinatawag na ate. Ma'am talaga. Baka kasi hindi ako paswelduhin kapag hindi ko tinawag na ma'am. Ilang taon na siya? 38 na daw siya [soon]. Siya ang babaeng aliw na aliw maging elflady. Elflady na naglalakbay mag-isa sa gitna ng kawalan. Sa madaling salita, EMO! [At dahil dito, may batok ako sa kanya dahil hindi siya umaamin na emo siya, senti lang daw] Madalas kaming magkausap ng mga parang walang kwentang bagay pero meron. Meron talaga pero hindi ko alam kung ano 'yun. Siya na din ang nagsabi, may mga bagay kaming pinag-uusapan na kami lang ang nagkakaintindihan.

Si Ate Jaja. Ang bait nitong babaeng ito, tuwang-tuwa ako sa kanya. Sa tingin ko, ganun din siya sa akin [sana lang]. Madami din akong nakwento sa kanya at karamihan doon ay 'yung tungkol sa amin ni leading lady ko. Pinapadalhan niya ako ng mga kanta na nababagay daw sa amin. Hindi ko pa siya nakikita sa personal. Hindi kasi siya nakapunta noong oras na makikita ko na siya. Kung hindi ako nagkakamali, 26 na siya. At kung nag birthday na siya ng hindi ko nalalaman, malamang 27 na siya. Galing ko sa Math noh?

Si Ate Eiyelle. Ang huling usapan namin ay sa pagitan lang ng teks. Wala na akong balita sa kanya. Pero siya 'yung babae na madalas magbigay ng mga payo sa akin kung anong mga bagay ang pwede kong gawin na magiging maganda ang resulta. Minsan tinanong niya ako kung saan daw niya nakuha ang nikneym niya. A. L. ang sinagot ko. Nagulat siya at namangha. Kung paano ko daw nalaman 'yun? Hindi ga obyus? Hahaha. Eiyelle = A. L. Edad? Hindi ako sigurado, siguro 28. Pasensya na Ate Eiyelle.

Si Ate Josh. Oo. Ate Josh, hindi Kuya Josh. Babae siya, napapagkamalan lang lalaki dahil sa pangalan. 100% babae siya.... at 900% bakla. Madalas kaming magkulitan, sa pamamagitan ng internet. Sabi niya, ako daw ang namber wan fan niya. Hmm, pwede na din. Meron silang sikreto. Tungkol sa lablayp nila ng kanyang nag-iisang Dong. Hindi ako magbibigay ng palatandaan para mahulaan kung sino 'yung Dong niya. Dahil alam ko, ang sikretong 'yun... ay alam ng lahat. Hahaha. Isang taon lang o ilang buwan lang ang pagitan ng edad naming dalawa, at swerte ko at pumayag siyang patawag na ate. Kahit sapilitan.

Si Ate Karen. Matagal na akong tumatambay sa kompyuter syap nila. Estudyante pa lang ako noon, tambay na ako doon. Madalas kaming magkwentuhan ni Ate Karen. Lagi siyang nakikibalita sa akin at tuwang-tuwa kapag may magandang nangyari sa akin. Lumipas ang limang [5] taon na ganun kami sa isa't isa bago naming natuklasan na magkamag-anak pala kami. Hindi ko siya first cousin, hindi din siguro second cousin. At kung hindi third cousin o fourth cousin, wala kaming pakialam, magpinsan pa rin kami. Kahit hindi sa dugo. Hehehe. Wala kasi akong hilig sa halaman kaya hindi ko alam ang family tree namin.

Marami pa sila, pero hindi ko tinatawag na ate. Baka kagalitan ako. Dahil mas matanda siguro ako sa kanila sa edad, pero mas bata naman ang aking pag-iisip. Ilan pa sa kanila ay sina Ate Mahalia, nasaan na siya?. Si Maryjochrista, kung hindi ninyo siya kilala, hindi ko na sasabihin, baka ipa-salvage ako dahil kinalat ko ang maganda niyang pangalan. Si Dhianz, na sa bawat sinasabi niyang pagkahaba-haba eh tiyak namang may matututunan ka. Si Jojitah, na bisi? Si Ate Kengkay. Pasensya na kung hindi ako nakakadalaw sa mga blag-tahanan ninyo. Arnie o Twistedmind, iyon na, magulo ang utak gaya ng nasa nikneym niya. Hindi ko pa masyado kilala pero alam kong mabait siya, dahil bibigyan niya ako ng headset. Hahaha, jowk lang.

Hindi ko na nilagyan ng mga nararapat na kawing [link] sa kani-kanyang mga blag ang bawat pangalan. Tama na ang ganitong publisidad ninyo. At ang masasabi ko lang... Ang swerte ko.

Siyanga pala, 'yung larawan sa itaas ay simbolo ng ATE. At sila ang mga Ate ko... matatanda na mga iyan!
......

Basahin ang kabuuan nito...

May 9, 2009

Mommy Instant Nudels

5 na lasing
Hindi ko pa maisingit ang pagsulat dito sa blag ko, pero hindi ko palalampasin ang pagkakataong ito. Gusto ko lang batiin ang lahat ng ina. Happy Mother's Day sa mga ina, magiging ina, gustong maging ina, nag-iina-inahan, at mga ayaw pang maging ina pero buntis na... [hala, ayaw panagutan ni bf]... Lalong-lalo na sa aking ina, kahit wala na siya dito sa mundo, alam niyang alam namin na inaalam pa rin niya ang mga bawat nalalaman at aalamin namin. Ngayon, alam ninyo na?

At inaalay ko ang bidyong ito para sa mga Mommy instant nudels...



Muli, Maligayang Araw ng mga Ina!
......

Basahin ang kabuuan nito...

May 1, 2009

Papel de Liha

12 na lasing
Labor Day. Araw ng mga Manggagawa. Karamihan sa mga manggagawa ngayon ay walang pasok, pero meron pa ring ilan na may pasok. Wala akong pasok ngayon, pero may pasok kami. Magulo? Hehehe. May pasok kami sa opisina ngayon, pero ako, wala akong pasok. Kasi rest day ko. Marami din siguro ang manganganak ngayon.


Manggagawa. Kapag nabanggit ang manggagawa, ang unang pumapasok sa ating isipan ay mga magsasaka at karpintero. Parang sila na yata ang naging aykon ng salitang manggagawa. Pero dumako muna tayo sa karpintero. Ano ba ang mga kagamitan ng tipikal na karpintero? Martilyo, lagare, papel de liha. Papel de Liha!

Ano naman ang mapapala natin sa liha? Ano ang maiisip mo kapag binanggit ko ang liha at mga taong nananakit sa'yo? Kuhanin mo ang liha at ikiskis mo sa kaaway mo hanggang sa maubos ang balat niya. Mali! Hindi ganun. Kung may mga taong nanakit sa'yo, isipin mo lang na para silang mga liha. At ikaw naman ay ang kahoy. Pero huwag masyadong mag-isip ng sobra, huwag managarap na ikaw si Machete.

Ituring mong liha ang mga taong nagbibigay sa'yo ng mga sakit ng ulo at mga problema. Isipin mo na lang kung paano kiskisin ng liha ang kahoy. Masakit di ba? Lalo na kapag simula pa lang. Bibigyan ka nila ng matinding sakit sa bawat pagkiskis nila. Pero habang patuloy sila sa pagkiskis sa'yo, mapapansin mo, mas kikinis ka at kikinang. Kiskisin nila ng kiskisin at kikinis ng kikinis 'yon. Kikinis 'yon. Kiki ni Sion! este kikinis iyon.

Sa bawat problema na dala nila sa buhay mo, mas magiging maganda ang resulta para sa'yo. Basta lagi mo lang labanan ang bawat kirot na dala-dala nila sa'yo. Dahil kung isa kang mahina at marupok na kahoy, sa patuloy na pagkiskis ng liha, ninipis ka at mababali. Kaya dapat talaga, tigasan mo! Tigasan mo pa! Sobrang tigas!

Pero hindi pa doon natatapos ang lahat. Kung isa kang kahoy na kuminis na dahil sa mga ginawa ng lihang 'yon. Balikan mo ang liha at pagmasdan. Tingnan mo kung ano na siya ngayon. Titigan mo ang lihang nagpahirap sa'yo. Matatapos ang papel niya sa buhay mo at isa na siyang walang kwentang papel na handa ng itapon sa basurahan.
......

Basahin ang kabuuan nito...

 

Copyright 2008 All Rights Reserved Revolution Two Church theme by Brian Gardner Converted into Blogger Template by Bloganol dot com Customized by Vhonne DeVille