Matapat. Sa mundong ito, mayroon ba talagang taong masasabi mong matapat? Mahirap paniwalaan. Mahirap paniwalaang may isang taong nagsasabi ng tapat kung alam mo sa sarili mo na magsisinungaling ka kung ikaw ang nasa kalagayan niya. At kung magsasabi ka rin lang naman ng totoo, hindi mo na kailangang tandaan o isipin pa ang mga nangyari at nagawa na.
Kung sinasabi mong nagsasabi ka ng totoo, isa na agad 'yun na kasinungalingan. At sa bawat kalahating totoo ng sinasabi mo, isang buong kasinungalingan na ang katumbas nun. Pero bakit nga ba nating nagagawang magsinungaling? Sa tingin ninyo ba, may magandang naidudulot ang hindi pagsasabi ng totoo?
Minsan, nagsasabi tayo ng kasinungalingan para makaakyat tayo. Para makatuntong tayo sa taas at may marating. Pero kapag nandun ka na sa tuktok, mahihirapan ka ng makababa at bumalik. At kung susubukan mo talagang bumaba, kailangan mong talikuran kung ano ang nakamit mo sa taas at kailangan mong bumalik sa simula. Maaring masayang ang oras mo. Maaari kang mapagod. Pero may naitama ka kahit papaano. At nagpakatotoo.
Pero hindi din lahat ng pagsasabi ng totoo at tapat, may magandang resulta. Sa pagiging totoo mo, may maaapektuhan. May mababago. Makakasama. Kaya siguro may tinatawag na white lies. Mas pinipili mong magsinungaling na lang, kaysa gumulo ang mga pangyayari. Pero hindi habambuhay ay panghahawakan mo at iingatan ang white lies na 'yun. Darating pa rin ang araw, lalabas ang totoo.
Mayroon din namang mas pinipili ang magsinungaling para lang maligtas ang sarili sa alanganin. Playing safe kumbaga. Ipipilit nilang totoo ang sinasabi nila, pero sa paraan ng pagsasabi nila, malalaman mo pa rin kung mali ang sinasabi nila. Sa simpleng salita, malalaman mo kung nagsasabi siya ng totoo.
Sa ngayon, gusto kong magsabi ng totoo. At gusto ko din magsinungaling. Hindi ko alam kung ano ang tama kaya mas pipiliin ko na lang manahimik. Hindi ako sasagot sa isang tanong kung sa dalawang pagpipilian ko, parehong may maaapektuhan. Playing safe din? Oo. Parang ganun na nga. Pero hindi sarili ko ang iniligtas ko dito. SILA. Sila nga.
Kaya kong magsinungaling. Kaya ko ding magsabi ng totoo. Pero ayoko. Dahil hindi ko na din alam kung ano ang totoo at hindi.
At ngayon. Kung hindi ako magsasabi ng totoo. Kung hindi ako magsasabi ng kasinungalingan. Ano ang iisipin mo sa isinulat kong ito? Isang kasinungalingan o isang katotohanan? Maniniwala ka ba o hindi? O mananatili na ding tahimik na tulad ko?
Tahimik ba ako kung madami akong sinasabi sa'yo ngayon? Isa na namang kasinungalingan ang nagawa ko. Pero isa ding katotohanan dahil hindi naman talaga ako nagsasalita ngayon. Kung naguguluhan ka na, pareho lang tayo. At malamang, mas magulo ang utak ko kaysa sa'yo.
......
Basahin ang kabuuan nito...
The Seven Star Hotels of the World
4 years ago