Nov 3, 2010

Bagong Pwesto!

1 na lasing
Mga kainuman, katagayan, kabarikan. Mga matakaw sa pulutan. Mga sabik sa alak. Mga tumatakas sa inuman. Mga nagtatawag ng uwak. Mga lasenggo. Lipat muna tayo ng bagong pwesto. Bagong tambayan. At bagong inuman. Bilang tanggero, ipasa ko na sa'yo ang baso.


Mula sa sobrang kalasingan na nagdulot ng matingin hang-ober, na naging dahilan ng pagkatulog ng blag na ito. Oras na para mahulasan. Tara na, lipat na po tayo.
......

Basahin ang kabuuan nito...

Sep 4, 2010

Kapatid na Birtuwal ang Bida

6 na lasing
Hindi ako nandito para magtanggal ng agiw sa blag na ito. Nandito ako para sa isang taong mahalaga sa akin. Nagbitaw ako sa kanya na salita na bubuksan ko ulit ang blag na ito para sa kanya. Pero hindi ko ito gagawin dahil lang sa salitang 'yun, dahil gusto ko din itong gawin para sa kanya. Para sa espesyal na araw na darating sa kanya. Para sa kapatid kong kakaiba. Sa kapatid kong hindi ko kadugo. Pero itinuturing na kapuso at kapamilya. Walang iba kundi siya. Ang magmamana ng blag entri na ito.

Nakilala ko siya noon dahil sa skullcandy. Trip ko 'yun pero hindi niya binigay sa'kin. (Joke lang) Nagsimula kaming mag-usap. Nasasabi ko sa kanya 'yung mga hindi ko masabi sa iba. Sinasabi ko sa kanya kung kailan ako masaya. Sinasabi ko kung kailan ako malungkot. Pero kahit hindi ko sabihin, minsan alam na niya. Nagmana siya kay Madam Auring.

Nakilala niya ako habang isa akong astronot. Nasubaybayan niya ako sa pagiging astronomer. At dahil sa kanya, nakabalik ako sa pagiging astronot. Dahil siya ang nagturo sa akin ng tamang bituin na magpapaningning ng aking naging madilim na pagtingin. Bituin na ngayon ay nasa akin. At dahil makasarili ako, akin lang 'yun. Kahit papaano naman, kahit hindi siya magkwento sa akin, may konting nalalaman din naman ako sa kanya bilang astronot at astronomer. Ang alam ko lang, pareho kaming may bituin. Nagmana kami kay Neil Armstrong.

Ang madalas naming pagkwentuhan ay ang ugali ng mga taong pinanganak sa ilalim ng sodyak na Libra. Marami kaming pinagkakasunduan. Maraming pinagkakaindintihan. Maraming bagay na kami lang ang nagkakaunawaan at sinasang-ayunan. Mga ugaling pagkakapareho kaya taas-noong ipinagmamalaki ang pagiging Libra. Nagmana siya kay Madam Rocha.

Mahilig siya sa potogtrapiya. Siya ang isa sa patunay na wala sa klase ng kamera ang ganda ng kinukuha. Madami siyang sabdyek na mapapahanga ka. Pangpropesyunal na kalidad. Mahilig siyang sumali sa mga paligsahan ng mga kuhang larawan. Pinipilit niya kaming iboto siya. Napipilitan naman kaming bumoto. 'Yun ang akala niya. Tagahanga niya kami kaya tagasuporta na din. Nagmana siya kay Philip Hyde. Hindi niyo 'yun kilala.

Minsan ko na din siyang nakasagupa. Nakipagtalo. Nakipagtalastasan at nakipagbalagtasan. Nakipagdebate sa kung ano at alin. Kahit gustong sang-ayunan ang parehong nalalaman, pilit pa ring lumalaban. At dahil doon, nalaman kong dalubhasa siya sa pagiging makata. Hindi lang halata. Pwedeng panglaban sa Fliptop (di-balahuraan bersyon). Nagmana siya kay... hindi kay Francisco "Balagtas" Baltazar. Kay Loonie at Dello.

Alam kong marami na ang may alam nito pero isama ko na din siyempre. Kung makikita mo o mababasa mga sinasabi nya sa pablik, katulad na lang ng sa plok, magugulantang ka. Maharot. Hindi makakausap ng matino. Magulo ang mundo. Magulo ang utak. Tawa ng tawa. Magaling mambalahura ng kasama. Minsan kahit hindi kilala. Pero subukan mong kausapin ng seryoso. Ng pribado. Tiyak makikinig siya. Magsasalita ng hindi mo inaasahan. Bawat linya ay may nilalaman. May kabuluhan. At may matututunan. Tumatatak sa isipan. Makikilala mo ang pinakaseryosong siya. Ate ko yan. Sarili niya yan. Bihira ang ganyan. Walang pinagmanahan.

Nag-iisa ka. Hindi pwedeng may katulad ka. Maraming pwedeng pirata pero hindi ka makokopya. Kahit bigyan kami ng isangdaang potokapi mo, mas kuntento na kami sa pagiging isa mo.
Hindi ko din kayang isipin kung madami ka talaga. Masakit sa ulo, magugunaw ang mundo.

Marami pa akong gustong sabihin pero hindi na kailangan. Dahil siguradong marami na ang nakakaalam. At kailangang dahan-dahan at marahan sa bawat sabihin dahil alam ko na ang isasagot mo sa'kin. Ang walang kamatayang....

"TSEEEEE!!!! BUSEEEEETTT!!!!"


Maligayang Kaarawan! Ate Arny!
......

Basahin ang kabuuan nito...

Aug 10, 2010

PLDT: Pag Lumayo, Dapat Tumino

6 na lasing
Heto na naman ako. Lagi na lang ganito. Sinusubukang bumalik. Pero lagi pa ring umaalis. Iniiwang nakabukas ang bahay at naghihintay ng bisitang tatambay. Walang makain kahit kamyas kaya nagkukusa na lang lumayas. At ano naman ang pwede kong isulat ngayon? Naubusan na nga ba ako ng mga kwento. Wala ng bang maisip ang kakapiranggot na karne sa loob ng bungo kong may lamat?



Ganito na lang. Dahil Agosto na ngayon, pag-usapan na lang natin ang tungkol pagmamahal pero pinaghihiwalay ng distansya. Anong koneksiyon ng Agosto? Kung usapang puso at pag-iibigan, Pebrero. Malayo ang Agosto sa Pebrero kaya malayong pag-iibigan. Oo na. Ang layo. Wala nga maisip di ga?

At dahil nga usapang malayo tayo ngayon, uumpisanan ko na. Bago pa malayo ang usapan at kung saan-saan pa mapunta. Maligaw pa. Heto na.

Ang milya ay hindi sukatan para malaman kung gaano kayo kalayo sa isa't isa. Sukatin ninyo ang pagmamahalan para malaman kung gaano kayo kalapit isa't isa. Pero paano nga ba ito susukatin? Hmm... Ruler? Metro? Medida? Kung hindi mo alam ang gagamitin, sige, huwag mo na lang sukatin. Sisihin mo pa ako kapag nabaliw ka.

Ang tunay na pagmamahal, hindi ibig sabihin na hindi na kayo pwedeng paglayuin. Ang tunay na pagmamahal, ay 'yung magkalayo man kayo, wala pa ring nagbabago sa nararamdaman ninyo. Parang ang bawat araw ay unang araw ng pagkakakilala ninyo. Laging sariwa. Kumbaga sa lumpia, 'yung hindi piniprito. 'Yung lumpiang sariwa. Mas maganda kung laging masaya at sariwa ang nararamdaman kahit malayo. Kaysa magkasama nga kayo, pero laging mainit ang ulo. At dahil nga sa init ng ulo at init ng pagtatalo, ang relasyon ninyo naman ay magiging lumpiang prito. Ang masama pa nito, baka masunog pa. Ang pait n'un!

Sabi nila, nababawasan ang pagmamahalan kung magkalayo na nauuwi sa paghahanap ng isa sa kawalan nung isa. Pero ang totoo, nawawalan lang sila ng tiwala. Kung buo ang tiwala at paniniwala mo sa kapareha, walang magbabago sa nararamdaman ninyo. Mas madadagdagan pa ang pagtingin mo sa kanya sa tuwing maaalala mo siya. Dahil ang pinakamahalaga at pinakamagandang bagay sa mundo ay hindi nakikita o nahahawakan. Ito 'yung sa puso mo'y mararamdaman.

Kaya para sa'yo: "Kahit may bukas na hindi kita kasama, may mga bagay na dapat kang maalala. Mas matapang ka kaysa sa iyong paniniwala, mas matatag ka kaysa sa iyong nakikita, mas matalino ka kaysa sa iyong inaakala. Pero sa lahat ng 'yan, ang pinakamahalaga, na kahit magkalayo pa tayong dalawa, nasaan ka man, lagi pa rin kitang kasama, ang kailangan lang, maniwala ka. Wag kang mag-alala, hindi ito tula, hindi ito katha na sa iyo'y magpapahanga." Mula sa akin.

......

Basahin ang kabuuan nito...

May 30, 2010

Purunggo!

1 na lasing
Purunggo. Isang salitang batanggenyo. Marami ang nag-akalang isa itong uri ng pagkain. Pwede din. Pwede mo itong kainin kung sasali ka sa Pilipinas Got Talent. Ang purunggo ay bubog o basag na salamin o baso at ganung klase. Noong bata pa ako (bata pa rin naman ako ah?), basta may mabasag na babasaging bagay, ingat na ingat ako sa paglakad dahil baka mapurunggo ako. Masakit 'yun. Pero iba na ngayon. Kapag may nabasag, hindi na ako natatakot na mapurunggo. Hindi na kasi ako umaalis sa pwesto ko. Tatawag na lang ako ng ibang magliligpit.


Natutuwa ako sa tuwing makakakita ako ng babasaging salamin. Naalala ko 'yung tumatakbo palabas ng isang kompyutersyap. Masyadong malinaw ang salaming pinto kaya hindi niya inakalang mababangga siya. Akala niya ay tatagos siya. Muntik na itong mabasag sa lakas ng pagkakabangga. Hindi 'yung salamin. 'Yung bungo n'ung nabangga. Naisip ng may-ari na lagyan ng teyp ang salamin na naka-letrang ekis. Agad kong kinontra dahil may nakikita akong masamang mangyayari. Ang ekis ay magmimistulang target. Baka lalong banggain ang sentro nito. Kaya naisipan niyang palitan.

Ginawa na lamang niyang isang pahabang linya sa gitna. Kontrabida talaga ako. Sinabi ko na pwede namang yumuko o tumalon ang makakakita ng linya. Mababangga pa rin. At mas masama kung isang atleta ang dadaan doon. Aakalain nilang isang linya para sa pagtatapos ng lap 'yun kaya pipilitin nilang daanan 'yun. At isa na lang ang naging solusyon ng may-ari. Pinatay ang erkon at binuksan ang pinto. Magrereklamo pa sana ako nang maalala ko, hindi pala nila ako kostomer. Tambay nga lang pala ako doon.

Salamin. Pwede nating ihalintulad ang sarili natin sa isang salamin. Malaki ang epekto ng mga taong nangangalaga sa isang salamin. Kung paano ito linisin at ingatan. Kung paano hawakan at punasan. Kung paano banggain at basagin. Kung paano pulutin at buuin.

Kung isa kang salamin, tumatatak sa'yo ang bawat tatak ng palad at daliri ng mga humahawak sa'yo. Nagbibigay sa'yo ng alaala. Mga masasama at magagandang alaala. Pero may mga tao din ang pilit na binubura ang mga alaalang ito. Pinipilit nilang punasan at alisin ang mga tatak na naiwan sa'yo. Ang resulta, nagkakaroon ng gasgas sa bawat pagpipilit nilang burahin ito. Ang mga gasgas na ito ang nagsisilbi mong problema na gawa ng mga taong gustong alisin ang iyong alaala. Sinasabi nilang tutulungan ka nila pero ang totoo, ikaw ang kinakawawa nila.

Sinasabi nila, lalo kang tumatatag habang pilit ka nilang sinisira. Pero kung madalas ka na nilang banggain, magkakaroon ka na ng lamat. Isang lamat na mahirap nang remedyuhan. At kung hindi na maayos, tatakpan na lang ng kung anu-ano para hindi ito mahalata. Para ipakitang buo ka pa rin.

At kapag dumating ang panahon na mahina ka na, bigla kang dadagsain ng mga taong gusto kang sirain at basagin. Hindi mo na makakayanan at hahayaan mo na lang na bumagsak ka. Basag ka na. Maliliit na piraso ng purunggo. Mahirap nang buuin. Mahirap pagdikitin. At iisipin mong talo ka na. Isa ng basura. Sa ginawa nilang pagbasag sa'yo, akala din nilang wala ka na. Oo nga at hindi ka na buo. Pira-piraso. Pero dahil sa ginawa nilang pagbasag sa'yo, mas lalo ka lang naging delikado. Mapanganib. Maraming pwedeng masugatan kaya kailangang iwasan.

Ngayon, isa ka na bang purunggo?

......

Basahin ang kabuuan nito...

May 26, 2010

Pampatigas ng Ulo

5 na lasing
Helmet. Ano ba ang helmet? Ang helmet ay ang bagay na nakatakip sa ulo na nagsisilbing proteksiyon. Proteksiyon sa pagkabaog, este sa pagkabagok. Kung isa kang lalaki, bata ka pa lang, mayroon ka na nito. Nakahelmet pa ang ulo mo, sa ibaba. Mawawala lang ito kapag tinulian ka na. Pero hindi ito proteksiyon sa iyong pagkabaog. At kapag nasa tamang pag-iisip ka na, nagsusuot ka pa rin ng helmet. 'Yung helmet na nabibili kadalasan sa botika. Para hindi ka makabuntis ng hindi inaasahan. Dahil hindi ka nga baog. At hindi iikot ang kwento natin sa pagiging baog. Dahil helmet ang tema natin ngayon.


Helmet din ang tawag sa pagkaing nabibili sa tabi ng kalye. Ulo ng manok na iniihaw (tama ba?). Masarap daw 'yun pero ang sobrang pagkain nito ay hindi maganda sa katawan. Nakakabaog. Hindi! (Ang kulit mo! Sinabi nang hindi baog ang tema natin!) Hindi ko alam kung anong masamang epekto ang sobrang pagkain ng tinatawag nilang helmet. Basta masama daw. Kung ayaw mong maniwala, sige lang, kain ka pa. At kahit minsan, alam mo na ang magiging epekto, patuloy mo pa ring gagawin ang pinipigilan ng iba na gawin mo. Kasi, nakahelmet ka. Hindi ka pa natatauhan. Kahit iuntog na ang ulo mo, walang magbabago sa takbo ng utak mo.

"Pagsuutin mo ng helmet 'yang kasama mo. Baka matauhan!" 'Yan ang kadalasang binabanggit ng mga tambay dito sa lugar namin basta makitaan ka na may kasamang magandang babae. Minsan na din akong sinabihan ng ganyan noong kasama ko ang dating leading lady ko. Isang biro. Pero mukhang nauwi sa katotohanan. Sana nga pinagsuot ko siya ng helmet. Para hindi siya matauhan at iwan ako (LOL).

Pero mabuti ba talaga ang helmet para sa atin? Minsan, may helmet talaga tayong kailangang hubarin. Dahil habang suot-suot natin ang helmet na ito, mananatili lang tayo sa paggawa ng mga bagay na alam nating masasaktan tayo. Pero dahil nga suot natin ang helmet na ito, nababawasan ang sakit na pwede nating maramdaman. Kaya ang nangyayari, hindi tayo natatauhan sa nagawa nating alam nating hindi na tama. Uulit-ulitin lang natin na gawin 'yun dahil nakakayanan natin ang sakit. At ang helmet na ito, ang ating katangahan. Kamanhidan. At kamartiran.

Nitong mga nakaraang araw. At sa mismong araw na isinulat ko ito, pakiramdam ko, nahubad ko na ang helmet na matagal nang nakapatong sa ulo ko. Sa dami ng helmet na nakasuot sa ulo ko, kahit papaano, may nabawas na. Natauhan ako. May nalaman. At may natutunan. Malakas ang pagkakabunggo ko na ikinawasak ng suot kong helmet. Pero dahil d'un, may nahihirapan na maintindihan kung kailangan ba natin ng helmet o hindi.

Kung ayaw mong magsuot ng helmet, ayos lang. Huwag kang magsuot. Kung gusto mo, sige lang. Magsuot ka. Simpleng problema lang 'yan at 'yan ang simpleng solusyon. Pero maalin sa dalawang 'yan ang gawin mo, ikaw na ang bahalang magdesisyon sa susunod na problemang kakaharapin mo.

Maraming pangyayari o aksidente ang nakakaharap ng bawat tao. Ang isa sa nangungunang aksidente dito ay ang aksidente sa kalye. Sa pagmamaneho ng motorsiklo. Marami ang binabawian ng buhay sa bawat aksidenteng 'yun sa kadahilanang wala silang suot na helmet. Kaya para sa mga ayaw magsuot ng helmet, ito lang ang masasabi ko. Hindi mapoprotektahan ng helmet ang lahat pero kaya naman niyang protektahan ang lahat. Magulo ba? Subukan mong basahin ulit. Hindi mapoprotektahan ng helmet ang lahat pero kaya naman niyang protektahan ang lahat. Magulo pa rin? Ganito na lang ang paliwanag. Maliit lang ang helmet. Hindi nito mapoprotektahan ang lahat ng parte ng katawan mo, pero maiingatan naman nito ang lahat ng alaala at katinuan mo na nakalagay sa kapirasong karne sa ulo mo.

Kung gusto mong manatiling matalino, magsuot ka ng helmet. Kung gusto mo namang maging matalino, hubarin mo ang helmet mo. Isa pang magulong salaysay. Nakakalito. Sa parteng ito, ayoko na ipaliwanag. Pero kung naintindihan mo naman ang mga sinulat ko mula sa itaas, malamang maiintindihan mo kung ano ang ibig sabihin ng magulong pahayag na ito.

Ang isang tanong na hanggang ngayon ay nananatili pa ring tanong. Bakit nagsusuot ng helmet ang mga pilotong kamikaze? Para saan pa? Kung mabibigyan mo ako ng matinong sagot, may kagalingan ka. Ikaw na ang idol ko.

**Note: Nagulat ako sa balita sa TV sa mga oras na ito. "Michelle Yeoh, namahagi ng helmet sa mga bata." Hindi ko pa nakiklik ang "Publish Post", nabasa na agad nila? Hahaha. Sakto lang.

......

Basahin ang kabuuan nito...

 

Copyright 2008 All Rights Reserved Revolution Two Church theme by Brian Gardner Converted into Blogger Template by Bloganol dot com Customized by Vhonne DeVille