Jan 28, 2010

Hamsilog: Hamster sa Bilog

11 na lasing
Hamsilog. Nakakagutom. Gusto ko kumain ng hamsilog. Naaalala ko dati noong nagpunta ako sa isang tapsilugan. Sinupladahan ako ng isang serbidorang babae (babae nga, kaya nga serbidora eh!) doon. Tinanong ko kasi kung hamster 'yung ham ng hamsilog nila. Tinarayan ako. Ham. Hambog. Hehehe.

Nabanggit ko na din lang ang hamster, bumili ang katrabaho ko ng hamster. Balak siguro niyang gumawa ng hamsilog. Err. Hindi pala. Aalagaan pala niya. Kung mag-aalaga tayo ng ganito, siyempre kailangan may kasamang paglilibangan 'yung alaga natin. Kadalasan sa libangan ng mga hamster 'yung pagtakbo sa bilog na bakal. 'Yung parang nakikipagkarera. Matatapos ang araw niya sa paganun-ganun lang. Kinabukasan, uulitin niya ang ganung libangan. Para lang siyang nakikipag-karera sa panahon. Kaya ngayon, ano ang hamsilog? Hamster sa bilog.

Naalala ko tuloy ang sinabi ni Robert Kiyosaki. Huwag daw nating hayaang makulong tayo sa tinatawag niyang rat race. Kadalasan sa atin kapag nagtatrabaho, inaabangan natin ang araw kung kailan tayo susweldo. Magtatrabaho tayo. Magsisikap at magiging masipag tayo sa trabaho. At kinabukasan, ganun ulit ang gagawin natin. Hindi na tayo nalalayo sa mga daga o hamster na paikut-ikot sa pagtakbo sa bilog na bakal. Mapapagod lang tayo, pero kinabukasan, ganun pa rin ang takbo ng utak natin.

Gumagabi na, akoy uuwi na
Tapos na ang saya, balik sa problema
At bukas ng umaga, uulitin ko pa ba
Ang kahibangang ito, sa tingin ko hindi na


Alam ninyo ba ang liriko na 'yan? Galing 'yan sa kantang Esem ng bandang Yano. Kung alam mo, malamang magkasing-edad tayo. Pero kung hindi mo alam, huwag mo na lang ipamukha sa akin na matanda na ako.

Paano nga ba tayo makakawala sa tinatawag na rat race? Maraming nakakaalam kung paano makatakas doon. Marami din naman ang nakakaalam pero ayaw subukan, natatakot. Maraming gustong makaalam kung paano pero hindi alam kung paano sisimulan. At maraming ayaw ng subukan kaya ayaw na ding malaman.

......

Basahin ang kabuuan nito...

Jan 8, 2010

Patintero (Part II)

11 na lasing
Patintero. Alam kong alam ninyo 'yan. At karamihan sa inyo ay nalaro na ito sa kalye. Kung maaalala ninyo, may naisulat na ako sa blag na ito na patungkol din sa patintero. Pero malamang hindi ninyo maalala kung ngayon ninyo lang natagpuan ang blag na ito. May kaibahan ang patinterong ikukwento ko ngayon sa patinterong nabanggit ko na dati. Malaking kaibahan.


Nasa sitwasyon ako ng parang patintero ngayon. Dalawang taong nagpapatintero. Nandito ako sa side ko at nandun naman siya sa side niya. Kung ang parihaba at parisukat ay may apat na sides, ilan naman ang sides ng bilog? Pakisagot na lang sa comment box sa ibaba ang sagot ninyo. Hahaha. Anong kinalaman ng bilog sa patintero? Hindi ko din alam.

Gusto kong lumampas sa guhit na nasa gitna para makapunta sa kabilang gilid. Pero hinaharangan niya ako sa guhit na 'yun. Hinaharanangan niya ako pero hindi niya ako itinataboy. Hindi niya ako hinahayaang makapunta sa lugar niya, pero hindi naman niya ako hinahayaang manatili sa lugar ko. Kapag sinusubukan kong lumampas, tumatapat siya sa daraanan ko. Parang patintero. Kaya ang nangyayari, nandun kami pareho sa gitna. At sa gitnang 'yun, doon namin ginagawa ang gusto naming gawin nang hindi lumalampas sa guhit.

Hindi na muna ako magpupumilit lumampas sa guhit. Dahil habang nandito kami sa guhit na ito, walang nagiging taya. Walang hinahabol at walang humahabol. Walang hinaharangan at walang humaharang. Sa ngayon, mas maganda na muna ang ganito. darating din ang araw na makakapunta ako sa lugar nya at makakapunta siya sa lugar ko ng hindi kami naghaharangan.
......

Basahin ang kabuuan nito...

Jan 3, 2010

Mali-quote

3 na lasing
Bago ang lahat, gusto ko munang bumati ng Bagong Taon. Bagong buhay. Bagong pag-asa. Lumang kwento pero bagong estado. Dating bida sa kwento na ngayon ay panggulo sa bagong istorya. Kaya bago mapuno ng puro bago ang introng ito, gusto ko ding sabihin sa inyo, nagbago na ako. Maraming nagbago. At maraming pagbabagong mangyayari pa para sa bagong taon na ito.


Ang masasamang alaala, iwan sa nakaraan. At ang masasayang alaala, dalhin sa kinabukasan. Katulad ng pagpapaalam sa natapos na taon, kailangan din nating tanggapin na may mawawala sa atin. Pero kung paano natin sinalubong ang bagong taon, alam din nating may darating sa buhay natin, kapalit nung nawala. Malay natin, mas swerte.

Ang masasabi ko lang sa nangyari sa akin, nawalan ako ngayon ng utak, pero dumating pa rin ang pampaswerte ko. Paano? Sikreto. Naguguluhan ka? Mabuti naman. Kung gusto mong maintindihan, subukan mong inglesin ang sinabi ko. Kung alam mo naman, manahimik ka na lang.

Minsan, kailangan nating pumili. Minsan, kailangan natin ng tama. Para kahit minsan, sumaya tayo. Pero minsan ko lang gamitin ang salitang minsan. Oo, minsan lang. Tama na piliin natin ang bagay kung saan tayo masaya at sasaya. Pero hindi lahat ng bagay na nagpapasaya sa atin ay tama. Pwede din nating itama ang nagawang mali para sumaya. Pero hindi natin magagawang sumaya kung inaakala nating tama ang ginawa nating pagkakamali. Kahit ngayon, pwedeng tama ang sinasabi ko. At pwede din namang mali.

Totoong sa bawat pagkakamali na nagagawa natin, mayroon tayong natututunan. Mga hindi nating matututunan kung hindi tayo magkakamali. Mas mabuti na ang magkamali kaysa walang matutunan. Minsan, matututo nga tayo sa bawat kamaliang nagawa natin, pero hindi na natin maibabalik ang mga nawala, naiwan at nasira dahil sa pagkakamaling 'yun. Hindi natin kailangang matuto kung sa simula pa lang ay alam na nating mali ang kahihinatnan. Okey lang ang magkamali, pero hindi okey ang pumili ng mali. Malaking pagkakaiba 'yun. Iba ang nakagawa ng mali sa pumili ng mali. Iba din ang nagawa sa ginawa. At lalong iba ang gumawa ng tama sa ginagawang tama ang mali.

Hindi ko alam kung mali ang mga sinasabi ko, pero hindi ko ito pinili. Kaya tama! Oo, tama. Tama na ang entri na ito.

......

Basahin ang kabuuan nito...

 

Copyright 2008 All Rights Reserved Revolution Two Church theme by Brian Gardner Converted into Blogger Template by Bloganol dot com Customized by Vhonne DeVille