Nov 27, 2009

Kasinungalingan o Katotohanan?

2 na lasing
Matapat. Sa mundong ito, mayroon ba talagang taong masasabi mong matapat? Mahirap paniwalaan. Mahirap paniwalaang may isang taong nagsasabi ng tapat kung alam mo sa sarili mo na magsisinungaling ka kung ikaw ang nasa kalagayan niya. At kung magsasabi ka rin lang naman ng totoo, hindi mo na kailangang tandaan o isipin pa ang mga nangyari at nagawa na.


Kung sinasabi mong nagsasabi ka ng totoo, isa na agad 'yun na kasinungalingan. At sa bawat kalahating totoo ng sinasabi mo, isang buong kasinungalingan na ang katumbas nun. Pero bakit nga ba nating nagagawang magsinungaling? Sa tingin ninyo ba, may magandang naidudulot ang hindi pagsasabi ng totoo?

Minsan, nagsasabi tayo ng kasinungalingan para makaakyat tayo. Para makatuntong tayo sa taas at may marating. Pero kapag nandun ka na sa tuktok, mahihirapan ka ng makababa at bumalik. At kung susubukan mo talagang bumaba, kailangan mong talikuran kung ano ang nakamit mo sa taas at kailangan mong bumalik sa simula. Maaring masayang ang oras mo. Maaari kang mapagod. Pero may naitama ka kahit papaano. At nagpakatotoo.

Pero hindi din lahat ng pagsasabi ng totoo at tapat, may magandang resulta. Sa pagiging totoo mo, may maaapektuhan. May mababago. Makakasama. Kaya siguro may tinatawag na white lies. Mas pinipili mong magsinungaling na lang, kaysa gumulo ang mga pangyayari. Pero hindi habambuhay ay panghahawakan mo at iingatan ang white lies na 'yun. Darating pa rin ang araw, lalabas ang totoo.

Mayroon din namang mas pinipili ang magsinungaling para lang maligtas ang sarili sa alanganin. Playing safe kumbaga. Ipipilit nilang totoo ang sinasabi nila, pero sa paraan ng pagsasabi nila, malalaman mo pa rin kung mali ang sinasabi nila. Sa simpleng salita, malalaman mo kung nagsasabi siya ng totoo.

Sa ngayon, gusto kong magsabi ng totoo. At gusto ko din magsinungaling. Hindi ko alam kung ano ang tama kaya mas pipiliin ko na lang manahimik. Hindi ako sasagot sa isang tanong kung sa dalawang pagpipilian ko, parehong may maaapektuhan. Playing safe din? Oo. Parang ganun na nga. Pero hindi sarili ko ang iniligtas ko dito. SILA. Sila nga.

Kaya kong magsinungaling. Kaya ko ding magsabi ng totoo. Pero ayoko. Dahil hindi ko na din alam kung ano ang totoo at hindi.

At ngayon. Kung hindi ako magsasabi ng totoo. Kung hindi ako magsasabi ng kasinungalingan. Ano ang iisipin mo sa isinulat kong ito? Isang kasinungalingan o isang katotohanan? Maniniwala ka ba o hindi? O mananatili na ding tahimik na tulad ko?

Tahimik ba ako kung madami akong sinasabi sa'yo ngayon? Isa na namang kasinungalingan ang nagawa ko. Pero isa ding katotohanan dahil hindi naman talaga ako nagsasalita ngayon. Kung naguguluhan ka na, pareho lang tayo. At malamang, mas magulo ang utak ko kaysa sa'yo.
......

Basahin ang kabuuan nito...

Nov 24, 2009

Pinky Promise

2 na lasing
Walang magawa. Hindi ko magawa. Ang hirap gumawa. Anong gagawin ko? Wala. Sa ngayon, wala akong dapat gawin. Dahil sa bawat pagkilos ko, may kakaibang nangyayari. Gumugulo. Lumalabo. Nalilito. Nahihirapan. Kaya para hindi na lang lumala, maghihintay na lang muna at magtitiyaga. Aaminin kong tamad akong tao, pero ang desisyon kong ito ay hindi ugaling tamad. Naghihintay ako sa tamang oras at panahon para gawin ang nararapat. At pag dumating ang oras na 'yun, makikita ko ang mangyayari na dapat. At maging karapat-dapat. (Ang dami-dami ko yatang salitang inuulit-ulit sa talatang ito? Nagkakadoble-doble yata)


Ngayon, gusto ko muna pasalamatan ang lahat ng nakinig sa akin. Nagtiyagang makipag-usap. Nagtiis sa kwento at hinaing ko. Nagbigay ng payo. Nagpatibay at nagpalakas ng loob. Tumulong. Sa mga nagbigay ng komento sa entri kong Nobela Daw. Hindi ako sumasagot pero nagpapasalamat ako sa inyong lahat. Sa mga lagi kong binabalitaan ng minu-minutong nangyayari sa akin. Hindi ko na lang babanggitin ang mga pangalan ninyo. Ate Arnie, Ate Joshmarie, Joyce at Ella. Maraming salamat. Hayaan ninyo, hindi ko ilalagay ang mga pangalan ninyo dito. Promise!

Promise. Pangako. Sumpa man. 'Yan ang mga salitang binibitawan ng karamihan sa atin kapag nangangako tayo na gagawing bagay. Kapag sinabi natin ang mga salitang 'yan, kailangan nating tuparin kung ano man ang binitawan nating pangako. Pero ako. Minsan lang ako mangako at banggitin ang mga salitang 'yun. Promise, mamatay man ako.

Pero marami ang nagsasabi, kadalasan daw, ang pangako ng isang tao ay laging napapako at nababali. Mahilig mangako pero hindi naman natutupad o nagagawa. Dumating sa oras ko na nakapagbitaw ako ng matinding pangako. Pero iba ang ginawa ko sa pangako kong ito. Dahil sinasabi nilang baka mapako at mabali lang, ipinako ko na ang pangako ko, para hindi ito mabali.

Habang naghihintay ako ng tamang oras. Tulungan ninyo muna akong ibalik ang Batanggerong nakilala ninyo dito. Kung nasaan ka man Blue Blink, bigyan mo ako ng tapang. Tapang kabayo.
......

Basahin ang kabuuan nito...

Nov 8, 2009

Nobela Daw

6 na lasing
Bago ang lahat, damit, relo, selpon, sapatos at kung anu-ano pa, umpisahan muna natin ang entri na ito sa isang jowk. Ewan ko kung jowk ba itong matatawag o simpleng tanong na may malalim na sagot. Hehehe. Dami ko pang daldal eh pwede namang umpisahan na. Game! 1. 2. 3.


Tinanong ko ito sa ilang mga kaibigan ko, halos pare-pareho lang sila ng sagot. Kung ang motor, lalagyan mo ng saydkar, ano na ang tawag sa kanya? Maliwanag na traysikel ang sagot nila diyan. Tama ba o mali? Tama! Kaya nga sinabi ko ng maliwanag eh, anu ga naman are!. Hehehe. Eh paano kung alisin ko ulit ung saydkar? Ano na ngayon ang tawag? May sumagot na motor ulit. Baysikel. Motorsiklo. At single. Oo. Single. 'Yun ang tamang sagot. So? Anong jowk diyan? Kaya nga hindi ko alam kung matatawag na jowk eh, dadalae ka na naman eh! Pero hindi yan diyan nagtatapos.

Ang traysikel, pinagsamang motor at saydkar. Pwede tayong maging motor at saydkar naman ang kapareha natin. Vice-ganda este vice-versa. Kapag nawala ang saydkar sa motor na 'yun na minsang tinawag silang isang traysikel, magiging Single ang tawag sa kanya. Pwedeng maiwan ng motor ang naging kapareha niyang saydkar. Habang papalayo ng papalayo ang nakikita ng saydkar sa motor na minsang nakasama niya. Hindi siya pwedeng sumonod.

Ginagamit ang traysikel bilang transportasyon. Kaya ginagamit din ito para pagkakitaan. Kapag naghiwalay ang motor at saydkar, patay ang negosyo. Maaaring magkaroon sila ng ibang paraan para magamit ang bawat isa sa kanila, pero hindi kasing-husay at tatag kung magkasama sila. Pareho silang nababawasan ng silbi. Sa madaling salita. Kailangan nila ang isa't isa.

Ikaw? Alin ka sa dalawa? Pero alin man diyan, kakailangan mo ng kapareha.

'Yun ang intro? Masyado bang mahaba para sa isang intro? Huwag kang mag-alala, iiklian lang namin ang pinakanilalaman nito. Umpisahan na.

Sasabihin ninyong huli na ang ikukwento ko dito kapag nalaman ninyong tungkol sa bagyong nanalanta sa Pilipinas ang ikukwento ko. Pero may kakaiba sa kwentong ito. Hindi siya 'yung aktuwal na nangyari nung kasagsagan ng bagyo pero malaki ang pagkakatulad.

Noong wala pang bagyong dumadating, ang makikita mo sa paligid. Malinis. Matiwasay. Walang problema. Higit sa lahat, masaya. Dumating ang isang bagyo. Malakas na bagyo. Ondoy. Biglang pumasok sa noon ay matiwasay na lugar. Sa isang iglap lang, winasak ng bagyong ito ang lahat ng magagandang nakita mo. Napalitan ng baha at putik. Naubos ang kagamitan. Nasugatan. Maraming nasira. At may nawala. Pero may mga nanatiling matibay. Nakatayo. At nakipaglaban. Sa pagkakataong 'yun. Natalo ang bagyong Ondoy. At tuluyang umalis.

Dahil sa pananalantang 'yun ng bagyo, malaking pinsala ang naidulot. Pero pinilit nilang bumangon sa pagkakalugmok. Inayos ang dapat ayusin. Binuo ang dapat buuin. Ibalik ang dapat ibalik. Malapit na. Maaayos na din ang lahat. Ilang piraso na lang. At mabubuo na din.

Nang biglang isang na namang dagok ang dumating. Panibagong bagyo. Santi. Malapit ng mabuo ang nasira ng naunang bagyo pero hindi pa kasing-tatag noong unang wala pang bagyong dumarating. Tapos ito na naman ang isa. Tuluyang nabuwal ang binubuo nila. Panibagong pagkawasak. Parang wala ng gustong itira. Nilamon. Nagpupumiglas at gusto pa ring lumaban ng sinalanta. Pero sa pagpiglas na ginagawa, mas lalo lang silang nadadala ng baha. Sa pag-anod sa kanila, may nawala. Nabitawan ng hindi sinasadya. Pinilit habulin. Pinilit hanapin. Pero dahil sa malalang sitwasyon, nawala sa paningin.

Lumipas ang bagyo. Dumating ang liwanag. Pero para sa taong natira. Para sa taong natira pero walang natira sa kanya. Walang liwanag ang makikita sa mga mata niya. Nanghina. Nanlumo. Gustong mapalugmok. Hindi makapaniwalang hindi na niya hawak ang pinakaiingatan niya. Nakaluhod. Tumingin sa langit. Gustong manisi. Ibunton ang galit kahit kanino. Pero nang makapag-isip-isip. Bigla siyang tumayo. Nanumbalik ang lakas na muntik nang mawala. Kailangan niyang makuha kung ano ang nabitawan niya. Hahanapin niya ito kahit saan. Gagawin niya ang kahit ano para lang mahawakan niya ulit ito.

Hindi siya nagkamali. Muli niyang nakita ang inakala niyang wala na. Makukuha na niya. Isa na lang ang hinihintay. Iabot ang kamay nung gusto nyang kapitan. Sa oras na iabot nito ang kamay niya, maiaangat nila ang pareho sa pagkabagsak. Mula sa trahedya.

Alam kong medyo magulo ang kwentong ito. Pero hayaan ninyo na lang na magulo. Kesa lalo pang gumulo. :)
......

Basahin ang kabuuan nito...

Nov 2, 2009

Reposts... Balik-Tanaw!

0 na lasing
Gusto ko lang sariwain ang nakalipas. Naaalala ko, isang taon ang nakalipas, ganitong araw din ako nagsulat ng about sa Halloween: Tips or Tricks. Nagbigay ako ng ilang mga TIPS para makaiwas sa TRIPS ng mga nasa paligid natin. Medyo huli na pero pwede pang ihabol.

Mababasa ninyo dito ang tinutukoy ko.

HALLOWEEN: TIPS OR TRIPS

But wait! There's more. Meron pang isang repost ang isasama ko dito. Naisulat din ito makalipas ng isang taon. Sa blag entri na ito, masasabing nabubuo na ang kung anuman ang nasa akin ngayon. Pero hindi sa blag ko nanggaling ang irerepost ko ngayon. Mula sa leading lady ko.

IMPACHO... WAITED.

Bigla ko kasing naalala kung ano ang mga nangyayari nung panahong 'yun. Masarap balikan. Hindi kayang ikwento ng madalian. Kaya balikan na lang.

. ......

Basahin ang kabuuan nito...

 

Copyright 2008 All Rights Reserved Revolution Two Church theme by Brian Gardner Converted into Blogger Template by Bloganol dot com Customized by Vhonne DeVille