Sep 28, 2009

Mas Malakas pa sa Bagyong Ondoy

3 na lasing
Bagyo. Bagyong Ondoy. Nakaalis na ba itong bagyong ito? Laking perhuwisyo ang ginawa at iniwan niya sa bansa natin. Daming kababayang nagdurusa hanggang ngayon. Hindi ako makapanood ng telebisyon o makapagbasa ng mga balita tungkol sa mga nasalanta ng bagyong ito. Hindi ko kasi makayanang tingnan kung ano ang nangyayari at nangyari na.


Minsan, gusto nating makatulong sa kanila. Pero kahit gusto natin, minsan din, hindi natin magawa. Wala tayong magawa. Hindi din natin alam kung papaano. Maliban na lang sa pagdadasal natin para sa kanila. Pero hindi lahat sa atin, ganun ang ginagawa. Hindi ko maintindihan kung bakit may mga taong may utak na kasing liit ng utak ng lamok. (Pasintabi sa mga lamok, baka kahit sila hindi papayag na ikumpara sa mga taong tinutukoy ko.)

Sa pagbuhos ng malakas na ulan dala ng bagyong Ondoy, umulan din ng mga taong hindi na nga nakakatulong, magsasalita pa para lalong ilubog ang mga taong nalunod. Habang lumulubog sa baha ang mga bahay, kagamitan at maging ang mga kapwa nating Pinoy, mas nakakalunod ang paglalapastangan ng mga taong (tao nga ba talaga sila?) ito hindi lang sa mga nasalanta. Kundi pati na din sa lahat ng mga Pilipino. Kung 'yung ibang tao nga diyan na wala namang dugong Pinoy, gumagawa ng paraan para makatulong. Tapos may mga ganitong taong hindi na nga nakakatulong, nakakaperhuwisyo pa. Ang masama, kapwa Pilipino pa.

Kahit naman siguro hindi ko na banggitin kung sinu-sino ang mga taong ito, malamang kilala ninyo na. Nakarating na sa inyo ang ganitong balita. Kung sinasabi nilang makasalanan tayo kaya nararapat sa atin ang makaranas ng ganito, ngayon, sila ang binabagyo ng batikos dahil sa kakitidan ng utak nila.

Kung 'yung mga masasamang balitang lumabas sa telebisyon at naririnig sa radyo. Kung kasama sa masamang balitang 'yun ang pamilya nila (huwag naman sana...), magagawa pa kaya nilang magsalita tulad ng nabanggit na nila? Maraming ganitong klaseng tao. Marami na tayong naririnig, napapanood at nakakasalamuha. At ngayon lang ako magsusulat ng ganito para lang sa kanila. Sikat na sila eh.

Kung ang layunin talaga nila kaya sila nakakapagsalita ng ganoon laban sa ating kapwa nila Pilipino, ay para sumikat, nababagay lang silang batiin ng malutong na "CONGRATULATIONS! Palakpakan!" Nagawa ninyong sumikat sa maikling panahon lang. Pero sa pagsikat ng inyong mga pangalan, kasabay noon ang paglubog ng inyong katauhan. Isama na ang kaluluwa.

Maaaring nakakahabag ang mga pagkalunod sa baha ng ilan sa ating kababayan na nauuwi pa sa pagkawala ng buhay. Pero ang mas higit na nakakaawa ang mga taong may makitid na utak tulad nila. Mas malalim pa ang kalulubugan nila kaysa sa bahang sinasabi nilang nararapat sa atin. Dahil 'yun naman ang nararapat sa kanila.
......

Basahin ang kabuuan nito...

Sep 20, 2009

Ano'ng Oras Na?

9 na lasing
Oras na para bumalik. Gusto ko ulit magsulat. Pero nasasayang ang oras ko sa pag-iisip kung anong isusulat. Madami ding pinagkakaabalahan. Sana magtuluy-tuloy na 'yung isang pinagkakaabalahan ko. Huwag lang masyadong madaliin. Ayos lang na gumugol ng mahabang oras basta alam mo namang may magandang resulta ang mapapala mo. Kaysa nagmamadali ka dahil ayaw mong mag-aksaya ng oras, pero pagdating mo sa dulo, kabiguan ang makukuha mo. Mas nasayang lang ang oras mo.


Kung oras ang pag-uusapan, wala 'yang bayad. At wala ding katumbas na kahit anumang halaga. Hindi mo pag-aari ang oras, pero pwede mo itong gamitin. Hindi mo maiipon ang oras, pero pwede mo naman itong gugulin. Pero sa oras na mawala ito, hindi mo na maibabalik pa. Mas mahalaga ang oras kaysa sa pera o anumang bagay. Dahil kapag nawala 'yung mga bagay na iyon, pwede mo pang makuha, pero ang oras, hindi na. Kaya kailangan nating pahalagahan ang oras. Matuto nating gamitin ito sa tama.

Depende na lang kung mabuti kayong magkaibigan ni Michael J. Fox at pahiramin ka ng kanyang kotse para makabalik sa nakaraan. O kaya kakampi ka sa mga masasamang loob na nakalaban ni Shaider para makapag Time Space Warp... ngayon din! Pero bukod doon, hindi na natin maibabalik ang oras.

Konti lang ang oras na pwedeng gamitin para sa lahat ng bagay o gawain. Pero sapat lang ang oras na 'yun para gawin ang mas mahahalagang bagay o dapat gawin. Kadalasan kasi, hingi tayo ng hingi ng maraming oras. Gusto natin at kinakailangan natin ang marami at mahabang oras. Pero ang ginagawa natin, hindi natin ginagamit nang tama. Kaya mas nasayang lang ang mahabang oras na 'yon. Kapag mayroon na tayong mahaba-habang oras, walang magawa. Nakakatamad. Nag-iisip tayo ng pwedeng gawin para lang patayin ang mahabang oras na 'yon. Pero hindi natin alam, unti-unti din tayong pinapatay ng oras.

Ang buhay natin ay nangangailangan ng matinding pasensya. Lahat ng hindi mo maabot, makukuha mo. Lahat ng pangarap mo, matutupad. Lahat ng wala sa'yo pwedeng mapasaiyo. Ang kailangan lang natin ay pasensya. Huwag tayong mainip. Hindi lahat ng bagay nakukuha sa madalian. Hintayin natin ang tamang oras, gamitin ng tama at nararapat.

Sabi nga ng iba, ang oras ay parang isang dakot ng buhangin. Kapag hinigpitan mo ang pagkakadakot sa mga 'yun, bibilis ang pag-agos ng mga buhangin sa'yong mga daliri at mawawala na sa kamay mo.

Pero isa lang ang tanging dahilan kung bakit mayroon tayong oras. Mayroon tayong oras para hindi mangyari ang lahat ng bagay ng sabay-sabay.

***************************************************

-_- : Bay, bilhin mo na itong relo ko. Bagong-bago.
^_^ : Aanhin ko pa ga ang relo, sa araw pa lang eh alam ko na kung anong oras. Kapag tirik ang araw, alas-dose na 'yun. Kapag pababa pakanluran ang araw, hapon na 'yon.
-_- : Eh pa'no kung umuulan, walang araw nun?
^_^ : Ay sisilong ka! Ika'y mababasa.
-_- : Paano naman kapag gabi?
^_^ : Ay bakit ga magrerelo pa pag gabi na. Ay tutulog na eh.

****************************

-_- : 'Tol, anong oras na ba?
^_^ : Oras na para bumili ka ng sarili mong relo!


......

Basahin ang kabuuan nito...

Sep 15, 2009

Akala Ko Tama, 'Yun Pala Mali

2 na lasing
Akala n'yo hindi ako nahihirapan
Akala n'yo wala akong problema
Akala n'yo hindi ako namomroblema
Akala n'yo hindi ko kayo pinoproblema
Akala n'yo patawa-tawa lang ako dahil wala akong problema
Akala n'yo tahimik ako dahil wala akong pakialam sa inyo
Akala n'yo hindi ako nag-iisip ng maganda
Akala n'yo wala akong plano sa buhay
Akala n'yo wala akong kwenta
Akala n'yo sumasabay lang ako sa agos ng buhay
Akala n'yo tinatakasan ko 'yung dapat kong kaharapin
Akala n'yo madali lang para sa akin ang lahat
Akala n'yo nakangiti ako dahil masaya ako
Akala n'yo nakasimangot ako dahil malungkot ako
Akala n'yo mahimbing ang tulog ko
Akala n'yo mabait ako


Dahil sa mga akala ninyo, ako ang nahihirapan
Dahil sa mga maling akala ninyo, hindi ninyo ako naiintindihan
Dahil sa mga inaakala ninyo, kaya ako nagkakaganito

Ikaw? Akala mo seryoso ako? Ano sa akala mo?

......

Basahin ang kabuuan nito...

Sep 9, 2009

Poker Face...Book!

3 na lasing
Baraha. Napaupo na naman at napalaro. Sugal. Nakipag-blap-an sa mga kalaro. Poker. Texas HoldEm Poker sa Facebook. May araw na minamalas. May araw namang swerte. At kanina, ang araw ng malas. Bokya. Kaya ngayon, ayaw na akong paupuin pansamantala ng bangkera. Dito muna ako sa blag makikipaglaro.


Nabanggit ko na din lang naman ang tungkol sa poker, ituluy-tuloy na natin. Ang paglalaro ng poker ay parang paglalaro din ng sarili nating buhay. Kailangan nating tanggapin ang bawat barahang ibinibigay sa atin. Pero kapag hawak mo na ang mga barahang 'yun, nasa sariling desisyon mo na, kung paano mo ito lalaruin para manalo ka. Minsan, wala sa ganda o pangit ng barahang hawak mo ang susi para manalo ka. Nasa diskarte mo. Pero hindi din lahat ng pagkakataon na nananalo ka dahil magaling ang diskarte mo, minsan, dahil sa kapabayaan na din ng kalaban mo.

Ang pinakamadalas na pagkakamaling nagagawa natin sa mesa habang nakikipaglaro ng poker, ay ang maliitin ang kakayahan ng kalaban natin. Ganyan din sa totoong buhay. Underestimate. (Ingles 'yun.) Akala mo kayang kaya mong talunin ang kalaban mo. Akala mo 'yung hawak mong baraha na ang pinakamataas. Akala mo magtitiklop sila ng baraha kapag tinodo mo ang pusta mo. Akala ko trapo, 'yun pala katropa ko. Akala ko conyo, 'yun pala laking tondo. Manny na naman? (Bawal ang mangampanya dito!)

Sabi ng iba, ang poker ang pinakamalapit na larong maaaring ihalintulad sa totoong buhay. Kailangan natin ng matinong pag-iisip (meron ka ba nun?), kung saan kaya nating pangibabawan o talunin ang tinatawag na tadhana at pagkakataon. Hindi natin hahayaang mangyari na lang ang isang bagay ng basta-basta. Kailangan din nating pag-isipang mabuti. Sa madaling salita, hindi mahalaga kung ano ang nangyayari, mas mahalaga kung paano natin iisipin kung ano ang mangyayari.

Sa ayaw natin o sa gusto, malalaman natin ang totoong katauhan ng isang tao kapag nakaupo na siya sa mesa para maglaro ng poker. Kung sa tingin mo na nababasa ng mga kalaro mo ang iniisip mo, sarili mo lang ang dapat mong sisihin. At kung ganun nga, matatalo ka na sa paglalaro mo, talo ka pa sa totoong buhay.

Maraming nagtatanong kung madali lang ba maglaro ng poker. Maari mong matutunang laruin ang poker sa loob lang ng isang araw o ilang oras. Pero buong buhay ang kailangan mo para laruin ng tama at maayos ang larong ito. Sa bawat araw na dumadaan sa buhay mo, pumupusta ka. Lumalaban ka. Kung matatakot ka lang sa blap ng kalaban mo, talo ka. Dapat marunong kang lumaban at makipaglaban. Pero hindi ibig sabihin nito na hindi ka pwedeng umatras. Umatras ka ng hindi dahil natatakot ka. Umatras ka kung kinakailangan.

Ang mahirap lang sa ganitong klaseng laro, walang gustong umayaw kapag natatalo dahil gustong makabawi hangga't may natitira pang pangpusta (may kasamang gigil pa). Pero, kapag naman ikaw na ang nananalo, ayaw naman nila na umayaw ka (sasabihan ka pang madaya).

Kaya ikaw!... Oo... ikaw nga... pengeng chips sa poker... nang makalaro na ako...
......

Basahin ang kabuuan nito...

 

Copyright 2008 All Rights Reserved Revolution Two Church theme by Brian Gardner Converted into Blogger Template by Bloganol dot com Customized by Vhonne DeVille