Dec 31, 2008

New Year's Resolution

0 na lasing
Taun-taon, may mga gumagawa ng New Year's Resolution. Isa din ako sa gumagawa ng ganun. Halos lahat may ginagawang Nyu Yir's Resolusyon. Iba't iba, kanya-kanya. Pero marami din sa mga ginagawa nila ang hindi nila natutupad. Hindi nagagawa. Bakit nga ba mahirap gawin ang ginawang resolusyon? Hindi ko din alam.


Para sa Taong 2009, gagawa din ako ng New Year's Resolution ko. At ang New Year's Resolution ko ay...

HINDI NA AKO....

GAGAWA NG NEW YEAR'S RESOLUTION!!!

Hindi ko din naman natutupad. Hehehe.
...
......

Basahin ang kabuuan nito...

Dec 23, 2008

Bagong Damit!

7 na lasing
Pasko na! Siyempre, nandiyan na ang mga bagong gamit, tulad ng sapatos, pantalon at mga damit. Pero hindi lang tao ang dapat binibihisan. Tulad ng mga blags natin, kailangan din natin itong bihisan ng bagong damit. Tulad naman ng para sa tao, nahihirapan tayong pumili ng magandang damit para sa magsusuot. Pinipilit nating hanapan ng maganda at nababagay na kasuotan.


Para dito sa blag ko, nahanapan ko ng bagong isusuot hindi lang para sa Pasko, kundi para na din sa Bagong Taon. Nakahanger pa lang 'yung damit na 'yun. siguro sa taong 2009 ko na lang ibibihis dito sa blag ko.

Maligayang Pasko at Maligo sa Manigong Bagong Taon!

Dumaan lang dito ngayon pero abala pa rin hanggang sa ngayon. Malapit na akong bumalik ng buong pwersa. Hehehe. ......

Basahin ang kabuuan nito...

Dec 19, 2008

Ey Busy Di!

5 na lasing
Kung mapapansin ninyo, halos wala na akong naisusulat dito sa blag kong ito. Naging abala lang nitong mga nakaraang araw, at mukhang magiging abala din sa mga darating pa. Pipilitin kong makabalik dito sa mas mabilis na panahon.


2009. Ano bang taon ngayon? 2008? Eh di isang taon pa bago ako makabalik? Hehehe... Tapusin ko lang ang mga dapat tapusin. Regaluhan ang dapat regaluhan. Hingian ng regalo ang dapat hingian. At syempre, pagtaguan ang dapat pagtaguan.

Hindi naman siguro aabutin ng 2009 ang pagiging busy ko. Kita-kits na lang. Balik pa rin kayo dito sa bahay ko. Tuloy pa rin ang inuman. Kwentuhan at biruan. Asaran at kulitan.

Salamat po. ......

Basahin ang kabuuan nito...

Dec 16, 2008

Ang Alamat sa Loob ng Kweba (Ikatlong Yugto)

7 na lasing
Naging abala ako nitong mga nakaraang araw. Hindi ko na namalayan na may ginagawa nga pala akong istorya dito sa aking munting bahay-blag. Medyo nahihirapan ako kung paano ko itutuloy ito, dahil 'yung mga sangkot sa istorya, ayaw akong tulungan. Hehehe. Pero may napapansin akong kakaiba sa kanilang dalawa kaya ito na...

... ang pagpapatuloy...


Sa tingin ninyo, ano ang bibitawan ni Naruto? Hmm... Pinag-iisipan pa rin niya kung alin nga talaga. Kaya ang ginawa niya, umupo muna siya kung saan siya nakapuwesto. Inilapag sandali ang mga gamit na hawak sa kamay niya. Pinulot niya ang flashlight.

Binuksan niya ito at nagkaroon ng liwanag sa paligid niya. Nagkaroon ng matindig kasiyahan si Naruto dahil sa liwanag na 'yun. Na tila ngayon lang ulit nakakita ng liwanag. Ayaw na niyang bitawan ag flashlight na 'yun. Naisip din niya na 'yun ang magiging paraan upang makalabas siya sa madilim na kweba.

Tumayo siya. Humakbang. Dala-dala ang flashlight. Pero natigilan din siya dahil meron siyang naalala. Bumalik siya kung saan siya umupo. Pinagmasdan ang mga bagay na inilapag niya sa lupa. Muli siyang umupo. Hindi pa siya handa na iwan ang mga bagay na mahalaga para sa kanya. Hindi siya makapagdesisyon sa dapat niyang gawin, kaya minabuti na lang muna niyang manatili doon upang makasama ang mga bagay na iyon.

Nagiging makasarili ba si Naruto? O ayaw lang niya na makasakit ng iba?

Maaaring nagiging makasarili siya dahil gusto niyang mapasakanya ang lahat ng iyon, ng walang naiiwan. Pero maaari din namang ayaw lang niyang masaktan ang bagay/tao na maiiwan niya. Kahit na sa palagay niya, na pwedeng maging maligaya 'yung iiwan niya kapag nakakita ng sa tingin niya eh mas karapat-dapat para doon sa maiiwan.

Ayaw lang ba niyang magsisi sa huli? O natatakot lang siyang sisihin ng iba?

Ayaw niyang sa bandang huli, eh pagsisihan niya kung alin/sino ang pipiliin niya. At ayaw din niyang sisihin siya kung sakali na mali ang napili niya. Siguro. Hindi ko din alam.

Ikaw? Kung ikaw ang nasa kalagayan ni Naruto? Ano kaya ang gagawin mo?

Abangan ang mangyayari... hindi 'yung istorya ko dito, kundi 'yung totoong istorya ni Naruto. Maaaring mabuo 'yung Alamat sa Loob ng Kweba sa pamamagitan mismo ng bida sa kwento, at maaari ding sa tulong ng mga tulad ninyo.

... ......

Basahin ang kabuuan nito...

Dec 11, 2008

Pares-pares

15 na lasing
Nakakabato. Walang magawa. Mag-isa sa kwarto. Walang lowd, hindi makateks si leading lady. Namimis na. Naghanap ng magagawa. Inisa-isa ang mga libro para magbasa na lamang. Hinahanap ko 'yung unang librong isinulat ni Bob Ong. 'Yung ABNKKBSNPLAko. Hindi kasi nakakasawang basahin ulit 'yun. ABNWWL 'yung libro ko. Hindi ko makita. Naisipan ko na lang maglaro.


Hmm... Ano ba ang magandang laruin habang nag-iisa? 'Yung kahit nakahiga ka magagawa mo, tapos malayo ang nararating ng imahinasyon mo. Tapos napapangiti ka pagkatapos mong mailabas 'yung gusto mong palabasin. Huwag 'yung iniisip ninyo. Bastos 'yun. Alam ko na. Maglaro na lang ako ng Pares-pares!

Paano ba laruin ang Pares-pares? Mag-isip ng mga parte ng katawan na may kapareha o kadoble.

Mga ginamit ko para malaro ang Pares-pares:
  • Lapis, bolpen o kahit anumang uri ng panulat
  • Kahit anong klaseng papel basta wala pang sulat
  • Parte ng katawan na hahanapan ng kapareha
  • Matinong pag-iisip para gumawa ng hindi matinong maisip
At heto ang nabuo ko. Isang mahabang tula na hindi ko alam kung may patutunguhan.

Pares-pares

Dalawang bola, na nakakakita
Ibinigay sa atin at tinawag na mata

Malaki ang tulong ng ating ilong
Sa butas na dalawa, tayo'y nakakahinga

Dalawa rin ang tenga, sa magkabilang gilid
Upang marinig ang nasa paligid

Kamay ay dalawa, kanan at kaliwa
Dumadali ang gawain, kung parehong gagamitin

Nag-uunahang paa, bilang ay dalawa
Humakbang at tumakbo ka, 'di ka matutumba

Madaming dalawa, sa ikaw na nag-iisa
May kapares ang isa, doble ang dalawa

Bawat isa sa kanila, may kaparehang kasama
Upng mapaganda, ang bawat gawain nila

Ngunit nangangamba, ang puso'y nag-iisa
Baka maging problema ang kawalan ng kapareha

Sinasabi ng iba, ang puso ay iisa
Dahil ang kapares niya, nasa katawan ng iba

Para sa akin ay hindi, at sila ay mali
Dahil hindi magiging madali, kung sa ibang katawan ipipili

Ang utak ay nariyan, ang puso ay kailangan
Upang maramdaman, ang kanyang nalalaman

At ang pusong tumitibok, ang utak ay sinusubok
Upang ang bawat nararamdaman, magkaroon ng kasagutan

Kung ang puso'y nag-iisa, utak ang kailangan niya
Kaya ngayon ay tapos na, dalawa na sila

Mahirap mag-isip, kung wala kang puso
At mahirap magmahal, kung wala kang utak

...
......

Basahin ang kabuuan nito...

Dec 9, 2008

Ang Alamat sa Loob ng Kweba (Ikalawang Yugto)

20 na lasing
Ilang araw din akong hindi nakapagsulat dito ah. Muntik ko nang makalimutan na meron nga pala akong ginagawang istorya. Ang Alamat sa Loob ng Kweba. Ituloy ko na ang kwento para naman wala na akong masyadong iisipin sa mga darating na araw. Lapit na kasi ang Pasko, darami ang mga gawain. Whew!

Imahe mula sa FLASHLIGHT ni NARUTO

Ang huling natatandaan ko sa nasabing kwento, may nakitang isang bagay si Naruto. Ang bagay na iyon ay pwedeng makatulong sa kanya upang makalabas sa loob ng madilim na kweba. Dahil nga sa kadiliman ng kwebang 'yun, ano ba ang posibleng kailangan upang makita ang daraanan palabas?

Liwanag. Kailangan niya ng liwanag. Liwanag para makakita sa loob ng napakadilim na kweba. Ano ang bagay na nakita niya dun? Flashlight. Isang flashlight. Nabuhayan ng loob si Naruto. Alam niyang makakatulong ang bagay na iyon. Pero nagkaroon siya ng problema. Paano niya kukunin ang flashlight na iyon, kung may hawak ang parehong kamay niya? Parehong mahalaga ang dalawang bagay na hawak niya. Hindi niya alam kung alin ang dapat niyang bitawan.

Huwag ninyong sabihin na pwede namang itago sa bulsa niya, dahil wala siyang bulsa. Huwag ninyo ding sabihing kaya namang hawakan lahat ng iyon, dahil mabigat at malaki ang flashlight. At huwag na lang kayong kumontra, dahil ako ang nagkukwento. Basta, kelangan niyang magbitaw sa mga hawak niya para makuha ang flashlight na 'yun.

Ano sa tingin ninyo ang binitawan ni Naruto?

Abangan... ulit...

... ......

Basahin ang kabuuan nito...

Dec 6, 2008

'Di Ka Nag-iisa

10 na lasing
Komersiyal muna sa kwento ko. Blakawt sa opisina. Walang ibang kasama kundi ang dwendeng babae. Hmm... Diwatang babae na lang pala, mas maganda pakinggan. Walang magawa kaya kumuha ng papel at bolpen. Nag-isip at nagsulat. Dahil para na rin akong nag-iisa dahil kausap nang diwatang babae ang mga tugtugin sa kanyang selepono, naisipan ko na lang sumulat ng kahit ano. At ito nga ang nagawa ko. Maikli pero... hmm... maikli lang talaga. Walang kahulugan. Kaya kung wala kayong magawa, basahin ninyo na lang ang maikling tula kong walang kwenta.


'DI KA NAG-IISA

Tinig na 'di marinig
Boses na walang tinig
Matang walang paningin
Lagi na lang sa dilim

Pilit na hinahanap
Ang sarili sa hinaharap
Dahil hindi matanggap
na pagkatao'y 'di pa ganap

Naglalakad sa kawalan
'Di alam ag patutunguhan
Daang walang hanggan
Ang dulo'y 'di malaman

Huwag maging isa
Humanap ng kasama
Huwag kang mag-alala
EMO din sila

Sa mga kaibigan kong EMO diyan, para sa inyo ito. Hindi ako kaisa sa ka-EMO-han ninyo, pero pwede ninyo akong isama bilang kaibigan ninyo.
... ......

Basahin ang kabuuan nito...

Dec 3, 2008

Ang Alamat sa Loob ng Kweba

7 na lasing
Hanggang ngayon, hindi ko pa rin maisip kung paano ko sisimulan ang kwento ng "Ang Alamat sa Loob ng Kweba." Kaya heto, bahala na. Wala ng introduksiyon pa. Umpisahan na.


Si Naruto. Pumasok sa loob ng isang kweba. Isang madilim na kweba. Paano siya napadpad sa loob ng kwebang 'yun? Hindi ko din alam. Basta nasa loob siya nun. Kung ipipilit ninyong itanong kung bakit nga siya nandun sa loob, sasabihin ko na. Si Naruto ay mahilig talagang pumasok sa mga ganung klaseng lugar. Sa mga medyo mapanganib na lugar kahit hindi niya alam kung ano ang magiging kahihinatnan niya kung pasukin niya ang ganun.

May hawak siyang dalawang mahalagang bagay sa kamay niya. Ang bagay na nasa kanang kamay niya, napakaimportante para sa kanya. Madaming pagkakataon, na 'yun lang ang lagi niyang dala-dala kahit saan man siya magpunta. Ang brip. Ay hindi pala. Ang hawak niya sa kanang kamay niya ay isang kristal na nagbibigay sa kanya ng swerte.

Habang sa kaliwang kamay naman niya ang isang bagay na hindi niya totoong pag-aari. Isang kompas na nagbibigay-direksiyon para mas madaling matunton ang isang lugar na pakay. Nakita lang nila ang kompas na 'yun ng isa niyang kaibigan. Gusto din ng kaibigan niya na mapasakanya ang bagay na 'yun pero pilit na hiniram muna ni Naruto ang kompas na iyon para gamitin sa paglalakbay niya.

Huwag ninyong isipin na si Sasuke ang kaibiga ni Naruto na tinutukoy ko dito.

Balik sa loob ng kweba. Madilim. Mata lang ng pusa at paniki ang maaaring makakita sa ganoong kadilim na kweba. Hindi niya alam kung saan siya dadaan para makalabas. Hindi na din niya alam kung paano makabalik kung saan man siya dumaan pagpasok sa lugar na iyon.

Iniisip niya kung ano'ng silbi ng kompas niya sa loob ng kwebang 'yun kung hindi naman niya makita ang direksyon mula dun dahil nga sa kadiliman. At ano naman ang swerteng magiging dala ng kristal na hawak niya sa kanyang kanang kamay.

Habang pakapa-kapa ang paa niya sa paglalakad sa kadiliman nun, may nahagip ang paa niya na isang bagay. Iniisip niyang pwede niyang magamit ang bagay na iyon para makalabas sa kweba. Medyo may kahabaan at kabigatan ang tantiya niya. Biglang bumalik ang atensiyon niya sa bagay na nasa kanang kamay niya. Marahil 'yung swerteng hinihintay niya ay 'yung bagay na nasa paanan niya.

Ano nga ba ang bagay na iyon? Makakatulong nga ba 'yun para makalabas siya ng kweba?

Abangan...

... ......

Basahin ang kabuuan nito...

 

Copyright 2008 All Rights Reserved Revolution Two Church theme by Brian Gardner Converted into Blogger Template by Bloganol dot com Customized by Vhonne DeVille