Madali ga lamang tumanggi sa isang bagay? Madali lang ga ang umiwas sa isang taong lumalapit sa'yo at humihingi ng tulong? Walanjo naman eh. Bakit ako eh hirap na hirap! Isang sabi lang nila sa'kin, hindi na ako makatanggi.
Kung may problema, lalapitan, hihingi ng payo. Kung may kailangan, naandiyan at hihingi ng tulong. Kahit mismong asaynments o pradyeks na nila sa iskul, sakin pa rin iaasa. Eh hindi ko naman kamag-anak. Ano gang sikreto para madali makaiwas?
Lagi na lang ganun. Hindi na sila nagdadalawang-salita para makumbinsi ako. Meron pang "Hoy Pare, pwede ga maabala? Paayos naman nare!" At 'yung iba pang tulad ng "Kaya mo ga ako ipaggawa nang ganito?" Na ang lagi kong naisasagot eh "Subukan ko." Kahit na alam kong mahihirapan ako, ginagawa ko pa rin, dahil alam ko naman na kapag sinabi kong mukhang mahirap gawin eh makukumbinsi at makukumbinsi pa rin nila ako.
Pero minsan, naiisip ko na din lang na malaki ang maitutulong sakin nun. 'Yung sa tingin ko eh mahihirapan akong gawin, nagkakaroon ako ng "challenge" para subukan. At para mapatunayan ko sa sarili ko na kaya ko. Kahit na alam kong wala naman akong kikitain sa mga pagtulong na 'yun.
Pero minsan sinubukan ko na ding magbago ng atityud, para hindi naman sila masyado umabuso sa "kabaitan" kong ito. Dahil isa nga akong kampyuter programer, sa'kin nagpapagawa 'yung mga borders dito sa mga kamag-anak ko. Ayos lang sa'kin kung magpaturo o magpatulong lang sila. Pero tangina naman. Buong pradyek na nila ang gusto ipagawa.
'Yung isang huling nagpagawa sa'kin, sinubukan kong tanggihan. Sinabi kong hindi ako marunong gumawa ng Biswal Beysik 6.0 (pero kunyari lang, tinatamad kasi ako gumawa). Pero ang kulit, ayaw umalis sa likod ko tapos pinakikitaan pa ako ng malungkot na pagmumukha! Alam yata niya na marunong ako, kaya sinabi ko na madami akong ginagawa at madami akong gagawin. Sinabi ko din na sa oras ng pasok ko, imposibleng magkaroon ako ng oras para gawin 'yun.
Abah! Nag-imbestiga na pala ang babaeng are. Alam niya na wala akong pasok sa linggo, kaya sinabi niya na pwede ko daw gawin sa araw na iyon. Peste, may lahi yatang makukulit ang babaeng ito. Kamag-anak yata ni Maykel Rickets ito eh, ayaw akong tantanan! Sa kakulitan, hindi ko na kinausap, kunyari abala ako sa ginagawa ko at hindi ko na siya naririnig.
Ay aba nga naman! Iniwan 'yung nowtbuk sa ibabaw ng mesa ko. Pero balewala pa rin sa'kin, hindi ko pa rin pinapansin. Nung akala kong nakaalis na, tatayo sana ako para lumabas, ang walanghiya, nandun sa may pintuan at nakasilip pa rin. Kaya hindi na lang ako umalis sa kinauupuan ko.
Ilang minuto, wala na ang bruha. Kinuha ko ang kwaderno niya at binuklat ko. At ang galing naman niya, itinupi na niya 'yung pahina kung saan andun na 'yung ipagagawa niya. Ibang klase. Nung malaman ko ang ipagagawa niyang program, nakita ko na isang kalkaleytor (calculator). Simpleng Math Calculator mukhang pamilyar 'yung mga pindutan nung kalkaleytor na 'yun. Binuksan ko ang kalkaleytor ng windows ekspi, ayos, kapareho nga.
At dahil nga tinatamad akong gumawa, naisipan ko na lang maghanap sa internet ng ganung program. At hindi naman ako nabigo, madaming nagkalat na simpleng kalkaleytor sa internet na gawa sa Biswal Beysik. Bakit pa ako magpapakahirap kung pwede ko naman idawnlowd. Tapos ie-edit ko na lang para katulad na katulad mismo ng pinapagawa niya.
Syete naman oh! Wala pala akong sopweyr ng biswal beysik! Nawawala 'yung instoler ko, sa dami kc ng humihiram at pinahihiram ko ng gamit, hindi ko na alam kung saan at kanino ko hahanapin. Edi naabala pa ako sa pagdawnlowd ng sopweyr na 'yun. Mabuti na lang at nakisama ang internet ko, madali ko naman natapos ang dawnlowd. Tapos ininstol ko na.
Konting edit lang tapos na. Naisip kong bawasan ang aking kabaitan at dagdagan ang aking kasungitan at kasupladuhan. Pero hindi ko naman talaga seseryosohin, para lang mapa-isip sila sa ginagawa nila. Tineks niya ako sa aking magandang maganda at branyung selpon na 3510. Tinatanong kung magkano daw ang babayadan niya sa aking ginawa.
Dun ako nakaisip na pagtripan siya. Ganito ang naging takbo ng usapan sa teks...
Ako: Ako na ang bibili ng CD tapos burn ko na din. Bigyan mo na lang ako ng P250.
Siya: Kamahal naman, Kuya? Pwede gang P120 na lang?
Ako: (Naisip ko bigla, ang galing naman nitong tumawad, kalahati agad) P200! H'wag ka nang tumawad. (Sinusungitan ko na)
Siya: Bakit ganun, Kuya? Dati naman halos hindi ka na nagpapabayad, pinakamahal na P80, bakit naman ang mahal? P150 po?
Ako: Sino ga ang nagpumilit na igawa kita? Ako ga? Ikaw naman ah! Sinabi ko namang hindi ko gagawin, pinilit mo pa rin. P200!
Siya: Wala po akong pera eh, P150 na lang, Kuya?
Ako: 'Yan ang hirap sa inyo eh. Ang galing-galing niyo magpagawa tapos ang gusto pa niyo kayo ang magpepresyo. Kung nagpaturo ka na lang sa'kin edi natuto ka pa sana. P180. Tapos na ang usapan.
Siya. Kuya naman, pasensiya na po, pero P150 na lang po.
Ako: Sige, P150 kayo na magpa-CD write.
Siya: Kayo na din ang mag-burn ng CD.
Ako: SUSUNUGIN ko na talaga ang CD mo! Sige na nga! P150!
Tapos nun, panay ang teks niya ng sori, pasensiya na, wala lang talaga pera, at kung anu-ano pa. Ako naman, hindi ko na nireplayan. Kung wala siyang pera, ibibigay ko talaga 'yun sa kanya. Hindi na ako magpapabayad. Pero alam ko naman na hindi siya nag-iisa. Apat sila sa grupo. Kung tutuusin din naman, halos wala naman akong ginawa dun eh, kaya sobra na din yung presyo ko. Ahaha. Ginastos ko na lang pamasahe sa pagpasok at pangkain ng meryenda.
Pero sa nangyaring 'yun, hindi pa rin ako nakatanggi sa pagtupad sa pangangailangan niya. Kahit tinanggihan ko na, ginawa ko pa rin! Sakit ko na ba talaga 'yun? Kung alam niyo ang sikreto para madaling makatanggi sa mga ganung bagay. Ibahagi niyo naman sa'kin.
Plis! Tulungan niyo ako. Sana 'wag niyo tanggihan ang paglapit ko sa inyo.
...
The Seven Star Hotels of the World
4 years ago
Comments
0 comments to "Tanggerong Hindi Marunong Tumanggi"
Post a Comment
Bago malasheng ng tuluyan... mag-iwan muna ng kumento...