May 30, 2010

Purunggo!

2 na lasing
Purunggo. Isang salitang batanggenyo. Marami ang nag-akalang isa itong uri ng pagkain. Pwede din. Pwede mo itong kainin kung sasali ka sa Pilipinas Got Talent. Ang purunggo ay bubog o basag na salamin o baso at ganung klase. Noong bata pa ako (bata pa rin naman ako ah?), basta may mabasag na babasaging bagay, ingat na ingat ako sa paglakad dahil baka mapurunggo ako. Masakit 'yun. Pero iba na ngayon. Kapag may nabasag, hindi na ako natatakot na mapurunggo. Hindi na kasi ako umaalis sa pwesto ko. Tatawag na lang ako ng ibang magliligpit.


Natutuwa ako sa tuwing makakakita ako ng babasaging salamin. Naalala ko 'yung tumatakbo palabas ng isang kompyutersyap. Masyadong malinaw ang salaming pinto kaya hindi niya inakalang mababangga siya. Akala niya ay tatagos siya. Muntik na itong mabasag sa lakas ng pagkakabangga. Hindi 'yung salamin. 'Yung bungo n'ung nabangga. Naisip ng may-ari na lagyan ng teyp ang salamin na naka-letrang ekis. Agad kong kinontra dahil may nakikita akong masamang mangyayari. Ang ekis ay magmimistulang target. Baka lalong banggain ang sentro nito. Kaya naisipan niyang palitan.

Ginawa na lamang niyang isang pahabang linya sa gitna. Kontrabida talaga ako. Sinabi ko na pwede namang yumuko o tumalon ang makakakita ng linya. Mababangga pa rin. At mas masama kung isang atleta ang dadaan doon. Aakalain nilang isang linya para sa pagtatapos ng lap 'yun kaya pipilitin nilang daanan 'yun. At isa na lang ang naging solusyon ng may-ari. Pinatay ang erkon at binuksan ang pinto. Magrereklamo pa sana ako nang maalala ko, hindi pala nila ako kostomer. Tambay nga lang pala ako doon.

Salamin. Pwede nating ihalintulad ang sarili natin sa isang salamin. Malaki ang epekto ng mga taong nangangalaga sa isang salamin. Kung paano ito linisin at ingatan. Kung paano hawakan at punasan. Kung paano banggain at basagin. Kung paano pulutin at buuin.

Kung isa kang salamin, tumatatak sa'yo ang bawat tatak ng palad at daliri ng mga humahawak sa'yo. Nagbibigay sa'yo ng alaala. Mga masasama at magagandang alaala. Pero may mga tao din ang pilit na binubura ang mga alaalang ito. Pinipilit nilang punasan at alisin ang mga tatak na naiwan sa'yo. Ang resulta, nagkakaroon ng gasgas sa bawat pagpipilit nilang burahin ito. Ang mga gasgas na ito ang nagsisilbi mong problema na gawa ng mga taong gustong alisin ang iyong alaala. Sinasabi nilang tutulungan ka nila pero ang totoo, ikaw ang kinakawawa nila.

Sinasabi nila, lalo kang tumatatag habang pilit ka nilang sinisira. Pero kung madalas ka na nilang banggain, magkakaroon ka na ng lamat. Isang lamat na mahirap nang remedyuhan. At kung hindi na maayos, tatakpan na lang ng kung anu-ano para hindi ito mahalata. Para ipakitang buo ka pa rin.

At kapag dumating ang panahon na mahina ka na, bigla kang dadagsain ng mga taong gusto kang sirain at basagin. Hindi mo na makakayanan at hahayaan mo na lang na bumagsak ka. Basag ka na. Maliliit na piraso ng purunggo. Mahirap nang buuin. Mahirap pagdikitin. At iisipin mong talo ka na. Isa ng basura. Sa ginawa nilang pagbasag sa'yo, akala din nilang wala ka na. Oo nga at hindi ka na buo. Pira-piraso. Pero dahil sa ginawa nilang pagbasag sa'yo, mas lalo ka lang naging delikado. Mapanganib. Maraming pwedeng masugatan kaya kailangang iwasan.

Ngayon, isa ka na bang purunggo?

......

Basahin ang kabuuan nito...

May 26, 2010

Pampatigas ng Ulo

5 na lasing
Helmet. Ano ba ang helmet? Ang helmet ay ang bagay na nakatakip sa ulo na nagsisilbing proteksiyon. Proteksiyon sa pagkabaog, este sa pagkabagok. Kung isa kang lalaki, bata ka pa lang, mayroon ka na nito. Nakahelmet pa ang ulo mo, sa ibaba. Mawawala lang ito kapag tinulian ka na. Pero hindi ito proteksiyon sa iyong pagkabaog. At kapag nasa tamang pag-iisip ka na, nagsusuot ka pa rin ng helmet. 'Yung helmet na nabibili kadalasan sa botika. Para hindi ka makabuntis ng hindi inaasahan. Dahil hindi ka nga baog. At hindi iikot ang kwento natin sa pagiging baog. Dahil helmet ang tema natin ngayon.


Helmet din ang tawag sa pagkaing nabibili sa tabi ng kalye. Ulo ng manok na iniihaw (tama ba?). Masarap daw 'yun pero ang sobrang pagkain nito ay hindi maganda sa katawan. Nakakabaog. Hindi! (Ang kulit mo! Sinabi nang hindi baog ang tema natin!) Hindi ko alam kung anong masamang epekto ang sobrang pagkain ng tinatawag nilang helmet. Basta masama daw. Kung ayaw mong maniwala, sige lang, kain ka pa. At kahit minsan, alam mo na ang magiging epekto, patuloy mo pa ring gagawin ang pinipigilan ng iba na gawin mo. Kasi, nakahelmet ka. Hindi ka pa natatauhan. Kahit iuntog na ang ulo mo, walang magbabago sa takbo ng utak mo.

"Pagsuutin mo ng helmet 'yang kasama mo. Baka matauhan!" 'Yan ang kadalasang binabanggit ng mga tambay dito sa lugar namin basta makitaan ka na may kasamang magandang babae. Minsan na din akong sinabihan ng ganyan noong kasama ko ang dating leading lady ko. Isang biro. Pero mukhang nauwi sa katotohanan. Sana nga pinagsuot ko siya ng helmet. Para hindi siya matauhan at iwan ako (LOL).

Pero mabuti ba talaga ang helmet para sa atin? Minsan, may helmet talaga tayong kailangang hubarin. Dahil habang suot-suot natin ang helmet na ito, mananatili lang tayo sa paggawa ng mga bagay na alam nating masasaktan tayo. Pero dahil nga suot natin ang helmet na ito, nababawasan ang sakit na pwede nating maramdaman. Kaya ang nangyayari, hindi tayo natatauhan sa nagawa nating alam nating hindi na tama. Uulit-ulitin lang natin na gawin 'yun dahil nakakayanan natin ang sakit. At ang helmet na ito, ang ating katangahan. Kamanhidan. At kamartiran.

Nitong mga nakaraang araw. At sa mismong araw na isinulat ko ito, pakiramdam ko, nahubad ko na ang helmet na matagal nang nakapatong sa ulo ko. Sa dami ng helmet na nakasuot sa ulo ko, kahit papaano, may nabawas na. Natauhan ako. May nalaman. At may natutunan. Malakas ang pagkakabunggo ko na ikinawasak ng suot kong helmet. Pero dahil d'un, may nahihirapan na maintindihan kung kailangan ba natin ng helmet o hindi.

Kung ayaw mong magsuot ng helmet, ayos lang. Huwag kang magsuot. Kung gusto mo, sige lang. Magsuot ka. Simpleng problema lang 'yan at 'yan ang simpleng solusyon. Pero maalin sa dalawang 'yan ang gawin mo, ikaw na ang bahalang magdesisyon sa susunod na problemang kakaharapin mo.

Maraming pangyayari o aksidente ang nakakaharap ng bawat tao. Ang isa sa nangungunang aksidente dito ay ang aksidente sa kalye. Sa pagmamaneho ng motorsiklo. Marami ang binabawian ng buhay sa bawat aksidenteng 'yun sa kadahilanang wala silang suot na helmet. Kaya para sa mga ayaw magsuot ng helmet, ito lang ang masasabi ko. Hindi mapoprotektahan ng helmet ang lahat pero kaya naman niyang protektahan ang lahat. Magulo ba? Subukan mong basahin ulit. Hindi mapoprotektahan ng helmet ang lahat pero kaya naman niyang protektahan ang lahat. Magulo pa rin? Ganito na lang ang paliwanag. Maliit lang ang helmet. Hindi nito mapoprotektahan ang lahat ng parte ng katawan mo, pero maiingatan naman nito ang lahat ng alaala at katinuan mo na nakalagay sa kapirasong karne sa ulo mo.

Kung gusto mong manatiling matalino, magsuot ka ng helmet. Kung gusto mo namang maging matalino, hubarin mo ang helmet mo. Isa pang magulong salaysay. Nakakalito. Sa parteng ito, ayoko na ipaliwanag. Pero kung naintindihan mo naman ang mga sinulat ko mula sa itaas, malamang maiintindihan mo kung ano ang ibig sabihin ng magulong pahayag na ito.

Ang isang tanong na hanggang ngayon ay nananatili pa ring tanong. Bakit nagsusuot ng helmet ang mga pilotong kamikaze? Para saan pa? Kung mabibigyan mo ako ng matinong sagot, may kagalingan ka. Ikaw na ang idol ko.

**Note: Nagulat ako sa balita sa TV sa mga oras na ito. "Michelle Yeoh, namahagi ng helmet sa mga bata." Hindi ko pa nakiklik ang "Publish Post", nabasa na agad nila? Hahaha. Sakto lang.

......

Basahin ang kabuuan nito...

May 17, 2010

Katapusan Na! Yehey!

5 na lasing
"Malapit na ang Katapusan! Malapit na ang Katapusan!" 'Yan ang isinisigaw ng mga naniniwala at nag-aabang ng sinasabing pagkagunaw. Ang taong 2012. Hanggang ngayon ay marami pa rin ang nagtataas ng kilay tungkol sa taon na 'yan. At marami din naman ang sinusulit nila ang sa tingin nila ay nalalabi nilang mga araw. Maraming nagagalit sa sigaw na ito kaya sumasagot sila ng "Ulol! Kakatapos lang ng Kinsenas, Katapusan ka agad d'yan!"

Kanina lang, maraming nakapansin sa magandang pagpapakita ng buwan. Sa mga larawan ko lang 'yun nakita dahil tinatamad akong lumabas. Madaming natuwa. Madaming namangha. Madaming natakot at madaming nag-alala. Ikinatuwa ng iba ang nakita dahil mukha daw itong nakangiting cyclops. At mayroon din namang kinilig dahil parang engagement ring lang. May nakapansin din na katulad daw ito ng simbolo ng Islam. Marami naman ang nakipagtalo na hindi bituin 'yung nasa ibabaw ng buwan. Pero siguro kung pinaggigitnaan siya, between nga siya. Venus daw 'yung nasa ibabaw ng buwan. Oo. 'Yung dati naming kapitbahay noong hayskul ako na lagi kong inaabangan at pinagmamasdan. Si Venus. Kapatid ni Michelle na anak ni Aling Zorayda. Venus. Pero mas madami ang natakot dahil inaakala nila na isa itong signus para sa kinatatakutan nilang katapusan DAW ng mundo.


Ikaw? Naniniwala ka ba sa Katapusan? Masaya ang katapusan. Dahil magkakaroon ka na ng pambayad sa mga pinagkakautangan mo. Mabibili mo ang pinag-iipunan mo. May perang pang-deyt sa nililigawan mo. Pero ibang katapusan 'yun. Ang katapusang tinutukoy ko ay 'yung sinasabi nilang pagkawala natin dito sa mundo. Natatakot ka ba? Handa ka na ba?

Lahat ng bagay, may katapusan. Lahat ng simula, may dulo. Bawat simula ng pangungusap, may tuldok. Lahat ng nabuhay, dumadating ang kamatayan. Lahat ng teleserye, may pagtatapos. Kahit OA. Sa bawat hagdan, may dulo. Pero kung mapapansin ninyo, sa bawat pagtatapos, sa bawat paghinto, sa bawat nauubos at sa bawat nawawala, nagkakaroon ng bago, panibago at pagbabago. Ano ang ikinatatakot mo? Maaaring hindi ka na kasama sa mga bago na iyon, pero ang sinasabi nilang katapusan, ay isang simula para sa susunod na kabanata.

Maaring hindi ito katulad ng isang Computer Game na kapag Game Over na ay pwede kang bumalik kung saan ka namatay o sa lugar kung saan ka nagseyb. O kaya ay pwede kang gumawa ng bago para magsimula ulit.

Sa buhay natin, halos araw-araw ay may kinakaharap tayong katapusan o inaakala nating katapusan. Natanggal ka sa trabaho. Akala mo katapusan mo na. Iniwan ka ng pinakamamahal mo. Akala mo katapusan mo na. Nabuntis ka at pinabayaan ka ng ama ng dinadala mo. Akala mo katapusan mo na. Tatlong sabdyeks sa iskul ang naibagsak mo. Akala mo katapusan mo na. Hindi mo napanood ang katapusan ng Habang May Buhay ni Judy Ann. Akala mo katapusan mo na. Pinadalhan ako ng Disconnection Notice para sa internet ko. Wala akong pambayad. Pakiramdam ko, katapusan ko na.

Ang uod, hindi siya natatakot sa katapusan na kakaharapin niya. Dahil sa oras na dumating 'yun, tutubuan na siya ng pakpak at tatawaging paru-paro. Marami sa atin ang mukhang uod. Pero sana, maging katulad din natin sila sa pagharap ng katapusan.

Ngayon? Naniniwala ka ba sa katapusan? Totoong may katapusan pero hindi natin alam kung kailan. Ramdam natin na nag-aabang lang 'yan, pero wala pa ring kasiguraduhan. Bago pa lang pumasok ang taong 2000, madami ng nagsasabi at nagmamarka ng kalendaryo kung kailan ang katapusan. Pero lagi itong napo-postponed. Siguro dahil kulang pa sa badyet. Kaya minsan, nababanggit ko na lang, "Katapusan na ULIT ng mundo."

Bakit naman ito ang naisipan kong isulat? May nakita kasi akong poster ng 2012 kanina. Nanood din ako ng Nostradamus Prediction kaninang tanghali. Naging usapan naman ang magandang buwan kaninang gabi. Napag-usapan din dito na kung may sweldo sa katapusan ang mga tambay. At binigay naman ni Mommy Bojoy na Katapusan ang gawin kong tema ngayon. Ang lahat ng iyan ay hindi nagkataon lang. Pinilit ko lang talaga pagkonektahin. Hahaha.

Isipin mo na lang, araw-araw ay katapusan. Gawin mo sa bawat araw ang pinakamahusay mo. Isipin mong 'yun na ang huling pagkakataon na ipakita ang galing mo. Pinakamaayos na gawa mo. At pinakamahusay na ikaw. At kung dumating ang kinabukasan. Ipagpasalamat mo.

Ganito lang ang pagpipilian mo. Gamitin mo ang panahon mo o ikaw ang gagamitin ng panahon. Ubusin mo ang oras mo o ikaw ang ubusin ng oras.

Carpa Diem!


......

Basahin ang kabuuan nito...

May 12, 2010

Walang Magawa

8 na lasing
Kanina, wala akong magawang matino. Pero madalas talaga akong walang nagagawang matino. Matino ako pero wala akong magawa. Ano'ng magagawa ko? Lalo pa akong magpapakatino? Pero sana, 'yung mga nanalo at mananalo sa naganap na eleksiyon, magtino kayo at gumawa ng tama. Kahit may tama ang nanalo, wala na tayong magagawa. Wala akong pinapatamaan. Wala lang, napasingit lang sila sa usapan. Tama na nga. Balik na tayo sa matinong usapan.

Naisipan ko na lang magbasa ng manga. Oo. Binabasa ang manga. Hindi kinakain at nilalagyan ng alamang. Wala pang bagong Naruto episode sa manga kaya doon muna ako tumambay kina Luffy sa One Piece. Hindi ko pa natatapos, namatay kasi si Ace eh. Sayang. Kung hindi mo maintindihan ang sinasabi ko pero pilit mo pa rin itong binabasa, naiintindihan kita. Wala ka ring magawa.

Sabi naman ni Bob Ong, iba ang walang ginagawa sa gumagawa ng wala. At lalong iba ang walang magawa sa ayaw gumawa. Ako naman, mas gusto ko ang madaming ginagawa. Pero ayoko ng ginagawa ko. Nakakatamad ang gumawa kung hindi mo gusto 'yung ginagawa mo. At madalas namang gustung-gusto mong gawin pero hindi mo magawa. Kasi bawal. Hindi pwede. May kontra. At hindi para sa'yo. Wala tayong magawa.

May gusto kang gawin. May gusto kang sabihin. Para sa isang taong, gusto mong mahalin. Hindi mo magawa. Napapatunganga. Pero hindi mo makakaya, na siya ay mawala. Bakit ganito, ang sinusulat ko. Parang tulang nagkakaroon ng tono. Ang walang magawa, talaga bang ganito? Pagiging makata ang siyang epekto? ISTAP! Baka mapakanta pa ako. Ituloy na ang matinong usapan.

Minsan, may nagugustuhan kang isang tao pero hindi mo malapitan. Hindi mo makausap. Iba ang sinasabi ng utak mo, sa ikinikilos ng katawan mo. Planado sa isip mo 'yung gusto mong gawin. Pero sa oras na nasa harap mo na siya, mismo, wala kang magawa. Torpedo. Walang magawa.

Pero hindi lahat ng walang magawa, nauuwi sa pagkasawi sa pag-ibig. Tulad ng sinabi ng isang babae d'yan. Nasa tabi-tabi lang 'yan. Hindi ko na babanggitin ang pangalan dahil kung kwentong pag-ibig ang usapan, lagi nasasabit ang pangalan niya dito sa blag ko. Oo. Si Ate A!. Nyahaha. Hindi ko kilala kung sino 'yung lalaking sinabihan niya nito. Pero ang masasabi ko lang sa lalaking 'yun. Goodluck! Oo nga! Ito na ang sinabi niya, dami-dami ko pang satsat.

Walang magawa ang puso ko, kaya naman masisisi mo ba ako, kung ikaw ang mahal ko?


At meron ding namang nasa loob na ng isang relasyon pero hindi naman masaya. May nagpupumilit kumawala pero hindi magawa. Walang magawa dahil sa madaming dahilan. Naaawa sa maiiwan. Natatakot na may masaktan. At para sa kabaliktarang sitwasyon, para sa taong naiiwan. Hinahayaang masaktan ang sarili at maiwan. Hindi magawang ipaglaban kung ano ang nararamdaman. Walang magawang paraan kung paano pa ibabangon ang bumagsak na pinagsamahan. Walang magawa.

Inabot na ako ng madaling araw dito pero hindi ko alam kung may nagawa ba akong pwedeng ipagmalaki. Pero hindi ibig sabihin na dahil wala akong ginagawa ay isa na akong tamad na tao. Sa totoo lang... hmm... kasi... err... sige na nga... tamad na ako.

Tanong: Ano ba ang mas nakakainis, mga taong walang ginagawa o 'yung mga taong hindi alam ang gagawin? Mga taong gumagawa ng walang kwenta o 'yung mga taong walang pagpapahalaga sa ginagawa nila? Mga taong gumawa ng gumawa pero walang tumatama o 'yung mga taong ginagawa pa rin ang isang bagay kahit alam nilang mali?

Masasagot mo lang ang lahat ng tanong na iyan.... kung wala kang gagawin.

Sige na. Hanggang dito na lang muna. May gagawin pa ako eh.

......

Basahin ang kabuuan nito...

May 1, 2010

PAGCOR

7 na lasing
Apdeyt? Eh paano ba ako makakaapdeyt kung wala namang aydeyang tumatakbo sa utak ko ngayon? Habang nakatutok kasi ako sa kompyuter na ito, sinasabayan ko ng panonood ng PGT. Patay Gutom Tayo. Ay mali. Pilipinas Got Talent pala. Tapusin ko na lang muna ang panonood para maging maayos ang takbo ng utak ko pagbalik ko sa blag na ito. BRB.



Bak! Ang bilis ko 'no? Gusto ko muna magpasalamat sa kaibigan nating Choknat. Oo. 'Yung nabibili sa suking tindahan. Binigyan niya kasi ako ng choknat, este ng badge. 'Yung nakikita ninyo sa taas na larawan, 'yun 'yun. May malaking istar pa na kasama. Parang logo ng Pilipinas Got Talent, may istar din. Salamat po.

Galing ni Jovit Baldovino. Hindi ko sinasabi ito dahil kababayan ko siya. Magaling lang talaga siya. Hindi lang mga tao ang nagsitayuan n'ung kumanta siya, pati mga balahibo. 'Yung tipong parang nakuryente. Oo. Kuryente.


At dahil sa kuryente, may nagtext. Hindi pala, may nagpribadong mensahe sa pulork. Humingi kasi ako ng topic sa kanya. Kay Ate Arnie. At ito nga, kuryente ang naisipan niyang ibigay. Ganda ng topic. Nakuryente siguro siya kaya ito ang unang pumasok sa pilipit niyang utak.

Medyo wala pang pumapasok sa utak ko tungkol sa kuryente. Iniisip ko lang kung saan nagmula ang kuryente. Naiisip ko din 'yung sinabi dati ng ating Tagapaglikha. "Let there be light." Tapos may mga taong taga-Meralco ang sasagot nang "Maghintay po tayo hanggang bukas. Mayroon po kasi tayong rotating brownout."

Malaki ang naitutulong ng kuryente sa pang-araw-araw nating pamumuhay. Pero kailangan din nating mag-ingat sa paggamit nito. Naalala ko nung nasa elementarya pa lang ako. Mayroon akong iskulmeyt na nagsaksak ng kutsilyo sa isang awtlet sa loob ng silid-aralan. Bakit siya may dalang kutsilyo? Katatapos lang kasi nila magbungkal at magtanim ng mga halaman sa hardin. Buti na lang tumalsik siya at hindi hinigop ng kuryente. Ipinaliwanag ng guro namin na may dalawang epekto o aksiyon ang mangyayari kapag kasalukuyan kang nakukuryente. Ang isa ay nanghahatak at ang isa naman ay nagtataboy. Siguro 'yun ang tinatawag na positibo at negatibong kuryente. Mula noon, tinawag namin siyang Superman. Pero pinagsabihan pa rin siya ng aming guro. Ano'ng nangyari sa kanya? Ayun, grounded muna siya sa bahay.

Kung ang kuryente ay may positibo at negatibo. Ang pag-ibig, mayroon din ba? (Si Ate Arnie ulit ang nagsingit ng usapang love dito ha?) Siguro meron din. May pagmamahal na pinipilit mong makuha at makamit habang meron din namang pagmamahal na kailangan mong iwasan at layuan.

Ang kuryente ay ang organisadong kidlat. Hindi tulad ng kidlat, kalat-kalat. Hiwa-hiwalay. Delikado. Ang kuryente ay may maayos na lalagyan at naipapamahagi ng maayos para sa mga nangangailangan nito. At tulad ng pag-ibig, kailangang maging organisado din tayo. Huwag nating hayaang maging tulad ng isang kidlat ang ating nararamdaman. Na iba't iba ang tinatamaan. Dahil sa bawat natatamaan, sila ang nasasaktan.

Naniniwala tayo sa kuryente pero hindi natin maipaliwanag kung saan ito nanggagaling. Naniniwala tayo dahil patuloy ang pagdating ng bill sa mga bahay natin pero hindi natin alam kung paano ito dumadaloy sa mga wayrs. Tulad din ng pag-ibig, naniniwala tayong mayroon nga nito. Pero kapag tinanong tayo kung bakit natin mahal ang isang tao, wala tayong klarong maisagot. Basta ang alam natin, may nararamdaman tayong pagmamahal.

Hindi natin alam kung saan mismo nanggagaling ang pagmamahal pero alam nating ito ang nagbibigay ng liwanag sa buhay natin tulad ng liwanag na naibibigay ng kuryente.

Salamat sa kuryente, nakapag-apdeyt ako ng blag ko. Salamat din kay Ate Arnie, nakuryente siya. At nabuo ang PAGCOR. PAG-ibig at CORyente. CORny na.

......

Basahin ang kabuuan nito...

 

Copyright 2008 All Rights Reserved Revolution Two Church theme by Brian Gardner Converted into Blogger Template by Bloganol dot com Customized by Vhonne DeVille