"Malapit na ang Katapusan! Malapit na ang Katapusan!" 'Yan ang isinisigaw ng mga naniniwala at nag-aabang ng sinasabing pagkagunaw. Ang taong 2012. Hanggang ngayon ay marami pa rin ang nagtataas ng kilay tungkol sa taon na 'yan. At marami din naman ang sinusulit nila ang sa tingin nila ay nalalabi nilang mga araw. Maraming nagagalit sa sigaw na ito kaya sumasagot sila ng "Ulol! Kakatapos lang ng Kinsenas, Katapusan ka agad d'yan!"
Kanina lang, maraming nakapansin sa magandang pagpapakita ng buwan. Sa mga larawan ko lang 'yun nakita dahil tinatamad akong lumabas. Madaming natuwa. Madaming namangha. Madaming natakot at madaming nag-alala. Ikinatuwa ng iba ang nakita dahil mukha daw itong nakangiting cyclops. At mayroon din namang kinilig dahil parang engagement ring lang. May nakapansin din na katulad daw ito ng simbolo ng Islam. Marami naman ang nakipagtalo na hindi bituin 'yung nasa ibabaw ng buwan. Pero siguro kung pinaggigitnaan siya, between nga siya. Venus daw 'yung nasa ibabaw ng buwan. Oo. 'Yung dati naming kapitbahay noong hayskul ako na lagi kong inaabangan at pinagmamasdan. Si Venus. Kapatid ni Michelle na anak ni Aling Zorayda. Venus. Pero mas madami ang natakot dahil inaakala nila na isa itong signus para sa kinatatakutan nilang katapusan DAW ng mundo.
Ikaw? Naniniwala ka ba sa Katapusan? Masaya ang katapusan. Dahil magkakaroon ka na ng pambayad sa mga pinagkakautangan mo. Mabibili mo ang pinag-iipunan mo. May perang pang-deyt sa nililigawan mo. Pero ibang katapusan 'yun. Ang katapusang tinutukoy ko ay 'yung sinasabi nilang pagkawala natin dito sa mundo. Natatakot ka ba? Handa ka na ba?
Lahat ng bagay, may katapusan. Lahat ng simula, may dulo. Bawat simula ng pangungusap, may tuldok. Lahat ng nabuhay, dumadating ang kamatayan. Lahat ng teleserye, may pagtatapos. Kahit OA. Sa bawat hagdan, may dulo. Pero kung mapapansin ninyo, sa bawat pagtatapos, sa bawat paghinto, sa bawat nauubos at sa bawat nawawala, nagkakaroon ng bago, panibago at pagbabago. Ano ang ikinatatakot mo? Maaaring hindi ka na kasama sa mga bago na iyon, pero ang sinasabi nilang katapusan, ay isang simula para sa susunod na kabanata.
Maaring hindi ito katulad ng isang Computer Game na kapag Game Over na ay pwede kang bumalik kung saan ka namatay o sa lugar kung saan ka nagseyb. O kaya ay pwede kang gumawa ng bago para magsimula ulit.
Sa buhay natin, halos araw-araw ay may kinakaharap tayong katapusan o inaakala nating katapusan. Natanggal ka sa trabaho. Akala mo katapusan mo na. Iniwan ka ng pinakamamahal mo. Akala mo katapusan mo na. Nabuntis ka at pinabayaan ka ng ama ng dinadala mo. Akala mo katapusan mo na. Tatlong sabdyeks sa iskul ang naibagsak mo. Akala mo katapusan mo na. Hindi mo napanood ang katapusan ng Habang May Buhay ni Judy Ann. Akala mo katapusan mo na. Pinadalhan ako ng Disconnection Notice para sa internet ko. Wala akong pambayad. Pakiramdam ko, katapusan ko na.
Ang uod, hindi siya natatakot sa katapusan na kakaharapin niya. Dahil sa oras na dumating 'yun, tutubuan na siya ng pakpak at tatawaging paru-paro. Marami sa atin ang mukhang uod. Pero sana, maging katulad din natin sila sa pagharap ng katapusan.
Ngayon? Naniniwala ka ba sa katapusan? Totoong may katapusan pero hindi natin alam kung kailan. Ramdam natin na nag-aabang lang 'yan, pero wala pa ring kasiguraduhan. Bago pa lang pumasok ang taong 2000, madami ng nagsasabi at nagmamarka ng kalendaryo kung kailan ang katapusan. Pero lagi itong napo-postponed. Siguro dahil kulang pa sa badyet. Kaya minsan, nababanggit ko na lang, "Katapusan na ULIT ng mundo."
Bakit naman ito ang naisipan kong isulat? May nakita kasi akong poster ng 2012 kanina. Nanood din ako ng Nostradamus Prediction kaninang tanghali. Naging usapan naman ang magandang buwan kaninang gabi. Napag-usapan din dito na kung may sweldo sa katapusan ang mga tambay. At binigay naman ni Mommy Bojoy na Katapusan ang gawin kong tema ngayon. Ang lahat ng iyan ay hindi nagkataon lang. Pinilit ko lang talaga pagkonektahin. Hahaha.
Isipin mo na lang, araw-araw ay katapusan. Gawin mo sa bawat araw ang pinakamahusay mo. Isipin mong 'yun na ang huling pagkakataon na ipakita ang galing mo. Pinakamaayos na gawa mo. At pinakamahusay na ikaw. At kung dumating ang kinabukasan. Ipagpasalamat mo.
Ganito lang ang pagpipilian mo. Gamitin mo ang panahon mo o ikaw ang gagamitin ng panahon. Ubusin mo ang oras mo o ikaw ang ubusin ng oras.
Carpa Diem!
The Seven Star Hotels of the World
4 years ago
Comments
5 comments to "Katapusan Na! Yehey!"
May 17, 2010 at 2:34 AM
HANEP! nakabuo agad?
wala ngang laman utak mo nak...
YEHEY! katapusan na...
at syempre matulog ka na...
May 17, 2010 at 8:59 AM
@mommy bojoy:
kala ko kung sino... pag-iisipin mo pa ako... hahaha.. buti na lang nabasa ko ung "nak" hahaha...
kapag ok ang topic... mabilis ang istorya... hahaha... thank you mommy!
May 22, 2010 at 8:36 AM
malapit na ang katapusan dahil marami ng signs, pero walang makakapagsabi kung kelan talaga. kung talagang sa 2012 nga ba o hinde, maaaring mas maaga o mas matagal pa dun. pero masaya nga ang katapusan sa sweldo lalo kung tapat ng friday. lol
May 22, 2010 at 3:15 PM
@choknat: 22 na ngaun... malapit na ang katapusan... yehey... hahaha... sabi nila...
12.21.12 ang exact date...
12.21 pa naman ung ginagamit kong number dati... awts...
May 22, 2010 at 4:34 PM
ARNY : bakit nga ba naalarma ako pag katapusan na?pano naman kasi ung sahod mo di pa nadadaan sa palad mo umiiba na ng daan hahaha
Post a Comment
Bago malasheng ng tuluyan... mag-iwan muna ng kumento...