Heto na naman ako. Lagi na lang ganito. Sinusubukang bumalik. Pero lagi pa ring umaalis. Iniiwang nakabukas ang bahay at naghihintay ng bisitang tatambay. Walang makain kahit kamyas kaya nagkukusa na lang lumayas. At ano naman ang pwede kong isulat ngayon? Naubusan na nga ba ako ng mga kwento. Wala ng bang maisip ang kakapiranggot na karne sa loob ng bungo kong may lamat?
Ganito na lang. Dahil Agosto na ngayon, pag-usapan na lang natin ang tungkol pagmamahal pero pinaghihiwalay ng distansya. Anong koneksiyon ng Agosto? Kung usapang puso at pag-iibigan, Pebrero. Malayo ang Agosto sa Pebrero kaya malayong pag-iibigan. Oo na. Ang layo. Wala nga maisip di ga?
At dahil nga usapang malayo tayo ngayon, uumpisanan ko na. Bago pa malayo ang usapan at kung saan-saan pa mapunta. Maligaw pa. Heto na.
Ang milya ay hindi sukatan para malaman kung gaano kayo kalayo sa isa't isa. Sukatin ninyo ang pagmamahalan para malaman kung gaano kayo kalapit isa't isa. Pero paano nga ba ito susukatin? Hmm... Ruler? Metro? Medida? Kung hindi mo alam ang gagamitin, sige, huwag mo na lang sukatin. Sisihin mo pa ako kapag nabaliw ka.
Ang tunay na pagmamahal, hindi ibig sabihin na hindi na kayo pwedeng paglayuin. Ang tunay na pagmamahal, ay 'yung magkalayo man kayo, wala pa ring nagbabago sa nararamdaman ninyo. Parang ang bawat araw ay unang araw ng pagkakakilala ninyo. Laging sariwa. Kumbaga sa lumpia, 'yung hindi piniprito. 'Yung lumpiang sariwa. Mas maganda kung laging masaya at sariwa ang nararamdaman kahit malayo. Kaysa magkasama nga kayo, pero laging mainit ang ulo. At dahil nga sa init ng ulo at init ng pagtatalo, ang relasyon ninyo naman ay magiging lumpiang prito. Ang masama pa nito, baka masunog pa. Ang pait n'un!
Sabi nila, nababawasan ang pagmamahalan kung magkalayo na nauuwi sa paghahanap ng isa sa kawalan nung isa. Pero ang totoo, nawawalan lang sila ng tiwala. Kung buo ang tiwala at paniniwala mo sa kapareha, walang magbabago sa nararamdaman ninyo. Mas madadagdagan pa ang pagtingin mo sa kanya sa tuwing maaalala mo siya. Dahil ang pinakamahalaga at pinakamagandang bagay sa mundo ay hindi nakikita o nahahawakan. Ito 'yung sa puso mo'y mararamdaman.
Kaya para sa'yo: "Kahit may bukas na hindi kita kasama, may mga bagay na dapat kang maalala. Mas matapang ka kaysa sa iyong paniniwala, mas matatag ka kaysa sa iyong nakikita, mas matalino ka kaysa sa iyong inaakala. Pero sa lahat ng 'yan, ang pinakamahalaga, na kahit magkalayo pa tayong dalawa, nasaan ka man, lagi pa rin kitang kasama, ang kailangan lang, maniwala ka. Wag kang mag-alala, hindi ito tula, hindi ito katha na sa iyo'y magpapahanga." Mula sa akin.
......
Basahin ang kabuuan nito...
The Seven Star Hotels of the World
3 years ago