Nakakagutom. Ang sarap kumain. Pero nakakatamad bumili ng makakain sa labas. Lalo na kung walang makasama. Hindi tulad dati, hahagilap lang ng makakasama sa paglabas. Hirap ding ibalik ang nakasanayan na kapag alam mong wala na. Pilit mong ginagawa pero hindi ka kuntento dahil hindi iyon ang eksakto. At dahil sa sinasabi kong ito, lalo ka na naman naguguluhan. Dahil hindi mo alam kung konektado pa. At siyempre, nakakagutom ang mag-isip kung hindi mo maintindihan ang binabasa mo. Kaya samahan mo na lang ako. Kakain tayo. Pero hindi ka naman makakasama kasi hindi ka pwede. Ako na lang mag-isa, para konting gastos lang.
Ikaw? Kapag nagugutom ka, kumakain ka ba agad o lalo kang nagpapagutom pa? Madalas ka bang malipasan ng gutom o talagang pinapalipas mo lang ang pagkain dahil sa nagtitipid ka? Minsan, sa pagiging abala natin, nakakalimutan nating kumain sa tamang oras. At kapag dumating na ang oras para kumain ka, saka naman mawawalan ka na ng gana. Kahit gaano kasarap 'yung inihahain sa'yo, hindi mo na magawang isubo. Pakiramdam mo busog ka na kahit wala pang laman ang tiyan mo.
Marami din namang iba diyan, talagang pinipili ang malipasan ng gutom para makatipid. At mas marami naman ang ayaw talaga kumain para magpapayat. Kahit takam na takam na sa pagkain, hinding-hindi mo siya mapapakain. At kung mapakain mo naman siya ng konti, gusto pa sundutin ang lalamunan ng daliri para mailuwa ang kakapiranggot na kinain.
Ang resulta? Masakit sa sikmura. Ulser.
Nung isang gabi, nagkakwentuhan kami ng ate kong may pilipit na utak. Oo. Si Ate Arnie. Nabanggit niya na minsan daw, parang nalilipasan din ng gutom ang love. Minsan, nawawalan na ng gana. Napapabayaan. Nanghihina. Nawawala.
Pero kapag nakasanayan na ang ganung sitwasyon, akala mo minsan ayos lang. Sanay ka na eh. Tapos bigla kang tatraydurin nu'ng tinatawag na ulser. Bigla ka na lang masasaktan. Kahit wala ka namang ginagawa. At kapag naramdaman mo na ulit ang uhaw at gutom, susubukan mong lapatan ulit ng laman ang nagugutom mong sikmura. Parang sa pag-ibig (may ganun?) o 'yung tinatawag na love ni Ate Arnie, susubukan mong ibalik 'yung nararamdaman sa puso mo. 'Yung pakiramdam na napabayaan mo kaya ka nasasaktan. Kaya ka nagka-ulser.
Pero kadalasan, kapag ganun ang ginagawa mo, mararamdaman mo pa rin ang sakit. 'Yung isinusubo mo para mapawi ang sakit ng tiyan mo, sakit pa rin ang nararamdaman sa paglapat nito sa sikmura mo. Dahil may lamat o sugat na naiwan doon. At minsan, gusto mo na kainin ang lahat para lang mawala ang sakit. Kahit ramdam mo din na wala ka naman talagang gana.
Gusto mong maghanap ng ibang makakain. 'Yung kakaiba. 'Yung gaganahan ka. Pero ganun pa rin. Masakit pa rin sa sikmura. Malala na. Mas mabuti pa kung gamutin mo muna ang sugat na naiwan. At kapag magaling na, pwede mo ng kainin ang gusto mo na hindi ka masasaktan.
Pagkain at sikmura lang talaga ang gusto ko ikwento. Si Ate Arnie lang ang nagpasok ng love dito. Hahaha.
Sabi din nila, nakaka-ulser talaga ang love. Lalo na kapag may deyt kayo. At pinaghihintay ka niya ng matagal. Hindi ka makakain agad habang wala pa siya.
Tara na. Itadakemasu! ......
Basahin ang kabuuan nito...