BRB muna sa mga pakwela at mga jokes, ibahagi ko lang ang nangyari sa'kin habang natutulog ako.
Ano ba ang panaginip? At ano ang epekto nito sa atin? Bakit tayo nagkakaroon ng panaginip at tayo din lang ba ang gumagawa nito? May ibig sabihin ba ito o dala lang ng emosyong hindi natin nailabas, kaya sa panaginip na lang lumalantad?
Sa bahay, kumpleto lahat ng kasapi sa pamilya. Ama, ina at mga kapatid. Ayos naman ang naging takbo ng usapan at mga ginagawa ng bawat isa, nang nagpaalam ang inay ko na may pupuntahan lang. Walang ibang pinupuntahan ang inay ko kundi sa palengke, kaya alam na naming doon na ang tungo niya. Kaya ayos lang, tuloy ang ginagawa.
Dumidilim na. Nasa alas-sais na ng hapon, hindi pa bumabalik ang inay. Tinanong ako nung bunso kung nasaan daw nagpunta ang aming ina. Hindi ako sumagot. Inasikaso ko muna ang mga kapatid ko para sa kakainin nila. Nang makakain na silang lahat, wala pa ding bumabalik na ina sa bahay namin.
Pinatulog ko na ang mga kapatid kong nakakabata sa akin. At nang nakahiga na silang lahat, nagpasya akong lumabas. Inalam ko muna kung saan ang posibleng puntahan ng inay ko. Bawat tindahan na madalas niyang puntahan at bilhan ay inisa-isa ko. Wala akong nakita kahit anino man lang niya.
Pauwi na ako. Medyo pagod na at iniisip ko na lang na pag-uwi ko, makikita ko siya du'n sa bahay. Nang bigla ko siyang makasalubong, nakaputing damit, nakangiti siya sa akin at medyo nakakasilaw ang liwanag kaya hindi mo siya makikilala kung hindi mo lalapitan. Kinausap ko siya at sinabi kong sabay na kaming umuwi sa bahay.
Hindi siya sumama sa akin. Sinabi lang niya na ok na siya kung saan siya naroroon. Huwag ko na daw siya alalahanin at ako na ang bahala sa mga kapatid ko. Siyempre hindi ako pumayag dahil hindi ko siya maintindihan. Hindi ko alam kung bakit niya sinasabi sa akin 'yun.
Nang bigla na lang akong nagising mula sa aking kinahihigaan. Medyo pawisan. Narinig kong nagtatawanan ang mga kapatid ko kasama ng tatay ko. Naunawaan kong panaginip lang pala lahat ng nasaksihan ko. Iniisip kong kasama nila ang inay sa sala.
Lumabas ako ng kuwarto. Hinahanap ko ang inay ko. Hindi ko makita. Medyo nanghina ang mga tuhod ko at medyo nalilito din ako. Nasaan ang inay?...
Bumalik ako ng kuwarto. Umupo sa gilid ng kama. Nag-isip. Ilang minuto, nasabi ko na lang sa sarili ko. "Ano'ng nangyayari sa akin? Mahigit tatlong taon ng wala ang inay ko."
Tumayo ako. Iniisip ko na lang, na kahit wala na siya, patuloy pa rin niya kaming binabantayan at ginagabayan. Patuloy pa rin niya kaming dinadalaw, kahit sa PANAGINIP na lang.
The Seven Star Hotels of the World
3 years ago
Comments
0 comments to "Panaginip"
Post a Comment
Bago malasheng ng tuluyan... mag-iwan muna ng kumento...