Nakilala ko siya noon dahil sa skullcandy. Trip ko 'yun pero hindi niya binigay sa'kin. (Joke lang) Nagsimula kaming mag-usap. Nasasabi ko sa kanya 'yung mga hindi ko masabi sa iba. Sinasabi ko sa kanya kung kailan ako masaya. Sinasabi ko kung kailan ako malungkot. Pero kahit hindi ko sabihin, minsan alam na niya. Nagmana siya kay Madam Auring.
Nakilala niya ako habang isa akong astronot. Nasubaybayan niya ako sa pagiging astronomer. At dahil sa kanya, nakabalik ako sa pagiging astronot. Dahil siya ang nagturo sa akin ng tamang bituin na magpapaningning ng aking naging madilim na pagtingin. Bituin na ngayon ay nasa akin. At dahil makasarili ako, akin lang 'yun. Kahit papaano naman, kahit hindi siya magkwento sa akin, may konting nalalaman din naman ako sa kanya bilang astronot at astronomer. Ang alam ko lang, pareho kaming may bituin. Nagmana kami kay Neil Armstrong.
Ang madalas naming pagkwentuhan ay ang ugali ng mga taong pinanganak sa ilalim ng sodyak na Libra. Marami kaming pinagkakasunduan. Maraming pinagkakaindintihan. Maraming bagay na kami lang ang nagkakaunawaan at sinasang-ayunan. Mga ugaling pagkakapareho kaya taas-noong ipinagmamalaki ang pagiging Libra. Nagmana siya kay Madam Rocha.
Mahilig siya sa potogtrapiya. Siya ang isa sa patunay na wala sa klase ng kamera ang ganda ng kinukuha. Madami siyang sabdyek na mapapahanga ka. Pangpropesyunal na kalidad. Mahilig siyang sumali sa mga paligsahan ng mga kuhang larawan. Pinipilit niya kaming iboto siya. Napipilitan naman kaming bumoto. 'Yun ang akala niya. Tagahanga niya kami kaya tagasuporta na din. Nagmana siya kay Philip Hyde. Hindi niyo 'yun kilala.
Minsan ko na din siyang nakasagupa. Nakipagtalo. Nakipagtalastasan at nakipagbalagtasan. Nakipagdebate sa kung ano at alin. Kahit gustong sang-ayunan ang parehong nalalaman, pilit pa ring lumalaban. At dahil doon, nalaman kong dalubhasa siya sa pagiging makata. Hindi lang halata. Pwedeng panglaban sa Fliptop (di-balahuraan bersyon). Nagmana siya kay... hindi kay Francisco "Balagtas" Baltazar. Kay Loonie at Dello.
Alam kong marami na ang may alam nito pero isama ko na din siyempre. Kung makikita mo o mababasa mga sinasabi nya sa pablik, katulad na lang ng sa plok, magugulantang ka. Maharot. Hindi makakausap ng matino. Magulo ang mundo. Magulo ang utak. Tawa ng tawa. Magaling mambalahura ng kasama. Minsan kahit hindi kilala. Pero subukan mong kausapin ng seryoso. Ng pribado. Tiyak makikinig siya. Magsasalita ng hindi mo inaasahan. Bawat linya ay may nilalaman. May kabuluhan. At may matututunan. Tumatatak sa isipan. Makikilala mo ang pinakaseryosong siya. Ate ko yan. Sarili niya yan. Bihira ang ganyan. Walang pinagmanahan.
Nag-iisa ka. Hindi pwedeng may katulad ka. Maraming pwedeng pirata pero hindi ka makokopya. Kahit bigyan kami ng isangdaang potokapi mo, mas kuntento na kami sa pagiging isa mo.Hindi ko din kayang isipin kung madami ka talaga. Masakit sa ulo, magugunaw ang mundo.
Marami pa akong gustong sabihin pero hindi na kailangan. Dahil siguradong marami na ang nakakaalam. At kailangang dahan-dahan at marahan sa bawat sabihin dahil alam ko na ang isasagot mo sa'kin. Ang walang kamatayang....
"TSEEEEE!!!! BUSEEEEETTT!!!!"
Maligayang Kaarawan! Ate Arny! ......
Basahin ang kabuuan nito...