Aug 17, 2009

Kagebunshin no Jutsu?

5 na lasing
Maraming nagkalat na mga mukhang aswang at maligno sa panahong ito. Pero sa panahong ito ba, may naniniwala pa sa mga multo, aswang, maligno, engkanto at mga taong naeengkanto? Nakaranas ka na ba ng mga hindi makakalimutang pangyayari na may kinalaman sa mga nabanggit ko? O baka naman isa ka sa mga nabanggit ko?



Ika-16 ng Agosto. Ang araw kung kailan nawala ang aming ina. Ika-16 ng Agosto. Ika-apat na taon upang gunitain ang araw na 'yon. Pumunta kami sa lugar kung saan siya ipinanganak. Matagal na panahon na din ang nakalipas nang huli akong nakapunta sa lugar na 'yon. Tapos, may kakaiba pa akong masasaksihan. Pero walang kuneksyon 'yun sa ikukwento ko ngayon.

Mag-isa akong pumunta sa lugar na iyon dahil nauna na ang buong pamilya ko. Tanghali na kasi masyado ako kung magising. At alam naman nila 'yun. May konting salu-salo lang ang ginanap at nagsiuwian na din naman kinahapunan. Magkakasama ulit ang buong pamilya ko papauwi, pero mas pinili ko na naman ang mag-isa. At sa kadahilanan na din na hindi naman kami magkakasya sa sasakyan. Naghintay lang ako ng labinlimang minuto pagkaalis nila at ako naman ay nag-abang na ng pwede kong masakyan.

Wala pang limang minuto nang makarating ako sa tabi ng kalye upang maghintay ng daraang dyip. Wala pang limang minuto nang may dumaang isang lalaki, nasa edad 20-25 ang edad ayon sa tantiya ko. Naka-motorsiklo. Tumingin sa akin habang nagmamaneho. Tinitigan ko din. May peklat o balat sa mukha. Hindi ako sigurado. Lumampas siya sa kinatatayuan ko. Parang walang nangyari.

Wala pang limang minuto, wala pang ibang dumaraang sasakyan. Wala pang limang minuto, dumaan na naman ang naka-motorsiklong lalaki. Sa pangalawang pagkakataon na iyon, muli siyang tumitig sa akin. Pero titig na may halong pagkagulat/pagkamangha/pagtataka. Ganun din ang naramdaman ko. Dahil ang ikalawang pangyayari na iyon, ay katulad lang ng naunang pangyayari. Nanggaling siya sa iisang direksiyon. Papunta sa iisang direksiyon.

Kahit hindi ako madalas sa lugar na iyon, alam ko naman na imposibleng makabalik siya sa pinanggalingan niya kung hindi siya babalik sa mismong dinaanan niya. At kung meron man, imposibleng makabalik siya sa ganoong kabilis na oras kahit pa sabihing nakamotor siya.

May halong pagkagulat pa rin ang lalaking nakamotor kahit nalampasan na niya ako. Nililingon pa rin niya ako at ako naman ay nakatingin din sa kanya. Inakala kong hihinto siya para kausapin ako. Gusto ko din naman siyang kausapin at tanungin kung naliligaw ba siya o napapaglaruan ng kung ano. Una kong naisip 'yung laging sinasabi ng matatanda, na kapag naligaw ka daw ng ganun, 'yung parang hindi ka makaalis sa iisang lugar, baligtarin lang daw ang damit. Pero hindi ko nasabi 'yun sa kanya, dahil siguro, dala ng takot sa nasaksihan, mas lalo niyang binilisan ang pagpapatakbo ng kanyang minamaneho.

Wala pang isang oras ang biyahe mula doon papunta sa uuwian ko. Habang nasa biyahe, hindi pa rin mawala sa isip ko kung ano 'yung nakita kong iyon. Naisip ko 'yung tinatawag na "doppelganger." Ang pagkakaalam ko sa "doppelganger" ay makikita mo ang isang tao sa magkahiwalay na sitwasyon pero sa parehong oras at araw.

Pagkauwing pagkauwi ko, naghanap ako sa internet kung ano nga ba ang "doppel" na iyon. Sa mga nabasa ko, parang hindi naman ganun 'yung nasaksihan ko. Ang "doppelganger" daw ay "evil twin." Pero kung matatandaan ko ang reaksiyon nung lalaki, gulat na gulat talaga siya dahil pakiramdam niya, kakadaan lang niya sa lugar na iyon. At siguro, medyo nadagdagan pa ang takot niya, kasi iba 'yung tingin ko. Medyo "evil". Nyahahaha. At naka purong itim ang suot ko noon.

Naisip ko na lang, na posibleng pinaglaruan siya ng mga engkanto o maligno. 'Yun ay kung meron pang mga ganung klaseng nilalang at gawain ngayon sa mga panahong ito. At kahit sa mga nakalipas na panahon. Marami pa rin ang hindi kumbinsido kung meron ngang ganoon.

Kung iisipin kong maligno o engkanto ang may gawa noon, mas gugustuhin ko pang isiping isa siyang "NINJA." Gumamit lang siguro siya ng "Kagebunshin no jutsu."
......

Basahin ang kabuuan nito...

 

Copyright 2008 All Rights Reserved Revolution Two Church theme by Brian Gardner Converted into Blogger Template by Bloganol dot com Customized by Vhonne DeVille